2011
Pagtatatag ng Isang Tahanang Nakasentro Kay Cristo
Mayo 2011


Pagtatatag ng Isang Tahanang Nakasentro Kay Cristo

Nauunawaan at pinaniniwalaan natin ang kawalang-hanggan ng pamilya. Ang pagkaunawa at paniniwalang ito ay dapat magbigay-inspirasyon sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya upang makapagtatag ng isang tahanang nakasentro kay Cristo.

Elder Richard J. Maynes

Sa pagsisimula ng aking paglilingkod bilang binatang misyonero sa Uruguay at Paraguay, nalaman ko na isa sa mga lubos na nakaakit sa mga naghangad na makaalam pa tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang interes nila sa ating doktrina tungkol sa pamilya. Katunayan, simula nang ipanumbalik ang Ebanghelyo ni Jesucristo, naakit na ang mga investigator na naghahangad ng katotohanan sa doktrina na ang mga pamilya ay magsasama nang walang-hanggan.

Ang prinsipyo na walang-hanggan ang mga pamilya ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng Ama para sa Kanyang mga Anak. Mahalaga sa planong iyan ang maunawaan na tayo ay may isang pamilya sa langit at isa ring pamilya sa lupa. Itinuro sa atin ni Apostol Pablo na ang Ama sa Langit ang ama ng ating mga espiritu:

“Upang kanilang hanapin ang Dios … at siya’y masumpungan, …

“Sapagka’t sa kaniya tayo’y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao; … Sapagka’t tayo nama’y sa kaniyang lahi.”1

Ang pagiging supling o anak ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ay napakahalagang alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo kaya kahit ang mga anak natin ay ipinahahayag ang katotohanan nito sa pagkanta nila ng awitin sa Primary na “Ako ay Anak ng Diyos.” Naaalala ba ninyo ang mga titik nito?

Ako ay anak ng Diyos,

Dito’y isinilang,

Handog sa ‘kin ay tahana’t

Mabuting magulang.

Akayin at patnubayan,

Sa tamang daan.

Turuan ng gagawin,

Nang S’ya’y makapiling.2

Ang pagkaunawa na tayo ay may isang pamilya sa langit ay nagpapaunawa sa atin tungkol sa kawalang-hanggan ng ating pamilya sa lupa. Itinuturo sa atin sa Doktrina at mga Tipan na ang pamilya ay mahalaga sa orden ng langit: “At yaon ding lipunan na umiral sa atin dito ang iiral sa atin doon, lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian.”3

Ang pag-unawa sa kawalang-hanggan ng pamilya ay mahalagang bahagi ng pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Sa kabilang banda, gustong gawin ng kaaway ang lahat ng kanyang makakaya upang sirain ang plano ng Ama sa Langit. Sa pagtatangka niyang sirain ang plano ng Diyos, pinangungunahan niya ang isang bagong pag-atake sa institusyon ng pamilya. Ang ilan sa mas matitinding sandatang ginagamit niya sa pag-atake ay kasakiman, pagkaganid, at pornograpiya.

Ang ating walang-hanggang kaligayahan ay hindi kabilang sa mga mithiin ni Satanas. Alam niya na ang susi upang maging kaaba-kaabang katulad niya ang kalalakihan at kababaihan ay pagkaitan sila ng mga kaugnayan sa pamilya na may walang-hanggang potensyal. Dahil nauunawaan ni Satanas na ang tunay na kaligayahan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ay matatagpuan sa pamilya, ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya upang sirain ito.

Tinawag ng sinaunang propetang si Alma na “dakilang plano ng kaligayahan” ang plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.4 Ibinigay sa atin ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ating sinang-ayunang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, ang inspiradong payong ito tungkol sa kaligayahan at buhay-pamilya: “Ang pamilya ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng bigkis ng kasal at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal. Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo.”5

Ang kaligayahang ito na binanggit ni Alma at nitong huli ay ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay tiyak na matatagpuan sa tahanan kasama ang pamilya. Palagi itong madarama kung gagawin natin ang lahat ng ating makakaya upang makapagtatag ng isang tahanang nakasentro kay Cristo.

May natutuhan kami ni Sister Maynes na ilang mahahalagang alituntunin nang simulan naming bumuo ng isang tahanang nakasentro kay Cristo noong bagong kasal pa lang kami. Nagsimula kami sa pagsunod sa payo ng mga pinuno ng ating Simbahan. Tinipon namin ang aming mga anak at nagdaos kami ng lingguhang mga family home evening at nanalangin kami at nag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Hindi laging madali, kumbinyente, o tagumpay ito, ngunit sa paglipas ng panahon ang mga simpleng aktibidad na ito ay naging mahahalagang tradisyon ng pamilya.

Nalaman namin na maaaring hindi maalala ng aming mga anak kalaunan ang lahat ng itinuro sa nakaraang family home evening, ngunit maaalala nila na idinaos namin ito. Nalaman namin na sa araw ding iyon sa paaralan ay malamang na hindi nila maalala ang eksaktong mga salita sa mga banal na kasulatan o sa panalangin, ngunit maaalala nila na nagbasa kami ng mga banal na kasulatan at nagdasal. Mga kapatid, may malaking kapangyarihan at proteksyon para sa atin at sa ating mga kabataan ang pagpapasimula ng mga sagradong tradisyon sa tahanan.

