Institute
Lesson 8: Pagtuturo ng Mensahe ng Panunumbalik (Part 2)


8

Pagtuturo ng Mensahe ng Panunumbalik (Part 2)

Pambungad

Ang mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, na kinapapalooban ng walang-hanggang doktrina, awtoridad ng priesthood, at mga ordenansa ng kaligtasan, ay naipanumbalik sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sa pamamagitan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo—ang ebanghelyong inihayag sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo—lahat ng anak ng Diyos ay maaaring magkaroon ng buhay na walang hanggan. Dapat malinaw na nauunawaan ng mga prospective missionary ang mga konsepto ng Apostasiya at ng Panunumbalik at dapat maging handang ipaliwanag ang mga ito sa simpleng paraan at patotohanan ang mga ito nang may kapangyarihan.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Pangitain ni Joseph Smith Ukol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo

Ipalabas muna ang video clip mula sa mensahe ni Pangulong Thomas S. Monson na “Halina, mga Anak ng Diyos,” kung saan ibinahagi ni Pangulong Monson ang karanasan ng pagbabalik-loob ni Elmer Pollard:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Noong naglingkod ako bilang mission president sa Canada mahigit 50 taon na ang nakalipas, isang bata pang missionary na mula sa maliit na bayan sa isang lalawigan ang namangha sa laki ng Toronto. Maliit lang siya ngunit malakas ang patotoo. Kalaunan, kasama ang kanyang kompanyon, bumisita sila sa tahanan ni Elmer Pollard sa Oshawa, Ontario, Canada. Dahil naawa sa mga binatang ito na, sa matinding bagyo ng niyebe, ay nagbahay-bahay, pinapasok ni Mr. Pollard ang mga missionary sa kanyang tahanan. Ibinahagi nila sa kanya ang kanilang mensahe. Hindi niya nadama ang diwa. At pagkaraan ay sinabi niya sa kanila na umalis na sila at huwag nang babalik. Ang huling sinabi niya sa mga elder nang paalis na sila sa kanyang balkonahe ay binigkas nang may pangungutya: ‘Hindi ninyo maaaring sabihin sa akin na talagang naniniwala kayo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos!’

“At isinara na ang pintuan” (“Halina, mga Anak ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 68).

Matapos ipalabas ang clip, itanong:

  • Kung isa kayo sa mga missionary na ito, ano kaya ang maiisip at madarama ninyo sa pag-alis ninyo sa bahay ni Mr. Pollard?

  • Ano kaya ang gagawin ninyo sa puntong ito?

Ipalabas ang pangalawang video clip, na karugtong ng kuwento ni Pangulong Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Naglakad na ang mga elder sa kalsada. Sinabi ng binata sa kanyang kompanyon: ‘Elder, hindi natin sinagot si Mr. Pollard. Sinabi niya na hindi tayo naniniwala na totoong propeta si Joseph Smith. Bumalik tayo at magpatotoo sa kanya.’ Sa una nag-alangan ang mas matagal nang missionary ngunit sa huli ay pumayag na rin na samahan ang kanyang kompanyon. Takot ang nadama nila habang papalapit sila sa pinto kung saan sila pinaalis. Kumatok sila, hinarap si Mr. Pollard, gumugol ng isang matinding sandali, at pagkatapos sa kapangyarihan na hatid ng Espiritu, ang ating bagong missionary ay nagsalita: ‘Mr. Pollard, sinabi ninyong hindi kami talagang naniniwala na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Gusto kong patotohanan sa inyo na si Joseph ay isang propeta. Totoong isinalin niya ang Aklat ni Mormon. Nakita niya ang Diyos Ama at ang Anak na si Jesus. Alam ko ito.”

“Di-nagtagal, si Mr. Pollard, na Brother Pollard na ngayon, ay tumayo sa isang miting ng priesthood at nagsabing, ‘Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Paulit-ulit kong naririnig ang mga salitang “Si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Alam ko ito. Alam ko ito. Alam ko ito.” Kinabukasan tinawagan ko ang mga missionary at hiniling na bumalik sila. Ang kanilang mensahe, lakip ang kanilang patotoo, ang nagpabago sa aking buhay at sa buhay ng aking pamilya’” (“Halina, Mga Anak ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 68).

