2011
Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa
Mayo 2011


Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa

Mas lumalalim ang kahulugan ng sealing o pagbubuklod sa templo habang lumilipas ang panahon. Tutulungan kayo nito na mas maging malapit sa isa’t isa at makatagpo ng mas malaking kagalakan at tagumpay sa buhay.

Elder Richard G. Scott

Ang magandang mensahe ng kahanga-hangang korong ito ay naglalarawan, sa palagay ko, sa huwaran ng buhay para sa marami sa atin: “pagsisikap na maging katulad ni Jesus.”

Noong Hulyo 16, 1953, lumuhod kami ng mahal kong si Jeanene para ikasal sa isang altar sa Manti Utah Temple. Ginamit ni President Lewis R. Anderson ang awtoridad ng pagbubuklod at ipinahayag na kami ay mag-asawa na, ngayon at magpasawalang-hanggan. Hindi ko maipaliwanag ang kapayapaan at katiwasayang hatid ng katiyakan na kapag patuloy akong namuhay nang karapat-dapat, makakasama ko ang mahal kong si Jeanene at ang aming mga anak magpakailanman dahil sa sagradong ordenansang iyon na isinagawa ng wastong awtoridad ng priesthood sa bahay ng Panginoon.

Ibinigkis sa amin ang aming pitong anak sa mga sagradong ordenansa sa templo. Ang mahal kong asawang si Jeanene at dalawa sa aming mga anak ay sumakabilang-buhay na. Sila ang malakas na panghikayat sa nalalabing mga miyembro ng aming pamilya na mamuhay nang matwid upang sama-sama naming matanggap ang lahat ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinangako sa loob ng templo.

Dalawa sa pinakamahahalagang haligi na sumusuporta sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit ang pag-aasawa at pamilya. Ang napakalaking kahalagahan nito ay binibigyang-diin ng walang-humpay na pagsisikap ni Satanas na sirain ang pamilya at balewalain ang kahalagahan ng mga ordenansa sa templo, na nagbibigkis sa pamilya magpasawalang-hanggan. Mas lumalalim ang kahulugan ng sealing o pagbubuklod sa templo habang lumilipas ang panahon. Tutulungan kayo nito na mas maging malapit sa isa’t isa at makatagpo ng mas malaking kagalakan at tagumpay sa buhay.

Minsan ay may natutuhan akong mahalagang aral mula sa aking kabiyak. Malayo ang nalalakbay ko dahil sa aking propesyon. Halos dalawang linggo akong nawala at umuwi ako isang Sabado ng umaga. May apat na oras pa bago ako dumalo sa isa pang miting. Napansin kong sira ang maliit na washing machine namin at kinakamay ng asawa ko ang paglalaba. Sinimulan kong kumpunihin ang washing machine.

Napadaan si Jeanene at sinabing, “Rich, ano’ng ginagawa mo?”

Sabi ko, “Kinukumpuni ko ang washing machine para hindi mo na kamayin ang paglalaba.”

Sabi niya, “Huwag. Makipaglaro ka na lang sa mga bata.”

Sabi ko, “Puwede akong makipaglaro sa mga bata kahit kailan. Gusto kitang tulungan.”

At sinabi niyang, “Richard, makipaglaro ka na lang sabi sa mga bata.”

Nang ganoon na katigas ang kanyang pananalita, sumunod na ako.

Masaya kaming naglaro ng mga anak namin. Naghabulan kami sa paligid at nagpagulung-gulong sa mga dahong lagas. Kalaunan dumalo ako sa aking miting. Siguro nalimutan ko na ang karanasang iyon, kung hindi dahil sa aral na gusto niyang matutuhan ko.

Kinaumagahan mga bandang alas-4:00 n.u., nagising ako sa yakap ng dalawang munting bisig sa leeg ko, isang halik sa pisngi, at sa pabulong na mga katagang ito, na hinding-hindi ko malilimutan: “Dad, mahal kita. Ikaw ang best friend ko.”

Kung nararanasan ninyo ito sa inyong pamilya, nararanasan ninyo ang isa sa pinakamasasayang sandali sa buhay.

Kung binata ka na nasa hustong edad at wala pang asawa, huwag kang magsayang ng oras sa mga walang-kabuluhang gawain. Magpatuloy sa buhay at magtuon ng pansin sa pag-aasawa. Huwag basta palipasin ang panahong ito sa inyong buhay. Mga binata, maglingkod nang marapat sa misyon. Pagkatapos ay bigyan ninyo ng pinakamataas na prayoridad ang paghahanap ng karapat-dapat na makakasama sa walang-hanggan. Kapag nagkakaroon kayo ng interes sa isang dalaga, ipakita sa kanya na isa kang pambihirang tao para maging interesado siyang kilalanin ka pa nang mas mabuti. Dalhin siya sa magagandang lugar. Magpakitang-gilas. Kung gusto ninyong magkaroon ng mabuting asawa, kailangan siyang maakit sa inyo bilang mabuting tao at mapapangasawa.

