“Pambungad,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw: Mga Paniniwala, Pinahahalagahan, at Pamumuhay (2021)
“Pambungad,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw
Pambungad
Layunin ng polyetong ito na ipakilala sa isa’t isa ang mga Muslim (mga tagasunod ng Islam) at ang mga Banal sa mga Huling Araw (mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw).
Sa panahong gusto at kailangan ng mga lipunan at mananampalataya ng relihiyon ang pag-unawa sa isa’t isa, ang polyetong ito ay:
-
Nagpapatunay na masigasig na sinisikap nito na makapagbigay ng dignidad at pagpaparaya sa mga mananampalatayang Muslim at mga Banal sa mga Huling Araw.
-
Nagpapakita na maraming oras ang ginugugol sa pag-uusap at pag-aaral ng iskolar ng relihiyon at iba pa, kabilang na ang mga Muslim mula sa iba’t ibang pinagmulan. Kumikilala na walang indibiduwal na iskolar o relihiyosong imam, o grupo ng mga iskolar o imam, ang maaaring kumatawan sa buong Islam.
-
Hindi nagbibigay-pakahulugan sa Qur’an. Hangad nito na unawain ang ilang paniniwala at kaugalian ayon sa ipinaliwanag ng mga iskolar na Muslim at mga lider ng relihiyon at ilarawan ang mga paniniwalang ito sa positibo at kasiya-siyang paraan.
-
Naglalarawan ng mga karaniwang tema na matatagpuan sa mga paniniwala at kaugalian ng Islam at ng mga Banal sa mga Huling Araw ngunit hindi hinuhusgahan ang mga paniniwala o kaugaliang ito.
-
Naghahangad ng pag-unawa sa isa’t isa habang humihiling ng pagtitiis at pagtitiyaga kung hindi man sapat na natutugunan ng mga salita o gawain nito ang layuning iyan.
Pinagmulan ng Islam
Ang relihiyon ng Islam (na ibig sabihin ay “kapayapaan at pagpapasakop sa Diyos”) ay batay sa paghahayag ng Diyos kay Propetang Muhammad (ang mga panalangin at kapayapaan ay mapasakanya, SAW). Si Muhammad ay nanirahan sa lugar na ngayon ay Saudi Arabia mula AD 570 hanggang 632. Lahat ng Muslim ay naniniwala sa Pagiging Isa ng Diyos, at tungkulin nila bilang Kanyang mga mapagpakumbabang tagapaglingkod na sundin ang Kanyang kalooban.
Ang Islam ay may dalawang pangunahing pilosopiya [schools of thought]: Sunni at Shi’a.
-
Para sa mga Sunni Muslim, ang limang haligi ng pananampalataya ay pagpapahayag ng pananampalataya, panalangin, paglilimos, pag-aayuno, at sagradong paglalakbay [pilgrimage] patungong Mecca.
-
Sumasang-ayon ang mga Shi’a Muslim na ang limang gawaing ito ay tumutulong sa mga Muslim na alalahanin ang Diyos at bumuo ng pagkakaisa sa komunidad. Binibigyang-diin nito ang mga pangunahing paniniwala ng Islam—kabilang na ang Pagiging Isa ng Diyos, mga anghel, mga banal na aklat, pagkapropeta, araw ng pagkabuhay na mag-uli, at banal na katarungan—na nagsisilbi ring batayan ng pagkakaisa ng mga pilosopiyang ito.
Ang polyetong ito ay magtatampok sa ilan sa nagkakaisang pinapaniwalaan ng mga Muslim.
Pinagmulan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang mga Banal sa mga Huling Araw, maling tinutukoy kung minsan na mga Mormon, ay nagpapahayag na sila ay mga Kristiyano. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi nagmula sa makasaysayang linya ng tradisyunal na Kristiyanismo. Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw na ang Simbahan ni Jesucristo, ayon sa itinatag Niya noong Siya ay nabuhay sa mundo, ay nawala kasunod ng Kanyang kamatayan at ng pagkamatay ng Kanyang mga Apostol.
Ipinanumbalik ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag kay Propetang Joseph Smith, na nanirahan sa Estados Unidos mula AD 1805 hanggang 1844. Ang Simbahan ay opisyal na naorganisa sa estado ng New York noong 1830. Ito ay may headquarters ngayon sa Salt Lake City, Utah. Ang mga miyembro ng Simbahan ay naninirahan sa halos lahat ng bansa.
Ibabalangkas sa polyetong ito ang ilan sa mga paniniwala ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang Kristiyano.
Pagtutulungan ng Iba’t Ibang Relihiyon
Nitong nakalipas na 50 taon, ang mga Muslim at mga Banal sa mga Huling Araw ay nakibahagi sa mga inisyatibo ng iba’t ibang relihiyon sa buong mundo na maglaan ng tulong para sa mga maralita, patatagin ang mga pamilya, at bumuo ng mga komunidad na sumusuporta.
Ang polyetong ito ay maikling naglalahad ng ilan sa mga paniniwala, pinahahalagahan, at pamumuhay na naging daan para maisagawa ang pagtutulungang ito.