2011
Ang Pinakamahahalagang Biyaya ng Panginoon
Mayo 2011


Ang Pinakamahahalagang Pagpapala ng Panginoon

Pinatototohanan ko na kapag tayo ay tapat na nagbabayad ng ikapu, bubuksan ng Panginoon ang mga dungawan sa langit at ibubuhos sa atin ang Kanyang pinakamahahalagang pagpapala.

Elder Carl B. Pratt

Nagpapasalamat ako sa mabubuting ninuno na nagturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak sa tahanan bago pa man pormal na nagkaroon ng mga family home evening. Ang aking lola’t lolo sa ina ay sina Ida Jesperson at John A. Whetten. Tumira sila sa maliit na bayan sa Colonia Juárez, Chihuahua, Mexico. Ang mga anak sa pamilya Whetten ay tinuruan ng mga tuntunin at pagmamasid sa halimbawa ng kanilang mga magulang.

Noong unang mga taon ng 1920s, mahirap ang buhay sa Mexico. Katatapos lamang ng marahas na himagsikan. Kakaunti lang ang salaping nagagamit, at karamihan ay mga baryang pilak. Ang karaniwang sistema ng pagnenegosyo ng mga tao ay sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga kalakal o serbisyo.

Isang araw noong papatapos na ang tag-init, umuwi si Lolo John na may 100 pisong baryang pilak bilang komisyon sa dalawang bakang ipinagpalit niya. Ibinigay niya ang pera kay [lola] Ida at ibinilin na gagamitin ito sa mga gastusin ng mga bata pagpasok sa eskwela.

Nagpasalamat si Ida para sa salapi ngunit pinaalalahanan si John na wala pa silang naibabayad sa ikapu sa buong tag-init. Wala silang kinitang pera, pero ipinaalala ni Lola Ida na may nakuha silang karne, itlog, at gatas sa mga alaga nilang hayop. Marami silang inaning mga prutas at gulay sa kanilang halamanan, at marami pa silang ipinagpalit na kalakal nang walang ginagamit na pera. Iminungkahi ni Lola Ida na dapat nilang ibigay ang pera sa bishop para sa kanilang ikapu.

Bahagyang nalungkot si John dahil malaki ang maitutulong ng pera sa pag-aaral ng mga bata, ngunit kaagad siyang sumang-ayon na kailangan nilang magbayad ng ikapu. Dinala niya ang mabigat na supot ng pera sa tanggapan ng ikapu at ibinigay ito sa bishop.

Hindi pa nagtatagal, nabalitaan niya na isang mayamang negosyante mula sa Estados Unidos, na ang pangalan ay Mr. Hord, ang darating sa susunod na linggo kasama ang ilang kalalakihan para mangaso at mangisda nang ilang araw.

Sinalubong ni Lolo John ang grupo ng kalalakihan sa istasyon ng tren malapit sa Colonia Juárez. May dala siyang mga kabayo at iba pang hayop na magdadala ng mga bagahe at kagamitan sa pagkakamping paakyat sa kabundukan. Ang sumunod ng linggo ay ginugol sa pagtuturo sa kalalakihan ng gagawin at pagbabantay sa kampo at mga hayop.

Nang matapos na ang isang linggo, bumalik na sa istasyon ng tren ang grupo para bumalik na sa Estados Unidos. Binayaran si John nang araw na iyon para sa kanyang trabaho at binigyan ng isang supot na pisong pilak para sa iba pang gastusin. Matapos mabayaran si John at ang kanyang mga tauhan, ibinalik ni John ang sukli kay Mr. Hord, na nagulat, dahil hindi niya inakala na may natira pang sukli. Tinanong niya si John para siguruhing nabayaran na ang lahat ng bayarin, at sinabi ni John na nabayaran na ngang lahat at iyon ang natirang sukli.

Bumusina ang tren. Tumalikod na si Mr. Hord para umalis, pagkatapos ay humarap at inihagis ang mabigat na supot ng barya kay John. “O, ipasalubong mo iyan sa mga anak mo,” sabi niya. Sinalo ni John ang supot at bumalik na sa Colonia Juárez.

