2011
Kumperensya na Naman
Mayo 2011


Kumperensya na Naman

Salamat sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo, sa pagmamahal at pangangalaga ninyo sa isa’t isa, at sa inyong paglilingkod.

President Thomas S. Monson

Nang planuhin ang gusaling ito, akala namin ay hinding-hindi natin ito mapupuno. Ngunit tingnan lang ninyo ito ngayon.

Mahal kong mga kapatid, mabuti at nagkasama-sama tayong muli sa pagsisimula ng ika-isandaan at walumpu’t isang taunang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Tila mabilis na nagdaan ang anim na buwan dahil naging abala ako sa maraming responsibilidad. Isa sa mga dakilang pagpapala sa panahong iyon ang muling paglalaan ng magandang Laie Hawaii Temple, na halos dalawang taong sumasailalim sa malawakang renobasyon. Sinamahan ako noon nina Pangulo at Sister Henry B. Eyring, Elder at Sister Quentin L. Cook, at Elder at Sister William R. Walker. Noong gabi bago ang muling paglalaan, na naganap noong Nobyembre, pinanood namin ang 2,000 kabataan mula sa temple district nang punuin nila ang Cannon Activities Center sa BYU-Hawaii campus at nagtanghal para sa amin. Ang kanilang produksyon ay pinamagatang “The Gathering Place [Ang Lugar ng Pagtitipon]” at malikhain at buong husay na muling isinalaysay ang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Simbahan sa lugar na iyon at ang kasaysayan ng templo. Kayganda ng gabing iyon!

Kinabukasan ay nagkaroon ng espirituwal na piging nang muling ilaan ang templo sa tatlong sesyon. Damang-dama namin ang Espiritu ng Panginoon.

Patuloy tayong nagtatayo ng mga templo. Pribilehiyo ko ngayong umaga na ibalita ang tatlong karagdagang templo na binibilhan na ng lote at itatayo, sa darating na mga buwan at taon, sa sumusunod na mga lugar: Fort Collins, Colorado; Meridian, Idaho; at Winnipeg, Manitoba, Canada. Tiyak na magiging pagpapala ang mga ito sa ating mga miyembro sa mga lugar na iyon.

Bawat taon milyun-milyong ordenansa ang isinasagawa sa mga templo. Nawa’y patuloy tayong maging tapat sa pagsasagawa ng gayong mga ordenansa, hindi lamang para sa ating sarili kundi para din sa ating mga mahal sa buhay na yumao na hindi ito magawa para sa kanilang sarili.

Ang Simbahan ay patuloy na nagbibigay ng humanitarian aid sa panahon ng mga kalamidad at sakuna. Kamakailan nagpaabot tayo ng ating pakikiramay at pagtulong sa Japan kasunod ng mapaminsalang lindol at tsunami at sa banta ng nuclear meltdown na dulot ng mga ito. Namahagi tayo ng mahigit 70 tonelada ng mga suplay, kabilang na ang pagkain, tubig, mga kumot, higaan, hygiene items, damit, at panggatong. Nagboluntaryo ng kanilang panahon ang ating mga young single adult upang hanapin ang nawawalang mga miyembro gamit ang Internet, social media, at iba pang makabagong paraan ng komunikasyon. Naghahatid ng tulong ang mga miyembro gamit ang mga scooter na laan ng Simbahan sa mga lugar na mahirap marating ng kotse. Ang mga proyektong paglilingkod na magbuo ng mga hygiene kit at panlinis ay inorganisa sa maraming stake at ward sa Tokyo, Nagoya, at Osaka. Sa ngayon, mahigit 40,000 oras ng paglilingkod ang naibigay ng mahigit 4,000 boluntaryo. Magpapatuloy ang pagtulong natin sa Japan at sa iba pang mga lugar kung saan ito kailangan.

Mga kapatid, salamat sa inyong pananampalataya at katapatan sa ebanghelyo, sa pagmamahal at pangangalagang ipinakikita ninyo sa isa’t isa, at sa paglilingkod ninyo sa inyong mga ward at branch at stake at district. Salamat din sa inyong katapatang magbayad ng inyong ikapu at mga handog at sa bukas-palad na pag-aambag sa iba pang mga pondo ng Simbahan.

Sa pagtatapos ng taong 2010, may 52,225 misyonerong naglilingkod sa 340 misyon sa buong daigdig. Gawaing misyonero ang buhay ng kaharian. Iminumungkahi ko na kung kaya ninyo, maaari ninyong isiping mag-ambag sa General Missionary Fund ng Simbahan.

Ngayon, mga kapatid, nasasabik na tayong makinig sa mga mensaheng ibibigay sa atin ngayon at bukas. Ang mga magsasalita sa atin ay humingi ng tulong at patnubay ng langit sa paghahanda ng kanilang mensahe. Dalangin ko na mapuspos tayo ng Espiritu ng Panginoon at mapasigla at mabigyang-inspirasyon habang nakikinig tayo at natututo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.