Institute
Pambungad sa Manwal ng Titser sa Paghahanda ng Missionary (Religion 130)


Pambungad sa Manwal ng Titser sa Paghahanda ng Missionary (Religion 130)

Ang Ating Mithiin

Ang Mithiin ng Seminaries and Institutes of Religion ay nagsasaad na:

“Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at mga young adult na maunawaan at umasa sa mga turo at sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Mga Seminary at Institute of Religion [2012], 1).

Bilang institute teacher, makakatulong ka sa pagkakamit ng mithiing ito habang epektibo mong itinuturo ang ebanghelyo: “Itinuturo natin sa mga estudyante ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay itinuturo sa paraang humahantong sa pagkaunawa at pagiging matatag. Tinutulungan natin ang mga estudyante na gampanan ang kanilang papel sa proseso ng pagkatuto at inihahanda sila para ituro ang ebanghelyo sa iba” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, x).

Ang Fundamentals of Gospel Teaching and Learning [Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo] ay tutulong sa iyo at sa iyong mga estudyante na matugunan ang mga Mithiin ng Seminaries and Institutes of Religion habang sama-sama ninyong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan, ang mga salita ng mga propeta, at ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang mahahalagang alituntuning ito ay ang mga sumusunod:

  • Magturo at matuto sa pamamagitan ng Espiritu.

  • Bumuo ng kapaligiran ng pagkatuto na may pagmamahal, paggalang, at layunin.

  • Pag-aralan araw-araw ang mga banal na kasulatan, at basahin ang teksto para sa kurso.

  • Unawain ang konteksto at nilalaman ng mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta.

  • Tukuyin, unawain, damhin ang katotohanan at kahalagahan ng, at ipamuhay ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.

  • Ipaliwanag, ibahagi, at patotohanan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo.

  • Isaulo at unawaing mabuti ang mga pangunahing talata ng banal na kasulatan at mga Batayang Doktrina.

“Kapag naipatupad nang buong talino at nakaayon sa isa‘t isa, [ang mahahalagang alituntuning ito ay] makapag-aambag sa kakayahan ng mga estudyante na maunawaan ang mga banal na kasulatan at ang mga doktrina at alituntuning nilalaman ng mga ito. Hinihikayat din nito ang mga estudyante na gampanan ang kanilang papel sa proseso ng pagkatuto at inihahanda sila para ipamuhay ang ebanghelyo at ituro ito sa iba” (Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10). Ang mahahalagang alituntuning ito ay dapat ituring na resulta sa halip na mga pamamaraan sa pagtuturo (tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 10). Ang mga mungkahi sa pagtuturo sa manwal na ito ay naglalahad ng mga paraan para makamtan ang mga resultang ito sa iyong pagtuturo.

Layunin ng Kursong Ito

Religion 130: Ang Paghahanda ng Missionary ay dinisenyo upang tulungan ang mga estudyante sa paghahanda para sa full-time mission sa pamamagitan ng pagtutuon sa mga doktrina, alituntunin, at payo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, mga salita ng mga propeta, at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Ang manwal na ito, ang scriptures, at Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang iyong pangunahing teksto sa iyong paghahanda at pagtuturo ng kursong ito. Ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo ang nagsisilbing student manual para sa kursong ito, kaya dapat mong hikayatin ang mga estudyante na magkaroon ng sariling kopya para sa kanilang sariling pag-aaral at para magamit sa klase. Pagpapalain mo ang buhay ng iyong mga estudyante habang tinutulungan mo silang maging pamilyar dito at gamitin ito sa paghahanda nilang magmisyon.

Paano Binuo ang mga Lesson

Ang manwal na ito ay dinisenyo upang tulungan ang bagong tawag at gayundin ang matatagal nang titser. Ang kurso ay dinisenyo para sa isang semestre, at ito ay nahahati sa 15 lesson. Bawat lesson ay dinisenyo upang ituro sa isang 90-minutong klase. Kung kulang sa 90 minuto ang klase ninyo, maaari ninyong iklian ang mga lesson o kaya‘y hatiin ito sa iba’t ibang bahagi upang maituro sa dalawang class period o higit pa.

