Maging Tulad sa Isang Maliit na Bata
Kung tayo ay may pusong madaling turuan at handang tularan ang halimbawa ng mga bata, ang kanilang mga banal na katangian ay maaaring maging susi na magbubukas ng ating sariling espirituwal na pag-unlad.
Ipinadadala ng ating Ama sa Langit, sa Kanyang dakilang karunungan at pagmamahal, ang Kanyang mga espiritung anak sa mundo bilang mga sanggol. Sila ay isinisilang sa mga pamilya bilang natatanging kaloob na may banal na katangian at tadhana. Alam ng ating Ama sa Langit na ang mga anak ay instrumentong makakatulong sa atin na maging katulad Niya. Napakarami nating matututuhan sa mga bata.
Ang mahalagang katotohanang ito ay nakita ilang taon na ang nakararaan nang papuntahin ang isang miyembro ng Pitumpu sa Hong Kong para sa isang gawain. Bumisita siya sa isang napakahirap na ward na hikahos sa maraming bagay, at hindi matugunan ang sariling pangangailangan. Habang inilalarawan ng bishop ang kanilang sitwasyon, nadama ng General Authority na hilingin sa mga miyembro na magbayad ng ikapu. Ang bishop, na alam ang kanilang kahirapan, ay nag-alala kung paano niya maipatutupad ang payong iyon. Pinag-isipan niya ito at nagpasiyang kausapin ang ilan sa lubos na sumasampalatayang mga miyembro ng ward at hinilingan silang magbayad ng ikapu. Nang sumunod na Linggo nagpunta siya sa Primary. Itinuro niya sa mga bata ang batas ng ikapu ng Panginoon at nagtanong kung handa silang magbayad ng ikapu sa perang naipon nila. Sinabi ng mga bata na gagawin nila iyon. At ginawa nga nila ito.
Pagkatapos nagpunta ang bishop sa mga nakatatanda sa ward at ikinuwento sa kanila na sa nakalipas na anim na buwan ay nagbayad ng ikapu ang kanilang matatapat na anak. Tinanong Niya sila kung handa silang tularan ang halimbawa ng mga batang ito at gawin din iyon. Labis na naantig ang mga tao sa sakripisyong ginawa ng mga bata kaya ginawa nila ang kailangan para makabayad ng kanilang ikapu. At nabuksan ang mga dungawan ng langit. Dahil sa halimbawa ng matatapat na batang ito, nag-ibayo ang pagsunod at patotoo ng ward.
Si Jesucristo Mismo ang nagturo sa atin na gawing halimbawa ang ating mga anak. Nakasaad sa Bagong Tipan ang Kanyang sagot nang pagtalunan ng Kanyang mga disipulo kung sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit. Sinagot ni Jesus ang kanilang tanong sa paggamit ng maliit ngunit matinding pakay-aralin. Pinalapit Niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila at sinabing:
“Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit.
“Sinoman ngang magpakababa na gaya ng maliit na batang ito, ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit” (Mateo 18:3–4).
Ano ang dapat nating matutuhan sa mga bata? Anong mga katangian ang taglay nila at anong mga halimbawa ang ipinapakita nila na makakatulong sa sarili nating espirituwal na pag-unlad?
Ang natatanging mga anak na ito ng Diyos ay dumating sa atin na may pusong nananalig. Sila ay puno ng pananampalataya at nakikinig sa pahiwatig ng Espiritu. Sila ay halimbawa ng pagpapakumbaba, pagsunod, at pagmamahal. Sila kadalasan ang unang nagmamahal at unang nagpapatawad.
Magbabahagi ako ng ilang karanasan kung paano makakatulong ang mga bata sa ating buhay dahil sa kanilang walang-malay ngunit mabuting halimbawa ng mga katangiang katulad ng kay Cristo.
Si Todd, isang batang lalaki na dalawang taong gulang pa lamang, ay sumama sa kanyang ina kamakailan sa isang art museum na nagtatanghal ng isang espesyal na eksibit ng magagandang ipinintang larawan ng Tagapagligtas. Nang maraanan nila ang mga sagradong larawang ito, narinig niya na mapitagang binibigkas ng kanyang anak ang pangalang “Jesus.” Tiningnan niya ito at nakita niyang humalukipkip ito at yumuko habang nakatingin sa mga larawan. May matututuhan ba tayo kay Todd tungkol sa pagpapakumbaba, pagpipitagan, at pagmamahal sa Panginoon?
