“Jesucristo,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw: Mga Paniniwala, Pinahahalagahan, at Pamumuhay (2021)
“Jesucristo,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw
Jesucristo
Ang mga Muslim at mga Banal sa mga Huling Araw ay maraming magkatulad na paniniwala tungkol kay Jesucristo (AS). Mahalaga ang papel na ginagampanan Niya, bagama’t magkaiba, para sa dalawang grupong ito.
Kapwa naniniwala ang mga Muslim at ang mga Banal sa mga Huling Araw sa mahimalang pagsilang ni Jesucristo (AS). Kinikilala nila na Siya ay isang sugo ng Diyos (“Salita”) at tinutukoy Siya bilang Mesiyas o Al-Masih (“Ang Pinahiran”). Kapwa nila kinikilala na gumawa Siya ng mga himala noong nabubuhay Siya sa lupa, at kapwa tinatanggap na maaari Siyang mamagitan para sa mabubuti sa Araw ng Paghuhukom.
Mga Muslim
Itinuturing ng mga Muslim si Jesucristo (AS) bilang walang kasalanang anak ni Maria, na siya ay naiiba dahil mayroon siyang ina ngunit walang ama (tingnan sa Qur’an 3:59). Siya ay propeta ng Diyos ngunit hindi anak ng Diyos. Pinalakas siya ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu (tingnan sa Qur’an 2:87). Ipinropesiya niya ang pagparito ni Muhammad (SAW). Siya ay ibinangon sa Diyos bago pa siya mapatay sa krus ng kanyang mga kaaway. Karamihan sa mga Muslim ay naniniwala na si Jesus (AS) ay magbabalik sa mga huling araw upang tumulong sa pagpapanumbalik ng kapayapaan at katarungan sa mundo.
Mga Banal sa mga Huling Araw
Itinuturing ng mga Banal sa mga Huling Araw si Jesucristo bilang walang kasalanan, Bugtong na Anak ng Diyos, na isinilang ng birheng si Maria. Ang Kanyang pagdurusa sa halamanan at kamatayan sa krus ay nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tumatanggap sa Kanyang biyaya. Nadaig Niya ang kamatayan at ginawang posible ang pagkabuhay na mag-uli at kawalang-kamatayan ng lahat ng tao (tingnan sa Aklat ni Mormon, Alma 7:9–13). Sa mga huling araw, magbabalik Siya para pasimulan ang isanlibong taon ng kapayapaan. Pagkatapos ay hahatulan Niya ang sangkatauhan alinsunod sa kanilang pananampalataya at mabubuting gawa, at sa layunin ng kanilang puso.