2011
Elder J. Devn Cornish
Mayo 2011


Elder J. Devn Cornish

Ng Pitumpu

Elder J. Devn Cornish

Alam ni Elder John Devn Cornish na bawat miyembro at bawat tungkulin sa Simbahan ay mahalaga.

“Mahalagang tandaan kapag iniisip nating tumanggap ng mga tungkulin sa Simbahan na hindi mahalaga kung saan tayo nakaupo sa eroplano—ang mahalaga ay nakasakay tayo sa eroplano,” wika niya. “Walang hanggan ang kahalagahan ng maging bahagi ng gawain. Anuman ang ating katungkulan ay hindi gaanong mahalaga.”

Mula sa tawag sa kanya na maglingkod sa Guatemala–El Salvador Mission hanggang sa pinakahuling tawag sa kanya sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, tumutupad na ng mga tungkulin sa Simbahan si Elder Cornish, kabilang na ang ward Young Men president, elders quorum president, ward executive secretary, high priests group leader, high councilor, bishop, stake president, pangulo ng Dominican Republic Santiago Mission, at Area Seventy.

Isinilang noong Abril 1951 sa Salt Lake City, Utah, USA, kina George at Naomi Cornish, si Elder Cornish ay lumaki sa Utah, Georgia, at Virginia, USA, bago nagbalik sa Utah para magkolehiyo.

Habang naninirahan sa Provo, nakilala niya si Elaine Simmons sa isang aktibidad ng mga young single adult. Ikinasal sila sa Manti Utah Temple noong Agosto 1973.

Habang pinalalaki nilang mag-asawa ang anim na anak, si Elder Cornish ay naglingkod sa United States Air Force Medical Corp, nagtamo ng bachelor’s at medical degrees sa Johns Hopkins University, at itinuloy ang kanyang residency in pediatrics sa Harvard Medical School—Boston Children’s Hospital.

Dahil sa pag-aaral at trabaho sa Idaho, Texas, California, at Georgia, USA, madalas lumipat ng tirahan ang pamilya sa pagdaan ng mga taon, ngunit saanman sila naroon, sinasabi nina Elder at Sister Cornish, gustung-gusto nilang maglingkod sa Simbahan.

“Lumalawak ang gawain sa buong mundo, at malaking pagpapala ang makatulong sa paglilingkod sa mga anak ng Panginoon saanman sila naroon,” sabi ni Elder Cornish.

Ang tungkuling ito sa Pitumpu, “tulad ng lahat ng tungkulin sa Simbahan, ay isa pang pagkakataong maging bahagi ng gawain ng Panginoon,” sabi ni Elder Cornish. “Nagpapasalamat kami sa pribilehiyong iyan.”