2011
Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya
Mayo 2011


Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya

Ang katotohanan, mga tipan, at ordenansa ang nagbibigay-kakayahan sa atin na madaig ang takot at harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya!

Elder Russell M. Nelson

Minamahal kong mga kapatid, salamat sa impluwensya ng inyong pagsang-ayon, hindi lamang sa pagtataas ng inyong kamay kundi maging sa pagsuporta ninyo sa tahanan, sa Simbahan, at sa inyong mga komunidad. Masaya kaming makasama kayo at makitang kasama ninyo ang inyong pamilya at mga kaibigan. Saan man kayo nakatira, minamasdan namin ang inyong mga pagsisikap na pagandahin ang mundo. Sinusuportahan namin kayo! Mahal namin kayo! Habang ipinagdarasal ninyo kami, ipinagdarasal din namin kayo!

Nakikinita namin ang inyong mga pamilyang nakapaligid sa telebisyon o online upang panoorin sa bahay ang mga kaganapan sa pangkalahatang kumperensya. Isang listong ina at ama ang nagpadala sa akin ng kopya ng retratong kuha nila sa conference. Inobserbahan nila ang reaksyon ng 18-buwan nilang anak na lalaki, na nakilala ang hitsura at boses ng nagsasalita. Nagpalipad ng mga halik ang bata sa nagsasalita sa TV. Gusto pa niyang lumapit. Kaya mabilis siyang kinarga ng kanyang ate sa balikat nito at inilapit pa siya. Narito ang retratong iyon.

Oo, ako ang nasa TV, at ang mga batang iyan ay mga apo namin. Ilang taon na lang at ang batang ito ay magiging isang elder na, na-endow sa templo, at handa nang magmisyon. Kalaunan mabubuklod siya sa kanyang walang-hanggang kabiyak na pinili niya. Nakikinita ba ninyo siya bilang asawa at ama balang-araw, na may sariling mga anak? At balang-araw mamamaalam siya sa kanyang mga lolo, na may tiyak na kaalaman na ang kamatayan ay bahagi ng buhay.

Totoo ito. Nabubuhay tayo para mamatay, at mamamatay tayo para mabuhay na muli. Sa walang-hanggang pananaw, ang tanging kamatayang tunay na wala sa panahon ay ang pagkamatay ng isang hindi pa handang humarap sa Diyos.

Bilang mga apostol at propeta, nag-aalala kami hindi lamang para sa aming mga anak at apo kundi sa inyo rin—at sa bawat anak ng Diyos. Kung ano ang naghihintay sa bawat banal na anak ng Diyos sa hinaharap ay mahuhubog sa kamay ng kanyang mga magulang, pamilya, kaibigan at guro. Kaya, ang ating pananampalataya ngayon ay nagiging bahagi ng pananampalataya nila kalaunan.

Bawat tao ay mabubuhay sa pabagu-bagong mundo—isang mundo ng nagpapaligsahang mga ideolohiya. Ang mga puwersa ng kasamaan ay patuloy na makikipaglaban sa puwersa ng kabutihan. Patuloy na sinisikap ni Satanas na impluwensyahan tayong sundin ang kanyang mga paraan at gawin tayong miserable, tulad niya.1 At ang normal na mga problema sa buhay, tulad ng karamdaman, pinsala, at aksidente, ay laging nariyan.

Nabubuhay tayo sa panahon ng kaguluhan. Ang mga lindol at tsunami ay nangwawasak, bumabagsak ang mga gobyerno, lumalala ang mga problema sa ekonomiya, nanganganib ang pamilya, at dumarami ang nagdidiborsyo. Malaki ang dahilan para tayo mag-alala. Ngunit hindi kailangang mapalitan ng takot ang ating pananampalataya. Malalabanan natin ang mga pangambang iyon sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating pananampalataya.

