2011
Ang Inyong Potensyal, ang Inyong Pribilehiyo
Mayo 2011


Ang Inyong Potensyal, ang Inyong Pribilehiyo

Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan at nakikinig sa mga salita ng mga propeta nang buong puso at pag-iisip, sasabihin sa inyo ng Panginoon kung paano mamuhay ayon sa inyong mga pribilehiyo sa priesthood.

President Dieter F. Uchtdorf

Minsan may isang taong matagal na nangarap na makasakay sa barko at maglayag sa Mediterranean Sea. Nangarap siyang makapaglakad sa mga kalsada ng Roma, Athens, at Istanbul. Inipon niya ang lahat ng perang maitatabi niya hanggang sa magkaroon na siya ng sapat na pamasahe. Dahil kaunti lang ang pera niya, bumili siya ng isa pang maleta na pinaglagyan ng mga de-latang beans, mga kahon ng biskuwit, at lemonada, at iyon ang kinain niya araw-araw.

Gusto sana niyang makibahagi sa maraming aktibidad sa barko—pag-eehersisyo sa gym, paglalaro ng miniature golf, at paglangoy sa pool. Kinainggitan niya ang mga nakapanood ng mga pelikula, palabas, at pagtatanghal na pangkultura. At gustung-gusto niyang matikman ang mga pagkaing nakikita niya sa barko—lahat ay tila masasarap! Gayunman nagtitipid ang lalaki kaya’t hindi siya nakibahagi sa alinman dito. Nakita niya ang mga lungsod na matagal na niyang gustong puntahan, ngunit sa maraming oras ng paglalakbay, naroon lamang siya sa kanyang cabin at kumakain ng kanyang simpleng pagkain.

Sa huling araw ng paglalayag ng barko, tinanong siya ng isang tripulante kung aling farewell party ang dadaluhan niya. Noon lamang nalaman ng lalaki na hindi lamang farewell party kundi lahat ng nasa barko—ang pagkain, libangan, lahat ng aktibidad—ay kasama sa binayaran niyang tiket. Huli na, natanto ng lalaki na hindi niya sinamantala ang mga pribilehiyong ibinigay sa kanya.

Ang tanong sa talinghagang ito ay, Tayo ba bilang mga mayhawak ng priesthood ay hindi sinasamantala ang pribilehiyo na may kaugnayan sa sagradong kapangyarihan, mga kaloob, at pagpapala na oportunidad at karapatan natin bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos?

Ang Kaluwalhatian at Kamarhalikaan ng Priesthood

Alam nating lahat na ang priesthood ay higit pa sa pangalan o titulo. Itinuro ni Propetang Joseph na “ang Priesthood ay walang hanggang alituntunin, at umiral kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan … hanggang sa kawalang-hanggan, walang simula o katapusan ng mga panahon.”1 Taglay nito “maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.”2 Sa katunayan, sa pamamagitan ng priesthood ang “kapangyarihan ng kabanalan ay makikita.”3

Ang mga pagpapala ng priesthood ay hindi natin kayang maunawaan. Ang matatapat na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay “magiging … hinirang ng Diyos.”4 Sila ay “pababanalin sa pamamagitan ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan” 5 at sa huli ay tatanggap ng “lahat ng mayroon [ang] Ama.”6 Maaaring mahirap itong maunawaan, ngunit ito ay maganda, at pinatototohanan ko na totoo ito.

Ang katotohanang ipagkakatiwala ng Ama ang kapangyarihan at responsibilidad na ito sa tao ay patunay ng Kanyang malaking pagmamahal sa atin at pagtukoy noon pa man sa ating potensyal bilang mga anak na lalaki ng Diyos sa kabilang buhay.

Gayunpaman, kadalasan ipinahihiwatig ng mga ginagawa natin na hindi tayo namumuhay ayon sa potensyal na ito. Kapag tinanong tayo tungkol sa priesthood, marami sa atin ang makapagbibigay ng tamang kahulugan nito, ngunit sa ating buhay sa araw-araw bahagyang nakikita na hindi natin nauunawaan ang tunay na kahulugan nito.

