2011
Hangarin
Mayo 2011


Hangarin

Upang makamtan ang ating walang-hanggang tadhana, nanaisin at pagsisikapan nating taglayin ang mga katangiang kailangan upang maging walang-hanggang nilalang.

Elder Dallin H. Oaks

Pinili kong magsalita tungkol sa kahalagahan ng hangarin. Umaasa ako na susuriin ng bawat isa sa atin ang nilalaman ng ating puso upang malaman ang tunay nating hangarin at kung paano natin ipina-prayoridad ang ating pinakamahahalagang hangarin.

Mga hangarin ang nagdidikta ng ating mga prayoridad, mga prayoridad ang humuhubog sa ating mga pasiya, at mga pasiya ang batayan ng ating mga kilos. Ang mga hangarin na sinisikap nating kamtin ang batayan ng ating pagbabago, ating tagumpay, at ating kahihinatnan.

Una, babanggitin ko ang ilang karaniwang hangarin. Bilang mga mortal na nilalang mayroon tayong ilang pangunahing pisikal na pangangailangan. Ang mga hangaring bigyang-kasiyahan ang mga pangangailangang ito ang nag-uudyok sa ating mga pasiya o pagpili at nagiging batayan ng ating mga kilos. Ilalarawan ng tatlong halimbawa kung paano natin isinasantabi kung minsan ang mga hangaring ito para sa iba pang mga hangarin na itinuturing nating mas mahalaga.

Una, pagkain. May pangunahing pangangailangan tayong kumain, ngunit may pagkakataong ang hangaring iyan ay maaaring isantabi para sa mas matinding hangarin na mag-ayuno.

Ikalawa, tirahan. Noong ako ay 12 taong gulang pinaglabanan ko ang kagustuhan kong matulog sa bahay dahil mas matindi ang hangarin kong gawin ang isang kinakailangan sa Boy Scout na matulog nang isang gabi sa kakahuyan. Isa ako sa ilang batang lalaking hindi natulog sa mga tolda at nakahanap ng paraan para makapagtayo ng kanlungan at gumawa ng tulugan mula sa mga bagay na nakita namin.

Ikatlo, pagtulog. Kahit ang pangunahing hangaring ito ay pansamantalang maisasantabi para sa mas mahalagang hangarin. Noong sundalo pa ako sa Utah National Guard, natutuhan ko ang isang halimbawa nito mula sa isang beteranong opisyal sa digmaan.

Sa mga unang buwan ng Digmaan sa Korea, isang artillery tactical unit ng Richfield Utah National Guard ang tinawag sa aktibong serbisyo. Ang tactical unit na ito, na pinamunuan ni Captain Ray Cox, ay binuo ng mga 40 kalalakihang Mormon. Matapos ang karagdagang training at sundalo mula sa ibang lugar, ipinadala sila sa Korea, kung saan nila naranasan ang ilan sa pinakamatitinding labanan sa digmaang iyon. Sa isang labanan kinailangan nilang paurungin ang tuwirang pagsalakay ng daan-daang infantry ng kaaway, ang uri ng pagsalakay na nakapinsala at nakawasak sa iba pang mga artillery tactical unit.

Ano ang kaugnayan nito sa pagdaig sa hangaring matulog? Isang kritikal na gabi, nang dumagsa ang infantry ng kaaway sa harap at likod ng kinaroroonan ng artillery, ipinakabit ng kapitan ang kawad ng telepono sa kanyang tolda at iniutos sa marami niyang bantay sa paligid na personal siyang tawagan oras-oras sa buong magdamag. Dahil dito nanatiling gising ang mga bantay, ngunit nangahulugan din ito na maraming beses naabala ang tulog ni Kapitan Cox. “Paano ninyo nagawa iyon?” tanong ko sa kanya. Ang sagot niya ay nagpapakita ng epekto ng matinding hangarin.

“Alam ko na kung makauwi man ako, makikilala ko ang mga magulang ng mga batang iyon sa kalye sa aming munting bayan, at hindi ko gustong makaharap ang sinuman sa kanila kung hindi makauwi ang kanilang anak dahil sa anumang bagay na hindi ko nagawa bilang pinuno nila.”1

Napakagandang halimbawa ng epekto ng mas matinding hangarin na unahin ang mahalaga at nararapat gawin! Napakagandang halimbawa sa ating lahat na may pananagutan sa kapakanan ng iba—mga magulang, mga pinuno ng Simbahan, at mga guro!

