Ipinagdiwang ng mga Pinuno ng Simbahan ang Gawaing Pangkapakanan, Ibinalita ang mga Templo
Mahigit 100,000 katao ang dumalo sa limang sesyon ng Ika-181 Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Conference Center sa Salt lake City, Utah, USA, habang milyun-milyon naman ang nanood o nakinig sa pamamagitan ng TV, radyo, satellite, at mga brodkast sa Internet.
Nakilahok ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo sa kumperensyang isinahimpapawid sa 93 wika. Ang audio, video, at text ng brodkast ay online na sa maraming wika sa conference.lds.org at makukuha kalaunan sa DVD at CD.
Binuksan ni Pangulong Thomas S. Monson ang kumperensya sa pagbabalita ng mga pagtatayuan ng tatlong bagong templo—Fort Collins, Colorado, USA; Meridian, Idaho, USA; at Winnipeg, Manitoba, Canada—kaya magiging 26 na ang mga templong ibinalita o itinatayo. Sa ngayon, 134 na templo ang gumagana.
Binigyang-diin din ni Pangulong Monson ang kahalagahan ng gawaing misyonero, na sinasabing, “Gawaing misyonero ang buhay ng kaharian.” Mga 52,000 misyonero ang kasalukuyang naglilingkod sa 340 mission sa buong mundo.
Noong Sabado ng hapon, 10 bagong General Authority at 41 Area Seventy ang sinang-ayunan, samantalang 34 na Area Seventy ang na-release. Dagdag pa rito, tinawag na maglingkod si Elder Don R. Clarke ng Pangalawang Korum ng Pitumpu sa Unang Korum ng Pitumpu. Ipinakita sa Ulat sa Estadistika ng 2010 na mahigit 14 na milyon na ang mga miyembro ng Simbahan.
Ilang mensaheng ibinigay sa dalawang-araw na kumperensya ang nagtuon sa temang pangkapakanan ng Simbahan at sa kakaibang programang pangkapakanan ng Simbahan—na nagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ngayong 2011.
Noong Sabado, ibinalita ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na para maipagdiwang ng ika-75 anibersaryo ng programang pangkapakanan, inaanyayahan ang mga miyembro sa buong mundo na lumahok sa isang araw na paglilingkod. Ang araw ng paglilingkod ay dapat idaos sa ward o stake level kahit anong araw ng buong taon. Mga lokal na lider ang dapat magdesisyon sa mga detalye ng bawat proyekto, at hinihikayat ang mga miyembro na anyayahan ang iba na lumahok kung naaangkop.
Tinapos ni Pangulong Monson ang kumperensya sa kanyang patotoo kay Cristo sa araw ng Paskua: “Sa huling sandali, maaari pa sana[ng] … umatras [si Jesucristo]. Ngunit hindi Niya ginawa. Nagpailalim Siya sa lahat ng bagay upang mailigtas Niya ang lahat ng bagay. Sa gayong paraan, binigyan Niya tayo ng buhay nang lampas sa buhay na ito.”