13
Pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo (Part 1)
Pambungad
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay kinapapalooban ng mga walang hanggang doktrina, alituntunin, batas, tipan, at ordenansa na kailangan ng sangkatauhan para makabalik muli sa kinaroroonan ng Diyos at luwalhatiin sa kahariang selestiyal. Ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ay pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, binyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig, at kaloob na Espiritu Santo. Ang mga prospective missionary ay dapat ihanda para matulungan ang mga investigator na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan bago sila binyagan at tanggapin ang Espiritu Santo.
Paunang Paghahanda
-
Pag-aralan ang Mosias 3:19; 4:1–3; 5:2; at Alma 36.
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo, mga pahina 66–70.
-
Maghandang idispley ang larawan na Pagbabalik-loob ni Nakababatang Alma (Gospel Art Book [2009], blg. 77) o ang isa pang larawan na katulad nito.
-
Maghandang ipalabas ang video na “Jesus Christ Is the Way” (5:02), na makukuha sa LDS.org.
-
Gumawa ng mga kopya ng handout na may pamagat na “Pagsisisi,” na nasa hulihan ng lesson, na gagamiting kasama ng ideya sa pagtuturo ng pagsisisi (opsiyonal).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Sa Pamamagitan ni Cristo Tayo ay Malilinis mula sa Kasalanan
Para matulungan ang mga estudyante na maghandang matuto mula sa lesson, isulat sa pisara ang tanong na ito bago magsimula ang klase:
Kapag nakapagsimula na ang klase, anyayahan ang ilang estudyante na sagutin ang mga tanong na nasa pisara. Pagkatapos sumagot ang ilang estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang kahon na may pamagat na “Kasalanan” sa pahina 67 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:
-
Bakit mahalagang maunawaan ng mga investigator kung ano ang kasalanan at ano ang mga bunga nito bago pag-aralan ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?
Isulat ang kasunod na tanong sa pisara at imbitahin ang mga estudyante na hanapin ang sagot habang pinag-aaralan nila ang bahaging “Sa Pamamagitan ni Cristo Malilinis Tayo sa Kasalanan” na nasa pahina 66–67 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo:
Pagkatapos bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante na magbasa, imbitahin ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang napag-alaman. Maaaring kabilang sa mga sagot nila ang sumusunod na mga katotohanan:
-
Isinugo ng Diyos ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, sa daigdig upang mapasaatin ang posibilidad na makabalik at mamuhay sa Kanyang piling pagkatapos nating mamatay.
-
Sa pamamagitan lamang ng biyaya at awa ng Tagapagligtas tayo maaaring malinis mula sa kasalanan.
-
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, ang lahat ng tao ay maibabalik sa kinaroroonan ng Diyos para hatulan.
-
Walang maruming bagay na makatatahan sa kinaroroonan ng Diyos.
-
Si Jesucristo ang kumatawan sa atin at pinagdusahan Niya ang kaparusahan ng ating mga kasalanan.
-
Pinatatawad ni Jesucristo ang ating mga kasalanan kapag tinatanggap natin Siya, nagsisisi tayo, at sumusunod sa Kanyang mga kautusan.
Pagkatapos, bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto para pag-aralan o markahan ang ilang talata na kababasa lang nila o nasa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 67 na naglalarawan sa isa sa mga alituntuning tinukoy nila. Isiping papiliin ang kalahati ng klase ng mga talata sa paragraph na katatapos lang nilang basahin at papiliin ang natitirang kalahati ng mga talata sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan. Hilingin sa mga estudyante na maghandang ipaliwanag kung paano nila maaaring gamitin ang isa o mahigit pang mga talata sa banal na kasulatan upang tulungan ang isang investigator na maunawaan at mapahalagahan ang ginawa ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong madaig ang mga epekto ng kasalanan. Pagkaraan ng ilang minuto, ipabahagi sa mga estudyante ang napag-alaman nila.
