2011
Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?
Mayo 2011


Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?

Nawa ang inyong mga pagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay magtagumpay upang ang Kanyang larawan ay makita sa inyong mukha at ang Kanyang mga katangian ay makita sa inyong kilos o pag-uugali.

Elder Lynn G. Robbins

Ang “maging o hindi maging” ay totoong napakagandang tanong.1 Itinanong ito ng Tagapagligtas sa mas malalim na paraan, kaya’t naging mahalagang tanong ito ng doktrina para sa atin: “Maginganong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko3 Nephi 27:27; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang unang panauhang pangkasalukuyan ng pandiwang maging ay Ako. Inaanyayahan Niya tayong taglayin ang Kanyang pangalan at Kanyang katangian.

Upang maging katulad Niya kailangan din nating gawin ang mga bagay na Kanyang ginawa: “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ang aking ebanghelyo; at alam ninyo ang mga bagay na kinakailangan ninyong gawin sa aking simbahan; sapagkat ang mga gawang nakita ninyong ginawa ko ay siya rin ninyong gagawin” (3 Nephi 27:21; idinagdag ang diin).

Ang magingat gawin ay hindi mapaghihiwalay. Bilang magkaugnay na mga doktrina pinalalakas at itinataguyod nila ang isa’t isa. Halimbawa, pananampalataya ang humihikayat sa tao na manalangin, at panalangin naman ang nagpapalakas sa pananampalataya ng isang tao.

Madalas tuligsain ng Tagapagligtas ang mga taong gumawa nang hindi naging—at tinawag silang mapagpaimbabaw: “Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi, datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa akin” (Marcos 7:6)). Ang paggawa nang hindi naging ay pagpapaimbabaw, o pagkukunwari ng isang tao—isang nagpapanggap.

Sa kabaligtaran, ang magingnang walang paggawa ay walang bisa, gaya ng “pananampalataya na walang mga gawa, ay patay, sa kaniyang sarili” (Santiago 2:17; idinagdag ang diin). Maging nang walang paggawa ay talagang hindi pagiging—pandaraya ito sa sarili, paniniwalang mabuti ang sarili dahil lamang sa ang intensiyon ng isang tao ay mabuti.

Ang gawa nang walang maging—na pagpapaimbabaw— ay nagpapakita ng maling imahe sa iba, samantalang ang maging nang walang gawa ay nagpapakita ng maling imahe sa sarili mismo.

Pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga eskriba at Fariseo sa kanilang pagpapaimbabaw: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka’t nangagbibigay kayo ng sa ikapu”—isang bagay na kanilang ginawa—“ng yerbabuena at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, … katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya” (Mateo 23:23). Sa madaling salita, nabigo silang maging tulad ng dapat sana silang naging.

Bagama’t kinilala Niya na mahalaga ang gumawa, sinabi ng Tagapagligtas na ang maging ay “lalong mahalagang bagay.” Ang higit na kahalagahan ng pagiging ay inilalarawan sa kasunod na mga halimbawa:

  • Ang paglusong sa tubig ng binyag ay isang bagay na ginagawa natin. Ang maging na dapat mauna rito ay ang pananampalataya kay Jesucristo at malaking pagbabago ng puso.

  • Ang pakikibahagi ng sakrament ay isang bagay na ating ginagawa. Ang pagiging karapat-dapat na makibahagi ng sakrament ay mas matimbang at higit na mahalaga.

  • Ang ordenasyon sa priesthood ay pagkilos, o gawa. Ang mas matimbang, gayon man, ay ang kapangyarihan ng priesthood na nakabatay sa “mga alituntunin ng kabutihan” D at T 121:36), o maging.

Marami sa atin ang gumagawa ng listahan ng mga gagawin para ipaalala sa atin ang mga bagay na gusto nating matapos. Ngunit bihira sa mga tao ang may listahan ng gustong maging. Bakit? Ang mga gagawin ay mga aktibidad o kaganapan at maaaring burahin sa listahan kapag nagawa na. Ang maging, gayunman, ay hindi natatapos. Hindi kayo makatatanggap ng checkmark sa mga maging. Maaari kong ilabas ang asawa ko sa isang gabi ng Biyernes, na isang bagay na gagawin. Ngunit ang pagiging mabuting asawa ay hindi isang pangyayari; kailangan itong magingbahagi ng pagkatao ko—ng ugali ko o kung sino ako.

O bilang magulang, kailan ko malalagyan ng tsek ang anak ko sa listahan at sabihing nagawa na? Hindi tayo kailanman natatapos sa pagiging mabubuting magulang. At para maging mabubuting magulang, ang isa sa pinakamahalagang maituturo natin sa ating mga anak ay kung paano mas magingtulad ng Tagapagligtas.

