“Mga Propeta,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw: Mga Paniniwala, Pinahahalagahan, at Pamumuhay (2021)
“Mga Propeta,” Mga Muslim at Mga Banal sa mga Huling Araw
Mga Propeta
Naniniwala ang mga Muslim at mga Banal sa mga Huling Araw sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga propeta na magbigay ng patnubay mula sa Diyos.
Mga Muslim
Naniniwala ang mga Muslim na sina Propetang Muhammad (SAW) at Jesucristo (AS) ay direktang mga inapo ni Adan (AS) sa pamamagitan ni Abraham (AS). Si Muhammad (SAW) ay isinugo ng Diyos upang baguhin ang mga relihiyong nauugnay kay Abraham. Ang mga paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Muhammad (SAW) ay muling nagpatatag ng pananampalataya sa iisang Diyos at sa mga alituntunin ng matwid na pamumuhay. Naniniwala ang mga Muslim sa mga propeta sa Luma at Bagong Tipan, at isang mahalagang paniniwala ng relihiyong ito na ang Propetang si Muhammad (SAW) ang huling propeta.
Mga Banal sa mga Huling Araw
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na pinamumunuan ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pamamagitan ng mga propeta. Ang Diyos ay tumawag ng mga propeta noong unang panahon, tulad ng nakatala sa Banal na Biblia, ngunit ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nawala ilang siglo na ang nakararaan at kailangang ipanumbalik. Dahil dito, tinawag ng Diyos si Joseph Smith bilang propeta upang ipanumbalik ang simbahan at ebanghelyo ni Cristo. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala sa patuloy na paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagtawag ng mga propeta mula 1820 hanggang sa kasalukuyang panahon.