Pananampalataya kay Jesucristo
Iparebyu sa mga estudyante ang missionary purpose statement na nasa kahon na may pamagat na “Ang Iyong Layunin” sa pahina 1 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:
-
Ano ang pagkakaiba ng (1) pagtulong sa isang tao na “lumapit kay Cristo” at maging convert sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo at ng (2) pagtulong lamang sa isang tao na maging miyembro ng Simbahan?
-
Bakit mas mahalagang tulungan ng mga missionary ang mga tao na lumapit kay Cristo kaysa tulungan silang maging miyembro ng Simbahan?
Imbitahin ang mga estudyante na pag-aralan ang unang talata sa bahaging may pamagat na “Pananampalataya kay Jesucristo” sa pahina 68 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Habang pinag-aaralan nila, pahanapin ang mga estudyante ng mga paraan na matutulungan ng pananampalataya kay Cristo ang isang tao na maging convert sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Pagkatapos ay itanong:
-
Mula sa inyong nabasa, ano ang ibig sabihin ng manampalataya kay Jesucristo?
-
Paano inaakay ng pananampalataya kay Jesucristo ang isang tao na maging convert sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo?
Isulat sa pisara: Ang pananampalataya kay Jesucristo ay humahantong sa pagkilos. Imbitahan ang mga estudyante na basahin ang iba pang bahagi ng “Pananampalataya kay Jesucristo” sa pahina 68 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Habang nagbabasa sila, anyayahan silang markahan ang ilan sa mga kilos na nagpapakita ng pananampalataya ng isang tao kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Pagkaraan ng ilang minuto, itanong:
-
Ano ang ilang hakbang na maaaring magpakita na ang isang investigator ay nagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo? (Maaaring kasama sa mga sagot ang: pagsisisi, pag-aaral tungkol sa at pagiging katulad ng Tagapagligtas, pagsunod sa mga utos, pag-iwas sa kasalanan, pagdarasal para sa lakas na madaig ang tukso, pag-aaral ng salita ng Diyos, at pagtupad ng mga pangako na susundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo.)
-
Ayon sa inyong binasa, kapag sumasampalataya tayo kay Jesucristo, paano Niya tayo pinagpapala sa ating araw-araw na buhay? (Maaaring kasama sa mga sagot ang: Binibigyan Niya tayo ng kakayahang harapin ang mga hamon ng buhay; tinutulungan Niya tayong baguhin ang mga hangarin ng ating puso; pinagagaling Niya tayo sa pisikal at espirituwal.)
Ipasulat sa mga estudyante ang sagot sa sumusunod na mga tanong sa kanilang study journal:
-
Paano kayo hinikayat ng inyong pananampalataya kay Jesucristo na kumilos ayon sa mga paraan na inilarawan sa bahaging ito?
-
Ano pa ang maaari ninyong gawin para lalo pang maipakita na sumasampalataya kayo kay Jesucristo?
Gawing pares-pares ang mga estudyante. Imbitahan ang magkakapares na maghanda ng isa- hanggang tatlong-minutong lesson tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo? Habang naghahanda sila, ipagamit sa mga estudyante ang mga materyal sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 68, kasama ang isa o dalawang talata mula sa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan. Maaari ding gamitin ng mga estudyante ang missionary pamphlet na may pamagat na Ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Pagkatapos magkaroon ng sapat na panahon ang mga estudyante na maghanda, bumuo ng grupo ng tig-aapat na estudyante (dalawang pares sa bawat grupo). Atasan ang isang pares ng mga estudyante na turuan ang isa pang pares. Ipaliwanag na dapat nilang gamitin ang sarili nilang mga salita at dapat simple at malinaw sa kanilang pagtuturo.
Sa pagtatapos ng mga estudyante sa kanilang karanasan sa pagtuturo, ipatalakay sa maliliit na grupo ang kung ano ang naging maayos sa kanilang pagtuturo, ano ang nadama nilang hamon sa pagtuturo at bakit, at paano nakatulong ang kanilang pagtuturo sa mga tao na madama ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo.
Pagkatapos, sabihing magpalitan sila ng role o papel at hayaang ang isang pares naman ang magturo. Tiyaking may oras para makatanggap din sila ng feedback.