Bilang pagtatapos sa paglalarawang iyan, madaling-araw pa kasunod ng gabi na halos wala siyang tulog, pinamunuan ni Kapitan Cox ang kanyang mga tauhan sa pakikipaglaban sa infantry ng kaaway. Nakabihag sila ng 800 sundalo at dalawa lamang ang nasugatan sa kanila. Pinarangalan si Cox sa kanyang katapangan, at ang kanyang tactical unit ang tumanggap ng Presidential Unit Citation sa pambihira nilang kabayanihan. At, gaya ng mga kabataang mandirigma ni Helaman (tingnan sa Alma 57:25–26), nakauwi silang lahat.2

Maraming itinuturo ang Aklat ni Mormon tungkol sa kahalagahan ng hangarin.

Makaraan ang maraming oras ng pagsamo, sinabi ng Panginoon kay Enos na pinatawad na ang kanyang mga kasalanan. Siya ay “nagsimulang makadama ng pagnanais para sa kapakanan ng [kanyang] mga kapatid” (Enos 1:9). Isinulat niya, “At … matapos na ako ay manalangin at nagpagal nang buong pagsusumigasig, ang Panginoon ay nagsabi sa akin: Ipagkakaloob ko sa iyo ang alinsunod sa iyong mga naisin, dahil sa iyong pananampalataya” (talata 12). Pansinin ang tatlong mahalagang bagay na nagdulot ng ipinangakong pagpapala: hangarin o pagnanais, pagsusumigasig, at pananampalataya.

Sa kanyang sermon tungkol sa pananampalataya, itinuro ni Alma na magsisimula ang pananampalataya kapag “wala kayong higit na nais kundi ang maniwala” kung ating “[ha]hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa [atin]” (Alma 32:27).

Ang isa pang magandang turo tungkol sa hangarin, lalo na tungkol sa dapat natin talagang hangarin, ay naranasan ng hari ng mga Lamanita na tinuruan ng misyonerong si Aaron. Nang maantig siya sa turo ni Aaron, nagtanong ang hari, “Ano ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos” at “magkaroon ako nitong buhay na walang hanggan?” (Alma 22:15). Sumagot si Aaron, “Kung ninanais ninyo ang bagay na ito, … kung magsisisi kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan, at yuyukod sa harapan ng Diyos, at mananawagan sa kanyang pangalan nang may pananampalataya, naniniwalang makatatanggap kayo, sa gayon inyong matatanggap ang pag-asang ninanais ninyo” (talata 16).

Ginawa nga ito ng hari, at sa taimtim na panalangin ay sinabing, “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo … at maligtas sa huling araw” (talata 18). Sa pangako at pahayag na iyan ng kanyang sukdulang hangarin, mahimalang sinagot ang kanyang dalangin.

Ang propetang si Alma ay may malaking pagnanais o hangarin na manawagan sa lahat ng tao na magsisi, ngunit naunawaan niya na hindi niya dapat ipilit ang kanyang naisin dahil, sabi nga niya, ang “makatarungang Diyos … [ay] ipinagkakaloob … sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin, maging ito man ay sa kamatayan o sa pagkabuhay” (Alma 29:4). Gayundin, sa makabagong paghahayag sinabi ng Panginoon na Kanyang “hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa, alinsunod sa pagnanais ng kanilang mga puso” (D at T 137:9).

Talaga bang handa tayong ibigay sa atin ng Walang Hanggang Hukom ang malaking kahalagahan ng tunay nating hangarin o naisin?

Maraming talata sa banal na kasulatan ang nag-uugnay ng ating hangarin sa ating hinahanap. “Siya na naghahanap sa akin nang maaga ay matatagpuan ako, at hindi pababayaan” (D at T 88:83). “Hanapin ang mga pinakamahusay na kaloob” (D at T 46:8). “Siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong” (1 Nephi 10:19). “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (D at T 88:63).