Kung may natagpuan na kayo, makapagsisimula kayo ng pambihira at magandang pagliligawan at pag-aasawa at magiging walang-hanggan ang inyong kaligayahan kung mananatili kayo o hindi kayo lalampas sa hangganan ng pagkamarapat na itinakda ng Panginoon.

Kung may asawa na kayo, tapat ba kayo sa inyong asawa sa isipan at katawan? Tapat ba kayo sa inyong mga tipan sa kasal sa pamamagitan ng hindi pakikipag-usap kailanman sa ibang tao na ayaw ninyong marinig ng inyong asawa? Mabait ba kayo at sumusuporta sa inyong asawa’t mga anak?

Mga kapatid, namumuno ba kayo sa mga aktibidad ng pamilya tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin ng pamilya, at family home evening, o ang asawa ninyo ang nagpupuno sa kakulangan ninyo ng atensyon sa tahanan? Madalas ba ninyong sabihin sa inyong asawa kung gaano ninyo siya kamahal? Lubos itong magpapaligaya sa kanya. May narinig na akong mga lalaki na nagsabi ng ganito, “Ah, alam naman niya.” Kailangan ninyong sabihin sa kanya. Umuunlad ang isang babae at lubhang pinagpapala ng katiyakang ito. Pasalamatan ang ginagawa ng inyong kabiyak para sa inyo. Ipahayag nang madalas ang pagmamahal at pasasalamat na iyan. Gagawin nitong mas sagana at mas masaya at makabuluhan ang buhay. Huwag itago ang mga likas na pagpapakitang iyon ng pagmamahal. At mas mabisa iyan kung yakap ninyo siya habang sinasabi ito sa kanya.

Natutuhan ko sa asawa ko ang kahalagahan ng pagpapakita ng pagmamahal. Noong bagong kasal kami, madalas kong buksan ang mga banal na kasulatan ko para magbigay ng mensahe sa isang miting, at nakakakita ako ng magiliw at nakasisiglang maikling sulat mula kay Jeanene na nakasingit sa mga pahina. Kung minsan napakagiliw nito kaya halos hindi ako makapagsalita. Ang mahahalagang sulat na iyon mula sa isang mapagmahal na asawa ay walang kapantay na aliw at inspirasyon noon at ngayon.

Ginawa ko rin iyon sa kanya, na hindi natatanto kung gaano talaga ito kahalaga sa kanya. Naaalala ko na may isang taon na wala kaming pera para mabigyan ko siya ng regalo sa valentine, kaya’y nagpasiya akong magpinta gamit ang watercolor sa harap ng refrigerator. Ginawa ko ang makakaya ko, kaya lang may isang mali akong nagawa. Enamel paint ang nagamit ko at hindi watercolor. Hindi niya pinabura sa akin ang permanent paint na iyon kahit kailan.

Naaalala ko na isang araw, kinuha ko ang ilang maliliit na bilog na papel mula sa pinagbutas-butas na papel at sinulatan ko ang mga iyon ng number 1 hanggang 100. Ibinaligtad ko ang bawat isa, sinulatan ko siya ng mensahe, isang salita sa bawat bilog. Pagkatapos ay dinampot ko ang mga ito at inilagay sa isang sobre. Akala ko matatawa siya nang husto.

Pagpanaw niya, nakita ko sa mga personal niyang gamit kung gaano niya pinahalagahan ang mga simpleng mensaheng ibinahagi namin sa isa’t isa. Napuna ko na maingat niyang idinikit sa isang papel ang bawat isa sa mga bilog na papel na iyon. Hindi lang niya itinago ang mga sulat ko sa kanya, kundi nilagyan pa niya iyon ng plastic cover na para bang mamahalin iyon. Iisa lang ang hindi niya isinama sa iba. Nasa likod pa iyon ng salamin ng orasan namin sa kusina. Sabi doon, “Jeanene, oras na para sabihin ko sa iyo na mahal kita.” Naroon pa rin iyon at ipinaaalala niyon sa akin ang pambihirang anak na iyon ng Ama sa Langit.

Sa paggunita ko sa aming pagsasama, natanto ko kung gaano kami kapalad. Hindi kami nagtalo sa bahay o nagbitaw ng masasakit na salita sa isa’t isa. Alam ko na ngayon na dumating ang pagpapalang iyon dahil sa kanya. Bunga iyon ng kahandaan niyang magbigay, magbahagi, at hindi isipin ang kanyang sarili kailanman. Sa aming pagtanda, sinikap kong tularan ang kanyang halimbawa. Iminumungkahi ko na bilang mag-asawa ay gayahin ninyo ito sa inyong tahanan.

