Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 100


Bahagi 100

Paghahayag na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa Perrysburg, New York, Oktubre 12, 1833. Ang dalawang kapatid, na ilang araw nang wala sa piling ng kanilang mga mag-anak, ay nakadama ng kaunting pag-aalala sa kanila.

1–4, Mangangaral sina Joseph at Sidney ng ebanghelyo para sa kaligtasan ng mga kaluluwa; 5–8, Ibibigay sa kanila sa mga oras ding yaon kung ano ang kanilang sasabihin; 9–12, Si Sidney ay magiging tagapagsalita at si Joseph ay magiging tagapaghayag at makapangyarihan sa pagpapatotoo; 13–17, Ang Panginoon ay magbabangon ng mga dalisay na tao, at maliligtas ang mga masunurin.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa inyo, aking mga kaibigang Sidney at Joseph, ang inyong mga mag-anak ay nasa mabuting kalagayan; sila ay nasa aking mga kamay, at aking gagawin sa kanila ang sa palagay kong makabubuti; sapagkat nasa sa akin ang lahat ng kapangyarihan.

2 Samakatwid, sumunod sa akin, at makinig sa payong ibibigay ko sa inyo.

3 Dinggin, at makinig, ako ay maraming tao sa lugar na ito, sa mga lugar sa paligid; at isang maluwang na pintuan ang bubuksan sa mga lugar sa paligid dito sa silangang lupain.

4 Samakatwid, ako, ang Panginoon, ay pinahihintulutan kayong magtungo sa lugar na ito; sapagkat ang gayon ay kinakailangan sa akin para sa kaligtasan ng mga kaluluwa.

5 Samakatwid, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, itaas ang inyong mga tinig sa mga taong ito; sabihin ang mga saloobing ilalagay ko sa inyong mga puso, at hindi kayo matutulig sa harapan ng mga tao;

6 Sapagkat ibibigay sa inyo sa mga oras ding yaon, oo, sa sandali ring yaon, kung ano ang inyong sasabihin.

7 Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na ipahahayag ninyo ang anumang bagay na inyong ipinahahayag sa pangalan ko sa kataimtiman ng puso, sa diwa ng kaamuan, sa lahat ng bagay.

8 At ibinibigay ko sa inyo ang pangakong ito, na yamang ginagawa ninyo ito, ang Espiritu Santo ay ibubuhos sa pagpapatotoo sa lahat ng bagay anuman ang inyong sasabihin.

9 At marapat sa akin na ikaw, aking tagapaglingkod na Sidney, ay maging tagapagsalita sa mga taong ito; oo, katotohanan, ikaw ay inoorden ko sa tungkuling ito, maging isang tagapagsalita sa aking tagapaglingkod na si Joseph.

10 At bibigyan ko siya ng kakayahang maging makapangyarihan sa patotoo.

11 At bibigyan kita ng kakayahang maging makapangyarihan sa pagpapaliwanag sa lahat ng banal na kasulatan, upang ikaw ay maging isang tagapagsalita sa kanya, at siya ay magiging tagapaghayag sa iyo, upang malaman mo ang katiyakan ng lahat ng bagay na nauukol sa mga bagay ng aking kaharian sa mundo.

12 Anupa’t ipagpatuloy ang inyong paglalakbay at magsaya ang inyong mga puso; sapagkat dinggin, at makinig, ako ay kasama ninyo maging hanggang sa wakas.

13 At ngayon, ibinibigay ko sa inyo ang isang salita hinggil sa Sion. Ang Sion ay tutubusin, bagama’t parurusahan siya nang sandaling panahon.

14 Ang inyong mga kapatid, ang aking mga tagapaglingkod na sina Orson Hyde at John Gould, ay nasa aking mga kamay; at yamang sinusunod nila ang aking mga kautusan, sila ay maliligtas.

15 Samakatwid, maalo ang inyong mga puso; sapagkat ang lahat ng bagay ay maaayos para ikabubuti nila na mga naglalakad nang matwid, at tungo sa pagpapabanal ng simbahan.

16 Sapagkat ako ay magbabangon para sa aking sarili ng mga dalisay na tao, na maglilingkod sa akin sa katwiran;

17 At lahat ng nananawagan sa pangalan ng Panginoon, at sumusunod sa kanyang mga kautusan, ay maliligtas. Maging gayon nga. Amen.