2011
Ang mga Babaeng LDS ay Kahanga-hanga!
Mayo 2011


Ang mga Babaeng LDS ay Kahanga-hanga!

Karamihan sa mga naisagawa natin sa Simbahan ay dahil sa di-makasariling paglilingkod ng kababaihan.

Elder Quentin L. Cook

Sumulat ang awtor at mananalaysay na si Wallace Stegner tungkol sa pandarayuhan at pagtitipon ng mga Mormon sa Salt Lake Valley. Hindi niya tinanggap ang ating relihiyon at maraming paraan ay pinintasan pa ito; magkagayunman, humanga siya sa debosyon at kagitingan ng mga naunang miyembro ng ating Simbahan, lalo na ng kababaihan. Sabi niya, “Kahanga-hanga ang kanilang kababaihan.”1 Inuulit ko ang damdaming iyan ngayon. Kahanga-hanga ang ating kababaihang Banal sa mga Huling Araw!

Pinagtaglay ng Diyos ang kababaihan ng lakas, kabanalan, pagmamahal, at kahandaang magsakripisyo para mangalaga sa mga darating na henerasyon ng Kanyang mga espiritung anak.

Iginiit ng isang pag-aaral sa Estados Unidos kamakailan na ang kababaihan sa lahat ng relihiyon ay “mas taimtim na naniniwala sa Diyos” at mas palasimba kaysa kalalakihan. “Sa halos lahat ng bagay mas relihiyosa sila.”2

Hindi ko ipinagtaka ang resultang ito, lalo na habang pinagninilay ko ang walang-kapantay na tungkulin ng pamilya at kababaihan sa ating relihiyon. Malinaw ang ating doktrina: Ang kababaihan ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa kanila. Ang mga babae ay kapantay ng kanilang mga asawa. Kailangan sa mag-asawa ang ganap na pagtutulungan para matugunan ang mga pangangailangan ng pamilya.3

Alam natin na maraming pagsubok ang kababaihan, pati na yaong mga nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo.

Pamana ng Kababaihang Pioneer

Ang namamayaning katangian sa buhay ng ating mga ninunong pioneer ay ang pananampalataya ng kababaihan. Dahil sa likas na kabanalan ng kababaihan, mas dakila ang kaloob at mas malaki ang responsibilidad nila sa tahanan at mga anak at sa pangangalaga roon at sa iba pang lugar. Dahil dito, ang pananampalataya ng kababaihan sa kahandaang iwan ang kanilang tahanan at tawirin ang kapatagan patungo sa kung saan ay nagbibigay-inspirasyon. Kung tutukuyin ninuman ang pinakamahalaga nilang katangian, ito ay ang kanilang matibay na pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.

Ang salaysay ng kagitingan ng isinakripisyo at isinagawa ng kababaihang pioneer na ito sa kanilang pagtawid sa kapatagan ay isang walang-katumbas na pamana sa Simbahan. Naantig ako sa salaysay ni Elizabeth Jackson, na ang asawang si Aaron ay namatay matapos ang huling pagtawid sa Platte River kasama ang Martin Handcart Company. Isinulat niya:

“Hindi ko tatangkaing ilarawan ang aking damdamin nang maiwan akong balo na may tatlong anak, sa gayon kahirap na kalagayan. … Naniniwala ako … na ang aking mga pagdurusa alang-alang sa ebanghelyo ay magpapabanal sa akin para sa aking ikabubuti. …

“[Nagsumamo] ako sa Panginoon, … Siya na nangakong maging katuwang ng mga balo, at ama ng mga ulila. Nagsumamo ako sa Kanya at tinulungan Niya ako.”4

Sinabi ni Elizabeth na isinulat niya ang kasaysayang ito para sa mga taong nagdaan din sa gayong sitwasyon sa pag-asang magiging handa ang mga inapo na isakripisyo ang lahat para sa kaharian ng Diyos.5

Ang Kababaihan sa Simbahan Ngayon ay Matatag at Matapang

Naniniwala ako na ang kababaihan ng Simbahan ngayon ay tumutugon sa hamong iyan at lubos silang matatag at tapat. Pinasasalamatan ng mga lider ng priesthood ng Simbahang ito sa lahat ng antas ang paglilingkod, sakripisyo, at kontribusyon ng kababaihan.

