Institute
Lesson 5: Ano ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon?


5

Ano ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon?

Pambungad

Ang Aklat ni Mormon ay napakalakas na katibayan ng kabanalan ni Jesucristo at katunayan ng Panunumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sinasagot nito ang “mga tanong ng kaluluwa” (tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 121–122) ng marami sa mga anak ng Ama sa Langit tungkol sa kanilang buhay. Mahalagang bahagi ng pagbabalik-loob ang tumanggap ng patotoo mula sa Espiritu Santo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang isang prospective missionary ay dapat pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw, magkaroon ng personal na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, at magtamo ng karanasan sa pagbabahagi ng patotoong iyan sa iba.

Paunang Paghahanda

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang Aklat ni Mormon ay Napakalakas na Katibayan ng Kabanalan ni Jesucristo

Patingnan sa mga estudyante ang kopya nila ng Aklat ni Mormon, o itaas ang isang kopya para masuri ng klase. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Kung wala pa kayong alam tungkol sa Aklat ni Mormon, ano ang matututuhan ninyo sa pagbabasa lang ng subtitle na (Isa pang Tipan ni Jesucristo)?

  • Ano ang aasahan ninyong makita sa loob ng aklat?

Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon at ipabasa ang pangalawang talata, na pinagtutuunan ang nais ng mga manunulat ng Aklat ni Mormon na paniwalaan ng mundo. Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang nais ng mga manunulat ng Aklat ni Mormon na paniwalaan ng mundo?

Isulat sa pisara ang sumusunod: Ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon ay papaniwalain ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahaging pinamagatang “Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatotoo kay Cristo” sa mga pahina 119–120 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo habang sumusunod sa pagbasa ang klase, na naghahanap ng mga paraan na nagsisilbing saksi ni Jesucristo ang Aklat ni Mormon.

Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante:

  • Sa anong mga paraan nagsisilbing saksi ni Jesucristo ang Aklat ni Mormon?

  • Paano napalakas ng Aklat ni Mormon ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo?

Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ibahagi sa isa pang miyembro ng klase ang personal na patotoo nila tungkol sa Aklat ni Mormon, mga karanasan nila sa pagbabasa at pagdarasal tungkol dito, o mga paborito nilang talata tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang misyon. Sabihin sa mga estudyante na ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa nila bago pumasok sa MTC ay basahin ang buong Aklat ni Mormon at ipagdasal kung ito ay totoo. Hikayatin ang mga estudyante na sundin ang payo ni Pangulong Ezra Taft Benson sa mga miyembro ng Simbahan na magbasa nang 30 minuto sa isang araw mula sa Aklat ni Mormon.

Sinusuportahan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon ang Isa’t Isa

Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina 120 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihin sa ilang estudyante na maghalinhinan sa pagbabasa nang malakas mula sa bahaging pinamagatang “Sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang Isa’t Isa.”

Pagkatapos ay itanong:

  • Ano ang ilang paraan na sinusuportahan ng Aklat ni Mormon at ng Biblia ang isa’t isa?

  • Bakit dapat gamitin ng mga missionary kapwa ang Aklat ni Mormon at ang Biblia sa pagtulong sa iba na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo? (Dapat ay kasama sa mga sagot ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon at ang Biblia ay nagtutulungan bilang mga saksi kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo.)

Para maipaunawa sa klase ang konseptong ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang 2 Nephi 3:12. Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Ezekiel 37:15–17. Pabantayan sa klase ang mga katagang tumutukoy sa Biblia at mga katagang tumutukoy sa Aklat ni Mormon. Matapos basahin ang mga talatang ito, itanong sa klase:

  • Paano sinusuportahan ng mga banal na kasulatan ang ideya tungkol sa dalawang saksi?

  • Anong mga pagpapala ang ipinangako dahil sa pagsasama ng Aklat ni Mormon at ng Biblia?

video iconPara lalo pang mailarawan kung paano nagsisilbing magkasamang mga saksi ni Jesucristo ang Aklat ni Mormon at ang Biblia, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod mula kay Elder Tad R. Callister ng Pitumpu, o ipalabas ang video clip ng sipi.

