Bahagi 102
Ang katitikan ng pagkakatatag ng unang mataas na kapulungan ng Simbahan, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 17, 1834. Itinala nina Elder Oliver Cowdery at Elder Orson Hyde ang orihinal na katitikan. Kinabukasan, nirepaso ng Propeta ang katitikan, at sa sumunod na araw, nagkakaisang tinanggap ng mataas na kapulungan ang iwinastong katitikan na “balangkas at saligang-batas ng mataas na kapulungan” ng Simbahan. Ang mga talata 30 hanggang 32, na may kinalaman sa Kapulungan ng Labindalawang Apostol, ay idinagdag noong 1835 sa ilalim ng patnubay ni Joseph Smith nang ihanda niya ang bahaging ito para sa paglilimbag ng Doktrina at mga Tipan.
1–8, Nagtatalaga ng isang mataas na kapulungan upang lutasin ang mahahalagang suliranin na nagaganap sa Simbahan; 9–18, Ibinigay ang mga pamamaraan para sa paglilitis ng mga usapin; 19–23, Ang pangulo ng kapulungan ang gumagawa ng pagpapapasiya; 24–34, Ipinaliliwanag ang pamamaraan ukol sa pag-apela.
1 Ngayong araw, isang nagkakaisang kapulungan ng dalawampu’t apat na mataas na saserdote ang nagtipon sa bahay ni Joseph Smith, Jun., sa pamamagitan ng paghahayag, at nagpatuloy sa pagtatatag sa mataas na kapulungan ng simbahan ni Cristo, na kinakailangang kabilangan ng labindalawang mataas na saserdote, at isa o tatlong pangulo kung hinihingi ng pagkakataon.
2 Ang mataas na kapulungan ay itinalaga sa pamamagitan ng paghahayag para sa layunin ng pagsasaayos ng mahahalagang suliranin na maaaring maganap sa simbahan, na hindi maisasaayos ng simbahan o ng kapulungan ng obispo sa ikasisiya ng mga nasasangkot.
3 Sina Joseph Smith, Jun., Sidney Rigdon at Frederick G. Williams ang kinilalang mga pangulo ng tinig ng kapulungan; at sina Joseph Smith, Sen., John Smith, Joseph Coe, John Johnson, Martin Harris, John S. Carter, Jared Carter, Oliver Cowdery, Samuel H. Smith, Orson Hyde, Sylvester Smith, at Luke Johnson, na matataas na saserdote, ang pinili na maging permanenteng kapulungan para sa simbahan, sa pamamagitan ng nagkakaisang tinig ng kapulungan.
4 Ang mga pinangalanan sa itaas na mga kasapi ng kapulungan ay tinanong pagkatapos kung kanilang tinatanggap ang pagkakatalaga nila, at kung sila ay kikilos sa katungkulang iyon alinsunod sa batas ng langit, kung saan sumagot silang lahat na tinanggap nila ang kanilang mga pagkakatalaga, at gagampanan ang mga katungkulan nila alinsunod sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa kanila.
5 Ang bilang na bumubuo sa kapulungan, na bumoto sa pangalan at para sa simbahan sa pagtatalaga sa mga pinangalanan sa itaas na mga kasapi ng kapulungan ay apatnapu’t tatlo, ayon sa mga sumusunod: siyam na matataas na saserdote, labimpitong elder, apat na saserdote, at labintatlong kasapi.
6 Sinang-ayunan: na ang mataas na kapulungan ay hindi magkakaroon ng karapatang kumilos kung wala ang pito sa mga pinangalanan sa itaas na mga kasapi ng kapulungan, o kung naroroon ang kanilang mga kahalili na maayos na itinalaga.
7 Ang pitong ito ay magkakaroon ng karapatang magtalaga ng iba pang matataas na saserdote, na maituturing nilang karapat-dapat at may kakayahang kumilos sa tungkulin ng mga libang kasapi ng kapulungan.