Mga kapatid, may pagpipilian tayo. Maaari tayong makuntento sa di-gaanong mahalagang karanasan bilang mga maytaglay ng priesthood at hindi samantalahin ang ating mga pribilehiyo. O maaari tayong makibahagi sa maraming espirituwal na oportunidad at mga pagpapala ng priesthood sa buong mundo.

Ano ang Magagawa Natin Upang Mamuhay nang Ayon sa Ating Potensyal?

Ang mga salitang nakasulat sa mga banal na kasulatan at binanggit sa pangkalahatang kumperensya ay para sa atin upang “[ihalintulad] ang mga ito sa ating sarili,”7 hindi para basahin o pakinggan lamang.8 Kadalasan, dumadalo tayo sa mga miting at tumatangu-tango; nangingiti pa tayo at sumasang-ayon. Isinusulat natin ang gagawin natin, at sinasabi sa ating sarili, “Ito ang gagawin ko.” Ngunit sa pagitan ng pakikinig, paglilista ng gagawin sa ating smart phone, at sa aktuwal na paggawa, ang ating desisyong “gawin ito” kaagad ay “naipagpapaliban.” Mga kapatid, tiyaking “magagawa” natin “ngayon” ang desisyong iyan!

Habang binabasa ninyo ang mga banal na kasulatan at nakikinig sa mga salita ng mga propeta nang buong puso at pag-iisip, sasabihin sa inyo ng Panginoon kung paano mamuhay ayon sa inyong mga pribilehiyo sa priesthood. Huwag hayaang lumipas ang isang araw nang hindi kumikilos sa mga paramdam ng Espiritu.

Una: Basahin ang Owner’s Manual

Kung kayo ang may-ari ng pinakabago at mamahaling computer sa mundo, gagamitin lang ba ninyo itong dekorasyon sa inyong mesa? Maaaring mukhang kahanga-hanga ang computer. Maaaring napakarami nitong magagawa. Ngunit sa pag-aaral lamang ng owner’s manual, matututuhan kung paano gamitin ang software, at magamit nang lubos ang kakayahan nito.

Ang banal na priesthood ng Diyos ay mayroon ding owner’s manual. Mangako tayong basahin ang mga banal na kasulatan at hanbuk nang may mas tapat na layunin at pagtutuon ng pansin. Simulan nating basahing muli ang mga bahagi 20, 84, 107, at 121 ng Doktrina at mga Tipan. Kapag pinag-aralan nating mabuti ang layunin, kakayahan, at gamit ng priesthood, lalo tayong mamamangha sa kapangyarihan nito, at tuturuan tayo ng Espiritu kung paano taglayin at gamitin ang kapangyarihang iyan upang mapagpala ang ating pamilya, komunidad, at ang Simbahan.

Likas sa ating mga tao na unahin ang pag-aaral at pagtatamo ng kaalaman. Gusto natin at dapat mahusay tayo sa ating pag-aaral at trabaho. Pinupuri ko kayo sa pagsisikap ninyong magtamo ng edukasyon at maging mahusay sa inyong trabaho. Inaanyayahan ko kayo na maging mahusay rin sa mga doktrina ng ebanghelyo—lalo na sa doktrina ng priesthood.

Nabubuhay tayo sa panahon na ang mga banal na kasulatan at salita ng mga makabagong apostol at propeta ay mas madali nang makuha kaysa alinmang panahon sa kasaysayan ng mundo. Gayunman, pribilehiyo natin at tungkulin, at responsibilidad nating kamtan at matutuhan ang mga itinuturo ng mga ito. Ang mga alituntunin at doktrina ng priesthood ay dakila at banal. Kapag pinag-aralan nating mabuti ang doktrina at potensiyal nito at isinabuhay ang layunin ng priesthood, ang ating kaluluwa ay mas bubuti at lalawak ang ating pang-unawa, at makikita natin ang inilalaan ng Panginoon para sa atin.

