Inspiradong mga Salita tungkol sa Isang Inspiradong Gawain: Ang Sinabi ng mga Tagapagsalita tungkol sa Gawaing Pangkapakanan
Ilang mensahe noong Ika-181 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan ang inilaan sa pagdiriwang ng programang pangkapakanan ng Simbahan, na nagdiriwang ng ika-75 taon ngayon.
Nasa ibaba ang mga hango sa mga mensahe ng mga tagapagsalita na nakatuon sa programa at mga alituntuning pangkapakanan na inilahad ng Panginoon upang tulungan ang Kanyang mga anak na tulungan ang kanilang sarili.
Pangulong Thomas S. Monson
“Ipinapahayag ko na ang gawaing pangkapakanan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyang-inspirasyon ng Diyos na Maykapal.” (Tingnan sa “Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” pahina 90.)
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan
“Ang malalaking temporal na pangangailangan ng mga anak ng Ama sa Langit ay nangyayaring muli sa ating panahon tulad noon at mangyayari pa sa darating na mga panahon. Ang mga alituntunin sa pagtatatag ng programang pangkapakanan ng Simbahan ay hindi pangminsanan o sa isang lugar lamang. Ang mga ito ay para sa lahat ng panahon at lugar.”
“Inanyayahan at inutusan … tayo [ng Panginoon na] makilahok sa Kanyang gawaing tulungan ang mga nangangailangan. Nakikipagtipan tayong gawin iyon sa tubig ng binyag at sa mga banal na templo ng Diyos. Pinaninibago natin ang tipang iyon tuwing Linggo kapag tumatanggap tayo ng sacrament.” (Tingnan sa “Mga Pagkakataong Gumawa ng Mabuti,” pahina 22.)
Bishop H. David Burton, Presiding Bishop
“Ang planong pangkapakanan na ipinahayag ng propeta ay hindi lamang isang kasiya-siyang kuwento sa kasaysayan ng Simbahan. Ang mga alituntuning pinagbatayan nito ay nagpapakilala sa atin bilang isang grupo. Ito ang pinakadiwa ng pagiging mga disipulo ng ating Tagapagligtas at Halimbawa na si Cristo Jesus.”
“Ang sagradong gawaing ito ay hindi lamang para makinabang at mapagpala ang mga nagdurusa o nangangailangan. Bilang mga anak ng Diyos, hindi natin mamanahin ang kaganapan ng buhay na walang hanggan kung hindi natin lubos na pangangalagaan ang isa’t isa habang narito tayo sa mundo. Natututo tayo ng mga selestiyal na alituntunin ng pagsasakripisyo at paglalaan kapag nagsakripisyo tayo at naglingkod sa iba.”
“Ito ang sagradong gawaing inaasahan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Ito ang gawaing minahal Niya noong narito Siya sa lupa. Ito ang gawain na alam kong makikita nating ginagawa Niya kung kasama natin Siya ngayon.” (Tingnan sa “Ang Nagpapabanal na Gawaing Pangkapakanan,” pahina 81.)
Silvia H. Allred, Unang Tagapayo sa Relief Society General Presidency
“Ang kalalakihan at kababaihan ng Simbahan ay magkasama ngayong nagbibigay-ginhawa sa mga nangangailangan. … Kapag pagmamahal ang naging gabay na alituntunin natin sa pangangalaga sa iba, ang paglilingkod natin sa kanila ay nagiging halimbawa ng pamumuhay sa ebanghelyo. Ito ay matwid na pamumuhay sa ebanghelyo. Ito ay dalisay na relihiyon.” (Tingnan sa “Ang Kahulugan ng Pagiging Disipulo,” pahina 84.)