Karamihan sa naisagawa natin sa Simbahan ay dahil sa di-makasariling paglilingkod ng kababaihan. Sa Simbahan man o sa tahanan, napakagandang tingnan ang mga priesthood at Relief Society na lubos na nagkakasundo sa gawain. Ang gayong pakikitungo sa isa’t isa ay parang isang orkestrang naitono nang husto, at ang resultang tugtugin ay nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat.

Nang papuntahin ako kamakailan sa isang kumperensya sa Mission Viejo California Stake, naantig ako sa isang kuwento tungkol sa sayawan ng mga kabataan sa apat na stake noong Bisperas ng Bagong Taon. Pagkatapos ng sayawan, may natagpuang bag na walang palatandaan kung sino ang may-ari. Ikukuwento ko sa inyo ang bahagi ng itinala ni Sister Monica Sedgwick, ang Young Women president sa Laguna Niguel stake: “Ayaw naming maghalungkat; personal na gamit kasi iyon ng iba! Kaya maingat naming binuksan ito at kinuha lang ang unang bagay na nasa ibabaw—baka matukoy nito ang may-ari. Natukoy nga nito, pero sa ibang paraan—iyon ay isang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Uy! May nalaman kami rito tungkol sa kanya. Pagkatapos dinukot namin ang kasunod nito, isang munting kuwaderno. Tiyak na malalaman na namin kung sino siya, pero hindi sa paraang inaasahan namin. Ang unang pahina ay listahan ng mga paboritong banal na kasulatan. May lima pang pahina ng mga banal na kasulatan na maingat na isinulat at mga personal na tala.”

Gustung-gusto nang makilala ng kababaihan ang matapat na dalagitang ito. Binalingan nilang muli ang bag para makilala ang may-ari. May nakuha silang ilang breath mint, sabon, lotion at suklay. Natuwa ako sa sinabi nila: “Uy, maganda ang lumalabas sa bibig niya; malinis at malambot ang mga kamay niya; at maalaga siya sa sarili.”

Sabik nilang tiningnan ang susunod na makukuha. May nakuha silang maliit na pitakang yari sa karton ng juice, at may kaunting pera sa bulsang nakasiper. Bulalas nila, “Aha, malikhain siya at handa!” Para silang mga batang musmos sa Pasko ng umaga. Lalo silang nagulat sa sumunod na nakuha nila: isang resipe ng Black Forest chocolate cake, at isang sulat na nagsasabing gumawa siya ng cake para sa kaarawan ng isang kaibigan. Halos mapasigaw sila ng, “Siya’y MAGALING SA PAMAMAHAY! Maalalahanin at masilbi.” At, tama, nalaman na rin namin kung sino siya. Sinabi ng mga lider ng mga kabataan na labis silang pinagpala na “mamasdan ang tahimik na halimbawa ng isang dalagitang ipinamumuhay ang ebanghelyo.”6

Ang kuwentong ito ay naglalarawan ng katapatan ng ating mga dalagita sa mga pamantayan ng Simbahan.7 Isang halimbawa rin ito ng mapagmahal, mapagmalasakit, at matatapat na lider ng Young Women sa iba’t ibang panig ng mundo. Kahanga-hanga sila!