Bawat lesson sa manwal ay binubuo ng limang bahagi:

  • Pambungad

  • Paunang Paghahanda

  • Mga Mungkahi sa Pagtuturo

  • Mga Tulong sa Pagtuturo

  • Mga Paanyayang Kumilos

Pambungad

Bawat lesson ay nagsisimula sa maikling pambungad na nagbubuod sa mga doktrina, alituntunin, at pangunahing ideyang tatalakayin sa lesson.

Paunang Paghahanda

Ang bahaging ito ay kinapapalooban ng mahahalagang resources na pag-aaralan at nakalista rin dito ang resources (halimbawa, mga video, handout, at marami pang iba) na ginagamit sa bawat lesson outline at kakailanganin ninyong ihanda nang maaga. Halimbawa, kapag nakamungkahi sa lesson na ipalabas ang isang video, makabubuting i-download o kaya naman ay ihanda ang video nang maaga.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang bahaging ito ay may mga mungkahi sa pagtuturo ng mga course topic. Bilang titser, dapat pag-aralan mong mabuti ang bahaging ito. Ang mga mungkahi sa pagtuturo na nasa manwal na ito ay nakasunod sa pattern na inilarawan sa chapter 3 ng Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo. Ipinapakita ng mga ito kung paano ilalangkap ang Fundamentals of Gospel Teaching and Learning [Mga Pangunahing Alituntunin sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo] sa iyong pagtuturo para matulungan ang mga estudyante na maunawaan at ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at lalo pa silang maging matatag sa ebanghelyo.

Sa katawan ng bawat lesson, makikita ninyo ang ilan sa mahahalagang doktrina, alituntunin, at katotohanan na naka-bold print. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay tinukoy sa kurikulum dahil (1) nakikita sa mga ito ang mahalagang katotohanang matatagpuan sa scriptures at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, (2) talagang angkop ang mga ito sa pangangailangan at kalagayan ng mga prospective missionary, o (3) ang mga ito ay mahahalagang katotohanan na makatutulong sa mga estudyante na palalimin ang kanilang ugnayan sa Panginoon at ihahanda sila sa paglilingkod bilang full-time missionary. Ipinayo ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na: “Habang naghahanda ka ng lesson, hanapin ang mga alituntuning nakapagpapabago ng kalooban. … Ang alituntuning nakapagpapabago ng kalooban ay iyong umaakay tungo sa pagsunod sa kagustuhan ng Diyos” (“Converting Principles” [mensahe sa CES religious educators, Peb. 2, 1996], 1; si.lds.org). Dapat mong malaman na hindi tatangkain ng manwal na ito na tukuyin ang lahat ng doktrina at alituntunin na maaaring itinuturo sa isang lesson, at maaari kang maakay ng Espiritu na ituro ang iba pang mga alituntunin at doktrinang hindi tinalakay sa mga materyal ng lesson. Para sa iba pang mga ideya sa pag-aakma ng mga lesson, tingnan sa bahaging “Magpasiya Kung Ano at Paano Magtuturo” sa ibaba.

Mga Tulong sa Pagtuturo

Ang mga tulong sa pagtuturo ay nasa mga kahon sa lahat ng lesson, at ito ay gumagabay sa iba‘t ibang pamamaraan ng pagtuturo, mga skill, at teknik. Dinisenyo ang mga ito para magbigay ng dagdag na kaalaman sa mga pangunahing alituntunin ng pag-aaral ng relihiyon. Humanap ng mga paraan para maisagawa ang mga tulong na ito sa paraang epektibo at palagian sa iyong pagtuturo.