Sa pagtatapos nitong pagpapraktis, itanong sa mga estudyante kung ano ang mga tanong nila o kung anong mga ideya ang natamo nila. Kung atubili ang mga estudyante sa pagsagot, maaari mong itanong, “Ano ang ilan sa mga bagay na gusto ninyo na narinig ninyo mula sa nagturo sa inyo?” Itanong kung may estudyanteng gustong magbahagi ng karanasan sa kanilang buhay kung kailan pinagpala sila ng pagsampalataya kay Jesucristo.
Pagsisisi
Idispley ang isang larawan ni Alma at ng mga anak ni Mosias (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, 77), at anyayahan ang isang estudyante na maikling ibuod ang kuwento ng conversion ni Nakababatang Alma (tingnan sa Alma 36:6–24). Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na magpalitan sila sa pagbabasa nang malakas sa Alma 36:13, 17–21, at 23–25.
Pagkatapos ay itanong:
-
Paano ipinakita ni Alma na may pananampalataya siya kay Jesucristo?
-
Ano ang nangyari bilang bunga ng pagpapakita ng pananampalataya ni Alma?
-
Ano ang bunga ng taos-pusong pagsisisi ni Alma?
Bigyan ang mga estudyante ng isang minuto para isulat sa kanilang study journal ang isang pangungusap na kahulugan ng pagsisisi. Anyayahan ang ilang estudyante na basahin ang kanilang pangungusap sa klase. Para tulungan ang iyong mga estudyante na mabuo sa kanilang isipan ang simpleng depinisyon ng pagsisisi, idispley ang sumusunod na sipi mula kay Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:
“Kapag nagkasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos. …
“… Ang pagsisisi ay pagtalikod sa ilang bagay, tulad ng panloloko, kahambugan, galit, at masasamang isipan, at pagbaling sa ibang mga bagay, tulad ng kabaitan, pagiging di-makasarili, pasensya, at espirituwalidad. Ito ay ‘muling-pagbaling’ sa Diyos” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–41).
-
Paano makatutulong sa iyo ang simpleng depinisyon na ito para maipaliwanag ang kahulugan ng pagsisisi? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat ang alituntuning ito sa pisara: Ang pagsisisi ay muling pagbaling sa Diyos.)
Para tulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang proseso at mga bunga ng pagsisisi, sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Mosias 3:19; 4:1–3; at 5:2. Habang pinag-aaralan nila, sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga salita at parirala na nakakatulong sa pagtukoy sa kahulugan ng magsisi. Pagkatapos bigyan ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag sa klase ang napag-alaman nila. Pagkatapos ay itanong:
-
Anong katibayan ang nakikita ninyo sa mga talatang ito na ang mga tao ni Haring Benjamin ay sumampalataya kay Jesucristo para tumanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan sa huli?
Mamigay ng mga handout na naglalaman ng sumusunod na table, o idrowing ito sa pisara at ipakopya ito sa mga estudyante sa kanilang study journal:
Ano ang pagsisisi? |
Paano tayo nagsisisi? |
Ano ang mga bunga o katibayan ng pagsisisi? |
---|---|---|
Pagbabago sa pag-iisip, paniniwala, pag-uugali |
Makadama ng lungkot o kalumbayang makadiyos |
Matanggap ang awa ni Cristo |
Hilingin sa mga estudyante na pag-aralan ang bahaging may pamagat na “Pagsisisi” sa pahina 69 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Habang nagbabasa sila, papunan sa mga estudyante ang mga column ng kanilang tsart o handout gamit ang mga salita, parirala o pangungusap mula sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Para tulungan ang mga estudyante na makita ang uri ng mga kataga na maaaring isama, isang halimbawa ang ibinigay sa bawat column. Kapag tapos na, maaaring ganito ang maging hitsura ng kanilang tsart:
Ano ang pagsisisi? |
Paano tayo nagsisisi? |
Ano ang mga bunga o katibayan ng pagsisisi? |
---|---|---|
Pagbabago sa pag-iisip, paniniwala, pag-uugali Bagong pananaw sa sarili, sa Diyos, at sa daigdig Iaayon ang ating buhay sa kagustuhan ng Diyos Tatalikuran ang kasalanan at hindi na ito gagawin Patuloy na sisikaping itama ang mga kasalanan at magpapakabuti |