Mabigat ang tungkulin ng kababaihan sa Simbahan, sa pamilya, at bilang indibiduwal na mahalaga sa plano ng Ama sa Langit. Marami sa mga responsibilidad na ito ang walang kapalit na salapi ngunit nagbibigay-kasiyahan at walang hanggan ang kabuluhan. Kamakailan isang nakakatuwa at magaling na babae sa editorial board ng isang pahayagan ang humiling na ilarawan ang tungkulin ng kababaihan sa Simbahan. Ipinaliwanag na lahat ng lider sa ating mga kongregasyon ay walang suweldo. Pinutol niya ang usapan para sabihing nawalan na siya ng interes. Sabi niya, “Hindi ako naniniwala na kailangan pa ng mga babae ng trabahong walang suweldo.”

Ipinaliwanag namin na ang pinakamahalagang organisasyon sa mundo ay ang pamilya, kung saan ang “mga ama at ina ay … may pantay na pananagutan.”8 Walang sinuman sa kanila ang binabayaran, ngunit walang kapantay ang mga pagpapala. Siyempre sinabi ko sa kanya ang tungkol sa mga organisasyon ng Relief Society, Young Women, at Primary na ginagabayan ng mga babaeng pangulo. Sinabi namin na sa pagsisimula pa lang ng ating kasaysayan kapwa kalalakihan at kababaihan ay nagdarasal, nagtatanghal ng musika, nagbibigay ng mensahe, at umaawit sa koro, kahit sa sacrament meeting, ang pinakasagrado nating pulong.

Ang aklat na American Grace na pinapurihan kamakailan ay tungkol sa kababaihan sa iba’t ibang relihiyon. Isinaad doon na ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay kakaiba dahil kuntentong-kuntento sila sa kanilang tungkulin sa pamumuno sa Simbahan.9 Bukod pa riyan, mga Banal sa mga Huling Araw, kapwa lalaki at babae, ang pinakatapat sa kanilang pananampalataya sa lahat ng relihiyong pinag-aralan.10

Hindi kahanga-hanga ang ating kababaihan dahil sa nagagawa nilang iwasan ang mga hirap ng buhay—kabaligtaran pa nga. Kahanga-hanga sila dahil sa paraan ng pagharap nila sa mga pagsubok sa buhay. Sa kabila ng mga hamon at pagsubok sa buhay—dahil sa asawa o kawalan ng asawa, mga desisyon ng mga anak, mahinang kalusugan, kawalan ng oportunidad, at marami pang iba—nananatili silang matatag at di-natitinag at tapat sa pananampalataya. Ang ating kababaihan sa buong Simbahan ay patuloy na “tumutulong sa mahihina, itinataas ang mga kamay na nakababa, at pinalalakas ang tuhod na mahihina.”11

Sabi ng isang Relief Society president na nakauunawa sa pambihirang paglilingkod na ito, “Kahit naglilingkod na ang kababaihan, iniisip pa rin nila, ‘Kung may magagawa pa sana ako!’” Bagama’t hindi sila perpekto at lahat ay may kani-kanyang problema, ang pananampalataya nila sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at kapanatagan sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ay makikita sa kanilang buhay.

Tungkulin ng Kababaihan sa Simbahan

Sa nakalipas na tatlong taon, humingi ng gabay, inspirasyon, at paghahayag ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol nang sumangguni kami sa mga lider ng priesthood at auxiliary at gawin namin ang mga bagong Church Handbook. Sa prosesong ito nakadama ako ng napakalaking pasasalamat sa napakahalagang papel na ginagampanan ng kababaihan, kapwa may asawa at wala, sa kasaysayan noon at ngayon kapwa sa pamilya at sa Simbahan.