Itanong:

  • Bakit kaya nagkaroon ng malaking epekto kay Mr. Pollard ang patotoo ng missionary tungkol kay Propetang Joseph Smith?

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Joseph Smith—Kasaysayan sa Mahalagang Perlas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata 5–6, at pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang mga talata 7–9. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:

  • Paano ninyo maibubuod ang mga talatang ito sa isa o dalawang pangungusap?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10. Habang binabasa ang talata, hilingin sa mga estudyante na isipin kung paanong ang paghahanap ni Joseph Smith sa katotohanan ng relihiyon ay katulad sa maraming tao na makakakilala nila sa kanilang misyon. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang mga tanong na kinaharap noon ng batang si Joseph Smith?

  • Ano ang nagpahirap kay Joseph sa pagdedesisyon kung sa aling simbahan siya sasapi?

  • Paano kaya natutulad ang mga tanong ni Joseph Smith sa mga tanong ng mga tao sa mundo ngayon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–13. Pagkatapos ay itanong:

  • Anong alituntunin ang natutuhan ni Joseph Smith tungkol sa kung paano mahahanap ang espirituwal na katotohanan? (Kahit iba-ibang salita ang gamitin nila, malamang na banggitin ng mga estudyante ang alituntuning ito: Matututuhan natin ang espirituwal na katotohanan mula sa Diyos kung magdarasal tayo sa Kanya para sa mga sagot at handa tayong kumilos.)

  • Paano ninyo magagamit ang halimbawa ni Joseph Smith para tulungan ang iba na nagnanais na mahanap ang espirituwal na katotohanan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–19. Sa paggawa nila nito, ipaisip sa kanila ang matagalang epekto ng Unang Pangitain sa mundo at sa kanilang personal na buhay. Matapos silang magkaroon ng sandaling katahimikan para tapusin ang pagbabasa, itanong ang gaya ng sumusunod:

  • Ano kaya ang ilang dahilan kung bakit inatake ng kaaway si Joseph Smith bago nagpakita ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo? (Gusto ng kaaway na hadlangan si Joseph sa pag-alam ng espirituwal na katotohanan at ng sa gayon ay mahahadlangan ang Panunumbalik kalaunan.)

  • Sa paanong paraan nagsimulang madaig ng Unang Pangitain ang mga bunga ng Malawakang Apostasiya? (Bigyang-diin ang katotohanang ito sa mga estudyante: Sa pamamagitan ng Unang Pangitain, muling nabuksan ang kalangitan at nagsimula ang Panunumbalik.)

  • Anong mga katotohanan ng doktrina ang matututuhan mula sa Unang Pangitain? (Ang Ama at ang Anak ay magkahiwalay na mga nilalang, ang kalangitan ay nakabukas, maaari tayong tumanggap ng paghahayag, at marami pang iba.)

  • Sa palagay ninyo bakit iminumungkahi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo na ituro ng mga missionary ang tungkol sa Unang Pangitain sa una nilang pakikipagkita sa isang investigator?

  • Paano makatutulong ang pag-aaral tungkol sa pagpapakita ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo sa mga investigator sa paghahanap nila ng espirituwal na katotohanan?

Para tulungan ang mga estudyante na palalimin ang kanilang pagkaunawa sa kahalagahan ng Unang Pangitain, bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na may pamagat na “Ang Kagila-gilalas na Pundasyon ng Ating Pananampalataya,” na naglalaman ng bahagi ng isang mensahe ni Pangulong Gordon B. Hinckley.

Larawan
Handout tungkol sa Pundasyon ng Ating Pananampalataya

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang tatlong talata. Pagkatapos ay itanong:

  • Bakit ang “buong lakas” ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakasalalay sa katotohanan ng Unang Pangitain? (Dapat maunawaan ng mga estudyante na kung totoo ang salaysay ni Joseph Smith tungkol sa kanyang pangitain, kung gayon ay totoo rin na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging totoong simbahan sa lupa na nagtataglay ng buong pagsang-ayon at awtoridad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.)

  • Ayon kay Pangulong Hinckley, sa paanong paraan naiiba ang gawain ni Joseph Smith sa ginawa ng mga naunang lider ng relihiyon na gumawa ng pagbabago o nagreporma sa mga kaugalian at aral ng doktrina?

Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto upang tahimik na basahin ang iba pang nakasulat sa handout. Habang nagbabasa sila, hikayatin silang markahan ang mga salita, kataga, o pahayag na namumukod-tangi sa kanila. Pagkatapos magbasa ng mga estudyante, imbitahin ang ilan sa kanila na ibahagi ang minarkahan nila at ipaliwanag kung bakit iyon mahalaga sa kanila. Isiping itanong ang sumusunod:

  • Bakit kaya mahirap para sa ilang tao na tanggapin ang katotohanan ng pangitain ni Joseph Smith?

  • Habang isinasaisip ang mga alituntuning pinag-aaralan sa nakaraan nating lesson, paanong akma ang Unang Pangitain sa pattern ng mga dispensasyon, apostasiya, at panunumbalik? (Kasunod ng isang panahon ng apostasiya, pinasimulan ng Unang Pangitain ang pagpapanumbalik at isang bagong dispensasyon ng ebanghelyo. Tulad noong mga nakaraang dispensasyon, isang propeta ang tinawag ng Diyos upang ibalik ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ang awtoridad ng priesthood. Si Joseph Smith ay tinawag bilang propeta ng “dispensasyon ng kaganapan ng panahon” [Mga Taga Efeso 1:10]. Ibig sabihin nito ang ebanghelyo ay hindi na mawawala dahil sa apostasiya kundi mananatili ito sa lupa hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Cristo.)

  • Paano matutulungan ng pagtulong sa investigator na maunawaan ang scriptural pattern na ito ng apostasiya at panunumbalik para tanggapin niya ang katotohanan ng Unang Pangitain at ng makabagong Panunumbalik ng ebanghelyo?

Imbitahin ang klase na buklatin ang pahina 40 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo at tahimik na basahin ang huling tatlong talata sa pahina, na hinahanap ang mga bagay na ibinalik o muling itinatag sa pamamagitan ng Panunumbalik. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila. Maaari mong tiyakin na babanggitin sa klase (1) ang panunumbalik ng awtoridad ng priesthood, mga susi, at ordenansa, (2) ang muling pagtatatag ng Simbahan ni Cristo, (3) ang pagtawag ng labindalawang Apostol, (4) ang pagsisimula ng bagong dispensasyon ng ebanghelyo, at (5) ang pagtawag ng isang buhay na propeta.

Para tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng Unang Pangitain at ng Panunumbalik, sabihin sa iyong klase na sagutin ang mga tanong na gaya ng sumusunod:

  • Paano kayo nagkaroon ng patotoo sa katunayan at kahalagahan ng Unang Pangitain?

  • Paano naimpluwensyahan ng inyong patotoo tungkol sa Unang Pangitain ang inyong paniniwala sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo?

Itanong kung may estudyanteng gustong ibahagi sa klase ang kanilang patotoo tungkol sa Unang Pangitain o sa Panunumbalik.

Hatiin sa magkakapares ang klase. Isaayos ang mga estudyante sa maliliit na grupo na tig-aapat (dalawang pares sa bawat grupo). Bigyan ang mga estudyante ng sapat na panahon para maghanda kung paano sila magtuturo ng maikling tatlo- hanggang apat na-minutong lesson tungkol sa Unang Pangitain at sa Panunumbalik. Ipaliwanag na ang kanilang pagtuturo ay dapat simple at malinaw. Iparepaso sa mga estudyante ang materyal sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 39–40, o sa pahina 11 sa missionary pamphlet na may pamagat na Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang sarili nilang salita para ipaliwanag ang karanasan ni Joseph Smith (maliban kapag babanggitin o babasahin nila ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17). Ipaalala sa kanila na magtapos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang patotoo. Atasan ang isang pares sa bawat grupo na turuan ang isa pang pares.

Sa pagtatapos ng mga estudyante sa kanilang karanasan sa pagtuturo, ipatalakay sa bawat grupo ang maayos na nangyari ng kanilang pagtuturo at kung paano pa sana ito napagbuti ng mga guro.

Pagkatapos, sabihing magpalitan sila ng role o papel at hayaang ang isang pares naman ang magturo. Tiyakin na mayroong oras para sa feedback. Pagkatapos magturo ng lahat ng pares, anyayahan ang mga miyembro ng klase na magbahagi sa klase ng mga ideya mula sa kanilang mga karanasan.