Makadarama ng lungkot o kalumbayang makadiyos Titigil sa paggawa ng mga bagay na mali Patuloy na gagawa ng mga bagay na tama Kikilalanin ang mga kasalanan Ipagtatapat ang mga kasalanan Hihingi ng kapatawaran sa Diyos Itatama ang mga problemang maaaring idinulot ng ating mga kilos Lalabanan ang anumang hangarin na magkasala Magkakaroon ng mga katangiang katulad ng kay Cristo, daragdagan ang kaalaman, maglilingkod Ipapakita ang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod |
Matatanggap ang awa ni Cristo Nagbabago ang pananaw sa sarili at sa daigdig Nauunawaan ang ating kaugnayan sa Diyos Lalong lumalakas ang hangaring sundin ang Diyos Madarama ang pagpapatawad ng Diyos Madarama ang kapayapaan ng Diyos Ang pagkabagabag ng budhi at dalamhati ay naglalaho Madarama ang Espiritu nang mas sagana Mas handang mamuhay sa piling ng Diyos at Jesucristo Magiging higit na katulad ni Jesus Masaya |
Matapos bigyan ng sapat na panahon ang mga estudyante na tapusin ang kanilang chart, imbitahan ang mga estudyante na talakayin sa isa pang miyembro ng klase ang mga parirala at salitang isinama nila sa kanilang chart. Isiping itanong sa klase ang ilan o lahat ng sumusunod na mga tanong para palalimin ang pang-unawa ng mga estudyante sa mga doktrina at alituntunin na binabasa nila:
-
Paano kayo matutulungan ng mga alituntuning natukoy ninyo sa una at pangalawang column na malaman kung ang isang investigator ay talagang nagsisisi?
-
Batay sa isinulat ninyo sa ikatlong column, anong mga pagpapala ang dulot ng pagsisisi, bukod sa pagtanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan?
-
Isipin ang mga item sa una at pangatlong column. Bakit kailangan nating sumampalataya kay Cristo para mangyari ang mga bagay na ito?
Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari mong banggitin na itinuturo ng mga missionary ang ebanghelyo para tulungan ang mga tao na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo at mahikayat silang magsisi. Ang pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi ay mga kondisyon para makinabang sa Pagbabayad-sala. Tutulungan din ng pagsisisi ang mga investigator na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Para tulungan ang mga estudyante na magpraktis na ituro ang tungkol sa pagsisisi, ikuwento ang sumusunod na tagpo o eksena sa klase:
Ikaw at ang iyong companion ay mga tatlong linggo nang nagtuturo sa dalawang magka-roommate. Ang isa sa kanila ay talagang malaki na ang progreso. Ang isa namang roommate ay parang nawalan ng interes at ngayon ay lumalabas na ng silid kapag sinisimulan na ninyo ang lesson. Nang magkaroon kayo ng pagkakataong tanungin ang hindi interesadong roommate, ipinaliwanag niya na alam niyang hindi ayon sa kalooban ng Diyos ang kanyang pamumuhay, kaya lang ganito na talaga ang buhay niya at kuntento na sa ideya na ganito na talaga siya, at wala nang magagawa pa tungkol dito.
Gawing pares-pares o magkompanyon ang mga estudyante. Bigyan ng sapat na oras ang magkakapares para maghanda kung paano sila magtutulungan sa pagtuturo sa isa pang pares ng mga estudyante ng tatlo- hanggang apat-na-minutong lesson tungkol sa pagsisisi. Hikayatin ang mga estudyante na maghandang mag-role-play sa pagtuturo sa dalawang magka-roommate sa ganitong situwasyon. Ipaliwanag na ang kanilang pagtuturo ay dapat simple, malinaw, at nakatuon sa pangangailangan ng mga roommate. Dapat nilang pag-isipan kung paano nila matutulungan ang hindi interesadong roommate na maunawaan kung bakit kailangan niyang magbago at kung paano siya matutulungan na matanto na sa tulong ng Tagapagligtas, ang pagsisisi ay posible. Ipagamit sa mga estudyante ang materyal sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, pahina 69, o ang missionary pamphlet na may pamagat na Ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Hikayatin sila na isama ang isa o dalawang talata para ilarawan ang kahalagahan ng pagsisisi.