Ang pag-aaral, pagtuturo, at pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo sa ating tahanan ay lumilikha ng kapaligirang matatahanan ng Espiritu. Sa pagpapasimula ng mga sagradong tradisyong iyon sa ating tahanan, madaraig natin ang mga maling tradisyon ng mundo at matututo tayong unahin ang mga pangangailangan at alalahanin ng iba.

Ang responsibilidad sa pagbuo ng isang tahanang nakasentro kay Cristo ay nakasalalay kapwa sa mga magulang at mga anak. Responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan. Ang mga magulang ay pananagutin sa harapan ng Panginoon kung paano nila ginampanan ang kanilang mga sagradong responsibilidad. Tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa salita at sa pamamagitan ng halimbawa. Inilalarawan ng tulang ito ni C.C. Miller na pinamagatang “The Echo” ang kahalagahan at epekto ng mga magulang sa pag-impluwensya nila sa kanilang mga anak:

Tupa’t hindi batang kordero

Ang naligaw sa talinghagang si Jesus ang nagkuwento,

Isang matandang tupang napalayo

Mula sa siyamnapu’t siyam sa grupo.

At bakit hahanapin pa ang tupa

At mananalangin at aasa?

Dahil mapanganib kapag naligaw ang tupa:

Pati mga kordero’y kasunod na nawawala.

Alam ninyong tupa’y susundan ng kordero,

Kahit saanman ito magtungo.

Kapag mga tupa’y nagkamali,

Mga kordero’y gayon din sa malao’t madali.

Kaya’t sa mga tupa kami’y sumasamo

Alang-alang sa ngayo’y mga batang kordero,

Dahil kapag mga tupa ay napalayo

Malaki ang magiging kawalan

Mga batang kordero ang magiging kabayaran.6

Ang mga bunga sa mga magulang na umakay sa kanilang mga anak sa maling landas ay binanggit sa atin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan: “At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion … na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, … ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.”7

Mahirap magbanggit nang labis tungkol sa kahalagahan ng mga magulang sa pagtuturo ng mga sagradong tradisyon sa kanilang mga anak sa salita at sa halimbawa. Mahalaga rin ang papel na ginagampanan ng mga anak sa pagbuo ng tahanang nakasentro kay Cristo. Ibabahagi ko sa inyo ang maikling mensaheng ibinigay kamakailan ni Will, ang aking walong-taong-gulang na apo, na naglalarawan sa alituntuning ito:

“Mahilig akong mangabayo at siluhin ang mga kabayo at baka kasama ang tatay ko. Ang lubid ay may iba’t ibang hibla na pinagsama-sama para tumibay ito. Kung iisa lang ang hibla ng lubid, hindi nito maisasagawa ang gawain. Ngunit dahil mas maraming hiblang nagtutulungan, nagagamit natin ito sa maraming iba’t ibang paraan at matibay ito.

“Ang mga pamilya ay parang mga lubid. Kapag iisang tao lang ang nagsisikap at gumagawa ng tama, hindi magiging malakas ang pamilya na katulad ng kapag nagsisikap ang lahat na magtulungan.

“Alam ko na kapag ginagawa ko ang tama, tinutulungan ko ang aking pamilya. Kapag mabait ako sa kapatid kong si Isabelle, pareho kaming natutuwa at naging masaya ang nanay at tatay ko. Kapag may kailangang gawin ang nanay ko, matutulungan ko siya sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa maliit kong kapatid na si Joey. Matutulungan ko rin ang aking pamilya sa pamamagitan ng paglilinis ng kuwarto ko at pagtulong nang masaya tuwing may oras ako. Dahil ako ang panganay sa pamilya, alam kong mahalaga ang pagiging mabuting halimbawa. Gagawin ko ang makakaya ko para mapili ang tama at sundin ang mga utos.

“Alam ko na makakatulong ang mga bata na mapatatag ang kanilang pamilya na katulad ng isang matibay na lubid. Kapag ginagawa ng lahat ang kanilang makakaya at nagtutulungan, nagiging masaya at matatag ang mga pamilya.”

Kapag namuno ang mga magulang sa pamilya nang may pagmamahal at kabutihan at itinuro nila sa kanilang mga anak ang ebanghelyo ni Jesucristo sa salita at sa pamamagitan ng halimbawa, at kapag mahal at sinuportahan ng mga anak ang mga magulang sa pamamagitan ng pagkatuto at pagsasabuhay ng mga alituntuning itinuturo ng kanilang mga magulang, ang bunga ay ang pagkakaroon ng isang tahanang nakasentro kay Cristo.

Mga kapatid, bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nauunawaan at naniniwala tayo sa kawalang-hanggan ng pamilya. Ang pagkaunawa at paniniwalang ito ay dapat magbigay-inspirasyon sa atin na gawin ang lahat ng ating makakaya upang makabuo ng tahanang nakasentro kay Cristo. Pinatototohanan ko sa inyo na kapag sinikap nating gawin ito, mas lubos nating maisasabuhay ang pagmamahal at paglilingkod na ipinakita sa buhay at Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at bunga nito, tunay na madarama natin na parang langit sa lupa ang ating tahanan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Gawa 17:27–28.

  2. “Ako ay Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 189.

  3. Doktrina at mga Tipan 130:2; tingnan din sa Robert D. Hales, “The Eternal Family,” Ensign, Nob. 1996, 64.

  4. Alma 42:8.

  5. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  6. C. C. Miller, “The Echo,” sa Best-Loved Poems of the LDS People, inedit nina Jack M. Lyon at iba pa (1996), 312–13.

  7. Doktrina at mga Tipan 68:25; idinagdag ang pagbibigay-diin.