Pangalawa: Hangarin ang mga Paghahayag ng Espiritu

Ang matibay na patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nangangailangan ng higit pa sa kaalaman—nangangailangan ito ng pansariling paghahayag, na pinagtibay sa pamamagitan ng tapat at masigasig na pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Si Propetang Joseph Smith ay nagpaliwanag na ang priesthood ay “daluyan kung saan sinimulang ihayag ng Maykapal ang Kanyang kaluwalhatian sa pagsisimula ng paglikha sa mundong ito, at sa pamamagitan nito ay patuloy Niyang inihahayag ang Kanyang Sarili sa mga anak ng tao hanggang sa ngayon.”9

Kung hindi natin hinahangad na gamitin ang daluyang ito ng paghahayag, hindi natin sinasamantala ang ibinigay sa ating mga pribilehiyo ng priesthood. Halimbawa, nariyan ang mga taong naniniwala ngunit hindi nila alam na naniniwala sila. Matagal na silang nakatanggap ng maraming sagot sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig, ngunit dahil ang inspirasyong ito ay tila hindi halos maramdaman at di-gaanong mahalaga, hindi nila nalaman kung ano talaga ito. Dahil dito, hinayaan nilang maging hadlang ang pag-aalinlangan kaya’t hindi nila maabot ang kanilang potensyal bilang mga mayhawak ng priesthood.

Ang paghahayag at patotoo ay hindi palaging dumarating nang biglaan. Para sa marami, ang patotoo ay dumarating nang dahan-dahan—paisa-isa. Kung minsan dumarating ito nang paunti-unti kaya’t mahirap maalala kung kailan natin nalaman na totoo ang ebanghelyo. Ang Panginoon ay nagbibigay sa atin ng “taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon.”10

Sa ibang paraan, ang ating patotoo ay tulad ng snowball o bolang niyebe na mas lumalaki sa bawat paggulong nito. Nagsisimula tayo sa maliit na liwanag—kahit na ito ay pagnanais lamang na maniwala. Unti-unti, ang “liwanag ay kumukunyapit sa liwanag,”11 at “siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw,”12 kapag “sa takdang panahon ay tumanggap [tayo] ng kanyang kaganapan.”13

Isipin kung gaano kaganda ang mahigitan ang ating mortal na mga kakayahan, mabuksan ang mata ng ating pang-unawa at makatanggap ng liwanag at kaalaman mula sa langit! Pribilehiyo at oportunidad natin bilang mga maytaglay ng priesthood na hangarin ang pansariling paghahayag at matutuhan kung paano malalaman ang katotohanan para sa ating sarili sa pamamagitan ng matibay na patotoo ng Banal na Espiritu.

Masigasig nating hanapin ang liwanag ng inspirasyon para sa ating sarili. Magsumamo tayo sa Panginoon na pagkalooban ang ating isipan at kaluluwa ng pananampalataya nang sa gayon ay matanggap at makilala natin ang banal na pagmiministeryo ng Banal na Espiritu sa bawat sitwasyon at sa mga pagsubok sa ating buhay at sa mga tungkulin sa priesthood.

Pangatlo: Magalak sa Paglilingkod Bilang Mayhawak ng Priesthood

Noong nagtatrabaho ako bilang piloto, nagkaroon ako ng pagkakataong obserbahan at sanayin ang iba pang mga piloto. Bahagi ng trabaho ko ang sanayin at subukan ang matagal nang mga piloto upang matiyak na may kaalaman at kasanayan sila na kailangan sa ligtas at mahusay na pagpapalipad ng malalaking eroplano.

Natuklasan ko na may mga piloto na, bagama’t maraming taon na sila sa trabaho, ay naroon pa rin ang katuwaan sa paglipad sa himpapawid, “pumapaitaas mula sa Lupa at masayang binabagtas ang kalangitan.”14 Gustung-gusto nila ang tunog ng ihip ng hangin, ang ugong ng malalaking makina, ang damdaming sila ay “bahagi ng hangin at ng madilim na kalangitan at mga bituin sa dako pa roon.”15 Ang kanilang kasiglahan ay nakahahawa.

May iilan rin na tila naging karaniwan na lang sa kanila ang pagpapalipad. Eksperto na sila sa sistema at pagpapalipad ng eroplano, ngunit wala na sila nadaramang kasiyahan sa paglipad sa himpapawid “na hindi pa kailanman nalipad ng munting ibon, o kahit ng agila.”16 Wala na ang pagkamangha nila sa maningning na araw, sa kagandahan ng mga likha ng Diyos kapag tinatawid nila ang mga karagatan at mga kontinente. Kung nakatugon sila sa mga kinakailangan, ipinapasa ko sila, ngunit nalulungkot din para sa kanila.

