2011
Pag-asa
Mayo 2011


Pag-asa

Ang pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng walang hanggang pananaw.

Elder Steven E. Snow

Lumaki ang pamilya namin sa disyertong lupain ng Southern Utah. Bihirang umulan, at umaasa ang marami na magkakaroon ng sapat na ulan para sa parating na tag-init. Noon, tulad ngayon, umaasa kaming uulan, ipinagdarasal naming umulan, at kapag desperado kami, nag-aayuno kami para umulan.

May kuwento tungkol sa isang lolo na ipinasyal ang kanyang limang-taong-gulang na apong lalaki sa bayan. Sa huli, napunta sila sa isang maliit na tindahan sa Main Street kung saan sila tumigil para uminom ng malamig na soda pop. Pumarada ang isang kotseng nagmula sa labas ng bayan at nilapitan ng drayber ang matanda. Habang nakaturo sa munting ulap sa kalangitan, itinanong ng estranghero, “Palagay ho ba ninyo uulan?”

“Sana nga,” sagot ng matanda, “kung hindi man para sa akin, para man lang sa bata. Nakita ko nang umulan.”

Ang pag-asa ay damdaming nagpapasigla sa ating pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin nito ay “damdamin na … magiging maaayos ang lahat.” Kapag umaasa tayo, tayo “ay umaasam … nang may hangarin at makatuwirang pagtitiwala” (dictionary.reference.com/browse/hope). Sa gayon, ang pag-asa ay naghahatid ng nakapapanatag na impluwensya sa ating buhay habang tiwala nating inaasam ang darating na mga kaganapan.

Kung minsan ay inaasam natin ang mga bagay na halos wala tayong kakayahang makontrol. Inaasam nating gumanda ang klima. Inaasam natin na maagang sumapit ang tagsibol. Inaasam nating manalo ang paborito nating sports team sa World Cup, Super Bowl, o sa World Series.

Ang gayong mga pag-asam ay nagpapasaya sa ating buhay at madalas humantong sa di-karaniwan, maging sa mapamahiing asal. Halimbawa, napakahilig ng biyenan kong lalaki sa sports, pero kumbinsido siya na kung hindi niya panonoorin ang paborito niyang basketball team sa telebisyon, malamang na manalo ang team na iyon. Noong 12 taong gulang ako, pinilit kong isuot ang isang pares ng maruming medyas sa bawat Little League baseball game sa pag-asang manalo. Ipinatago iyon sa akin ng nanay ko sa balkon sa likuran.

Sa ibang pagkakataon maaaring mauwi sa mga pangarap ang ating mga pag-asam at hikayatin tayong kumilos. Kung inaasam nating maging mas magaling sa paaralan, magkakatotoo iyan kung mag-aaral tayo at magsasakripisyo. Kung inaasam nating makapaglaro sa nananalong team, maaaring humantong iyan sa regular na pagpapraktis, dedikasyon, teamwork, at tagumpay sa huli.

Si Roger Bannister ay isang pre-med student sa England na may mataas na pangarap. Gusto niyang maging unang lalaking makatakbo nang isang milya (1.6 km) nang wala pang apat na minuto. Sa halos unang kalahati ng ika-20 siglo, sabik na hinintay ng mahihilig sa track and field ang araw na mahigitan ang rekord na apat na minutong pagtakbo nang isang milya. Sa nagdaang mga taon maraming magagaling sa takbuhan ang muntik nang umabot, pero hindi pa nahigitan ang rekord. Inilaan ni Bannister ang sarili sa ambisyosong iskedyul sa pagsasanay sa pag-asang magkatotoo ang kanyang mithiing makagawa ng bagong world record. Ilan sa mga taong mahilig sa sports ang nagsimulang magduda kung mahihigitan nga ang apat-na-minutong rekord. Inisip pa ng mga itinuturing na eksperto na hindi kaya ng katawan ng tao na tumakbo nang gayon kabilis at ganoon kalayo. Isang maulap na araw noong Mayo 6, 1954, nagkatotoo ang pinakaaasam ni Roger Bannister! Tinawid niya ang finish line sa loob ng 3:59.4, na nagtala ng bagong world record. Ang pag-asam niyang mahigitan ang rekord na apat na minutong pagtakbo nang isang milya ay naging pangarap na natupad sa pamamagitan ng pagsasanay, pagsisikap, at dedikasyon.

