2011
Elder O. Vincent Haleck
Mayo 2011


Elder O. Vincent Haleck

Ng Pitumpu

Elder O. Vincent Haleck

Bata pa si Elder Otto Vincent Haleck ay nagbayad na siya ng ikapu, nag-ayuno, at nag-aral ng mga banal na kasulatan—at pagkatapos ay nakilala niya ang mga misyonero at nabinyagan.

Ang ina ni Elder Haleck ay miyembro ng Simbahan ngunit matagal nang hindi nagsisimba. Ang kanyang ama ay hindi miyembro ng Simbahan. Subalit ang pamilya ay nagbayad ng ikapu, nag-ayuno linggu-linggo, nagbasa ng Biblia araw-araw, at nagbigay ng kung ano ang mayroon sila sa mga nangangailangan. Si Elder Haleck ay nagmula sa isang pamana ng pananampalataya.

Si Elder Haleck ay isinilang noong Enero 1949 sa American Samoa. Pinag-aral siya ng kanyang mga magulang, sina Otto at Dorothy Haleck, sa California, USA. Sa edad na 17, napansin niya na may ilang kaibigan siya sa student government na naiiba sa ibang mga estudyante. “Inanyayahan nila ako sa Mutwal, at diyan na nagsimula ang lahat,” sabi ni Elder Haleck.

Si Elder Haleck ay tumanggap ng bachelor’s degree in advertising and marketing sa Brigham Young University. Nagmamay-ari siya ng ilang negosyo sa American Samoa at isa siyang pilantropo. Si Elder Haleck at ang kanyang asawang si Peggy Ann Cameron ay ikinasal noong Hunyo 29, 1972, sa Provo Utah Temple. Tatlo ang anak nila.

Kalaunan nasumpungan ng buong pamilya ni Elder Haleck ang ebanghelyo. Si Elder Haleck ay nagkaroon ng pribilehiyong binyagan ang kanyang 80-taong-gulang na ama at nakitang magbalik sa pagkaaktibo ang kanyang ina pagkaraan ng 50 taon ng pagsasama ng mag-asawa.

Bago siya tinawag sa Pangalawang Korum ng Pitumpu, naglingkod si Elder Haleck bilang full-time missionary sa Samoa Apia Mission, bishop, stake high councilor, patriarch, stake president, at nitong huli, bilang pangulo ng Samoa Apia Mission.

Naniniwala si Elder Haleck na lahat ng karanasan niya sa buhay ay nag-akay sa kanya kung saan siya ngayon. “Ginugunita ko ang buhay ko, at masasabi ko na nakikita ko ang kamay ng Panginoon,” sabi ni Elder Haleck. “Nagpapasalamat ako at ikinararangal ko na pinagtiwalaan kami ng Panginoon. Mahal ko ang Panginoon at umaasa ako na maging mabuting kasangkapan. Alam kong tutulungan ako ng Panginoon.”