Simulan sa inyong mga anak. Pangunahing responsibilidad ninyong mga magulang na palakasin ang kanilang pananampalataya. Ipadama ninyo sa kanila ang inyong pananampalataya, maging sa matitinding pagsubok na dumarating sa inyong buhay. Ituon ang inyong pananampalataya sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Ituro ang pananampalatayang iyon nang may malalim na paniniwala. Ituro sa bawat batang lalaki o babae na siya ay anak ng Diyos, nilikha sa Kanyang larawan o wangis, na may sagradong layunin at potensyal. Bawat isa ay isinilang na may mga hamon na dadaigin at pananampalatayang palalaguin.2

Ituro ang pananampalataya sa plano ng kaligtasan ng Diyos. Ituro na ang buhay natin sa mundo ay panahon ng pagsubok, panahon na susubukan tayo kung gagawin natin ang anumang iutos ng Panginoon sa atin.3

Ituro ang pananampalatayang sundin ang lahat ng utos ng Diyos, batid na ibinigay ang mga ito upang pagpalain ang Kanyang mga anak at dulutan sila ng kagalakan.4 Balaan sila na may makakaharap silang mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko dito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon.

Sa pagsunod ay patuloy na dadaloy ang mga pagpapala ng Diyos. Bibiyayaan Niya ang Kanyang masunuring mga anak ng kalayaan mula sa pagkaalipin at kalungkutan. At bibiyayaan Niya sila ng mas maraming kaliwanagan. Halimbawa, sinusunod ng isang tao ang Word of Wisdom batid na ang pagsunod na iyon ay hindi lamang magpapalaya sa kanya mula sa adiksyon, kundi magdaragdag rin ng karunungan at yaman ng kaalaman.5

Ituro ang pananampalatayang malaman na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magbibigay ng pisikal at espirituwal na proteksyon. At tandaan, ang mga anghel ng Diyos ay laging nariyan upang tulungan tayo. Sinabi ng Panginoon: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”6 Napakagandang pangako! Kapag tayo ay tapat, Siya at ang Kanyang mga anghel ay tutulungan tayo.

Ang walang-maliw na pananampalataya ay tumitibay sa pagdarasal. Ang inyong taos-pusong mga pagsamo ay mahalaga sa Kanya. Isipin ang matindi at madamdaming mga dalangin ni Propetang Joseph Smith noong kakila-kilabot na mga araw na nakakulong siya sa Liberty Jail. Tumugon ang Diyos at binago ang pananaw ng Propeta. Sabi Niya, “Alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”7

Kung magdarasal tayo taglay ang walang-hanggang pananaw, hindi natin kailangang isipin kung naririnig ba ang ating taos-pusong mga pagsamo. Ang pangakong ito mula sa Panginoon ay nakatala sa bahagi 98 ng Doktrina at mga Tipan:

“Ang inyong mga panalangin ay nakarating sa tainga ng Panginoon … at natatala sa tatak na ito at testamento—ang Panginoon ay sumumpa at nag-utos na ang mga ito ay ipagkakaloob.

“Samakatwid, ibinigay niya ang pangakong ito sa inyo nang may hindi mababagong tipan na ang mga yaon ay matutupad; at lahat ng bagay na kung saan kayo pinahirapan ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, at para sa kaluwalhatian ng aking pangalan, wika ng Panginoon.”8

Pinili ng Panginoon ang matitinding salita upang panatagin tayo! Tatak! Testamento! Sumumpa! Nag-utos! Hindi mababagong tipan! Mga kapatid, maniwala sa Kanya! Pakikinggan ng Diyos ang inyong taimtim at taos-pusong mga dalangin, at titibay ang inyong pananampalataya.

Upang magkaroon ng mapagtiis na pananampalataya, mahalaga ang mapagtiis na katapatan sa pagbabayad ng buong ikapu. Sa simula ay kailangan ng pananampalataya na magbayad ng ikapu. Pagkatapos ay nadaragdagan ang pananampalataya ng taong nagbabayad ng ikapu hanggang sa maging mahalagang pribilehiyo na ang pagbabayad ng ikapu. Ang ikapu ay isang batas ng Diyos noon pa man.9 Nangako Siya sa Kanyang mga anak na bubuksan Niya ang “mga dungawan sa langit, at ihuhulog … ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.”10 Hindi lang iyan, pananatilihin ng ikapu na kabilang ang inyong pangalan sa mga tao ng Diyos at poprotektahan kayo sa “araw ng paghihiganti at pagsusunog.”11