Ang pag-asam ay makahihikayat ng mga pangarap at itutulak tayo upang makamit ang mga iyon. Gayunman, hindi tayo nagtatagumpay sa pag-asam lamang. Maraming magagandang pag-asang hindi natupad, na naglaho sa batuhan ng mabubuting intensyon at katamaran.

Bilang mga magulang, ang sentro ng mga pinakaaasam natin ay ang ating mga anak. Inaasam natin ang paglaki nila tungo sa responsable at matwid na pamumuhay. Ang gayong mga pag-asam ay madaling maglaho kung hindi tayo magiging mabuting halimbawa. Hindi magsisilaki nang matwid ang ating mga anak sa pag-asam lamang. Dapat natin silang pag-ukulan ng oras sa family home evening at makabuluhang mga aktibidad sa pamilya. Dapat natin silang turuang magdasal. Dapat nating basahin ang mga banal na kasulatan kasama sila at ituro sa kanila ang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Sa gayon lamang posibleng magkatotoo ang mga pinakaaasam natin.

Hindi natin dapat hayaang mapalitan ng kawalang-pag-asa ang pag-asa kailanman. Isinulat ni Apostol Pablo na tayo ay “dapat magsaka sa pagasa” (I Mga Taga Corinto 9:10). Ang pag-asam ay nagpapasigla sa ating buhay at tinutulungan tayong umasam sa hinaharap. Nagsasaka man tayo sa mga kabukiran upang magtanim o nagsasaka sa habang buhay, kailangan nating mga Banal sa mga Huling Araw na umasam.

Sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang pag-asa ay ang hangarin ng Kanyang mga tagasunod na magtamo ng walang hanggang kaligtasan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Talagang ito ang pag-asang nararapat taglayin nating lahat. Inihihiwalay tayo nito sa ibang mga tao sa mundo. Ipinayo ni Pedro sa mga tagasunod ni Cristo noong araw na “lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” (I Ni Pedro 3:15).

Ang pag-asa natin sa Pagbabayad-sala ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihang magkaroon ng walang hanggang pananaw. Sa gayong pananaw, hindi lamang natin iniisip ang buhay na ito ngayon kundi maging ang pangako ng mga kawalang-hanggan. Hindi tayo kailangang mabitag sa makikitid at pabagu-bagong inaasahan ng lipunan. Malaya tayong asamin ang kaluwalhatiang selestiyal, na mabuklod sa ating pamilya at mga mahal sa buhay.

Sa ebanghelyo, ang pag-asa ay halos laging nauugnay sa pananampalataya at pag-ibig sa kapwa. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Ang pag-asa ay isang paa ng silyang tatlo ang paa at kasama nito ang pananampalataya at pag-ibig sa kapwa. Pinatatatag ng tatlong ito ang ating buhay anuman ang problema o pagsubok na ating kinakaharap” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 21).

Isinulat ni Moroni sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon:

“Kaya nga, kailangang magkaroon ng pananampalataya; at kung may pananampalataya ay kinakailangang may pag-asa rin; at kung may pag-asa ay kinakailangang may pag-ibig sa kapwa-tao rin.

“At maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos; ni kayo ay maliligtas sa kaharian ng Diyos kung kayo ay walang pananampalataya; ni kayo ay maliligtas kung kayo ay walang pag-asa” (Moroni 10:20–21).

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na ang “pananampalataya ay nakabatay kay Jesucristo. Ang pag-asa ay nakasentro sa Pagbabayad-sala. Ang pag-ibig sa kapwa ay nakikita sa ‘dalisay na pag-ibig ni Cristo.’’ Ang tatlong katangiang ito ay magkakasalabid na parang mga hibla sa kable at maaaring hindi laging makita nang malinaw. Kapag pinagsama-sama, ito ang nag-uugnay sa atin sa kahariang selestiyal” (“A More Excellent Hope,” Ensign, Peb. 1997, 61).

Nang magpropesiya si Nephi tungkol kay Jesucristo sa pagwawakas ng kanyang tala, isinulat niya, “Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20).

Ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa” na binanggit ni Nephi ay ang pag-asa sa Pagbabayad-sala, walang hanggang kaligtasang ginawang posible ng pagsasakripisyo ng ating Tagapagligtas. Ang pag-asang ito ang umakay sa mga lalaki’t babae sa nagdaang mga henerasyon na gumawa ng mga pambihirang bagay. Nilibot ng mga Apostol noong araw ang mundo at nagpatotoo tungkol sa Kanya at sa huli ay ibinuwis ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Kanya.

Sa dispensasyong ito maraming miyembro ng Simbahan noong araw na iniwan ang kanilang mga tahanan, na puspos ng pag-asa at pananampalataya sa kanilang puso nang tawirin nila ang Great Plains pakanluran patungong Salt Lake Valley.

Noong 1851, si Mary Murray Murdoch ay sumapi sa Simbahan sa Scotland bilang balo sa edad na 67. Isang maliit na babaeng apat na talampakan at pitong pulgada (1.2 m) ang taas at wala pang 90 libra (41 kg) ang timbang, nagsilang siya ng walong anak, at anim ang nabubuhay. Dahil sa kaliitan, magiliw siyang tinawag ng kanyang mga anak at apo na “Munting Lola.”

Ang kanyang anak na si John Murdoch at asawa nito ay sumapi rin sa Simbahan at nagpunta sa Utah noong 1852 kasama ang dalawang anak nilang maliliit. Sa kabila ng mga paghihirap ng kanyang sariling pamilya, makalipas ang apat na taon ay nagpadala si John ng pera sa kanyang ina para makapiling nito ang pamilya sa Salt Lake City. Dahil sa pag-asang mas malaki pa kaysa sa kanya, sinimulan ni Mary ang mahirap na paglalakbay pakanluran patungong Utah sa edad na 73.

Matapos ligtas na matawid ang Atlantic, sa huli ay nakasama siya sa sinawing-palad na Martin handcart company. Noong Hulyo 28 nagsimulang maglakbay patungong kanluran ang mga handcart pioneer na ito. Ang pagdurusa ng grupong ito ay bantog na bantog. Sa 576 na mga miyembro ng grupo, halos sangkapat ang namatay bago sila nakarating sa Utah. Marami pa sanang nasawi kung hindi sila nasagip ng grupong binuo ni Pangulong Brigham Young, na nagpadala ng mga bagon at suplay para hanapin ang mga Banal na nabalaho sa niyebe.

Namatay si Mary Murdoch noong Oktubre 2, 1856, malapit sa Chimney Rock, Nebraska. Sumuko siya sa pagod, pagkalantad sa lamig, at mga kahirapan ng paglalakbay. Hindi nakayanan ng kanyang mahinang katawan ang pisikal na mga hirap na dinanas ng mga Banal. Sa bingit ng kamatayan ang nasa isip niya ay ang kanyang pamilya na nasa Utah. Ang mga huling salita ng tapat na pioneer na ito ay “Sabihin ninyo kay John na pumanaw akong nakaharap sa Sion.” (Tingnan sa Kenneth W. Merrell, Scottish Shepherd: The Life and Times of John Murray Murdoch, Utah Pioneer [2006], 34, 39, 54, 77, 94–97, 103, 112–13, 115.)

Si Mary Murray Murdoch ay halimbawa ng pag-asa at pananampalataya ng napakarami sa mga sinaunang pioneer na matapang na naglakbay pakanluran. Ang mga espirituwal na paglalakbay ngayon ay nangangailangan ng pag-asa at pananampalatayang katulad ng sa mga naunang pioneer. Maaaring iba ang ating mga hamon, ngunit gayon pa rin katindi ang mga paghihirap.

Dalangin ko na ang ating mga pag-asam ay humantong sa katuparan ng ating mabubuting pangarap. Dalangin ko lalo na palakasin ng ating pag-asa sa Pagbabayad-sala ang ating pananampalataya at pag-ibig sa kapwa at bigyan tayo ng walang hanggang pananaw sa ating hinaharap. Nawa’y mapasaating lahat ang ganap na kaliwanagan ng pag-asa, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.