Hindi madaling baguhin ang ating mga pagnanais o hangarin upang bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang mga bagay na walang-hanggan. Tayong lahat ay tinutuksong naisin ang apat na makamundong bagay: ang kayamanan, kabantugan, kapalaluan, at kapangyarihan. Maaari nating naisin ang mga ito, ngunit hindi natin dapat gawing pinakamataas na priyoridad ang mga ito.

Ang mga tao na ang pinaka-hangarin ay magtamo ng kayamanan ay nabibitag ng materyalismo. Hindi nila pinakikinggan ang babalang “Huwag kang maghangad ng kayamanan ni ng mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito” (Alma 39:14; tingnan din sa Jacob 2:18).

Dapat tularan ng mga taong naghahangad ng katanyagan o kapangyarihan ang halimbawa ng magiting na si Kapitan Moroni, na ang paglilingkod ay hindi para sa “kapangyarihan” o “papuri ng sanlibutan” (Alma 60:36).

Paano tayo nagkakaroon ng mga pagnanais o hangarin? Iilang tao ang makararanas ng uri ng kagipitang humikayat kay Aron Ralston,3 ngunit ang kanyang karanasan ay kapupulutan ng magandang aral tungkol sa pagkakaroon ng mga naisin o hangarin. Habang nagha-hiking si Ralston sa liblib na lugar sa katimugang Utah, isang malaking batong 800 libra (360 kg) ang timbang ang biglang bumagsak at nadaganan ang kanyang kanang braso. Sa loob ng limang malulungkot na araw sinikap niyang makaalis sa pagkakaipit. Nang susuko na sana siya at tatanggapin nang mamamatay siya, nakinita niya ang isang tatlong-taong-gulang na batang lalaking patakbong lumapit sa kanya at hinila ang kanyang kaliwang braso. Nauunawaang ito ay tila pangitain tungkol sa magiging anak niya at katiyakang mabubuhay pa siya, naglakas-loob si Ralston na gumawa ng marahas na hakbang upang iligtas ang kanyang buhay bago siya maubusan ng lakas. Binali niya ang dalawang buto ng nadaganang kanang braso at ginamit ang kutsilyo para putulin ang brasong iyon. Pagkatapos ay nag-ipon siya ng lakas upang makalakad ng limang milya (8 km) para humingi ng tulong.4 Napakagandang halimbawa ng epekto ng isang matinding pagnanais o hangarin! Kapag nagkaroon tayo ng pangitain ng maaari nating kahihinatnan, nag-iibayo ang ating hangarin at lakas na kumilos.

Karamihan sa atin ay hindi daranas ng gayon katinding kagipitan, ngunit lahat tayo ay nahaharap sa mga potensyal na patibong na makahahadlang sa pagsulong sa ating walang-hanggang tadhana. Kung matindi ang ating mabubuting hangarin, ito ang hihikayat sa ating ihiwalay at palayain ang ating sarili sa mga adiksyon at iba pang mga kasalanan at prayoridad na humahadlang sa ating walang-hanggang pag-unlad.

Alalahanin natin na ang mabubuting hangarin ay hindi maaaring maging paimbabaw, pabigla-bigla, o pansamantala. Dapat ay taos-puso, matibay, at hindi pabagu-bago ang mga ito. Kapag naganyak tayo nang gayon, hahangarin natin ang kalagayang inilarawan ni Propetang Joseph Smith, kung saan “[na]daig [natin] ang mga kasamaan sa [ating] buhay at [na]wala ang lahat ng hangaring magkasala.”5 Napakapersonal na desisyon iyan. Sabi nga ni Elder Neal A. Maxwell:

“Kapag ang mga tao ay inilarawang ‘wala nang hangaring magkasala,’ sila, at sila lamang, ang nagpasiyang iwaksi ang mga maling hangaring iyon sa pamamagitan ng kahandaang ‘talikuran ang lahat ng [kanilang] kasalanan’ upang makilala ang Diyos.”