Elder Tad R. Callister

“Ngunit bakit napakahalaga ng Aklat ni Mormon kung may Biblia na para turuan tayo tungkol kay Jesucristo? Hindi ba kayo nagtataka kung bakit napakaraming simbahang Kristiyano sa mundo ngayon samantalang iisang Biblia ang pinagkukunan nila ng mga doktrina? Iyon ay dahil iba-iba ang interpretasyon nila sa Biblia. Kung iisa ang interpretasyon nila, iisa ang kanilang simbahan. Hindi ganito ang nais ng Panginoon, dahil sinabi ni Pablo na may ‘isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo’ (Mga Taga Efeso 4:5). Para magkaroon ng pagkakaisang ito, itinakda ng Panginoon ang banal na batas ng mga saksi. Itinuro ni Pablo, “Sa bibig ng dalawang saksi o ng tatlo ay papagtibayin ang bawa’t salita” (II Mga Taga Corinto 13:1).

“Ang Biblia ay isang saksi ni Jesucristo; isa pang saksi ang Aklat ni Mormon. Bakit napakahalaga ng pangalawang saksing ito? Maaaring makatulong ang sumusunod na paglalarawan: Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo mula sa iisang tuldok sa papel? Ang sagot ay walang katapusan. Sandaling ipagpalagay na ang iisang tuldok ay kumakatawan sa Biblia at na daan-daan sa mga tuwid na linyang iginuhit patawid ng tuldok na iyon ay kumakatawan sa iba’t ibang interpretasyon ng Biblia at bawat isa sa mga interpretasyong iyon ay kumakatawan sa ibang simbahan.

“Gayunman, ano ang mangyayari kung sa papel na iyon ay may isa pang tuldok na kumakatawan sa Aklat ni Mormon? Ilang tuwid na linya ang maiguguhit ninyo sa pagitan ng dalawang tuldok na ito: ang Biblia at ang Aklat ni Mormon? Isa lang. Isang interpretasyon lang ng mga doktrina ni Cristo ang mamamayani sa patotoo ng dalawang saksing ito.

“Muli’t muli ang Aklat ni Mormon ang saksing nagpapatibay, naglilinaw, pinagkakaisa ang mga doktrinang itinuro sa Biblia kaya mayroon lang ‘isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo’” (“Ang Aklat ni Mormon—Isang Aklat mula sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 75).

Matapos ipalabas ang video o ipabasa ang sipi, itanong:

  • Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng dalawang saksi kay Jesucristo sa banal na kasulatan?

  • Ano ang natutuhan ninyo sa mensahe ni Elder Callister na makakatulong sa inyo na ituro sa iba kung paano nagtutulungan ang Aklat ni Mormon at ang Biblia?

Ang Papel na Ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Pagtitipon ng Israel

Para makapaglaan ng konteksto habang itinuturo mo ang susunod na alituntunin, maaari mong ipabasang muli sa mga estudyante ang ikalawang talata sa pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon at pasalungguhitan o ipa-highlight ang pangako na ang mga mambabasa ay maaaring “malaman ang mga tipan ng Panginoon, na sila ay hindi itatakwil nang habang panahon.” Ipaliwanag na ang talatang ito ay nagpapahiwatig sa katotohanan na kailangang tipunin ang mga anak ng Diyos sa nangakalat na sambahayan ni Israel. Ipaalala sa mga estudyante na nakipagtipan ang Diyos sa Kanyang mga anak noong unang panahon. Gayunman, ikinalat ng Panginoon ang mga miyembro ng sambahayan ni Israel sa buong daigdig dahil sa kanilang kasamaan at paghihimagsik.

Atasan ang mga estudyante na basahin ang isa sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan at hanapin kung paano tinitipon ang mga anak ng Diyos: 1 Nephi 10:14; 3 Nephi 16:4–5; o 3 Nephi 20:13. Pagkatapos ay magtanong ng katulad ng mga sumusunod para tulungan silang tukuyin ang doktrinang itinuturo sa mga talatang ito:

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang kailangang mangyari para matipon ang mga tao bilang bahagi ng sambahayan ni Israel? (Kailangan silang madala sa kaalaman tungkol kay Jesucristo.)