Lahat ng miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay “gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao.”12 “[Ang] gawain ng kaligtasan ay kinabibilangan ng gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatili sa mga miyembro, at pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, … pagtuturo ng ebanghelyo,”13 at pangangalaga sa mahihirap at nangangailangan.14 Tinatalakay ito unang-una sa pamamagitan ng ward council.15

Partikular na nilayon sa mga bagong hanbuk na ang mga bishop, na sensitibo sa umiiral na mga pangangailangan, ay magtatalaga ng mas maraming responsibilidad sa iba. Kailangang maunawaan ng mga miyembro na ang bishop ay inutusang magtalaga. Kailangan siyang tulungan at suportahan ng mga miyembro sa pagsunod niya sa payong ito. Tutulutan nito ang bishop na gumugol ng mas maraming panahon sa mga kabataan, young single adult, at sarili niyang pamilya. Magtatalaga siya ng iba pang mahahalagang responsibilidad sa mga lider ng priesthood, pangulo ng auxiliary, at kalalakihan at kababaihan. Sa Simbahan malaki ang paggalang sa papel ng kababaihan sa tahanan.16 Kapag ang ina ay tumanggap ng isang tungkulin sa Simbahan na kailangan ng maraming oras, kadalasan ay bibigyan ang ama ng tungkuling di-gaanong mabigat para maibalanse ang buhay ng pamilya.

Ilang taon na ang nakalilipas dumalo ako sa isang stake conference sa Tonga. Linggo ng umaga tatlong hilera ng upuan ng chapel sa harapan ang napuno ng kalalakihang ang edad ay nasa pagitan ng 26 at 35. Ipinalagay ko na isang koro sila ng kalalakihan. Ngunit nang simulan na ang layunin ng kumperensya, bawat isa sa kalalakihang ito, na 63 ang bilang, ay nagsitayo nang tawagin ang kanilang pangalan at sinang-ayunan para ordenan sa Melchizedek Priesthood. Natuwa ako at nagulat.

Pagkatapos ng sesyon tinanong ko si Pangulong Mateaki, ang stake president, kung paano nangyari ang himalang ito. Sinabi niya sa akin na sa isang stake council meeting tinalakay ang pagpapaaktibong-muli. Itinanong ng kanyang stake Relief Society persident na si Sister Leinata Va’enuku kung maaari siyang magsalita tungkol sa isang bagay. Habang nagsasalita siya, pinagtibay ng espiritu sa pangulo na tama ang iminumungkahi niya. Ipinaliwanag niya na maraming mababait na binata sa stake nila na lampas na sa 20 at 30 ang edad na hindi nakapagmisyon. Sabi niya alam ng marami sa kanila na binigo nila ang mga bishop at lider ng priesthood na mahigpit na humikayat sa kanilang magmisyon, at damdam nila ngayon ay parang hindi sila gaanong mahalaga sa Simbahan. Ipinaliwanag niya na ang mga binatang ito ay lampas na sa edad para sa full-time mission. Ipinahayag niya ang kanyang pagmamahal at pag-aalala sa kanila. Ipinaliwanag niya na maaari pa rin nilang matanggap ang lahat ng nakapagliligtas na ordenansa at dapat pagtuunan ang mga pag-oorden sa priesthood at mga ordenansa sa templo. Binanggit niya na bagama’t ilan sa kalalakihang ito ang binata pa, marami sa kanila ang may mababait na asawa—ang ilan ay aktibo, ang ilan ay di-gaanong aktibo, at ang ilan ay hindi miyembro.

Matapos ang puspusang pagtalakay sa stake council, ipinasiya na kalalakihan ng priesthood at kababaihan ng Relief Society ang tutulong sa kalalakihang ito at sa kanilang asawa, samantalang ang mga bishop ay gumugol ng mas maraming oras sa mga kabataan sa kanilang ward. Ang mga kasangkot sa gawaing ito ay magtutuon lalo na sa paghahanda sa kanila para sa priesthood, sa walang hanggang kasal, at sa nakapagliligtas na mga ordenansa sa templo. Sa susunod na dalawang taon, halos lahat ng 63 kalalakihang sinang-ayunan sa Melchizedek Priesthood sa kumperensyang dinaluhan ko ay na-endow sa templo at nabuklod na sa kanilang asawa. Ang salaysay na ito ay isang halimbawa lamang ng lubos na kahalagahan ng ating kababaihan sa gawain ng kaligtasan sa ating ward at stake at kung paano nila pinadadali ang pagtanggap ng paghahayag, lalo na sa pamilya at mga council sa Simbahan.17