Iorganisa ang mga estudyante sa maliliit na grupo, na may dalawang pares sa bawat grupo. Atasan ang isang pares ng mga estudyante na turuan ang isa pang pares, na gaganap bilang mga roommate sa eksenang ito. Ipaliwanag sa mga estudyante na kapag gumanap sila bilang mga investigator, dapat malaya nilang sabihin ang maaaring maging mga problema ngunit huwag maging masyadong madamdamin o kumakalaban sa mga estudyanteng nagtuturo.
Sa pagtatapos ng mga estudyante sa kanilang karanasan sa pagtuturo, ipatalakay sa grupo kung ano ang naging maayos sa kanilang pagtuturo at kung paano pa sana ito napagbuti ng mga titser.
Pagkatapos ay sabihan silang magpalitan ng role para magkaroon ang bawat pares ng pagkakataong makapagturo nang minsan. Tiyaking may oras para makatanggap sila ng feedback.
Pagkatapos ng role-play, itanong sa mga estudyante kung ano ang mga tanong o ideya na natamo nila mula sa karanasan sa pagtuturo.
Para tulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng pagsisisi bilang paraan ng muling pagbaling ng mga tao sa Diyos, ipalabas ang video na “Jesus Christ Is the Way” (5:02).
Pagkatapos ng video, itanong:
-
Anong katibayan ang nakita ninyo sa video na ito na ang babaeng ito ay talagang nagbago sa pamamagitan ng pagsisisi at na siya ay muling bumaling sa Diyos?
-
Ano ang nadama ninyo nang makita ninyo kung paano nakatulong ang mensahe ng ebanghelyo sa babaing ito na magbago at bumaling sa Diyos?
Magtapos sa pagtatanong sa mga estudyante kung mayroon sa kanilang gustong magbahagi sa klase ng kanilang patotoo tungkol sa kapangyarihan ng pananampalataya at pagsisisi at sabihin kung bakit gusto nilang ibahagi ang ebanghelyo. Magtapos sa pagbabahagi rin ng iyong patotoo.
Mga Paanyayang Kumilos
Imbitahin ang mga estudyante na alamin pa ang tungkol sa mga pagpapala ng pagsampalataya kay Jesucristo at pagtanggap ng kapatawaran ng kasalanan at kagalakan sa pamamagitan ng pagsisisi sa paggawa ng isa o mahigit pa sa sumusunod na iminungkahing mga aktibidad:
-
Ituro ang susunod na family home evening lesson tungkol sa kahalagahan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi.
-
Pag-aralan ang mga talata tungkol sa pananampalataya na nasa kahon na Pag-aaralang mga Banal na Kasulatan sa pahina 69 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo. Markahan o i-highlight ang gusto mong gamitin sa pagtuturo sa iba sa iyong misyon.
-
Gamitin ang Topical Guide at ang mga salita ng mga makabagong propeta at apostol para pag-aralan ang tungkol sa doktrina ng pagsisisi. Isulat ang natututuhan mo sa isang study journal. Isipin kung mayroon kang patotoo tungkol sa doktrinang ito na maibabahagi mo sa iba habang ikaw ay nasa misyon. Patatagin ang iyong pasasalamat sa alituntunin ng pagsisisi sa paghahangad na magsisi araw-araw, at irekord sa iyong journal ang mga karanasan mo.
-
Gamitin ang online tools tulad ng social media para i-post ang video na “Jesus Christ Is the Way” (o iba pang video tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala) para mapanood ng iba. Isama ang paliwanag kung bakit makabuluhan sa iyo ang video.