  • Ano ang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa prosesong ito? (Bagama’t maaaring gumamit ng iba’t ibang salita ang mga estudyante, dapat nilang tukuyin ang sumusunod na katotohanan: Ang Aklat ni Mormon ay nagsisilbing kasangkapan na tutulong na matipon ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong na madala sila sa kaalaman tungkol kay Jesucristo.)

Basahin ang sumusunod na pahayag, kung saan tinukoy ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang papel na ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa pagtitipon ng Israel.

Elder Bruce R. McConkie

“Kung pagtitipon ng Israel ang pag-uusapan, ang Aklat ni Mormon ang pinakamahalagang aklat na naisulat o maisusulat kailanman. Ito ang aklat na nagtitipon sa Israel at naghahayag, nang buong linaw at perpekto, sa doktrina ng pagtitipon. … Ang Aklat ni Mormon ang dahilan kaya naniniwala ang mga tao sa ebanghelyo at sumasapi sa Simbahan, at, tulad ng nakita namin noong araw, ito ang kapangyarihang nagsasakatuparan ng pagtitipon ng Israel” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 554).

Pagkatapos, magtanong ng katulad ng mga sumusunod:

  • Paano nakikibahagi ang mga missionary sa pagtitipon ng sambahayan ni Israel? (Sa pagtulong sa iba na pag-aralan at unawain ang Aklat ni Mormon upang sila ay maaaring lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, pagpapakumpirma, at pagtitiis hanggang wakas.)

  • Bakit mahalaga na gamitin ng mga missionary ang Aklat ni Mormon sa pagtulong sa iba na lumapit kay Cristo?

Ang Pagtatamo ng Patotoo sa Aklat ni Mormon ay Mahalagang Bahagi ng Pagbabalik-loob

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay mula sa talambuhay ni Apostol Parley P. Pratt (1807–1857), kung saan niya inilarawan ang kanyang karanasan sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon:

Elder Parley P. Pratt

“Binuksan ko ito nang may kasigasigan, at binasa ang pahina ng pamagat nito. Pagkatapos ay binasa ko ang patotoo ng ilang saksi na may kinalaman sa pamamaraan ng pagkatagpo at pagsasalin nito. Pagkatapos nito sinimulan kong basahin nang sunud-sunod ang nilalaman nito. Nagbasa ako buong maghapon; naging pabigat ang pagkain, ayaw kong kumain; naging pabigat ang pagtulog pagsapit ng gabi, dahil mas gusto kong magbasa hanggang sa makatulog ako.

“Sa aking pagbabasa, sumaakin ang Espiritu ng Panginoon, at nalaman at naunawaan ko na ang aklat ay totoo, nang kasingsimple at kasinglinaw ng pagkaunawa at pagkaalam ng tao na siya ay buhay” (Autobiography of Parley P. Pratt, inedit ni Parley P. Pratt Jr. [1874], 38).

  • Paano naapektuhan ng Espiritu ng Panginoon si Parley P. Pratt nang basahin niya ang Aklat ni Mormon?

  • May maibabahagi ba kayong isang pagkakataon na inantig kayo ng Espiritu nang mabasa ninyo ang isang partikular na talata sa Aklat ni Mormon?

Pasalungguhitan o ipa-highlight sa mga estudyante ang sumusunod na pahayag sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 118: “Ang Aklat ni Mormon, kasama ang Espiritu, ang pinakamabisa ninyong magagamit sa conversion o pagbabalik-loob.” Para maipaunawa sa mga estudyante ang katotohanang ito, ipabasa sa kanila ang bahaging “Inilalapit ng Aklat ni Mormon ang mga Tao sa Diyos” sa pahina 123 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:

  • Ayon sa bahaging ito sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, ano ang ilang partikular na bagay na maaaring mangyari kapag sinimulang pag-aralan ng isang tao ang Aklat ni Mormon?

  • Bakit isa sa pinakamahahalagang layunin ng isang missionary ang tulungan ang mga investigator na mag-aral at magtamo ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon?

Ipaliwanag sa klase na matutulungan nila ang mga investigator na madama ang nagpapabalik-loob na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa pagtulong sa mga investigator na mahanap ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay sa loob ng mga pahina nito. Sabihin sa ilang estudyante na halinhinang basahin nang malakas ang mga talata at tanong na matatagpuan sa pahina 122 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Sabihin sa klase na hanapin ang kahulugan ng mga katagang “mga tanong ng kaluluwa.” Pagkatapos ay talakayin ang sumusunod:

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng mga katagang “mga tanong ng kaluluwa”?

