Elder Randall K. Bennett
Ng Pitumpu
Nasa tugatog siya ng tagumpay sa kanyang propesyon bilang orthodontist nang madama ni Randall Kay Bennett at ng kanyang asawang si Shelley ang “malinaw na pakiramdam” na maghandang maglingkod sa mga misyon. Nangahulugan ito na kakailanganin nilang ibenta kaagad ang kanilang bahay.
Hindi kaagad naging malinaw ang dahilan sa panghihikayat—tatlong taon ang nagdaan bago nila naipagbili ang bahay nila, isang prosesong nangailangan ng “malaking pagtitiyaga” at kanilang “maipakita sa Panginoon na talagang gagawin nila ito,” sabi ni Elder Bennett. “Patuloy kaming nagtiwala sa Panginoon at sinikap naming manatiling malapit sa Kanya sa pamamagitan ng madalas na pagdalo sa templo, araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, pag-aayuno, at paglilingkod sa iba.”
Hindi nagtagal matapos maibenta ang bahay nila, tinawag na maglingkod si Elder Bennett sa Provo Missionary Training Center at pagkatapos ay bilang pangulo ng Russia Samara Mission.
“Napakaganda—at lubhang nakapapakumbaba—ang malaman na matagal na kaming inaalala at inihahanda ng Panginoon,” sabi ni Elder Bennett. “Nalaman namin na batid ng Panginoon ang nilalaman ng ating puso’t isipan. Natutuhan naming magtiwala na alam Niya ang mas mabuti kaysa atin, na mas marami Siyang alam kaysa atin, at mahal Niya tayo.”
Bukod pa sa kanyang mga tungkulin bilang miyembro ng Pangalawang Korum ng Pitumpu at mission president, si Elder Bennett ay naglingkod na bilang pangulo at tagapayo sa isang branch ng Provo Missionary Training Center, miyembro ng stake high council, tagapayo sa bishopric, ward Young Men president, iba’t iba pang tungkulin, at bilang misyonero sa France Paris at France Toulouse Missions.
Si Elder Bennett ay nagtamo ng doctor of dental surgery degree sa University of Alberta (Canada) at master’s degree in orthodontics sa Loma Linda University sa Southern California, USA.
Si Elder Bennett ay isinilang noong Hunyo 1955 sa Magrath, Alberta, Canada. Ang kanyang mga magulang ay sina Donald Kay Bennett at Anne Darlene Long. Pinakasalan niya si Shelley Dianne Watchman noong Abril 23, 1977, sa Cardston Alberta Temple. Apat ang anak nila.