Maaaring makatulong sa iyong mga estudyante na malaman kung paano sagutin ang mahihirap na tanong tungkol sa iba‘t ibang ulat ng Unang Pangitain na isinulat ni Joseph Smith. Ipaliwanag na ang kuwento ng Unang Pangitain na nasa Joseph Smith—Kasaysayan ay isinulat ng Propeta noong 1838 bilang bahagi ng isang opisyal na kasaysayan ng Simbahan na ilalathala noon sa mundo. Dahil maraming beses inirekord ni Joseph Smith ang kanyang karanasan, may iba pang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Ipaliwanag sa mga estudyante na bawat pangyayari ay kaiba depende sa binibigyang-diin nito at ng mga detalye nito. Ang ilang kritiko ay maling nakikipagtalo na anumang pagkakaiba sa mga muling pagsasalaysay ay patunay na gawa-gawa lamang ito. Gayunman, kapag ang isang tao ay muling nagkuwento ng isang karanasan sa iba‘t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig sa loob ng maraming taon, bawat salaysay ay malamang na magbigay-diin sa iba‘t ibang aspeto ng karanasan at naglalaman ng kakaibang mga detalye. Halimbawa, ang mga pagkakaibang makikita sa kuwento ng Unang Pangitain ay makikita rin sa salaysay ni Pablo tungkol sa kanyang pangitain sa daan patungong Damasco (tingnan sa Mga Gawa 9:3–9; 22:6–11; 26:12–18).

Pag-imbita sa Iba na Basahin ang Aklat ni Mormon

Simulang ipakita ang kahalagahan ng bahaging ito ng lesson sa pamamagitan ng pagpapabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling dalawang talata sa pambungad sa Aklat ni Mormon. Imbitahin ang mga estudyante na hanapin ang mga pangakong ibinigay sa mga taong pinipiling basahin ang Aklat ni Mormon, pagnilayan ito, at itanong sa Diyos kung ito ay totoo. Pagkatapos ay ipabahagi sa mga estudyante ang nalaman nila.

Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 41 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata sa bahaging “Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo.” Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang isang alituntuning itinuro sa talatang ito sa pagtatanong ng:

  • Bakit ang Aklat ni Mormon ay mahalaga at napakabisang kasangkapan para sa mga missionary? (Tulungan ang mga estudyante na makita na ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng walang hanggang ebanghelyo, ay nakakakumbinsing ebidensya na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, at isa pang tipan ni Jesucristo. (Tingnan sa D at T 20:8–11.)

Para tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang doktrinang ito, itanong ang gaya ng mga sumusunod:

  • Bakit ang Aklat ni Mormon ay nakakukumbinsing ebidensya na si Joseph Smith ay propeta? (Kung sasabihin ng isang tao na ang Aklat ni Mormon ay totoo, kailangang sabihin din nila na si Joseph Smith ay kumilos nang ayon sa banal na patnubay para matuklasan at isalin ito at siya ay propeta ng Diyos.)

  • Paano pinagpapala ang mga investigator kapag binabasa nila ang Aklat ni Mormon at nagkakaroon ng patotoo na ito ay totoo? (Malalaman nila na si Joseph Smith ay propeta, at magiging handa silang tanggapin ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at tatanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante na basahin ang Moroni 10:3–5. Itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga hakbang ang kailangang gawin ng isang tao para magkaroon ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo? (Kahit iba-ibang salita ang gamitin nila, malamang na banggitin ng mga estudyante ang alituntuning ito: Sa pagbabasa natin, sa pagninilay, at pananalangin nang may tunay na layunin tungkol sa Aklat ni Mormon, ihahayag ng Diyos ang katotohanan nito sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “manalangin nang may tunay na layunin” (Moroni 10:4)? (Taos-pusong paghahangad na makatanggap ng sagot sa pamamagitan ng Espiritu Santo at pangangako na kikilos ayon sa sagot.)

Para mailarawan kung bakit mahalaga na basahin ng isang investigator ang Aklat ni Mormon at manalangin nang may tunay na layunin tungkol sa katotohanan nito, ipalabas ang video na “Invitation to Read the Book of Mormon: Jynx “ (8:06).

Itigil ang video sa 0:55 at hilingin sa klase na pagnilayan sandali ang maaaring maging kaisipan at damdamin nila kung isa sila sa mga missionary na nagtuturo kay Jynx. Sabihin sa ilang estudyante kung ano ang sasabihin nila sa kanya.