Sa pisara, isulat ang sumusunod na katotohanan:

Sinasagot ng mga turo ng Aklat ni Mormon ang mga tanong ng kaluluwa.

Talakayin ang sumusunod sa mga estudyante:

  • Paano ninyo gagamitin ang Aklat ni Mormon sa paghanap ng mga sagot sa inyong mga tanong ng kaluluwa?

  • Anong mga tanong ng kaluluwa ang nahanapan ninyo ng mga sagot sa Aklat ni Mormon?

Isiping magbigay ng maikling pagtatanghal sa klase kung paano gamitin ang Aklat ni Mormon sa paghahanap ng sagot sa mga tanong ng kaluluwa. Pumili ng isa sa mga tanong na nasa listahan sa pahina 122 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Gamit ang mga talata sa Aklat ni Mormon na nakalista sa tanong, ipamalas kung paano sinasagot ng Aklat ni Mormon ang tanong na napili mo. Isipin ding ipamalas kung paano gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para mahanap ang mga sagot sa mga tanong. Ibahagi ang damdamin mo sa klase kung paano rin makakatulong sa kanila at sa kanilang mga investigator ang Aklat ni Mormon na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong.

Matapos ilaan ang huwarang ito sa mga estudyante, anyayahan silang sundan ang prosesong iyon. Hilingan silang pumili ng isa sa mga tanong mula sa listahan at pagkatapos ay repasuhin ang kalakip na talata sa Aklat ni Mormon para mahanap ang mga doktrina o alituntunin na sumasagot sa tanong. Matapos silang bigyan ng sapat na panahon para maghanda, anyayahan ang mga estudyante na maikling ibahagi ang natuklasan nila sa ibang estudyante. Kapag tapos na sila, talakayin ang mga sumusunod:

  • Paano magagamit ng mga missionary ang Aklat ni Mormon para matulungan ang mga investigator na mahanap ang mga sagot sa mga tanong ng kaluluwa?

video iconPara mailarawan pang lalo kung paano sinasagot ng Aklat ni Mormon ang mga tanong ng kaluluwa, ipalabas ang video na “A Book of Mormon Story.” Sabihin sa mga estudyante na panoorin kung paano sinagot ng Aklat ni Mormon ang ilan sa mga tanong ni Brother Cook bago siya sumapi sa Simbahan.

Pagkatapos ng video maaari mong itanong:

  • Ano ang ilan sa mahahalagang tanong na nasagot para kay Brother Cook nang basahin niya ang Aklat ni Mormon?

  • Paano siya naapektuhan nang makita niya ang mga sagot na ito?

Magpaisip sa mga estudyante ng isang mahalagang tanong na may kaugnayan sa ebanghelyo na gusto nila o ng isang kaibigan na masagot. Magpatotoo na tutulong ang Panginoon na masagot ang kanilang tanong kung pag-aaralan nila ang Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon ay Nagpapatibay sa Katotohanan ng Panunumbalik

Anyayahan ang mga estudyante na maghalinhinan sa pagbasa nang malakas ng bahagi sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na pinamagatang “Ang Aklat ni Mormon ay ang Saligang Bato ng Ating Relihiyon,” simula sa pahina 118 hanggang sa table sa pahina 119. Habang nagbabasa sila, ipaisip sa kanila ang pahayag ni Joseph Smith tungkol sa kahalagahan ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay itanong:

  • Sa anong mga paraan naging “pundasyon ng patotoo” ang Aklat ni Mormon?

  • Sa palagay ninyo, bakit kinakalaban ng kaaway ang Aklat ni Mormon at gustong pigilan ang mga tao na basahin ito? (Dahil ito ang saligang bato ng ating relihiyon.)

Ipaliwanag na maraming tao sa mundo ang nahihirapang maniwala sa salaysay ni Joseph Smith at sa pinagmulan ng Aklat ni Mormon. Ang mga missionary ay dapat maging handang sagutin ang mga pag-aalinlangan ng mga investigator tungkol sa banal na pinagmulan ng Aklat ni Mormon.