“Samakatwid, ang pilit nating ninanais, sa pagdaan ng panahon, ang siyang kahihinatnan natin kalaunan at tatanggapin natin sa kawalang-hanggan.”6

Bagamat mahalagang iwaksi ang lahat ng hangaring magkasala, higit pa riyan ang hinihingi para sa buhay na walang-hanggan. Upang makamtan ang ating walang-hanggang tadhana, nanaisin at pagsisikapan nating taglayin ang mga katangiang kailangan upang maging mga walang-hanggang nilalang. Halimbawa, pinatatawad ng mga walang-hanggang nilalang ang lahat ng nagkasala sa kanila. Inuuna nila ang kapakanan ng iba kaysa sarili nila. At mahal nila ang lahat ng anak ng Diyos. Kung tila napakahirap nito—at tiyak na hindi madali para sa sinuman sa atin—dapat nating simulang naisin ang gayong mga katangian, at manawagan sa ating mapagmahal na Ama sa Langit na baguhin ang ating damdamin. Itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon na dapat tayong “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).

Magtatapos ako sa huling halimbawa ng isang pagnanais o hangarin na dapat maging pinakamahalaga para sa lahat ng kalalakihan at kababaihan—sa mga may-asawa at mga wala pang asawa. Dapat naisin at sikapin ng lahat na makasal para sa walang-hanggan. Ang mga nakasal na sa templo ay dapat gawin ang lahat para mapangalagaan ito. Dapat naisin ng mga wala pang asawa na makasal sa templo at gawing prayoridad na makamtan ito. Dapat labanan ng mga kabataan at young single adult ang itinuturing ng lipunan na tama ngunit talagang maling konsepto na nagbabalewala sa kahalagahan ng kasal at pagkakaroon ng mga anak.7

Mga binata, pag-isipan ninyong mabuti ang hamon sa liham na ito na isinulat ng isang dalaga. Nagsumamo siya para sa “mabubuting anak na babae ng Diyos na taos na naghahanap ng karapat-dapat na katuwang, subalit tila nabubulag at lito ang kalalakihan kung responsibilidad ba nila o hindi na hanapin ang kahanga-hanga at piling mga anak na ito ng ating Ama sa Langit at ligawan sila at maging handang gawin at tuparin ang mga sagradong tipan sa bahay ng Panginoon.” Sa pagtatapos ay sinabi niya, “Maraming binatang LDS dito na mahilig lumabas at magsaya, at makipagdeyt at makipagbarkada, ngunit wala talagang hangaring matali sa iisang babae.”8

Natitiyak ko na gusto ng ilang binatang sabik na naghahanap na idagdag ko na may ilang dalagang inuuna ang kanilang propesyon o iba pang bagay kaysa naising makasal nang karapat-dapat sa templo at magkaroon ng mga anak. Kailangang parehong may mabubuting hangarin ang mga lalaki at babae na aakay sa kanila tungo sa buhay na walang-hanggan.

Alalahanin natin na mga hangarin ang nagdidikta sa ating mga prayoridad, mga prayoridad ang humuhubog sa ating mga pasiya, at mga pasiya natin ang batayan ng ating mga kilos. Bukod pa rito, ang ating mga kilos at hangarin ang siyang humuhubog sa atin, kung tayo ay tunay na kaibigan, mahusay na guro, o karapat-dapat sa buhay na walang-hanggan.

Pinatototohanan ko si Jesucristo, na kung kaninong pagmamahal, mga turo, at Pagbabayad-sala ay ginawang posible ang lahat. Dalangin ko na higit sa lahat ay naisin nating maging katulad Niya upang balang-araw ay makabalik tayo sa Kanyang piling para matanggap ang kaganapan ng Kanyang kagalakan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ray Cox, interbyu ng awtor, Ago. 1, 1985, Mount Pleasant, Utah, na nagpatibay sa sinabi niya sa akin sa Provo, Utah, bandang 1953.

  2. Tingnan sa Richard C. Roberts, Legacy: The History of the Utah National Guard (2003), 307–14; “Self-Propelled Task Force,” National Guardsman, Mayo 1971, pabalat sa likuran; Miracle at Kapyong: The Story of the 213th (pelikulang likha ng Southern Utah University, 2002).

  3. Tingnan sa Aron Ralston, Between a Rock and a Hard Place (2004).

  4. Ralston, Between a Rock and a Hard Place, 248.

  5. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 244.

  6. Neal A. Maxwell, “According to the Desire of [Our] Hearts,” Ensign, Nob. 1996, 22, 21.

  7. Tingnan sa Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 32–37.

  8. Liham, Set. 14, 2006.