Habang ipinapalabas ang iba pang bahagi ng video, isiping sabihan ang kalahati ng klase na tingnan kung bakit kailangang basahin at ipanalangin ng investigator ang Aklat ni Mormon para magkaroon ng patotoo sa katotohanan nito. Sabihin naman sa natitirang kalahati ng klase na bantayan kung ano ang sinabi ng mga missionary na tumulong kay Jynx para mahikayat na basahin ang Aklat ni Mormon. Pagkatapos ng video, talakayin ang sumusunod sa mga estudyante:

  • Ano ang sinabi at ginawa ng mga missionary para mahikayat si Jynx na basahin at ipagdasal ang Aklat ni Mormon?

  • Ano ang sinabi o ginawa ng mga missionary para anyayahan ang Espiritu Santo na patotohanan ang kanilang mga salita?

  • Bakit mahalaga para sa isang investigator na basahin at ipagdasal ang tungkol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon? (Tiyaking nauunawaan ng mga estudyante na hindi sapat na basta lamang mamigay ang mga missionary ng mga kopya ng Aklat ni Mormon. Tungkulin ng isang missionary na tulungan ang iba na madama ang kahalagahan ng pagbabasa at pagdarasal tungkol sa Aklat ni Mormon para matuklasan nila na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at naibalik ang ebanghelyo ni Jesucristo.)

Ipaliwanag sa klase na magkakaroon sila ngayon ng pagkakataong i-role-play o isadula ang pag-imbita sa isang tao na basahin ang Aklat ni Mormon. Ipakita kung paano ipakikilala ang Aklat ni Mormon at iimbitahin ang isang tao na basahin ito at ipagdasal para malaman na ang mensahe nito ay totoo. Pagkatapos ay gawing pares-pares ang mga miyembro ng klase, o isiping gamitin ang isa sa iba pang iminungkahing teaching configurations na nasa bahaging “Mga Aktibidad sa Pagtuturo” sa pambungad ng manwal na ito.

Bigyan ng sapat na oras ang mga estudyante na maghandang anyayahan ang isang investigator na basahin ang Aklat ni Mormon at ipagdasal na malaman kung ito ay totoo. Ipabasa sa mga estudyante ang kahon na may pamagat na “Gamitin ang Aklat ni Mormon para Mapatunayan ang Katotohanan ng Panunumbalik,” na nasa itaas ng pahina 42 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang pahina 15 ng missionary pamphlet na may pamagat na Ang Panunumbalik ng Ebanghelyo ni Jesucristo. Dapat nilang tapusin ang practice activity sa pagbabahagi ng kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at pag-iimbitang basahin at ipagdasal ang tungkol sa katotohanan nito.

Pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at mag-imbitang magbasa at magdasal, hilingin sa mga miyembro ng klase na magbahagi sa klase ng mga ideya mula sa kanilang mga karanasan.

Sa pagtatapos mo ng lesson, ipaalala sa mga estudyante ang mga pagpapala ng pagbabasa at pagpapalakas ng kanilang mga patotoo sa Aklat ni Mormon bago simulan ang paglilingkod bilang full-time missionary. Itanong kung gusto ng sinuman sa kanila na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, at tiyakin sa mga estudyante na magkakaroon sila ng kagalakan sa pag-iimbita sa iba na basahin ang makapangyarihang saksing ito tungkol kay Jesucristo.

Mga Imbitasyon para Kumilos

Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang natutuhan nila sa lesson na ito sa susunod na linggo. Maaari nilang pag-isipang gawin ang sumusunod:

  • Manalangin na magkaroon ng mas malakas na patotoo tungkol sa Unang Pangitain at sa katotohanan ng Aklat ni Mormon.

  • Basahin ang artikulong “First Vision Accounts” sa bahaging Gospel Topics sa lds.org/topics.

  • Isaulo ang salaysay ng Unang Pangitain na nasa Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–17. Ibahagi ito sa isang kaibigan o kapamilya at magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng pangyayari.

  • Manalangin para humingi ng tulong upang matukoy ang isang tao na bibigyan mo ng kopya ng Aklat ni Mormon. Kumilos ayon sa mga espirituwal na paramdam na natatanggap mo.

Print