Ang mga bagay para maging tulad ni Cristo ay hindi nakikita, ngunit ito ang puwersang nagtutulak sa atin na maging tulad Niya na maaaring makita. Kapag tinutulungan ng isang magulang ang anak na lumakad, halimbawa, nakikita natin ang magulang na ginagawa ang mga bagay tulad ng pag-alalay at pagpuri sa kanilang anak. Ipinakikita ng mga ginagawang ito ang hindi nakikitang pagmamahal sa kanilang puso, at ang hindi nakikitang pananampalataya at pag-asa sa potensiyal ng kanilang anak. Araw-araw silang patuloy na nagsisikap—katibayan ng hindi nakikitang pagiging matiyaga at masikap.

Dahil nahihikayat ng maging ang paggawa at siyang naging sanhi ng paggawa, ang pagtuturo ng maging ay mas makapagpapabuti ng pag-uugali kaysa magpokus sa epekto ng paggawa sa pag-uugali.

Kapag magugulo ang mga bata, halimbawa kapag nag-aaway-away sila, madalas tayong magkamali sa pagdisiplina sa ginawa, o sa pag-aaway na nakita natin. Ngunit ang paggawa—na kanilang pag-uugali—ay palatandaan lamang ng hindi nakikitang hangarin na nasa kanilang puso. Maaari nating itanong sa ating sarili, “Anong mga katangian, kung mauunawaan ng bata, ang magwawasto sa pag-uugaling ito sa hinaharap? Pagiging mapagpasensya at mapagpatawad kapag naiinis? Pagiging mapagmahal at tagapamayapa? Pag-ako ng responsibilidad sa ginawa ng tao at hindi pagsisi sa iba?”

Paano itinuturo ng mga magulang ang mga katangiang ito sa kanilang mga anak? Hindi tayo magkakaroon kailanman ng mas magandang pagkakataon na ituro at ipakita ang mga katangian ni Cristo sa ating mga anak kundi sa paraan ng pagdisiplina natin sa kanila. Ang disiplina ay nagmula rin sa salitang-ugat ng disipulo at nagpapahiwatig ng tiyaga at pagtuturo natin. Hindi ito dapat gawin nang pagalit. Maaari at dapat tayong magdisiplina sa paraan na itinuturo sa atin sa Doktrina at mga Tipan 121: sa pamamagitan ng “paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig; sa … kabaitan at dalisay na kaalaman” (mga talata 41–42). Lahat ng ito’y pagigingtulad ni Cristo na dapat maging bahagi ng kung sino tayo, bilang mga magulang at disipulo ni Cristo.

Sa pamamagitan ng disiplina natututuhan ng bata ang ibubunga nito. Sa ganitong mga sandali makabubuting gawing positibo ang negatibo. Kung ipinagtapat ng bata ang isang pagkakamali, purihin ang pagkakaroon niya ng lakas ng loob na magtapat. Itanong sa bata kung ano ang natutuhan niya sa kamalian, na nagbigay sa inyo, at higit sa lahat, sa Espiritu ng pagkakataong antigin at turuan ang bata. Kapag tinuturuan natin sila ng doktrina sa pamamagitan ng Espiritu, may kapangyarihan ang doktrinang iyon na baguhin ang kanilang pagkatao—maging—sa paglipas ng panahon.

Natuklasan ni Alma ang prinsipyo ring ito, na “ang pangangaral ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada Alma 31:5; idinagdag ang pagbibigay-diin). Bakit? Dahil ang espada ay nakatuon lamang sa pagpaparusa sa ugali—o paggawa— samantalang ang pangangaral ng salita ay nagpapabago sa likas na ugali ng tao—sa kung sino sila noon o ano sila magiging.

Ang malambing at masunuring bata ay magtuturo ng simpleng kurso lamang sa pagiging magulang o Parenting 101. Kung nabiyayaan kayo ng anak na susubok sa inyong pasensya nang sukdulan para kayong kumuha ng graduate course sa pagiging magulang o Parenting 505. Sa halip na isipin kung ano ang maaaring maling nagawa ninyo sa buhay bago kayo isinilang para danasin ito, isipin na ang ganitong anak ay pagpapala at oportunidad upang kayo’y maging higit na katulad ng Diyos. Sa aling anak malamang na masubukan, mapaunlad, at mapadalisay ang inyong pagtitiyaga, pagtitiis, at iba pang katangiang tulad ng kay Cristo? Hindi kaya posibleng kailangan ninyo ang anak na ito gaya ng kailangan niya kayo?

Narinig nating lahat ang payo na isumpa ang kasalanan ngunit hindi ang nagkasala. Gayundin na kapag gumawa ng masama ang ating mga anak kailangang mag-ingat tayo na huwag magsabi ng bagay para maniwala sila na ang ginawa nilang mali ay siyang pagkatao nila. “Huwag hayaan ang kabiguan o pagkakamali na maging tatak na gaya ng “mangmang,” “mabagal,” “tamad,” o “lampa.”2 Ang ating mga anak ay mga anak ng Diyos. Iyan ang kanilang tunay na pagkatao at potensiyal. Ang Kanya mismong plano ay tulungan ang Kanyang mga anak na daigin ang mga pagkakamali at sumulong upang maging katulad Niya. Ang hindi kasiya-siyang pag-uugali, kung gayon, ay dapat ituring na pansamantala lamang—hindi permanente, isang bagay na nagawa at hindi identidad o pagkatao.

