Elder Carl B. Cook
Ng Pitumpu
Bilang binatang misyonero sa Language Training Mission (na hinalinhan ng Missionary Training Center) na naghahandang magpunta sa Hamburg, Germany, nahirapang matuto ng German si Carl Bert Cook. Habang pilit na inuunawa ang pangunahing bokabularyo, nakasulong na kaagad ang mga miyembro ng kanyang district sa mas kumplikadong mga konsepto.
Bigo sa hindi niya pag-unlad, humingi ng tulong ng langit ang bata pang si Elder Cook sa pamamagitan ng basbas ng priesthood at panalangin. Pagkaraan ng isang partikular na taos na panalangin, naaalala ni Elder Cook na tumanggap siya ng partikular na sagot: hindi siya tinawag ng Panginoon na maging dalubhasa sa wikang German kundi maglingkod nang buong puso, isipan, at lakas.
“Agad kong naisip, ‘Kaya kong gawin iyan,’” sabi ni Elder Cook, na tinawag kamakailan bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu. “‘Makapaglilingkod ako nang buong puso, isipan, at lakas.’ Tumayo ako at napanatag. Biglang nagbago ang aking panukat mula sa pag-alam kung ano ang ginagawa ng aking kompanyon at mga miyembro ng district sa kung ano sa pakiramdam ng Panginoon ang ginagawa ko.”
Kahit sinabi ni Elder Cook na hindi naman niya talaga natutuhan ang wika nang mas mabilis pagkatapos niyon, hindi na niya nadama ang dati niyang mga problema dahil alam niya na ginagawa niya ang nais ipagawa sa Kanya ng Panginoon. Ang aral na iyon, wika niya, ay naging mahalaga sa lahat ng katungkulang hinawakan niya mula noon, kabilang na ang pagiging bishop, tagapayo sa stake presidency, stake president, pangulo ng New Zealand Auckland Mission, Area Seventy, at sa kanyang tungkulin ngayon.
Si Elder Cook ay nagtamo ng bachelor’s degree in business marketing sa Weber State College at master’s degree in business administration sa Utah State University. Nagtrabaho siya sa real estate development.
Si Elder Cook ay isinilang sa Ogden, Utah, USA, noong Oktubre 1957 kina Ramona Cook Barker at ang yumaong si Bert E. Cook. Pinakasalan niya si Lynette Hansen noong Disyembre 14, 1979, sa Ogden Utah Temple. Lima ang anak nila.