Tinutupad ng Perpetual Education Fund ang mga Pangako ng Propeta
Sampung taon na ang nakararaan, binalangkas ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ang isang problema—hindi nakatakas sa kahirapan ang maraming nakauwi nang misyonero at iba pang karapat-dapat na kabataan sa umuunlad na mga lugar—at inilaan ang isang solusyon: ang Perpetual Education Fund (PEF). Isang umiikot na pondong bubuuin sa paggamit ng mga donasyon mula sa mga miyembro at kaibigan ng Simbahan, ang PEF ay magpapautang sa mga kabataan para sila makapag-aral sa pag-asang maghahanda silang makapagtrabaho sa kanilang komunidad at mabayaran nila ang utang para mabigyan ang iba ng gayon ding mga pagkakataon. Sinabi niya na aasa ang Simbahan sa mga boluntaryo at umiiral na mga pagkukunan ng Simbahan para magtagumpay.
Mga Himalang Nangyari
Nang umakyat sa pulpito si Pangulong Hinckley noong Marso 31, 2001, at ilahad sa priesthood ng simbahan ang isang pangitain tungkol sa Perpetual Education Fund, malinaw sa marami na tumanggap ng utos ang propeta ng Panginoon.
Ang potensyal na mabigo ay tila sumulpot nang magmadali ang bagong hirang na mga pinuno ng PEF na simulan ang pagpapautang pagsapit ng taglagas noong 2001, ayon sa utos ni Pangulong Hinckley. Maliban sa inspiradong balangkas ng propeta walang umiiral na plano ni detalyadong panukala noon. Ang programa ay inorganisa gamit ang teksto ng mensahe ni Pangulong Hinckley sa kumperensya bilang kasunduan nito. Daan-daang aplikasyon sa pag-utang ang bumaha sa headquarters ng Simbahan habang tinatawag ang mga direktor at binubuo ang pangunahing istruktura ng programa.
Ngunit nangyayari na ang mga himala. Sa loob ng isang taon, milyun-milyong dolyar ang donasyon sa programa. Naroon kaagad ang ilang tao na kakaiba ang pinagmulan kaya naging karapat-dapat para sa gawain ng PEF upang maglingkod bilang mga boluntaryong direktor. Ang balangkas na kailangan para suportahan ang PEF sa buong daigdig ay nailatag na sa mga Church Educational System institute program at mga Church Employment Resource Center. Anuman ang kailangan ay agad nalagay sa lugar, na naglaan ng programa ayon sa ulat ni Pangulong Hinckley noong Abril 2002 na magiging isang “matibay na pundasyon.”1
Sabi ni Rex Allen, na kasalukuyang naglilingkod bilang boluntaryong direktor ng training and communications para sa PEF, “Noong araw, iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng Dagat na Pula at nahati ang tubig. Nabanaag din kay Pangulong Hinckley ang pananampalatayang ito nang gamitin niya ang kanyang pagkapropeta upang lutasin ang kahirapan at pasimulan ang PEF.”
“Isang himala ito,” paulit-ulit na pagpapatibay ni Pangulong Hinckley.
Kahit pagkaraan ng 10 taon, nagsisimula pa lang ang pinakadakilang mga himala.
Natupad ang mga Pangako
Nang magpahayag siya tungkol sa PEF at sa sumunod na mga pananalita, nangako si Pangulong Hinckley na dadaloy ang ilang pagpapala mula sa PEF. Bawat isa ay mas mabilis na natutupad habang mas maraming kalahok ang nagtatapos sa pag-aaral mula sa PEF at nagbabayad ng kanilang mga utang.
Pagkakataon at Pagtatrabaho
“[Ang mga kalahok] ay makapag-aaral na upang maka[ahon] sila sa kahirapan,” sabi ni Pangulong Hinckley.2
Pagsapit ng Pebrero 2011, halos 90 porsiyento ng mga naghanap ng trabaho nang makatapos sa pag-aaral ang nakakita ng trabaho. Mga 78 porsiyento ng nagtatrabaho na ngayon ang nagsasabi na ang kasalukuyan nilang trabaho ay pag-asenso sa dati nilang trabaho bago sila nakatanggap ng training. Ang karaniwang suweldo pagkatapos mag-aral ng mga kalahok sa PEF ay tatlo hanggang apat na ulit na mas mataas kaysa suweldo nila bago sila nag-aral, na kumakatawan sa malaking pag-unlad ng kanilang kabuhayan.
