2011
Isang Sagisag sa mga Bansa
Mayo 2011


Isang Sagisag sa mga Bansa

Kung nagtuturo kami sa pamamagitan ng Espiritu at nakikinig kayo sa pamamagitan ng Espiritu, may isa sa amin na magsasalita ng may kaugnayan sa kalagayan ninyo.

Elder Jeffrey R. Holland

Lubha akong naantig sa bawat himig ng musika at bawat salitang binigkas kaya’t dalangin ko na sana makapagsalita ako.

Bago lisanin ang Nauvoo noong taglamig ng 1846, nanaginip si Pangulong Brigham Young na nakita niya ang isang anghel na nakatayo sa isang burol na korteng-apa sa isang lugar sa Kanluran na nakaturo sa isang lambak sa ibaba. Pagpasok niya sa Salt Lake Valley pagkaraan ng mga 18 buwan, nakita niya sa itaas lamang ng lugar kung saan tayo ngayon nagtitipon, ang burol na iyon na nakita niya sa pangitain.

Tulad ng madalas banggitin sa pulpitong ito, pinamunuan ni Brother Brigham ang ilang pinuno sa tuktok ng burol na iyon at tinawag itong Ensign Peak, isang pangalang puno ng banal na kahulugan para sa mga makabagong Israelitang ito. Dalawampu’t limang daang taon bago iyon ipinahayag ni propetang Isaias na sa mga huling araw, “ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok … at siya’y maglalagay [doon] ng pinakawatawat sa mga bansa.”1

Nang matanto na ang kanilang ginawa ay bahagyang katuparan ng propesiyang iyon, ninais ng mga Kapatid na magtaas ng bandila upang gawing literal ang ideyang “pinakawatawat sa mga bansa.” Naglabas si Elder Heber C. Kimball ng dilaw na bandana. Itinali ito ni Brother Brigham sa tungkod na dala ni Elder Willard Richards, at itinusok sa lupa ang pansamantalang bandila, at ipinahayag na ang lambak ng Great Salt Lake at ang kabundukan sa paligid nito ang ipinropesiyang lugar kung saan ipahahayag ang salita ng Panginoon sa mga huling araw.

Mga kapatid, ang pangkalahatang kumperensyang ito at ang iba pang tulad nito ay karugtong ng unang pagpapahayag na iyon sa mundo. Pinatototohanan ko na ang mga kaganapan ng nakaraang dalawang araw ay isa pang katibayan na, sabi nga sa ating himno, “Ating masdan ang bandila ng Sion [ay iwinagayway na]”2—at ang dalawang kahulugan ng salitang bandila ay sinadya. Hindi pagkakataon lamang na ang paglalathala ng ating pangkalahatang kumperensya sa Ingles ay nasa isang magasing pinamagatan lamang na Ensign [Ang Sagisag].

Sa pagtatapos ng ating kumperensya, hinihiling ko sa inyo na pag-isipan sa darating na mga araw, hindi lamang ang mga mensaheng narinig ninyo kundi maging ang natatanging diwang hatid ng pangkalahatang kumperensya—kung ano ang inaasahan nating mga Banal sa mga Huling Araw na dapat mangyari sa gayong mga kumperensya at kung ano ang nais nating iparinig at ipakita sa mundo. Pinatototohanan natin sa bawat bansa, lahi, wika, at tao na sa ating panahon ang Diyos ay hindi lamang buhay kundi Siya ay nangungusap din, na sa ating panahon ang payong inyong naririnig, sa patnubay ng Banal na Espiritu Santo, ay ang “kalooban ng Panginoon, … salita ng Panginoon, … tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”3

Marahil ay alam na ninyo (ngunit kung hindi pa ay dapat ninyong malaman) na maliban sa iilan, na hindi inaatasan ng paksa ang sinumang lalaki o babaeng nagsasalita dito. Bawat isa ay kailangang mag-ayuno at manalangin, mag-aral at maghanap, isulat muli’t muli ang kanyang mensahe hanggang sa tiwala na siya na para sa kumperensyang ito, sa oras na ito, ang paksang napili niya ang gustong ipalahad sa kanya ng Panginoon kahit may iba siyang gusto. Bawat lalaki o babaeng narinig ninyo sa nakaraang 10 oras ng pangkalahatang kumperensya ay sinikap na sundin ang pahiwatig na iyan. Bawat isa ay umiyak, nag-alala, at taos na humiling ng patnubay sa Panginoon na gabayan ang kanyang isipan at pagpapahayag. At tulad ni Brigham Young na nakita ang isang anghel na nakatayo sa ibabaw ng lugar na ito, ako man ay may nakikitang mga anghel na nakatayo sa ibabaw nito. Ang aking mga kapatid na mga pangkalahatang pinuno ng Simbahan ay hindi komportableng matawag na mga anghel, ngunit iyan ang nakikita ko—mga mortal na sugong may mensahe ng mga anghel, mga lalaki at babaeng pawang may problema sa kalusugan at kabuhayan at pamilya gaya natin, ngunit may pananampalatayang inilaan ang kanilang buhay sa mga katungkulang dumating sa kanila, at sa tungkuling ipangaral ang salita ng Diyos, at hindi ang sa kanila.