Bilang isang klase, sama-samang basahin ang bahaging pinamagatang “Gamitin ang Aklat ni Mormon sa Pagsagot sa mga Pagsalungat” na matatagpuan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 123–124. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng payo na makakatulong sa kanila na palakasin ang pananampalataya ng mga investigator na may mga problema o pag-aalinlangan. Magtanong na katulad ng mga sumusunod para matukoy ng mga estudyante ang isang alituntuning matatagpuan sa kanilang pagbabasa:

  • Ayon kay Pangulong Benson, bakit mahalagang malaman ng isang taong may mga problema tungkol sa ating mga paniniwala kung ang Aklat ni Mormon ay totoo?

  • Sa paanong mga paraan matutulungan ng Aklat ni Mormon ang isang tao na lutasin ang espirituwal na mga problema at pag-aalinlangan?

Para maibuod ang mga alituntuning natutukoy ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito: Ang pagtatamo ng patotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo ay makakatulong sa mga investigator na makayanan ang espirituwal na mga problema at pag-aalinlangan.

Idispley ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), at ipabasa nang malakas sa bawat isa sa ilang estudyante ang isa o dalawang talata:

Pangulong Gordon B. Hinckley

“Tuwing hinihikayat natin ang iba na basahin ang Aklat ni Mormon, utang na loob nila iyon. Kung babasahin nila ito nang may panalangin at taos-puso nilang hahangaring malaman ang katotohanan, malalaman nila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ang aklat ay totoo.

“Mula sa kaalamang iyan ay may dadaloy na pananalig sa katotohanan ng marami pang ibang bagay. Sapagkat kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang Diyos kung gayon ay buhay. …

“Kung totoo ang Aklat ni Mormon, si Jesus kung gayon ay totoong ating Manunubos, ang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang dakilang layunin ng pag-iingat dito at paglabas nito, ayon sa sabi roon mismo, ay ‘sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.’ (Pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon.) …

“Kung totoo ang Aklat ni Mormon, si Joseph Smith ay isang Propeta ng Diyos, sapagkat siya ang naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para dalhin sa liwanag ang patotoong ito tungkol sa kabanalan ng ating Panginoon. …

“Kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang Simbahan ay totoo, sapagkat narito ang awtoridad ding iyon na nagdala sa liwanag ng sagradong talaang ito at nakikita ito sa atin ngayon. Ito’y panunumbalik ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas sa Palestina. Ito’y panunumbalik ng Simbahang itinatag ng Tagapagligtas nang bisitahin niya ang kontinenteng ito ayon sa ipinahayag sa sagradong talaang ito” (“The Power of the Book of Mormon,” Ensign, Hunyo 1988, 6).

Isiping itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit napakahalagang magtamo ng patotoo ang mga investigator, missionary, at miyembro tungkol sa Aklat ni Mormon?

  • Paano pinagtitibay ng katotohanan ng Aklat ni Mormon na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos? (tingnan sa Mateo 7:13–15).

  • Paano nakatulong ang inyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon na mapagtibay sa inyong puso ang walang-hanggang kahalagahan ng Panunumbalik?

Isiping ibahagi ang sarili mong patotoo na ang Aklat ni Mormon ay katibayan ng katotohanan ng Panunumbalik. Tapusin ang lesson mo sa pag-anyaya sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at ipaliwanag kung bakit sila nasasabik na ipabasa sa iba ang Aklat ni Mormon at ipagdasal ito.

Mga Paanyayang Kumilos

Ipaalala sa mga prospective missionary na ang pinakamainam na paraan ng paghahanda para sa full-time mission ay magsimula sa paggawa ng gawaing misyonero ngayon. Anyayahan ang mga miyembro ng klase na magtakda ng personal na mithiing gawin ang sumusunod:

  • Basahin ang buong Aklat ni Mormon at ipagdasal na malaman ang katotohanan nito, kahit nagawa na nila ito noon.

  • Ugaliing magbasa araw-araw mula sa Aklat ni Mormon.

  • Ipakilala sa isang tao ang Aklat ni Mormon sa susunod na linggo (nang personal o sa social media) at anyayahan silang basahin at ipagdasal ito.