Pamilya at Komunidad
“Mag-aasawa sila at susulong nang may mga kasanayan para kumita nang malaki at magkaroon ng lugar sa lipunan kung saan malaki ang kanilang maiaambag,” paghayag ni Pangulong Hinckley.3 Mahigit sangkatlo lang ng kasalukuyang mga kalahok sa PEF ang nakapag-asawa na.
Sabi ni Elder John K. Carmack, executive director ng PEF: “Ang isa sa pinaka-nakahihikayat na resulta ng PEF sa ngayon ay na nakikita natin na lumalaki ang pag-asa ng mga kabataan. Ang pag-asang ito ay nagpapalakas ng kanilang loob na mag-asawa at sumulong sa buhay.”
Kapag ginawa nila ito, aasam ang kanilang lumalaking pamilya sa mas maaliwalas na hinaharap.
Simbahan at Pamumuno
“Bilang matatapat na miyembro ng Simbahan, magbabayad sila ng ikapu at mga handog, at dahil sa kanila, mas lalakas ang Simbahan sa pook kung saan sila nakatira,” sabi ni Pangulong Hinckley.4
Sa mga lugar kung saan may PEF na nang ilang taon, kasindami ng 10 hanggang 15 porsiyento ng kasalukuyang pamunuan ng Simbahan ang bumubuo sa mga kalahok sa PEF.
“Hinikayat ng mga kalahok ang iba pang kabataan na umutang sa PEF at umahon sa kahirapan,” sabi ni Rex Allen. “Pagkaraan ng 10 taon nakikita namin na lumalaki ang pag-asa habang ibinabahagi ng mga napagpala ang mga pagpapala sa iba.”
Mga Epekto sa Buhay ng Marami
“[Ang PEF] ay magiging pagpapala sa lahat ng buhay na maitataguyod nito—sa mga kabataang lalaki at babae, sa kanilang pamilya sa hinaharap, sa Simbahan na mapagpapala ng kanilang matatag na pamumuno,” ipinangako ni Pangulong Hinckley.5
Mahigit 47,000 katao na ang lumahok sa PEF mula noong taglagas ng 2001. Hindi pa kasama riyan ang mga kamag-anak na sinusuportahan at binibigyang-inspirasyon ng mga miyembro ng pamilya na lumahok sa PEF, sa mga ward at branch na nakikinabang sa mga miyembrong higit ang kakayahang maglingkod at mag-ambag, at sa ekonomiya ng lugar na nangangailangan ng mga bihasang trabahador upang umunlad.
“Wariin ninyo ang epekto habang iniisip ninyo ang lahat ng apektado,” sabi ni Brother Allen. “Umaabot ito sa mga yaong nagbibigay ng donasyon sa PEF—ang mga donor, kanilang mga pamilya, kanilang mga ward at branch—lahat ay pinagpala sa kanilang mga kontribusyon.”
“Abot-kamay ng halos lahat ng Banal sa mga Huling Araw ang kakayahang regular na magbigay ng isang bagay sa pondong ito at sa iba pang karapat-dapat na pagsisikap,” sabi ni Elder Carmack. “Ang paanyaya ni Pangulong Hinckley ay tumutulong sa mga nag-aambag sa PEF gayundin sa mga [gumagamit nito upang] paunlarin ang kanilang sarili upang higit na mapalapit sa ating Tagapagligtas.”
Patuloy na Pag-unlad
Ang pangitain ni Pangulong Hinckley bilang propeta tungkol sa Perpetual Education Fund ay nagkatotoo nang lumaganap ang impluwensya ng binigyang-inspirasyong programang ito sa buong mundo, at patuloy itong magkakatotoo habang patuloy na dumarami ang donasyon at nababayaran ang mga utang, na nagtutulot sa bagong henerasyon ng mga kalahok na paunlarin ang kanilang sarili at kanilang sitwasyon.
Para malaman pa ang iba tungkol sa Perpetual Education Fund mangyaring bumisita sa pef.lds.org.