Noong nakaraang taglagas, minasdan ko ang halimbawa ng isang 10-taong-gulang na batang lalaki sa Armenia. Habang hinihintay naming magsimula ang sacrament meeting, napansin niya ang pagdating ng pinakamatandang miyembro ng branch. Siya ang kaagad na lumapit dito, inalalayan ito sa bisig para mapatatag ang mabuway na paglakad nito. Pinaupo niya ito sa harapang upuan ng kapilya kung saan ito makakarinig. Ang ginawa ba niyang munting kabaitan ay nagtuturo sa atin na ang mga pinakadakila sa kaharian ng Panginoon ay yaong naghahanap ng mga pagkakataong maglingkod sa kapwa?
Tinuruan tayo ni Katie, isang batang Primary, nang makita natin ang impluwensya niya sa kanyang pamilya. Dumalo siya sa Primary at naakit sa mga turo ng ebanghelyo. Dahil lumakas ang pananampalataya at patotoo, nag-iwan ng sulat si Katie sa unan ng kanyang mga magulang. Isinulat niya na ang mga katotohanan ng ebanghelyo ay “napamahal na sa kanyang puso.” Ibinahagi niya ang kanyang pananabik na mapalapit sa kanyang Ama sa Langit, sumunod sa Kanyang mga utos, at mabuklod ang kanilang pamilya sa templo. Ang simpleng patotoo ng kanilang malambing na anak ay umantig nang husto sa puso ng kanyang mga magulang. Si Katie at kanyang pamilya ay tumanggap ng mga sagradong ordenansa sa templo na nagbuklod sa kanilang pamilya magpakailanman. Ang pusong nananalig at halimbawa ng pananampalataya ni Katie ay nakapaghatid ng mga walang hanggang pagpapala sa kanyang pamilya. Naakay ba tayo ng kanyang tapat na patotoo at hangaring sundin ang plano ng Panginoon na makita nang mas malinaw ang tunay na pinakamahalaga?
May natutuhan ang aming pamilya sa isang malapit naming kamag-anak na si Liam, anim-na-taong-gulang. Nitong nakaraang taon nakibaka siya sa malalang kanser sa utak. Matapos ang dalawang maselang operasyon, ipinasiya na kakailanganin niya rin ng radiation. Sa pagpapasailalim sa radiation, kailangan ay mag-isa lang siya at nakahiga nang walang kakilos-kilos. Ayaw ni Liam na bigyan siya ng pampakalma dahil hindi niya gusto ang epekto nito sa kanya. Ipinasiya niya na kung maririnig lang niya ang boses ng kanyang ama sa intercom, panatag siyang makakahiga nang walang pampakalma.
Sa nakababalisang mga sandaling ito, pinalakas ng kanyang ama ang loob niya at ipinadama ang pagmamahal sa kanya. “Liam, kahit hindi mo ako nakikita, narito lang ako. Alam kong kaya mo iyan. Mahal kita.” Tagumpay na natapos ni Liam ang 33 kailangang radiation habang nakahiga nang walang kakilos-kilos, isang tagumpay na akala ng mga doktor ay imposibleng gawin sa isang napakabata nang walang pampakalma. Sa loob ng ilang buwang pagdaranas ng sakit at hirap, ang nakakahawang positibong pananaw ni Liam ay naging malaking halimbawa ng pagharap sa paghihirap nang may pag-asa at kaligayahan din. Ang kanyang mga doktor, narses, at napakaraming iba pa ay nabigyang-inspirasyon ng kanyang katapangan.
Lahat tayo ay natututo ng mahahalagang aral mula kay Liam—mga aral tungkol sa pagpiling sumampalataya at magtiwala sa ating Ama sa Langit. Katulad ni Liam, hindi natin nakikita ang ating Ama sa Langit, ngunit maaari nating marinig ang Kanyang tinig upang bigyan tayo ng lakas na kailangan natin upang matiis ang mga pagsubok ng buhay.