Nang gabing iyon habang nakatipon ang pamilya matapos ang hapunan para pakinggan ang mga nangyari sa paglalakbay, naalala ni John ang supot at inilagay ito sa ibabaw ng mesa. Sinabi ni John na hindi niya alam kung magkano ang nasa loob ng bag o supot, kaya bilang katuwaan ibinuhos ang laman ng bag sa mesa—at nang mabilang na ito, eksaktong 100 pisong pilak ito. Siyempre itinuring na malaking biyaya ang pasiya ni Mr. Hord na pumunta doon. Maganda ang kinita ni John at ng kanyang mga tauhan, ngunit ang 100 pisong sukli ay paalaala na gayundin ang halagang ibinayad sa ikapu isang linggo bago iyon. Para sa ilan, maaaring tila nagkataon lamang iyon, ngunit sa pamilya Whetten, malinaw na isa itong aral mula sa Panginoon na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako sa matatapat na nagbabayad ng kanilang ikapu.

Noong bata pa ako gusto ko ang kuwentong iyon dahil tungkol ito sa pagsakay sa kabayo paakyat sa bundok para mangaso at mangisda. At gustung-gusto ko ito dahil itinuturo nito na kapag sinusunod natin ang mga kautusan tayo ay pagpapalain. May ilan pang bagay na matututuhan tayo tungkol sa ikapu sa kuwentong ito.

Una, mapapansin ninyo na ang pagbabayad ng ikapu sa pagkakataong ito ay walang kinalaman sa halaga ng perang kinita. Nagpasiya ang mga Whetten na ipambayad ng ikapu ang unang perang kinita nila dahil natustusan nang maayos ang kanilang pangangailangan mula sa inani nilang prutas at gulay. Malinaw na nadama nilang may utang sila sa Panginoon dahil nabiyayaan sila.

Ipinaalala sa atin niyon ang ipinahiwatig ng Panginoon nang Kanyang itanong: “Nanakawan baga ng tao ang Dios? Gayon ma’y ninanakaw[an] ninyo ako.” Itinanong ng mga tao, “Sa ano ka namin ninakawan?” At mariing sumagot ang Panginoon, “Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog” (Malakias 3:8). Oo, mga kapatid, tulad ng napagtanto nina John at Ida Whetten maraming tag-init na ang lumipas, tayong lahat ay may pagkakautang sa Panginoon. Huwag nating hayaang maakusahan tayong nagnanakaw sa Diyos. Maging tapat tayo at magbayad ng ating utang sa Panginoon. Ang tanging hinihingi niya ay 10 porsiyento. Integridad sa pagbabayad ng ating mga utang sa Panginoon ang makatutulong sa atin upang maging tapat sa ating kapwa.

Ang isa pang napansin ko sa kuwentong iyon ay nagbayad ng ikapu ang aking lolo’t lola kahit salat sila sa pera. Alam nila ang utos ng Panginoon; inihalintulad nila sa kanilang sarili ang mga banal na kasulatan (tingnan sa 1 Nephi 19:23–24) at sinunod ang batas. Ito ang inaasahan ng Panginoon sa lahat ng Kanyang mga tao. Umaasa Siyang magbabayad tayo ng ikapu hindi mula kasaganaan ni mula sa “mga natira” sa badyet ng pamilya, kundi ayon sa iniutos Niya noon pa man, mula sa ating “hindi pa nababawasang” kita, maliit man ito o malaki. Iniutos ng Panginoon, “Huwag kang magmamakupad ng paghahandog ng iyong mga ani” (Exodo 22:29). Batay sa aking sariling karanasan ang pinakasiguradong paraan ng matapat na pagbabayad ng ikapu ay ang bayaran ito pagkatanggap ng anumang kinita ko. Sa katunayan, natuklasan kong iyon lang ang tanging paraan.