8 Sinang-ayunan: na kung magkakaroon ng puwang na dulot ng kamatayan, pagkaalis sa katungkulan dahil sa paglabag, o pagkaalis mula sa mga saklaw ng pamahalaan ng simbahang ito, ng sinuman sa mga pinangalanan sa itaas na mga kasapi ng kapulungan, ito ay pupunan sa pamamagitan ng pagmungkahi ng pangulo o mga pangulo, at pagtitibayin ng tinig ng pangkalahatang kapulungan ng matataas na saserdote, tinipon para sa layuning iyon, na kumilos sa pangalan ng simbahan.
9 Ang pangulo ng simbahan, na siya ring pangulo ng kapulungan, ay itinatalaga sa pamamagitan ng paghahayag, at kinikilala sa kanyang pangangasiwa ng tinig ng simbahan.
10 At ito ay alinsunod sa karangalan ng kanyang katungkulan na dapat siyang mamuno sa kapulungan ng simbahan; at kanyang pribilehiyo na matulungan ng dalawa pang pangulo, itinalaga alinsunod sa gayunding pamamaraan kung paano rin siya itinalaga.
11 At sa pangyayaring lumiban ang isa o dalawa sa mga yaong itinalaga na tulungan siya, may karapatan siyang mamuno sa kapulungan nang walang katuwang; at sa pangyayaring siya rin ay lumiban, may karapatang mamuno ang ibang mga pangulo bilang kahalili niya, dalawa o isa sa kanila.
12 Kapag maayos na naitatag ang isang mataas na kapulungan ng simbahan ni Cristo, alinsunod sa nabanggit na huwaran, magiging tungkulin ng labindalawang kasapi ng kapulungan na magpalabunutan ng mga bilang, at sa gayong pamamaraan matutukoy kung sino sa labindalawa ang mauunang magsalita, magsisimula sa bilang isa at sa gayon magsusunud-sunod hanggang sa bilang labindalawa.
13 Kapag nagtitipun-tipon ang kapulungang ito upang suriin ang anumang usapin, magpapasiya ang labindalawang kasapi ng kapulungan kung ito ay mahirap o hindi; kung ito ay hindi, dalawa lamang sa mga kasapi ng kapulungan ang mangungusap ukol dito, alinsunod sa pamamaraang nasusulat sa itaas.
14 Subalit kung ito ay itinuturing na mahirap, apat ang itatalaga; at kung higit na mahirap, anim; subalit walang pagkakataon na hihigit sa anim ang itatalaga na mangusap.
15 Ang pinaratangan, sa lahat ng pagkakataon, ay may karapatan sa kalahati ng kapulungan, upang maiwasan ang paghamak o kawalang-katarungan.
16 At ang mga kasapi ng kapulungang itinalaga na mangusap sa harapan ng kapulungan ay kailangang ilahad ang usapin, pagkaraang masuri ang katibayan, sa buong katotohanan nito sa harapan ng kapulungan; at mangungusap ang bawat tao alinsunod sa pagkakapantay-pantay at katarungan.
17 Ang mga yaong kasapi ng kapulungan na nakabubunot ng mga tukol na bilang, na, 2, 4, 6, 8, 10, at 12, ang mga taong tatayo para sa pinaratangan, at mag-iiwas sa paghamak at kawalang-katarungan.
18 Sa lahat ng usapin, ang nagparatang at ang pinaratangan ay magkakaroon ng pribilehiyong makapagsalita para sa kanilang sarili sa harapan ng kapulungan, pagkaraang dinggin ang mga katibayan at natapos na sa kanilang mga pahayag ang mga kasapi ng kapulungan na itinalaga na mangusap hinggil sa usapin.
19 Pagkaraang dinggin ang mga katibayan, at magsalita ng mga kasapi ng kapulungan, nagparatang at pinaratangan, magpapasiya ang pangulo alinsunod sa pagkakaunawa niya sa usapin, at hihilingin sa labindalawang kasapi ng kapulungan na pagtibayin ang gayundin sa pamamagitan ng pagboto nila.
20 Subalit kung ang mga natitirang kasapi ng kapulungan, na hindi nagsalita, o sinuman sa kanila, pagkaraang dinggin ang mga katibayan at pagsusumamo nang walang kinikilingan, ay nakatuklas ng kamalian sa pasiya ng pangulo, maipahahayag nila ito, at magkakaroon ng muling paglilitis ang usapin.
