“Pagpapahayag ng Pananampalataya sa Diyos,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw: Mga Paniniwala, Pinahahalagahan, at Pamumuhay (2021)
“Pagpapahayag ng Pananampalataya sa Diyos,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw
Pagpapahayag ng Pananampalataya sa Diyos
Ang pananampalataya sa Diyos na pinakamarunong at pinakamakapangyarihan sa lahat ay isang batayang paniniwala ng mga Muslim at ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kapwa sila nagpapahayag ng kanilang pananampalataya sa Diyos sa isip, salita, at gawa.
Mga Muslim
Naniniwala ang mga Muslim na ang Pinakamakapangyarihang Diyos—si “Allah”—ang Lumikha ng lahat ng nasa langit at lupa. Nagpadala ang Diyos ng mga sugo at propeta upang gabayan at pangasiwaan ang mga tao. Upang maging Muslim, dapat magpatotoo ang isang tao na, “Walang diyos kundi si Allah, at si Muhammad ang kanyang sugo.” Nakapaloob sa dalawang bahaging ito ng pananampalataya (shahada) sa iisang Diyos ang paniniwala na ang kaligtasan at kapayapaan ay matatagpuan sa pagsunod sa kalooban ng Diyos tulad ng inihayag sa Qur’an.
Mga Banal sa mga Huling Araw
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na ang Diyos—“Ama sa Langit”—ay literal na ama ng lahat ng espiritu ng tao. Minamahal at pinangangalagaan Niya ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang salitang banal ay tumutukoy sa isang tao na ang pagkatao ay nabago sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos. Ang pagpapahayag ng pananampalataya (patotoo) ng isang Banal sa mga Huling Araw ay personal na pananalig sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ay naging posible ang kaligtasan para sa buong sangkatauhan.