Kailangan nating maging maingat, kung gayon, na gumamit palagi ng mga salitang “Lagi kang ganyan …” o “Kahit kailan hindi ka …” kapag nagdidisiplina. Ingatang sabihin ang mga salitang tulad ng “Wala kang pakialam sa nararamdaman namin” o “Bakit lagi mo na lang kaming pinaghihintay?” Ang mga ganitong salita ay nagiging parang pagkatao na niya at makaaapekto nang masama sa pagtingin at pagpapahalaga ng bata sa sarili.

Ang kalituhan din sa pagkatao ay maaaring mangyari kapag tinanong natin ang isang bata kung ano ang nais nilang magingkapag malaki na sila, na para bang ang ginagawa ng tao sa paghahanap-buhay ay nagpapakita ng kanyang pagkatao. Ang propesyon o ari-arian ay hindi dapat pagbatayan ng identidad o halaga ng isang tao. Ang Tagapagligtas ay isang abang karpintero, ngunit hindi iyon ang batayan ng Kanyang buhay.

Sa pagtulong sa mga bata na tuklasin kung sino sila at lalong pahalagahan ang kanilang sarili, dapat nating purihin ang nagawa o asal nila—ang nagawa. Ngunit mas matalinong ituon ang ating mahalagang papuri sa kanilang pag-uugali at paniniwala—kung sino sila.

Sa isang palaro, ang matalinong paraan ng pagpuri sa naitanghal ng ating mga anak—nagawa—ay sa pamamagitan ng pananaw na maging—gaya ng kanilang lakas, pagsisikap, pagharap sa kagipitan, atbp.—sa gayon ay napupuri kapwa ang naging at nagawa.

Kapag hinilingan natin ang mga bata na gawin ang gawaing-bahay, maaari din tayong maghanap ng paraan para purihin sila sa pagiging, gaya ng, “Maligaya ako kapag ginagawa mo ito nang bukal sa puso mo.”

Kapag nakatanggap ang mga anak ng report card mula sa paaralan, maaari nating purihin ang maganda nilang marka o grado, ngunit mas kapaki-pakinabang na purihin ang kanilang pagtitiyaga: “Ipinasa mo ang lahat ng asaynment. Alam mo kung paano harapin at tapusin ang mahihirap na bagay. Ipinagmamalaki kita.”

Sa oras ng pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya, hanapin at talakayin ang mga halimbawa ng katangiang natuklasan sa inyong pagbabasa sa araw na iyon. Dahil ang mga katangiang tulad ng kay Cristo ay mga kaloob mula sa Diyos at hindi ito mapauunlad kung wala ang Kanyang tulong,3 sa mga pampamilya at personal na panalangin, ipagdasal ang mga kaloob na iyon.

Sa hapag-kainan, pag-usapan paminsan-minsan ang mga katangian, lalo na ang natuklasan ninyo sa mga banal na kasulatan sa umagang iyon. “Sa paanong paraan kayo naging mabuting kaibigan ngayon? Sa anong paraan kayo nagpakita ng awa? Paano kayo natulungan ng pananampalataya na malampasan ang mga hamon ngayon? Sa paanong paraan kayo naasahan? tapat? bukas-palad? mapagpakumbaba?” May ilang mga katangian sa mga banal na kasulatan na kailangang ituro at matutuhan.

Ang pinakamahalagang paraan sa pagtuturo na maging ay maging uri ng mga magulang na nais ng ating Ama sa Langit para sa ating mga anak. Siya ang perpektong magulang, at ibinahagi Niya sa atin ang Kanyang manwal sa pagiging magulang—ang mga banal na kasulatan.

Ang mensahe ko ngayon ay patungkol sa mga magulang, ngunit ang mga alituntunin ay angkop sa lahat. Nawa ang inyong mga pagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo ay magtagumpay, upang ang Kanyang larawan ay makita sa inyong mukha at ang Kanyang mga katangian ay makita sa inyong pag-uugali. At, kapag nadama ng inyong mga anak o ng iba ang inyong pagmamahal at nakita ang inyong pag-uugali, ipaaalala nito sa kanila ang Tagapagligtas ang siyang dalangin ko at patotoo sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. William Shakespeare, Hamlet, Prince of Denmark, yugto 3, tagpo 1, linya 56.

  2. Carol Dweck, sinipi sa Joe Kita, “Bounce Back Chronicles,” Reader’s Digest, Mayo 2009, 95.

  3. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero(2004), 131.