Ang dalisay na pag-ibig ay walang-katulad at mabisang puwersa para sa kabutihan. Matuwid na pag-ibig ang pundasyon ng matagumpay na pagsasama ng mag-asawa. Ito ang pangunahing dahilan ng kontento at wastong paglaki ng mga anak. Sino ang makakasukat sa mabuting impluwensya ng pagmamahal ng isang ina? Ano ang tumatagal na mga bunga mula sa mga butil ng katotohanan na maingat at mapagmahal na pinauunlad ng isang ina sa matabang lupa ng mapagtiwalang isip at puso ng isang bata? Bilang isang ina biniyayaan kayo ng banal na damdaming malaman ang mga espesyal na talento at kakaibang kakayahan ng inyong anak. Kasama ang inyong asawa, maaaruga, mapapalakas, at mapapausbong ninyo ang mga ugaling iyon.

Napakainam na magkaroon ng asawa. Napakasarap mag-asawa. Darating ang panahon na pareho na kayo ng iniisip at mga ideya at opinyon. May mga panahon na napakasaya ninyo, mga panahon ng hirap at pagsubok, ngunit ginagabayan kayo ng Panginoon sa lahat ng karanasang iyon sa inyong pagsasama.

Isang gabi nagising ang musmos naming anak na si Richard, na may sakit sa puso. Pareho naming narinig iyon. Karaniwan ay asawa ko ang laging tumatayo para aluin ang batang umiiyak, ngunit sa pagkakataong ito sabi ko, “Ako na ang mag-aasikaso sa kanya.”

Dahil sa sakit niya, kapag nagsisimula na siyang umiyak, bumibilis ang pintig ng munting puso niya. Nagsusuka siya at narurumihan ang kobrekama. Nang gabing iyon niyakap ko siya nang mahigpit para kumalma ang pintig ng kanyang puso at tumahan siya sa pag-iyak habang pinapalitan ko ang damit niya at kobrekama. Yakap ko siya hanggang sa makatulog siya. Hindi ko alam noon na ilang buwan na lang ay papanaw na siya. Lagi kong maaalala ang pagyakap ko sa kanya noong hatinggabing iyon.

Tandang-tanda ko pa ang araw nang pumanaw siya. Habang sakay kami ng kotse ni Jeanene mula sa ospital, pumarada kami sa tabing-daan. Niyakap ko siya. Pareho kaming naiyak nang kaunti, ngunit natanto namin na mapapasaamin siya sa kabilang-buhay dahil sa mga tipang ginawa namin sa templo. Mas madali naming natanggap ang kanyang pagpanaw dahil doon.

Napakarami kong natutuhang mahahalagang bagay sa kabaitan ni Jeanene. Napakabata ng isip ko, at siya naman ay napaka-disiplinado, at napaka-espirituwal. Ang pag-aasawa ay magandang pagkakataon para madaig ang anumang hilig na maging sakim o makasarili. Palagay ko isa sa mga dahilan kaya tayo pinapayuhang mag-asawa nang maaga ay para hindi magkaroon ng di-angkop na pag-uugaling mahirap baguhin.

Naaawa ako sa sinumang lalaking hindi pa nakakapagpasiyang humanap ng makakasama sa walang-hanggan at naiiyak ako para sa mga dalagang hindi pa nakapag-aasawa. Maaaring nadarama ng ilan sa inyo na nalulungkot kayo at hindi kayo pinahahalagahan at hindi ninyo makita kung paano kayo makapag-aasawa at magkakaroon ng mga anak o ng sariling pamilya. Lahat ng bagay ay posible sa Panginoon, at tinutupad Niya ang mga pangakong nais Niyang ipahayag ng Kanyang mga propeta. Napakatagal ng walang-hanggan. Sumampalataya sa mga pangakong iyon at mamuhay nang marapat para dito upang sa Kanyang panahon ay tuparin ito ng Panginoon sa inyong buhay. Tiyak na matatanggap ninyo ang bawat ipinangakong pagpapalang nararapat na mapasainyo.

Ipagpaumanhin ninyo ang pagbanggit ko sa mahal kong asawang si Jeanene, ngunit kami ay walang-hanggang pamilya. Lagi siyang masaya noon, at karaniwan ay dahil iyon sa paglilingkod niya sa iba. Kahit noong malala na ang sakit niya, sa pagdarasal niya sa umaga hinihiling niya sa kanyang Ama sa Langit na akayin siya sa isang taong matutulungan niya. Ang taos na pagsamong iyon ay sinagot nang paulit-ulit. Gumaan ang mga pasanin ng marami; naliwanagan ang kanilang buhay. Patuloy siyang pinagpala sa pagiging kasangkapan na pinatnubayan ng Panginoon.

Alam ko ang kahulugan ng mahalin ang isang anak na babae ng Ama sa Langit na sa kabutihan ng loob at katapatan ay namuhay sa ganap na karilagan bilang mabuting babae. Tiwala ako na, sa hinaharap, kapag nagkita kaming muli sa kabilang-buhay, malalaman namin na lalo pang lumalim ang aming pag-iibigan. Mas pahahalagahan namin ang isa’t isa, ngayong pinaghiwalay kami ng tabing. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.