2011
Elder José L. Alonso
Mayo 2011


Elder José L. Alonso

Ng Pitumpu

Elder José L. Alonso

Bago pa man siya sumapi sa Simbahan, may patotoo na si José Luis Alonso Trejo sa bisa ng panalangin. “Noong 11 taong gulang ako,” wika niya, “muntik na akong mamatay. Sumuko na ang mga doktor sa akin—naulinigan ko ang sinasabi nila. Kaya nagdasal ako nang nagdasal sa Panginoon, at pinagaling Niya ako.

“Nang marinig ko kalaunan ang kuwento tungkol kay Joseph Smith at malaman ko kung paano nakipag-usap sa Diyos ang 14 na taong gulang na batang lalaki, nalaman ko na iyon ay totoo. Nalaman ko na masasagot ng Diyos ang ating mga dalangin, na kilala Niya tayo.”

Nadama rin ni Elder Alonso ang kapanatagang iyon nang pag-aralan niya ang Aklat ni Mormon. “Dahil sa panalangin at sa aklat na ito, alam ko nang may katiyakan na si Jesus ang Cristo,” wika niya.

Si Elder Alonso ay isinilang sa Mexico City, Mexico, noong Nobyembre 1958 kina Luis at Luz Alonso. Noong tinedyer pa siya lumipat siya sa lungsod ng Cuautla, Mexico, kung saan siya sumapi sa Simbahan. Sa pagdalo sa Mutwal nakaugnayan niya ang matatag na mga kabataan na kinaibigan siya at binigyan ng pangalawang tahanan. Sa pagdalo rin sa Mutwal niya nakikilala si Rebecca Salazar, ang babaeng kalaunan ay mapapangasawa niya.

Nang mag-19 si Elder Alonso, naglingkod siya sa full-time mission sa Mexico Hermosillo Mission. Pagkatapos ng kanyang mission, nagpakasal sina Elder Alonso at Rebecca noong Pebrero 24, 1981, sa Mesa Arizona Temple. Dalawa ang anak nila.

Bukod pa sa paglilingkod bilang institute director para sa Church Educational System, si Elder Alonso ay may medical degree in pediatric development at nagtrabaho bilang homeopathic physician at surgeon. Ang propesyon niya ay nagpapakita ng matagal na niyang pagnanais na paglingkuran at pagpalain ang iba—tulad noong pagpalain siya ng Panginoon nang magkasakit siya noong bata pa. “Ang paglilingkod sa iba ay nagbubuo ng pagkakaisa at kapatiran,” wika niya, “at nag-aanyaya ng kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay.”

Bago siya tinawag sa Unang Korum ng Pitumpu, si Elder Alonso ay naglingkod bilang bishop, stake mission president, stake president, tagapayo sa mission president, pangulo ng Mexico Tijuana Mission, at Area Seventy.