Pinakamainam na Maipagdiriwang ang Ika-400 Anibersaryo sa Higit na Pag-aaral, ang Mungkahi sa mga Salita ng mga Apostol
Hindi nagkataon lamang na napasaatin ang Biblia ngayon,” sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol.1 Ipinaliwanag Niya na ang Biblia ay nariyan dahil sa pagsunod ng mga matwid na tao na sumunod sa mga panghihikayat na itala ang mga sagradong karanasan at turo, gayundin ang pananampalataya at katapangan ng iba, pati na mga tagapagsalin, na kalaunan ay malaki ang isinakripisyo upang “pangalagaan at ingatan” ang Biblia.
Sa Mayo 2, 2011, ipagdiriwang ang ika-400 anibersaryo ng unang paglalathala ng King James Version ng Biblia. Sa buong mundo, ginugunita na ng mga tao ang paglalathala ng Biblia sa mga pulong, pagdiriwang, konsiyerto, paligsahan sa pagtatalumpati, at marami pang iba. Nagmungkahi ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isa pang paraan para maipagdiwang ang okasyon: sa pagkakaroon ng pagmamahal sa Biblia habang pinag-aaralan natin ang buhay at ministeryo ng Tagapagligtas at sa mga salita ng mga sinaunang propeta at apostol.
“Dapat tayong magpasalamat nang husto para sa Banal na Biblia,” sabi ni Elder Ballard. “Mahal ko ang biblia, ang mga turo, aral, at diwa nito. … Gustung-gusto ko ang tamang pananaw at kapayapaang nagmumula sa pagbabasa ng Biblia.”2
Sang-ayon si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Mahal namin at pinagpipitaganan ang Biblia,” wika niya. “Ito ay lagi nang unang tinutukoy sa ating kasulatan, ang ating ‘pamantayang mga banal na kasulatan.’”3 Ipinaalala niya sa atin na ang Panunumbalik ay nangyari dahil pinag-aralan ni Joseph Smith ang Biblia at nanalig siya sa pangakong ginawa sa Santiago 1:5 na sasagutin ng Diyos ang ating mga dalangin.
Sa paggunita sa mga kaganapang nagbigay-daan sa Panunumbalik, nagsalita nang may pasasalamat si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol para sa lahat ng nagsalin at naglathala ng Biblia. Dahil sa kanilang ginawa, ang King James Version ng Biblia ay mababasa na ng kahit sino—at dahil nabasa ito ni Joseph Smith, naipanumbalik sa lupa ang tunay na Simbahan. “Nakakapagtaka ba na ang King James Version ang inaprubahang Bibliang Ingles ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon?” tanong ni Elder Hales.4
“Alalahanin nating lagi ang di-mabilang na mga martir na nakabatid sa kapangyarihan nito at nagbuwis ng kanilang buhay upang makita natin sa mga salita nito ang landas tungo sa walang hanggang kaligayahan at kapayapaan sa kaharian ng ating Ama sa Langit,” sabi ni Elder Ballard.5
Ibinahagi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang isang kuwento noong tingnan nila ang napakaluma nang Biblia ng pamilya at makita nila ang isang sipi sa pahina ng pamagat na nagsabing, “Ang pinakamagandang Pagkalimbag ng Biblia ay ang mailimbag ito nang maayos sa puso ng Mambabasa.”6 Sinundan niya ito sa pagbasa ng talatang ito: “Kayo ay ang aming sulat, na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao” (II Mga Taga Corinto 3:2).
Sa pagkaalam at pagmamahal sa Biblia at sa kasama nitong mga teksto sa banal na kasulatan, maipapakita natin ang ating pasasalamat at matatamasa ang mga pagpapala ng Panunumbalik ng ebanghelyo.
“Isipin ang laki ng pagpapalang mapasaatin ang Banal na Biblia at mga 900 karagdagang pahina ng banal na kasulatan,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson. “Nawa’y patuloy tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo na magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin.”7