Maitatanong ninyo sa inyong sarili kung karaniwan na lamang ba sa inyo ang mga ginagawa ninyo sa priesthood—ginagawa ang inaasahan sa inyo ngunit walang nadaramang saya. Ang pagtataglay ng priesthood ay nagbibigay sa atin ng maraming pagkakataon upang madama ang kaligayahan kaya nga nasabi ni Ammon: “Hindi ba may malaking dahilan upang tayo ay magsaya? … Tayo ay naging mga kasangkapan sa mga kamay [ng Panginoon] sa paggawa ng dakila at kagila-gilalas na gawaing ito. Kaya nga, tayo ay magpapuri … sa Panginoon; oo, magsasaya tayo.”17

Mga kapatid, masaya sa ating relihiyon! Napakapalad natin dahil taglay natin ang priesthood ng Diyos! Sa aklat ng Mga Awit mababasa natin, “Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang tunog: sila’y nagsisilakad, Oh Panginoon, sa liwanag ng iyong mukha.”18 Mararanasan natin ang malaking kagalakang iyan kung hahanapin natin ito.

Kadalasan hindi natin nadarama ang kaligayahan na dulot ng paglilingkod sa araw-araw bilang mayhawak ng priesthood. Kung minsan, nadarama nating ang mga gawain ay tila mga pabigat. Mga kapatid, huwag tayong mabuhay na puno ng kapaguran, pag-aalala, at pagrereklamo. Hindi natin sinasamantala ang ating mga pribilehiyo sa buhay kung tinutulutan nating hadlangan tayo ng mundo na madama ang malaking kagalakang dulot ng katapatan at taos-pusong paglilingkod bilang mga mayhawak ng priesthood, lalo na sa ating sariling tahanan. Hindi natin sinasamantala ang ating mga pribilehiyo sa buhay kapag hindi tayo nakikibahagi sa kaligayahan, kapayapaan, at kagalakan na saganang ibinibigay ng Diyos sa matatapat na lingkod na mayhawak ng priesthood.

Mga kabataang lalaki, kung ang pagpunta sa simbahan nang maaga para tumulong sa paghahanda ng sakrament ay pahirap para sa inyo sa halip na pagpapala, inaanyayahan ko kayo na pag-isipang mabuti ang maaaring kahulugan ng sagradong ordenansang ito sa isang miyembro ng ward na marahil ay nakaranas ng hirap nang linggong iyon. Mga kapatid, kung ang home teaching ninyo ay tila hindi epektibo sa inyo, inaanyayahan ko kayo na tingnan nang may pananampalataya kung ano ang nagagawa ng pagdalaw ng isang lingkod ng Panginoon sa pamilyang may maraming problemang hindi nakikita. Kapag nakamtan ninyo ang banal na potensyal ng paglilingkod ninyo sa priesthood, pupunuin ng Espiritu ng Diyos ang inyong puso at isipan, at mababanaag ito sa inyong mga mata at mukha.

Bilang mga maytaglay ng priesthood, huwag natin kailanman balewalain ang kahanga-hanga at sagradong ipinagkatiwala ng Panginoon sa atin.

Katapusan

Mahal kong mga kapatid, nawa’y masigasig nating hangaring matutuhan ang doktrina ng banal na priesthood, nawa’y palakasin natin ang ating patotoo nang taludtod sa taludtod sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga paghahayag ng Espiritu, at nawa’y makahanap tayo ng tunay na kagalakan sa araw-araw na paglilingkod bilang mayhawak ng priesthood. Kapag ginawa natin ang mga bagay na ito, magsisimula tayong mamuhay ayon sa ating potensyal at pribilehiyo bilang mga mayhawak ng priesthood, at “lahat ng bagay ay magagawa [sa pamamagitan ni Cristo na] nagpapalakas sa [atin].”19 Pinatototohanan ko ito bilang Apostol ng Panginoon at binabasbasan kayo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.