Pagdiriwang ng Ika-75 Taon ng Gawaing Pangkapakanan
Ilang mensahe noong Ika-181 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan ang inilaan sa pagdiriwang ng programang pangkapakanan ng Simbahan, na nagdiriwang ng ika-75 taong anibersaryo ngayon.
Sa inagurasyon nito noong 1936, pinagtibay ni Pangulong David O. McKay, na tagapayo noon sa Unang Panguluhan, ang banal na pinagmulan ng planong pangkapakanan ng Simbahan: “[Ang programang pangkapakanan] ay itinatag sa pamamagitan ng banal na paghahayag, at wala nang iba pa sa buong mundo na epektibong makapangangalaga sa mga miyembro nito.”1
Pitumpu’t limang taon na ang nagdaan at lumipas. Nangyari at lumipas ang mga pagbabago sa kasaysayan ng ekonomiya ng mundo. Dumanas ng malalaking pagbabago ang mundo sa lipunan at kultura, at malaki ang inilago ng Simbahan.
Ngunit ang mga salitang sinambit tungkol sa banal na planong pangkapakanan ng Simbahan sa araw na iyon noong 1936 ay totoo pa rin ngayon tulad noon.
Mga Alituntuning Pangkapakanan
Noong 1929 ang Estados Unidos ay dumanas ng malaking pagkalugi nang bumagsak ang stock market. Pagsapit ng 1932 umabot sa 35.8 porsiyento ang walang trabaho sa Utah.
Kahit mayroon nang mga alituntuning pangkapakanan ang Simbahan, pati na isang sistema ng mga storehouse at programa para tulungan ang mga miyembro na makahanap ng trabaho, maraming miyembrong umasa sa tulong ng pamahalaan.
“Naniniwala ako na nahihilig ang mga tao sa pagsisikap na makakuha ng tulong sa pamahalaan ng Estados Unidos nang halos walang pag-asang mabayaran ito,” pagpuna ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) noong panahong ito.2
Gustong tulungan ng mga pinuno ng Simbahan ang nahihirapang mga miyembro nang hindi naghihikayat ng katamaran at hindi nila iniisip na nararapat silang tulungan. Ang mithiin ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili na hindi umasa sa iba.
Noong 1933 ipinahayag ng Unang Panguluhan: “Ang ating mga miyembrong malalakas ang katawan ay dapat mahiya, maliban kung wala nang ibang magagawa, na tumanggap ng isang bagay nang walang kapalit. … Ang mga opisyal ng Simbahan na nangangasiwa sa pagtulong ay dapat umisip ng mga paraan para lahat ng miyembro ng Simbahan na malalakas ang katawan at nangangailangan ay magantihan ng paglilingkod ang tulong sa kanila.”3
Dahil sa mga alituntunin at pananampalataya ng mga Banal, kumilos ang bawat yunit ng Simbahan gayundin ang buong Simbahan upang mag-organisa ng mga klase sa pananahi at pagdede-lata, magbuo ng mga proyekto, bumili ng mga sakahan, at bigyang-diin ang pamumuhay na matwid, matipid, at hindi umaasa sa iba.
Ang Church Welfare Plan
Nang maorganisa ang Church Security Plan (na tinawag nang Church Welfare Plan noong 1938), nabigyan ng pagkakataon ang mga tao na pagtrabahuhan, hangga’t kaya nila, ang tulong na natanggap nila. Tinuruan ng plano ang mga tao na umasa sa sarili para sa “tulong” sa halip na patulong sila sa ibang tao.
“Ang ating pangunahing layunin ay magtayo ng … sistema na kung saan mapapawi ang sumpa ng katamaran, mawawala ang mga kasamaan ng paglilimos, at minsan pang makintal sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling paa, kasipagan, katipiran, at paggalang sa sarili,” sabi ni Pangulong Grant sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1936. “Ang trabaho ay dapat muling bigyan ng halaga bilang pangunahing alituntunin sa buhay ng mga miyembro sa ating Simbahan.”4
Sa pagdaan ng mga taon, ang sistemang pangkapakanan ng Simbahan ay kinabilangan na ng maraming programa: Social Services (ngayon ay LDS Family Services), LDS Charities, Humanitarian Services, at Emergency Response. Ang mga programang ito at iba pa ay nagpala sa buhay ng daan-daang libo kapwa sa loob at labas ng Simbahan.
Pagiging Internasyonal
Kahit nang magwakas ang Great Depression [Matinding Kahirapan] sa pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa kabutihang-palad ay itinuloy ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang programang pangkapakanan. Noong Oktubre 1945, pinakiusapan ni U.S. President Harry S. Truman ang Pangulo ng Simbahan na si George Albert Smith (1870–1951) na alamin kung paano at kailan maipapadala ang mga suplay sa mga lugar sa Europa na winasak ng digmaan. Sa pagkamangha ni Pangulong Truman, sumagot ang mga pinuno ng Simbahan na nakolekta at handa nang ipadala ang mga pagkain at damit at iba pang tulong.
Sa pagdaan ng mga panahon, pinalawak ng Simbahan ang mga pasilidad at programang pangkapakanan nito upang makatugon sa mas maraming pangangailangan, sa mas maraming lugar. Noong 1970s, pinalawak ng Simbahan ang mga proyektong pangkapakanan at produksyon sa Mexico, England, at sa Pacific Islands. Sa sumunod na dekada ang Argentina, Chile, Paraguay, at Uruguay ang naging mga unang bansa sa labas ng Estados Unidos na nagkaroon ng mga employment center ng Simbahan.
Nang mabuo ang Church Humanitarian Services noong 1985, lubhang lumago ang mga pagsisikap sa pangkapakanang internasyonal ng Simbahan nang mabukud-bukod ang mga damit at iba pang bagay para ipadala sa lahat ng panig ng mundo bilang tugon sa kahirapan at mga kapinsalaan.
Ngayon sa pagdami ng mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, lalo na sa umuunlad na mga bansa, nagkaroon ng mga bagong hamon, na sisikaping tugunan ng programang pangkapakanan.
Isang Inspiradong Plano para sa Ngayon
Ang mga pangunahing alituntunin ng gawaing pangkapakanan—pag-asa sa sarili at kasipagan— ay hindi pa rin nagbabago ngayon tulad noong utusan ng Panginoon si Adan, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19).
Sa mga huling araw, ipinahayag ng Panginoon, “At ang kamalig ay pananatilihin sa pamamagitan ng mga paglalaan ng simbahan; at ang mga balo at ulila ay paglalaanan, gayon ang mga maralita” (D at T 83:6). Pagkatapos ay pinaalalahanan Niya tayo, “Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan” (D at T 104:16).
Ang mga alituntuning pangkapakanan ay gumagana sa buhay ng mga miyembro sa lahat ng panig ng mundo bilang alituntuning pang-araw-araw sa bawat tahanan.
“Ang katatagan ng Simbahan at ng tunay na kamalig ng Panginoon ay nasa mga tahanan at puso ng kanyang mga tao,” sabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol.5
Habang nagkakaroon ng pag-asa sa sarili ang mga tao sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, ang pangmatagalang layon ng programa, ayon ay Pangulong Clark, ay patuloy na natutupad: “ang pagpapalakas sa pagkatao ng mga miyembro ng Simbahan, ang mga nagbibigay at mga tumatanggap[, na nagliligtas sa] lahat ng pinakapinong katangian na nasa kanilang kalooban, at pinamumukadkad at pinagbubunga ang lihim na yaman ng espiritu, na siyang misyon at layunin at dahilan ng pagiging kasapi ng Simbahang ito.”6