Mga Paanyayang Kumilos

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Taimtim kong inaasam sa bawat isa sa inyong [mga prospective missionary] na hindi lamang kayo magpunta sa misyon—kundi maging misyonero kayo bago pa ninyo ipadala ang inyong mga papeles sa misyon, bago pa ninyo matanggap ang tawag na maglingkod, bago pa kayo italaga ng inyong stake president, at bago pa kayo pumasok sa MTC” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 45). Ayon sa konseptong ito, bawat lesson ay naglalaman ng mga iminungkahing aktibidad para hikayatin ang mga prospective missionary na simulan ang pag-iisip, pagkilos, at paglilingkod tulad ng mga missionary bago sila pumasok sa missionary training center. Ang mga aktibidad sa bahaging ito ay humihikayat sa mga miyembro ng klase na ipamuhay sa tahanan ang natutuhan nila sa klase. Maraming iba’t ibang paraan sa pag-aatas o pagmumungkahi ng mga aktibidad na ito. Halimbawa, maaari kang mamigay ng handout sa oras ng unang klase na may listahan ng rekomendadong mga aktibidad para sa bawat linggo ng semestre. Maisusulat mo rin ang lingguhang listahan ng mga aktibidad sa pisara o padalhan mo ng text o email message ang mga estudyante mo linggu-linggo.

Magpasiya Kung Ano at Paano Magturo

Pumili ng mga Ideya sa Pagtuturo na Tumutugon sa Pangangailangan ng mga Estudyante

Habang naghahanda kang magturo, maaari mong itanong sa sarili mo ang ganito: Anong mga pamamaraan o aktibidad sa pag-aaral ang tutulong sa mga estudyante ko na maunawaan ang kailangan nilang malaman? Ano ang makatutulong sa mga estudyante ko para matukoy, maunawaan, at maipaliwanag ang mahahalagang doktrina at alituntunin? Ano ang magagawa ko para tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng mga doktrina o alituntuning iyon? Paano ko matutulungan ang mga estudyante na ipamuhay ang mga doktrina at alituntuning ito?

Ang manwal na ito ay dinisenyo para tulungan ka sa proseso ng pagpaplano ng lesson. Repasuhing mabuti ang materyal ng lesson. Piliin ang mga ideya sa pagtuturo na pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante, at iakma ito sa iyong estilo ng pagtuturo. Papatnubayan ka ng Espiritu Santo sa prosesong ito. Maaari mong piliing gamitin ang lahat o bahagi ng mga mungkahi sa kurikulum, o maaari mong iakma ang mga iminungkahing ideya para sa mga pangangailangan at kalagayan ng inyong klase. Habang iniisip mo kung paano iaakma ang mga materyal ng lesson, tandaang maghanda nang lubusan at hayaang gabayan ka ng Espiritu. Isaisip ang payong ito mula kay Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinipili muna natin, pagkatapos ay iniaakma natin. Kung lubos nating nauunawaan ang iminungkahing lesson na ibibigay natin, masusunod natin ang Espiritu para iakma ito” (“A Panel Discussion with Elder Dallin H. Oaks” [Seminaries and Institutes of Religion satellite broadcast, Ago. 7, 2012], 6; si.lds.org).

Bigyan ng Pagkakataong Magturo ang mga Estudyante

Isa sa mga pinakamahalagang magagawa mo bilang titser ng kursong ito ay bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpraktis na magturo at magpatotoo sa klase, dahil maraming kabataan ang kulang ang tiwala sa sarili sa pagtuturo ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na sagutin ang mga tanong, ipaliwanag ang mga katotohanan ng ebanghelyo sa iba pang miyembro ng klase, at ituro ang mga missionary lesson na matatagpuan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Kapag naunawaan ng mga prospective missionary kung paano tayong inaakay ng mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo tungo sa kaligtasan, ituturo nila ang ebanghelyo nang mas taimtim at mabisa.