Isipin ang iba’t ibang mensaheng naririnig ninyo—na lalo pang mahimala dahil walang pag-uugnayan maliban sa patnubay ng langit. Ngunit bakit hindi magkakaiba ang mga ito? Halos buong kongregasyon natin, dito man o sa ibang lugar, ay binubuo ng mga miyembro ng Simbahan. Gayunman, sa kamangha-manghang mga bagong pamamaraan ng komunikasyon, dumarami pa ang mga nakikinig sa ating mga kumperensya na hindi miyembro ng Simbahan—sa ngayon. Kaya dapat tayong magsalita sa mga taong kilalang-kilala tayo at sa mga taong walang alam tungkol sa atin. Kung sa ating Simbahan lamang dapat tayong magsalita sa mga bata, kabataan at young adult, sa nasa katanghalian na ng buhay, at sa matatanda. Dapat tayong magsalita sa mga pamilya at magulang at anak sa tahanan at maging sa mga walang asawa, walang anak, at marahil ay napakalayo sa tahanan. Habang idinaraos ang pangkalahatang kumperensya, lagi naming binibigyang-diin ang mga walang-hanggang alituntunin ng pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa,4 at ang pagpako kay Cristo sa krus5 kahit nagsasalita kami nang tuwiran tungkol sa napapanahong isyu ng moralidad. Iniutos sa atin sa mga banal na kasulatan na “huwag mangaral ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito,”6 kundi mangaral tayo ng “mabubuting balita sa mga maamo … [at] magpagaling ng mga bagbag na puso.” Anuman ang mga paksa, ang mga mensahe sa kumperensya ay “[nagpapahayag] ng kalayaan sa mga bihag”7 at nagpapahayag ng “mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo.”8 Sa iba’t ibang mensaheng ibinigay naroon ang paniniwalang may isa roon na sadyang nauukol sa bawat isa. Tungkol dito, palagay ko angkop na angkop ang sinabi ni Pangulong Harold B. Lee ilang taon na ang nakararaan nang sabihin niya na ang ebanghelyo ay “para paginhawahin ang nagdurusa at pagdusahin ang [maginhawa].”9

Gusto natin palagi na ang itinuturo natin sa pangkalahatang kumperensya ay bukas at para sa lahat gaya ng pagtuturo noon ni Cristo, na tinatandaan na kailangan ng disiplina ng taong nakikinig sa Kanyang mga mensahe. Sa pinakabantog na sermon na ibinigay, nagsimula si Jesus sa pagbanggit sa matatamis na pagpapalang gustong makamtan ng bawat isa sa atin—mga pagpapalang ipinangako sa mga bagbag ang espiritu, sa dalisay ang puso, mga tagapamayapa, at mababa ang kalooban.10 Nakasisigla ang mga Lubos na Pagpapalang iyon at nakapapanatag sa kaluluwa. Totoo ang mga ito. Ngunit sa sermon ding iyon nagpatuloy ang Tagapagligtas, na nagpapakita kung gaano dapat ang pagtuwid ng landas ng tagapamayapa at ang kadalisayan ng puso ng tao. “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao sa una, Huwag kang papatay,” pagpuna Niya. “Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawat mapoot sa kaniyang kapatid … ay [nanga]nganib sa kahatulan.”11

Gayundin,

“Narinig ninyong sinabi, huwag kang mangangalunya,”

“Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.”12

Kitang-kita na kapag tayo ay nagiging mas mabubuting disipulo, mas malaki ang inaasahan sa atin hanggang sa marating natin ang pinakamatinding hinihingi sa atin na tinukoy sa mensaheng kababanggit lamang ni Elder Christofferson: “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.”13 Madali ang maging disipulo kapag nagsisimula pa lamang tayong matuto sa ebanghelyo ngunit lumalaki ang pagsubok kapag narating na natin ang antas ng pagiging tunay na disipulo. Malinaw na ang sinumang nag-iisip na hindi itinuro ni Jesus na pananagutan ng tao ang kanyang kasalanan ay hindi nabasa ang mga banal na kasulatan! Hindi, ang pagiging disipulo sa Simbahan ay hindi tulad ng tindahan ng pagkain; hindi puwedeng palaging “ang gusto natin ang nasusunod.” Balang-araw bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magpapahayag na si Jesus ang Cristo at ang kaligtasan ay darating lamang sa Kanyang paraan.14