21 At kung pagkaraan ng isang maingat na muling paglilitis, may anumang karagdagang liwanag ang maipakita hinggil sa usapin, babaguhin ang pasiya nang naaayon.
22 Subalit sa pangyayaring walang karagdagang liwanag ang naibigay, ang unang pasiya ang mananatili, may karapatan ang nakararami sa kapulungan na pagpasiyahan ang gayundin.
23 Sa pangyayaring may suliranin hinggil sa doktrina o alituntunin, kung walang sapat na nasusulat upang linawin ang usapin sa mga isipan ng kapulungan, ang pangulo ay maaaring magtanong at matamo ang kaisipan ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag.
24 Ang matataas na saserdote, kapag nasa ibang lugar, ay may karapatang tumawag at magtatag ng kapulungan alinsunod sa pamamaraang nabanggit, na maglutas ng mga suliranin, kung hihilingin ito ng mga nasasangkot o ng isa man sa kanila.
25 At ang nabanggit na kapulungan ng matataas na saserdote ay magkakaroon ng karapatang magtalaga ng isa sa kanilang sariling bilang na mamuno sa kapulungang iyon pansamantala.
26 Magiging tungkulin ng nabanggit na kapulungan na ipadala kaagad ang isang sipi ng kanilang mga paglilitis, na kasama ang buong ulat ng patotoo kalakip ang kanilang pasiya, sa mataas na kapulungan sa tanggapan ng Unang Panguluhan ng Simbahan.
27 Kung hindi nasisiyahan ang mga nasasangkot o ang isa man sa kanila sa pasiya ng nasabing kapulungan, sila ay maaaring umapela sa mataas na kapulungan sa tanggapan ng Unang Panguluhan ng Simbahan, at magkaroon ng muling paglilitis, kung saan tatalakayin ang usapin, alinsunod sa naunang huwarang nakasulat, na tila wala pang gayong napagpasiyahan.
28 Ang ganitong kapulungan ng matataas na saserdote na nasa ibang lugar ay bubuuin lamang para sa pinakamahihirap na usapin hinggil sa mga bagay-bagay sa simbahan; at walang palasak o karaniwang usapin ang magiging sapat upang buuin ang gayong kapulungan.
29 Ang matataas na saserdote na naglalakbay o naninirahan sa ibang lugar ay may karapatang sabihin kung kinakailangang tumawag ng gayong kapulungan o hindi.
30 May pagkakaiba sa pagitan ng mataas na kapulungan o matataas na saserdote na naglalakbay sa ibang lugar, at sa naglalakbay na mataas na kapulungan na binubuo ng labindalawang apostol, sa kanilang mga pasiya.
31 Mula sa pasiya ng nauna ay maaaring magkaroon ng apela; subalit mula sa pasiya ng huli ay wala na.
32 Ang huli ay maaari lamang tanungin ng mga pangkalahatang pinuno ng simbahan kung may paglabag.
33 Napagpasiyahan: na ang pangulo o mga pangulo sa tanggapan ng Unang Panguluhan ng Simbahan ay magkakaroon ng karapatang tiyakin na anumang gayong usapin, na inaapela, ay maayos na binibigyan ng isang muling paglilitis, pagkaraang masuri ang apela at ang mga katibayan at ulat na kalakip nito.
34 Pagkatapos, ang labindalawang kasapi ng kapulungan ay nagpatuloy na nagpalabunutan o naghalalan, upang malaman kung sino ang unang magsasalita, at ang sumusunod ang kinalabasan, ang pagkakasunud-sunod nila ay: 1, Oliver Cowdery; 2, Joseph Coe; 3, Samuel H. Smith; 4, Luke Johnson; 5, John S. Carter; 6, Sylvester Smith; 7, John Johnson; 8, Orson Hyde; 9, Jared Carter; 10, Joseph Smith, Sen.; 11, John Smith; 12, Martin Harris.Pagkatapos ng panalangin, ang pagpupulong ay natapos na.
Oliver Cowdery,
Orson Hyde,
Mga Klerk