2011
Nagsalita Sila sa Atin: Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya
Mayo 2011


Nagsalita Sila sa Atin

Gawing Bahagi ng Ating Buhay ang Kumperensya

Isiping gamitin ang ilan sa mga aktibidad at tanong na ito bilang pasimula ng talakayan sa pamilya o personal na pagninilay habang ginagawa ninyong bahagi ng inyong buhay ang mga itinuro sa pangkalahatang kumperensya.

Makikita ninyo ang lahat ng mensahe sa pangkalahatang kumperensya online sa conference.lds.org.

Paunawa: Ang mga bilang ng pahina na nakalista sa ibaba ay nagsasaad ng unang pahina ng binanggit na mensahe.

Para sa mga Bata

  • Ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson na magtatayo ang Simbahan ng tatlong bagong templo, kaya’t ang kabuuang bilang ng mga templong gumagana, kasalukuyang itinatayo, o ibinalita ay aabot na sa 160. Tingnan ang mapa upang mahanap ang Meridian, Idaho, USA; Fort Collins, Colorado, USA; Winnipeg, Manitoba, Canada; at ang pinakamalapit na templo sa inyong tahanan. Basahin o muling isalaysay ang ilan sa mga ikinuwento ni Pangulong Monson tungkol sa matatapat na miyembro na nagsakripisyo nang malaki upang makapunta sa templo (pahina 90). Mithiing magpunta sa templo sa lalong madaling panahon, o talakayin ang mga paraan upang manatiling karapat-dapat na pumasok sa templo.

  • Noong nabubuhay pa sina Adan at Eva sa lupa, ang isa sa mga paraan na sinamba nila ang Ama sa Langit ay sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga hayop. Itinuro ni Elder L. Tom Perry na pinasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento sa Kanyang mga disipulo sa araw ng Sabbath bilang bagong anyo ng pagsamba. Patuloy tayong sumasamba sa pakikibahagi ng sakramento sa araw ng Sabbath. Rebyuhin ang mensahe ni Elder Perry (pahina 6) bilang isang pamilya upang malaman ang tungkol sa wastong pananamit sa araw ng Linggo at iba pang paraan upang igalang ang sakramento at ang Sabbath.

  • Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson na inutusan tayo ni Jesucristo na dapat nating sikaping maging katulad Niya at ng ating Ama sa Langit (pahina 97). Kung minsan ay “pinagagalitan o pinarurusahan” ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga anak upang tulungan tayong maging higit na katulad Niya. Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng pagalitan o parusahan. Basahin o muling ikuwento ang mayabong na currant bush. Talakayin kung paanong ang kabiguan ay makatutulong sa atin na mas lumakas at maging higit na mabunga o kapaki-pakinabang.

  • Itinuro ni Elder Richard J. Maynes na ang mga pamilya ay maaaring maging tulad ng mga lubid (pahina 37). Ang lubid o pisi ay maraming hibla na mahihina kung mag-isa lang ang mga ito ngunit malakas ang mga ito kapag pinagsala-salabid na. Gayundin naman na kapag ginagawa ng lahat ng miyembro ng pamilya ang tama at nagtutulungan sila, bawat tao sa pamilya ay napalalakas at makakagawa nang higit pa kaysa magagawa niya nang mag-isa. Bigyan ang bawat miyembro ng inyong pamilya ng kapirasong tali o pisi. Pag-usapan ang mga paraan na napaglilingkuran at napalalakas ng bawat miyembro ng pamilya ang iba pang mga kapamilya. Pagkatapos ay tingnan kung gaano kalakas o katatag ang mga kaputol na pisi o tali kapag magkakasama ang mga ito.

Para sa Kabataan

  • Ang inyo bang klase o korum ay nagkakaisa hangga’t maaari? Pagkatapos rebyuhin ang mensahe ni Pangulong Henry B. Eyring tungkol sa pagkakaisa (pahina 62), gumawa ng listahan ng maaari mong gawin upang lalo pang magkalapit ang inyong grupo.

  • Binanggit ni Elder Russell M. Nelson ang tungkol sa “estilo ng turu-turo” sa pagsunod (pahina 34). Pag-usapan sa inyong pamilya, klase, o korum ang ibig sabihin nito at bakit hindi ito uubra.

  • Inilarawan ni Elder M. Russell Ballard ang dalisay na pag-ibig ni Cristo bilang aktibong pagmamahal (pahina 46) na ipinakikita sa mga simpleng kabaitan at paglilingkod. Magplano ng isang paraan na maipapakita ng inyong klase o korum ang pagmamahal sa isang tao sa inyong ward, branch, o komunidad at pagkatapos ay isakatuparan ang inyong plano.

  • Ikinuwento ni Elder Quentin L. Cook ang tungkol sa nakita o natagpuang bag pagkatapos ng isang sayawan ng mga kabataan (pahina 18). Ang nakita ng mga lider sa loob ng bag ay nagsabi ng marami tungkol sa dalagita o kabataang babae na nagmamay-ari nito. Ano ang sinasabi ng mga nilalaman ng inyong bag o pitaka tungkol sa inyo, at anong mga pagbabago ang gugustuhin ninyong gawin sa mga bagay na malapit sa inyo?

  • Nagsalita si Elder Lynn G. Robbins tungkol sa pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas (pahina 103). Isipin kung ano ang ibig sabihin ng maging katulad ni Jesucristo sa halip na gawin lamang ang ipinagagawa Niya. Pagkatapos ay isipin kung ano ang mga pagbabagong magagawa ninyo sa inyong buhay upang maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Para sa Matatanda

  • Ibinahagi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf (pahina 58) ang kuwento tungkol sa isang lalaking namuhay nang mas mababa sa kanyang mga pribilehiyo nang palampasin niya ang maraming aktibidad at masasarap na pagkaing inialok sa kanya sa cruise ship dahil hindi niya alam na ang mga bagay na iyon ay kasama pala sa presyo ng tiket na kanyang binayaran. Talakayin sa mga miyembro ng pamilya na maytaglay ng priesthood ang mga paraan na makapamumuhay sila nang ayon sa kanilang mga “pribilehiyo na may kaugnayan sa sagradong kapangyarihan, mga kaloob, at pagpapala na oportunidad at karapatan [nila] bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos.”

  • Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ang tungkol sa kapangyarihan ng pagpapatawad (pahina 30). May mga tao bang kailangan ninyong patawarin, o may mga nakababagabag na karanasan na kailangan ninyong “hayaan na lamang”? Hangarin ang tulong ng Panginoon sa paghahanap ng kapayapaan at ng kapangyarihang magpatawad.

  • Ikinuwento ni Elder Richard G. Scott kung paano niya ipinakita at ng kanyang asawang si Jeanene ang pag-ibig sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagsusulatan nila ng maiikling liham (pahina 94). Isiping sumulat ng maikling liham na nagsasabi kung gaano mo kamahal at pinahahalagahan ang iyong asawa. Ilagay ito sa lugar na makikita ng iyong asawa.

  • Binanggit ni Elder David A. Bednar ang karanasan ni Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa pagkakaroon ng patotoo (pahina 87). Rebyuhin ang kuwentong ito at isipin kung anong mga karanasan ang nakaimpluwensya sa inyong patotoo.

Ljubljana, Slovenia

Coatzacoalcos, Mexico