Ang halimbawa ba ni Liam ay mas magpapaunawa sa atin ng mga salita ni Haring Benjamin na maging tulad sa isang bata—masunurin, maamo, mapakumbaba, mapagtiis, at puno ng pag-ibig? (tingnan sa Mosias 3:19).
Ang mga batang ito ay nagbibigay ng mga halimbawa ng ilan sa mga katangiang katulad sa isang bata na kailangan nating taglayin o tuklasing muli sa ating sarili upang makapasok tayo sa kaharian ng langit. Sila ay mga dalisay na espiritu na hindi nadungisan ng mundo—madaling turuan at puno ng pananampalataya. Kaya pala may espesyal na pagmamahal at pagpapahalaga ang Tagapagligtas sa maliliit na bata.
Kabilang sa mga di-pangkaraniwang kaganapan sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika, katangi-tangi ang Kanyang magiliw na pagmiministeryo sa mga bata. Sa mapagmahal na paraan ay kinuha Niya ang bawat bata.
“At kinuha ang kanilang maliliit na anak, isa-isa, at binasbasan sila, at nanalangin sa Ama para sa kanila.
“At nang magawa na niya ito, siya ay … tumangis. …
“At nangusap siya sa maraming tao, at sinabi sa kanila: Masdan ang inyong mga musmos” (3 Nephi 17:21–23).
Itinuro sa atin ni Elder M. Russell Ballard ang kahalagahan ng utos ng Tagapagligtas na “masdan ang inyong mga musmos” nang sabihin niyang: “Pansinin na hindi Niya sinabing ‘sulyapan sila’ o ‘tingnan lang sila’ o ‘tumingin paminsan-minsan sa kanilang direksyon.’ Ang sabi Niya’y masdan sila. Para sa akin nangangahulugan iyan na dapat natin silang bantayan at mahalin; dapat natin silang tingnan at pahalagahan kung sino sila talaga: mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, na may mga banal na katangian” (“Behold Your Little Ones,” Tambuli, Okt. 1994, 40; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Wala nang iba pang mas perpektong lugar upang masdan ang ating mga musmos kundi sa ating pamilya. Ang tahanan ay isang lugar kung saan lahat tayo ay sama-samang matututo at uunlad. Itinuturo ng isa sa magagandang awitin sa Primary ang katotohanang ito:
Diyos tayo’y binigyan
Ng pamilya nang S’ya ay matularan—
Ang pag-ibig N’ya’y taos,
Dahil pamilya’y sa Diyos.
(“Pamilya’y sa Diyos,” Liahona, Okt. 2008, K12–13.)
Dito sa ating pamilya, sa kapaligirang may pagmamahal, kung saan natin nakikita at napapahalagahan sa mas personal na paraan ang mga banal na katangian ng Kanyang mga espiritung anak. Dito sa ating pamilya mapalalambot ang ating puso at sa pagpapakumbaba ay nais nating magbago, maging higit na katulad ng isang bata. Ito ay isang proseso para tayo maging higit na katulad ni Cristo.
Pinawi na ba ng ilang karanasan sa buhay ang inyong pusong nananalig at pananampalatayang katulad sa isang bata na taglay ninyo noon? Kung gayon, tingnan sa paligid ang mga bata sa inyong buhay. At pagkatapos ay muling tumingin. Maaaring sila ay mga bata sa inyong pamilya, sa tapat ng bahay ninyo, o sa Primary sa inyong ward. Kung tayo ay may pusong madaling turuan at handang tularan ang halimbawa ng mga bata, ang kanilang mga banal na katangian ay maaaring maging susi na magbubukas ng ating sariling espirituwal na pag-unlad.
Lagi kong pasasalamatan ang mabiyayaan ng sarili kong mga anak. Ang halimbawa ng bawat isa ay nagturo sa akin ng mga aral na kailangan ko. Tinulungan nila ako na higit pang magpakabuti.
Iniiwan ko ang aking aba ngunit tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo. Siya ang nag-iisang perpektong Anak—masunurin, maamo, mapakumbaba, mapagtiis, at puno ng pag-ibig. Nawa’y naisin ng bawat isa sa atin na sundan ang Kanyang halimbawa, na maging tulad sa isang maliit na bata, at sa gayon ay makabalik tayo sa ating tahanan sa langit, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.