Bakit natin kailangan ang gayon katatag na pananampalataya? Dahil darating ang mga araw ng paghihirap. Bihirang maging madali o popular sa hinaharap ang pagiging matapat na Banal sa mga Huling Araw. Bawat isa sa atin ay susubukan. Nagbabala si Apostol Pablo na sa mga huling araw, ang mga taong masigasig sumunod sa Panginoon “ay mangagbabata ng paguusig.”12 Maaari kayong durugin ng pag-uusig na iyon hanggang sa manghina kayo o ganyakin kayong maging mas mabuting halimbawa at matapang sa araw-araw ninyong buhay.

Kung paano ninyo hinaharap ang mga pagsubok sa buhay ay bahagi ng paglago ng inyong pananampalataya. Lumalakas kayo kapag naaalala ninyo na kayo ay may likas na kabanalan, isang pamanang walang-hanggan ang kahalagahan. Ipinaalala ng Panginoon sa inyo, sa inyong mga anak, at sa inyong mga apo na kayo ay karapat-dapat na mga tagapagmana, na inilaan kayo sa langit para isilang sa tamang panahon at lugar, upang lumago, at maging Kanyang tagadala ng watawat at pinagtipanang mga tao. Sa paglakad ninyo sa landas ng kabutihan ng Panginoon, pagpapalain kayong magpatuloy sa Kanyang kabutihan at magiging liwanag at tagapagligtas sa Kanyang mga tao.13

Mapapasa bawat isa sa inyo, mga kapatid, ang mga pagpapalang natatamo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na Melchizedek Priesthood. Ang mga pagpapalang ito ang magpapabago sa sitwasyon ng inyong buhay, sa mga bagay na tulad ng kalusugan, paggabay ng Espiritu Santo, mga personal na kaugnayan, at mga oportunidad sa hinaharap. Ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood na ito ang may susi sa lahat ng espirituwal na pagpapala ng Simbahan.14 At ang lubhang kamangha-mangha, sinabi ng Panginoon na patuloy Niyang ibibigay ang mga pagpapalang iyon, ayon sa Kanyang kalooban.15

Ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng priesthood ay ipinagkakaloob sa mga banal na templo ng Panginoon. Ang katapatan sa tipang ginawa ay magpapagindapat sa inyo at sa inyong pamilya sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan.16

Ang inyong mga gantimpala ay hindi lamang sa kabilang-buhay. Maraming pagpapala ang mapapasainyo sa buhay na ito, kasama ang inyong mga anak at apo. Kayong matatapat na Banal ay hindi kailangang mag-isang makipaglaban sa buhay. Isipin ninyo iyan! Sinabi ng Panginoon, “Ako’y makikipaglaban sa kaniya na nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang iyong mga anak.”17 Kalaunan ay ipinangako Niya ito sa Kanyang matatapat na tao: “Ako, ang Panginoon, ang lalaban sa kanilang mga digmaan, at ng digmaan ng kanilang mga anak, at anak ng kanilang mga anak, … hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”18

Ibinigay ng ating pinakamamahal na si Pangulong Thomas S. Monson ang kanyang pagsaksi bilang propeta. Sabi niya: “Pinatototohanan ko sa inyo na ang mga pangakong pagpapala sa atin ay hindi kayang sukatin. Kahit magtipon ang mga ulap, kahit bumuhos sa atin ang mga ulan, ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod sa mga kautusan.”

Pagpapatuloy pa ni Pangulong Monson: “Minamahal kong mga kapatid, huwag matakot. Magalak. Ang hinaharap ay kasingliwanag ng inyong pananampalataya.”19

Sa makapangyarihang pahayag ni Pangulong Monson idinaragdag ko ang sa akin. Pinatototohanan ko na ang Diyos ay ating Ama. Si Jesus ang Cristo. Ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik sa lupa. Ang Kanyang katotohanan, mga tipan, at mga ordenansa ang nagbibigay-kakayahan sa atin na madaig ang takot at harapin ang kinabukasan nang may pananampalataya! Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.