Kahit gusto naming ituro ang mahigpit at nakapapanatag na katotohanan ng ebanghelyo sa pangkalahatang kumperensya, makatitiyak kayo na kapag nagsasalita kami tungkol sa mahihirap na paksa ay nauunawaan namin na hindi lahat ay nanonood ng pornograpiya, o ipinagwawalang-bahala ang kasal, o sangkot sa seksuwal na pakikipagrelasyon. Alam naming hindi lahat ay lumalabag sa araw ng Sabbath o nambibintang o nang-aabuso ng asawa. Alam namin na karamihan sa aming mga tagapakinig ay hindiginagawa iyon, ngunit kami ay inutusang magbabala sa mga taong gumagawa nito—saanman sila naroon sa mundo. Kaya kung sinisikap ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya—kung palagi ninyong sinisikap na magdaos ng family home evening sa kabila ng kaguluhan sa bahay na puno ng maliliit na bata—bigyan ninyo ng mataas na marka ang sarili ninyo kapag nabanggit ang paksang iyan at pakinggan ang iba pang paksa at alamin kung alin pa ang dapat ninyong pag-igihin. Kung nagtuturo kami sa pamamagitan ng Espiritu at nakikinig kayo sa pamamagitan ng Espiritu, may isa sa amin na magsasalita ng may kaugnayan sa kalagayan ninyo, maghahatid ng mensahe na talagang para sa inyo.

Mga kapatid, sa pangkalahatang kumperensya ay ibinabahagi namin ang aming patotoo kasama ang iba pang patotoo, dahil sa anumang paraan ay iparirinig ng Diyos ang Kanyang tinig. “Isinugo ko kayo upang magpatotoo at balaan ang mga tao,” sabi ng Panginoon sa Kanyang mga propeta.15

“[At] pagkaraan ng inyong patotoo ay sasapit ang patotoo ng mga paglindol … ng mga kulog, … mga kidlat, at … mga unos, at ang tinig ng mga alon sa dagat na iaalon nito ang sarili na lagpas sa mga hangganan nito. …

“At ang mga anghel ay … [sisigaw] sa malakas na tinig, pinatutunog ang pakakak ng Diyos.”16

Ngayon, ang mga mortal na anghel na ito sa pulpito ay “pinatutunog ang pakakak ng Diyos” sa sarili nilang paraan.” Bawat sermon na ibinibigay ay palaging patotoo ng pagmamahal at babala, gaya ng pagpapatotoo mismo ng kalikasan nang may pagmamahal at pagbabala sa mga huling araw.

Ngayon, sa loob ng ilang sandali si Pangulong Thomas S. Monson ay lalapit sa pulpito para tapusin ang kumperensyang ito. Hayaan ninyong magbanggit ako tungkol sa pinakamamahal na taong ito, ang senior na Apostol at ang propeta sa ating panahon. Taglay ang mga responsibilidad na nabanggit ko at lahat ng inyong narinig sa kumperensyang ito, kitang-kita na ang buhay ng mga propeta ay hindi madali, at ang buhay ni Pangulong Monson ay hindi madali. Partikular niyang tinukoy iyan kagabi sa miting ng priesthood. Tinawag na maging apostol sa edad na 36, ang kanyang mga anak noon ay edad 12, 9, at 4 na taon. Si Sister Monson at ang mga batang iyon ay ibinigay ang kanyang asawa at kanilang ama sa Simbahan at sa mga tungkulin nito sa loob ng mahigit 50 taon na ngayon. Nagtiis sila ng mga karamdaman at kagipitan, dumanas ng mga pagsubok na kinakaharap ng lahat ngayon, ilan dito ay tiyak na daranasin pa nila sa hinaharap. Gayunman si Pangulong Monson ay nanatiling masayahin sa kabila ng lahat ng ito. Walang makapagpabagsak sa kanya. Kakaiba ang kanyang pananampalataya at lakas ng katawan.

President, sa buong kongregasyong ito, dito man o sa ibang lugar, nais kong sabihing minamahal at iginagalang namin kayo. Ang katapatan ninyo ay halimbawa sa aming lahat. Salamat sa inyong pamumuno. Ang labing-apat na iba pa na may hawak ng katungkulan ng apostol, kasama ang iba pang narito sa harapan, ang mga nakaupo sa kongregasyon, at ang napakaraming nakatipon sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagmamahal sa inyo, sinasang-ayunan namin kayo, at kabalikat ninyo kami sa gawaing ito. Pagagaangin namin ang inyong pasanin sa abot ng aming makakaya. Isa kayo sa mga sugong anghel na tinawag bago pa itatag ang mundo upang iwagayway ang bantayog ng ebanghelyo ni Jesucristo sa buong mundo. Kahanga-hanga po ang nagagawa ninyo. Sa pagpapahayag ng ebanghelyong iyan, sa kaligtasang hatid nito, at sa Kanya na naglaan nito, ay nagpapatotoo ako sa dakila at maluwalhating pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.