Tungkulin ng Kababaihan sa Pamilya

Alam natin na may malaking puwersang inihanda laban sa kababaihan at mga pamilya. Nakita sa isang pag-aaral kamakailan na nabawasan ang katapatan sa asawa, gayundin ang bilang ng mga nasa edad na nag-aasawa.18 Para sa ilan, ang pag-aasawa at pagpapamilya ay nagiging isa sa “opsyonal na pagpipilian sa halip na maging pangunahing alituntunin sa pag-oorganisa ng ating lipunan.”19 Ang kababaihan ay nahaharap sa maraming opsyon at kailangang mapanalanging pag-isipan ang mga pasiyang ginagawa nila at kung paano nito maaapektuhan ang pamilya.

Noong nasa New Zealand ako nitong nakaraang taon, nabasa ko sa isang pahayagan sa Auckland ang tungkol sa kababaihang hindi natin miyembro, na nahihirapan sa mga isyung ito. Sabi ng isang ina alam daw niya na sa kaso niya, ang kanyang pasiya kung maghahanapbuhay o hindi ay para lang makabili ng bagong carpet at lumang kotseng hindi niya talaga kailangan. Gayunman, sinabi ng isa pang babae na “ang pinakamatinding kaaway ng masayang pamilya ay hindi ang magtrabaho para kumita—ito ay ang telebisyon.” Sinabi niya na ang mga pamilya ay maraming oras para sa telebisyon at kakaunti ang oras para sa pamilya.20

Lubhang madamdamin at personal ang mga desisyong ito, ngunit may dalawang alituntuning dapat nating laging isaisip. Una, hindi dapat madama ng sinumang babae na kailangan niyang humingi ng paumanhin o di-gaanong mahalaga ang naiambag niya dahil pinagtutuunan niya ng pansin ang pagpapalaki at pangangalaga sa kanyang mga anak. Wala nang mas mahalaga kaysa riyan sa plano ng ating Ama sa Langit. Pangalawa, iwasan nating maghusga o ipalagay na di-gaanong tapat ang ating kababaihan kung magpasiya silang magtrabaho sa labas ng bahay. Bihira nating nauunawaan o lubos na nalalaman ang mga sitwasyon ng mga tao. Dapat mag-usap ang mag-asawa nang may panalangin, na nauunawaan na pananagutan nila sa Diyos ang kanilang mga desisyon.

Kayong matatapat na kababaihan na nag-iisang magulang sa anupamang dahilan, taos-puso namin kayong pinasasalamatan. Nilinaw na ng mga propeta na “maraming handang tumulong sa inyo. Hindi kayo nalilimutan ng Panginoon. Kahit ang Kanyang Simbahan.”21 Umaasa ako na mangunguna ang mga Banal sa mga Huling Araw sa paglikha ng kapaligiran sa kanilang pinagtatrabahuhan na mas katanggap-tanggap at makakatulong kapwa sa kababaihan at kalalakihan sa kanilang mga responsibilidad bilang magulang.

Kayong matatapang at matatapat na dalaga, sana’y malaman ninyo na mahal namin kayo at pinasasalamatan, at tinitiyak namin sa inyo na walang pagpapalang walang hanggan na ipagkakait sa inyo.

Isinulat ng kakaibang pioneer na si Emily H. Woodmansee ang mga titik ng himnong “Bilang mga Magkakapatid sa Sion.” Tama ang paggigiit niya na ang “sa kababaihan ‘pinagkatiwala, dakilang gawain ng mga anghel.”22 Ito ay ipinaliwanag na “walang iba kundi sundin ang tuwiran at agarang utos ng ating Ama sa Langit, at ‘ito ay isang kaloob na … inaangkin … ng kababaihan.’”23

Mga kapatid, mahal namin kayo at hinahangaan. Pinahahalagahan namin ang inyong paglilingkod sa kaharian ng Panginoon. Kahanga-hanga kayo! Pinasasalamatan ko lalo na ang kababaihan sa aking buhay. Pinatototohanan ko ang katotohanan ng Pagbabayad-sala, ang kabanalan ng Tagapagligtas, at ang Panunumbalik ng Kanyang Simbahan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Wallace Stegner, The Gathering of Zion: The Story of the Mormon Trail (1971), 13.