Natutuhan natin mula sa aking lolo’t lola Whetten na ang ikapu ay hindi naman talaga tungkol sa pera; kundi tungkol ito sa pananampalataya—pananampalataya sa Panginoon. Nangangako Siya ng mga pagpapala kung susundin natin ang Kanyang mga utos. Malinaw na sina John at Ida Whetten ay nagpakita ng malaking pananampalataya sa pagbabayad ng kanilang ikapu. Ipakita natin ang ating pananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbabayad ng ating ikapu. Ito ang una nating bayaran; at bayaran ito nang tapat. Turuan ang ating mga anak na magbayad ng ikapu mula sa kanilang baon o iba pang kinita, at isama natin sila sa tithing settlement upang malaman nila ang ating halimbawa at pagmamahal sa Panginoon.

May posibilidad na maging mali ang pagkaunawa sa kuwentong ito ng aking lolo’t lola. Maaari nating isipin na dahil pera ang gamit natin sa pagbabayad ng ikapu, lagi tayong bibiyayaan ng Panginoon ng pera. Iyan din ang inisip ko noong bata ako. Natutuhan ko na hindi palaging sa ganoong paraan ito nangyayari. Nangangako ang Panginoon na bibiyayaan ang mga nagbabayad ng kanilang ikapu. Nangako Siya na “bubuksan … ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog … ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan” (Malakias 3:10). Nagpapatotoo ako na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako, at kung tapat tayong magbabayad ng ikapu matutustusan natin ang mga pangangailangan natin sa buhay, ngunit hindi Siya nangangako ng kayamanan. Hindi ang salapi at pera sa bangko ang Kanyang pinakamahalagang mga pagpapala. Binibiyayaan Niya tayo ng talino na pamahalaan nang maayos ang ating kaunting kabuhayan, talino na magtuturo sa ating mamuhay ayon sa 90 porsiyento at hindi sa 100 porsiyento ng ating kinikita. Sa gayon, nauunawaan ng matatapat na nagbabayad ng ikapu ang masinop na pamumuhay at nakakaugaliang tustusan ang sariling pangangailangan.

Naunawaan ko na ang pinakamahahalagang pagpapala ng Panginoon ay espirituwal, at kadalasang may kinalaman ang mga ito sa pamilya, kaibigan, at sa ebanghelyo. Kadalasan pinagpapala Niya tayo upang madali nating mahiwatigan ang impluwensya at gabay ng Espiritu Santo, lalo na sa pagsasama bilang mag-asawa at sa pagpapalaki ng mga anak. Ang gayong espirituwal na pahiwatig ay makatutulong sa atin upang magkaroon ng pagkakasundo at kapayapaan sa tahanan. Iminungkahi ni Pangulong James E. Faust na ang pagbabayad ng ikapu ay “magandang panlaban sa diborsyo” (tingnan sa “Pagpapayabong ng Inyong Pagsasama,” Liahona, Abr. 2007, 3–6).

Ang pagbabayad ng ikapu ay tumutulong sa atin na magkaroon ng masunurin at mapagpakumbabang puso at mapagpasalamat na puso na “kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay” (D at T 59:21). Ang pagbabayad ng ikapu ay naghihikayat sa ating magtaglay ng mapagbigay at mapagpatawad na puso, at mapagkawanggawang puso na puno ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Lalo nating nanaising paglingkuran at tulungan ang iba taglay ang pusong masunurin sa kalooban ng Panginoon. Ang mga regular na nagbabayad ng ikapu ay lumalakas ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at nagkakaroon sila ng matatag na patotoo sa Kanyang ebanghelyo at sa Kanyang Simbahan. Wala sa mga pagpapalang ito ang may kinalaman sa pera o materyal na bagay, ngunit tiyak na ang mga ito ang pinakamahalagang pagpapala ng Panginoon.

Pinatototohanan ko na kapag tayo ay tapat na nagbabayad ng ikapu, bubuksan ng Panginoon ang mga dungawan sa langit at ibubuhos sa atin ang Kanyang pinakamahahalagang pagpapala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.