Bukod sa pag-alam kung ano ang sasabihin at gagawin, kailangang matuto ang mga prospective missionary na magpokus sa mga kailangan ng mga investigator at malaman sa pamamagitan ng Espiritu kung ano ang mga kailangan ng bawat investigator para patuloy na tahakin ang landas tungo sa conversion o pagbabago. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang tuluyang conversion ng isang investigator ay hindi gaanong nakasalalay sa sinasabi at ginagawa ng missionary kundi sa pagkilos ng investigator nang may pananampalataya. Ang pinakamahuhusay na missionary ay nakatuong mabuti sa sinasabi at ginagawa ng mga investigator at pagkatapos ay magiliw silang tinutulungang umunlad tungo sa conversion o pagbabalik-loob.

Bigyang-kahulugan ang mga Inaasahan sa mga Estudyante

Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong sa paghahanda at pagtuturo mo ng mga lesson:

  • Atasan ang mga estudyante na basahin ang angkop na mga bahagi ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya bago simulan ang bawat lesson. Isiping bigyan ang mga estudyante ng syllabus o course outline sa simula ng kurso na nagpapaliwanag kung ano ang itinuro sa bawat klase at ano ang dapat basahin ng bawat estudyante bilang paghahanda para sa bawat klase. Ang mga estudyanteng maagang naghahanda ng kanilang sarili ay mas malamang na maturuan ng Espiritu Santo habang nagle-lesson.

  • Asahang gagampanan ng mga estudyante ang kanilang papel bilang mag-aaral (tingnan sa Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo, 6, 15, 55).

  • Hayaang tuklasin mismo ng mga estudyante ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Sumisigla ang mga estudyante kapag inaakay mo sila sa proseso ng pag-aaral na katulad ng naranasan mo sa paghahanda ng lesson. Sa pagkatulas mismo ng mga estudyante sa mga doktrina at alituntunin, bigyan sila ng mga pagkakataon para ipaliwanag ang mga katotohanang ito sa sarili nilang mga salita at ibahagi at patotohanan ang nalalaman nila, ang nadarama nila, at ang plano nilang gawin.

  • Lumikha ng kapaligiran kung saan madarama ng mga estudyante ang Espiritu ng Panginoon habang nagtuturo at natututo sila sa isa‘t isa (tingnan sa D at T 88:78, 122).

  • Hikayatin ang mga estudyante na magdala ng sariling kopya ng scriptures, kopya ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at study journal sa klase. Ipaliwanag kung ano ang study journal at kung paano ito gagamitin.

Habang nagpapasiya ka kung ano at paano magtuturo, isaisip ang mga salitang ito ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Napansin ko ang katangiang karaniwan sa mga instructor o tagapagturo na nagkaroon ng malaking impluwensya sa buhay ko. Tinulungan nila akong maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. Tumanggi silang magbigay sa akin ng madadaling sagot sa mahihirap na tanong. Sa katunayan, wala silang ibinigay na mga sagot sa akin. Sa halip, itinuturo nila ang daan at tinulungan akong gawin ang mga hakbang para mahanap ko mismo ang mga sagot. Hindi ko talaga gusto ang ganitong paraan, ngunit natulungan ako ng karanasan na maunawaan na ang kasagutang ibinigay ng ibang tao ay karaniwang hindi matatandaan sa matagal na panahon. Ngunit ang kasagutan na natuklasan natin o nakamtan sa pamamagitan ng pananampalataya, ay karaniwang naaalaala sa habambuhay” (“Seek Learning by Faith” [isang gabi kasama si Elder David A. Bednar, Peb. 3, 2006], 5; si.lds.org).