  2. Robert D. Putnam at David E. Campbell, American Grace: How Religion Divides and Unites Us (2010), 233.

  3. Tingnan sa Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.3.1; tingnan din sa Moises 5:1, 4, 12, 27.

  4. Sa Andrew D. Olsen, The Price We Paid: The Extraordinary Story of the Willie and Martin Handcart Pioneers (2006), 445.

  5. Tingnan sa “Leaves from the Life of Elizabeth Horrocks Jackson Kingsford,” Utah State Historical Society, Manuscript A 719; sa “Remembering the Rescue,” Ensign, Ago. 1997, 47.

  6. Pinagsama at pinaikli mula sa isang e-mail na isinulat ni Monica Sedgwick, stake Young Women president ng Laguna Niguel California Stake, at isang pananalitang ibinahagi ni Leslie Mortensen, stake Young Women president ng Mission Viejo California Stake.

  7. Isang artikulong pinamagatang “Why Do We Let Them Dress Like That?” (Wall Street Journal, Mar. 19–20, 2011, C3), isang maalalahaning inang Judio ang nagtaguyod ng mga pamantayan at kadisentehan sa pananamit at kinilala ang halimbawa ng kababaihang Mormon.

  8. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  9. Tingnan sa Putnam at Campbell, American Grace, 244–45.

  10. Tingnan sa Putnam at Campbell, American Grace, 504.

  11. Doktrina at mga Tipan 81:5; tingnan din sa Mosias 4:26.

  12. Doktrina at mga Tipan 138:56.

  13. Handbook 2: Administering the Church (2010), page 22.

  14. Tingnan sa Handbook 2, 6.1.

  15. Tingnan sa Handbook 2, 4.5.

  16. Tingnan sa Emily Matchar, “Why I Can’t Stop Reading Mormon Housewife Blogs,” salon.com/life/feature/2011/01/15/feminist_obsessed_with_mormon_blogs. Kinikilala ng taong ito na itinuring ang sarili na isang peminista at ateista ang paggalang na ito at sinabing nawiwili siya sa pagbabasa ng Mormon housewife blogs.

  17. Mula sa mga pakikipag-usap sa Nuku’alofa Tonga Ha’akame Stake president na si Lehonitai Mateaki (na kalaunan ay naglingkod bilang pangulo ng Papua New Guinea Port Moresby Mission) at sa stake Relief Society president na si Leinata Va’enuku.

  18. Tingnan sa D’Vera Cohn at Richard Fry, “Women, Men, and the New Economics of Marriage,” Pew Research Center, Social and Demographic Trends, pewsocialtrends.org. Ang bilang ng mga batang ipinapanganak ay malaki rin ang ibinababa sa maraming bansa. Tinawag itong demographic winter.

  19. “A Troubling Marriage Trend,” Deseret News, Nob. 22, 2010, A14, hango sa isang ulat sa msnbc.com.

  20. Tingnan sa Simon Collins, “Put Family before Moneymaking Is Message from Festival,” New Zealand Herald, Peb. 1, 2010, A2.

  21. Gordon B. Hinckley, “Women of the Church,” Ensign, Nob. 1996, 69; tingnan din sa Spencer W. Kimball, “Our Sisters in the Church,” Ensign, Nob. 1979, 48–49.

  22. “Bilang mga Magkakapatid sa Sion,” Mga Himno, blg. 197.

  23. Karen Lynn Davidson, Our Latter-Day Hymns: The Stories and the Messages, binagong edisyon (2009), 338–39.