Mga Aktibidad sa Pagtuturo

Maraming paraan para maisaayos ang mga aktibidad sa pagtuturo sa silid-aralan na iminungkahi sa mga lesson outline. Makabubuting iba-ibahin ang pagsasaayos ng mga aktibidad para tulungang manatiling interesado at nakapokus ang mga estudyante. Halimbawa, sa mga role-play, isiping anyayahan ang mga estudyante na magpalitan sa pagiging missionary at investigator at evaluator kung angkop ito. Maaari ka ring makilahok sa alinmang papel kung kinakailangan.

diagram ng mga grupo na tig-4 ang miyembro
diagram ng mga grupo na tig-2 o tig-3 ang miyembro

M = Missionary; I = Investigator; E = Evaluator

Training Model

Ang training model na ginagamit sa kurikulum ng MTC ay maaaring iangkop para gamitin sa kursong ito para tulungan ang mga estudyante na magkaroon ng mga skill at kakayahan. Ang mga elemento ng model na ito ay maaaring gamitin sa anumang pagkakasunud-sunod at paulit-ulit para maisakatuparan ang mithiin ng pagtulong sa mga estudyante na pagbutihin ang pagsasagawa sa pamamagitan ng pagpapraktis.

Ipaliwanag—Ipakita—Praktisin—Suriin—Muling Praktisin

Ipaliwanag

Ipaliwanag ang mga konsepto at kasanayan na dapat malaman ng mga estudyante, at ituro sa kanila kung paano nakatutulong ang mga kasanayan at konseptong ito sa pagsasakatuparan ng layunin ng missionary.

Ipakita

Magpakita ng halimbawa ng dapat gawin ng mga estudyante. Ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng mga live demonstration, video, o iba pang paraan.

Praktisin

Sabihin sa mga estudyante na praktisin ang mga kasanayan nang may kapares o sa grupo.

Suriin

Gamit ang input ng mga estudyante, tukuyin ang mga bagay na nagawa nila nang mabuti at ang mga paraan na mapagbubuti nila ang kanilang mga kasanayan. Hikayatin sila.

Muling Praktisin

Kapag maaari, mag-ukol ng panahon para paulit-ulit na magpraktis.

Online Missionary Work

Bilang mga full-time missionary, gagamitin ng inyong mga estudyante ang Internet bilang proselyting tool para maghanap at kontakin ang mga investigator, kontakin ang mga miyembro, makipagtulungan sa mga local leader ng priesthood at mission, sagutin ang mga tanong, tumanggap at kontakin ang mga referral, mag-follow up sa mga commitment, mag-confirm ng mga appointment, at ituro ang mga alituntunin mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Tutulungan ka ng iba’t ibang mungkahi sa buong manwal na ito na hikayatin ang mga estudyante na simulang ibahagi ang ebanghelyo gamit ang online tools.

Bilang instructor para sa kursong ito, maaari mong gamitin ang electronic tools sa pamamagitan ng pagkontak sa iyong mga estudyante sa loob ng linggo gamit ang mga text message o social media para mag-follow up tungkol sa mga class assignment, para hikayatin silang mag-aral bago sila pumasok sa klase, o paalalahanan silang basahin araw-araw ang Aklat ni Mormon.

Pag-aangkop ng Manwal sa mga Taong may Kapansanan

Kapag nagtuturo sa mga estudyanteng may kapansanan, maaaring iakma ng mga titser ang mga lesson para mapagtuunan ang mga kayang gawin ng mga estudyante. Halimbawa, para iakma ang mga lesson sa mga estudyante na hindi makabasa, maaaring ikaw na mismo ang magbasa nang malakas, pabasahin ang mga estudyante, o gumamit ng mga prerecorded material (tulad ng audio o video version ng scriptures, ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya). Kapag kailangan sa lesson ang nakasulat na mga sagot, maaari mong hikayatin ang mga estudyante na bigkasin na lang ang kanilang mga sagot. Maaari ring tulungan ng iba pang mga estudyante ang mga taong may kapansanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng materyal para sa kanila o pagsusulat ng mga sagot para sa kanila.

Para sa mas marami pang ideya at resources, tingnan ang Disability Resources page sa disabilities.lds.org at ang bahagi ng S&I policy manual na may pamagat na “Adapted Classes and Programs for Students with Disabilities.”