Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 103


Bahagi 103

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Pebrero 24, 1834. Natanggap ang paghahayag na ito pagkarating sa Kirtland, Ohio, nina Parley P. Pratt at Lyman Wight, na nagmula sa Missouri upang sumangguni sa Propeta ukol sa pagtulong at pagpapanumbalik ng mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County.

1–4, Kung bakit pinahintulutan ng Panginoon na usigin ang mga Banal sa Jackson County; 5–10, Mananaig ang mga Banal kung kanilang susundin ang mga kautusan; 11–20, Sasapit ang pagtubos sa Sion sa pamamagitan ng kalakasan, at hahayo ang Panginoon sa unahan ng kanyang mga tao; 21–28, Magtitipon ang mga Banal sa Sion, at ang mga yaong mag-aalay ng kanilang buhay ay matatagpuan muli ang mga ito; 29–40, Maraming kapatid na lalaki ang tinawag na itatag ang Kampo ng Sion at magtungo sa Sion; pinangakuan sila ng tagumpay kung matatapat sila.

1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, dinggin, ibibigay ko sa inyo ang isang paghahayag at kautusan, upang inyong malaman kung paano kumilos sa pagtupad sa inyong mga tungkulin hinggil sa kaligtasan at pagtubos ng inyong mga kapatid, na ikinalat sa lupain ng Sion;

2 Na pinalayas at pinahirapan ng mga kamay ng aking mga kaaway, kung kanino ko ibubuhos ang aking poot nang walang sukat sa aking sariling takdang panahon.

3 Sapagkat pinahihintulutan ko sila hanggang sa ngayon, upang kanilang punuin ang sukatan ng kanilang mga kasamaan, nang mapuno ang kanilang saro;

4 At upang maparusahan ang mga yaong tinatawag ang kanilang sarili sunod sa aking pangalan sa sandaling panahon ng isang matindi at mabigat na parusa, sapagkat hindi sila nakinig nang lubos sa mga tuntunin at kautusan na aking ibinigay sa kanila.

5 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ako ay nagpapanuto ng isang panuntunan na isasakatuparan ng aking mga tao, yamang sila ay makikinig mula sa oras na ito sa ibibigay ko, ang Panginoon nilang Diyos, na payo sa kanila.

6 Dinggin, sila, sapagkat aking ipinanuto ito, ay magsisimulang manaig laban sa aking mga kaaway mula sa oras na ito.

7 At sa pamamagitan ng pakikinig na sundin ang lahat ng salitang sasabihin ko, ang Panginoon nilang Diyos, sa kanila, sila ay hindi kailanman titigil na manaig hanggang sa malupig ang mga kaharian ng daigdig sa ilalim ng aking mga paa, at ang mundo ay maibigay sa mga banal, upang ariin ito magpakailanman at walang katapusan.

8 Subalit yamang hindi nila sinusunod ang aking mga kautusan, at hindi nakikinig na sundin ang lahat ng aking salita, ang mga kaharian ng daigdig ay mananaig laban sa kanila.

9 Sapagkat sila ay itinalaga na maging ilaw ng sanlibutan, at na maging mga tagapagligtas ng mga tao;

10 At yamang sila ay hindi mga tagapagligtas ng mga tao, tulad sila ng asin na nawalan ng lasa, at kung magkagayon ay wala nang kabuluhan kundi ang itapon at yapakan ng mga paa ng mga tao.

11 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ipinapanuto ko na ang inyong mga kapatid na ikinalat ay babalik sa mga lupain na kanilang mga mana, at itatayo ang mga napabayaang lugar ng Sion.

12 Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian, tulad ng aking sinabi sa inyo sa isang naunang kautusan, darating ang pagpapala.

13 Dinggin, ito ang pagpapalang aking ipinapangako pagkatapos ng inyong mga kapighatian, at ng mga kapighatian ng inyong mga kapatid—ang inyong pagkakatubos, at ang pagkakatubos ng inyong mga kapatid, maging ang kanilang pagpapanumbalik sa lupain ng Sion, na itatatag, hindi na muling malulupig.

14 Gayunpaman, kapag dinurumihan nila ang kanilang mga mana ay malulupig sila; sapagkat hindi ko sila ililigtas kung dinurumihan nila ang kanilang mga mana.

15 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, ang pagtubos sa Sion ay talagang kinakailangang sumapit sa pamamagitan ng lakas;

16 Samakatwid, ako ay magbabangon sa aking mga tao ng isang lalaki, na siyang mamumuno sa kanila tulad noong pinamunuan ni Moises ang mga anak ni Israel.

17 Sapagkat kayo ay mga anak ni Israel, at kabilang sa binhi ni Abraham, at kayo ay talagang kinakailangang mahango mula sa pagkaalipin sa pamamagitan ng lakas, at nang may nakaunat na bisig.

18 At tulad ng inyong mga ama na hinango noong una, magiging gayundin ang pagtubos sa Sion.

19 Samakatwid, huwag manghina ang inyong mga puso, sapagkat hindi ko sinasabi sa inyo ang tulad ng aking sinabi sa inyong mga ama: Ang aking anghel ay hahayo sa unahan ninyo, subalit hindi ang aking kaluwalhatian.

20 Subalit sinasabi ko sa inyo: Ang aking mga anghel ay hahayo sa unahan ninyo, at gayundin ang aking kaluwalhatian, at kalaunan, maaangkin ninyo ang mabuting lupain.

21 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ang lalaki na inihalintulad ko sa tagapaglingkod na kinausap ng Panginoon ng ubasan sa talinghaga na aking ibinigay sa inyo.

22 Samakatwid, sasabihin ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sa lakas ng aking sambahayan, sa aking mga kabataang lalaki at mga nasa katanghaliang-gulang—Tipunin ninyo ang inyong sarili nang sama-sama sa lupain ng Sion, sa lupain na aking binili gamit ang salapi na inilaan para sa akin.

23 At magsugo ang buong simbahan ng matatalinong tao na dala ang kanilang mga salapi, at bibili ng mga lupain maging tulad ng aking iniuutos sa kanila.

24 At yamang sinasalakay kayo ng aking mga kaaway upang palayasin kayo mula sa aking mabuting lupain, na aking inilaan na maging lupain ng Sion, maging mula sa inyong sariling mga lupain pagkatapos ng mga patotoong ito, na inyong dinala sa akin laban sa kanila, inyo silang isusumpa;

25 At ang sinumang isinusumpa ninyo, aking isusumpa, at inyo akong ipaghihiganti sa aking mga kaaway.

26 At ang aking kaluwalhatian ay mapapasainyo maging sa paghihiganti para sa akin sa mga kaaway ko, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi nila na napopoot sa akin.

27 Huwag matatakot ang sinuman na mag-alay ng kanyang buhay para sa aking kapakanan; sapagkat siya na nag-aalay ng kanyang buhay para sa aking kapakanan ay matatagpuan itong muli.

28 At ang sinumang hindi nakahandang mag-alay ng kanyang buhay para sa aking kapakanan ay hindi ko disipulo.

29 Aking kalooban na ang tagapaglingkod ko na si Sidney Rigdon ay magtataas ng kanyang tinig sa mga kongregasyon sa mga bayan sa kasilanganan, sa paghahanda sa mga simbahan na sundin ang mga kautusan na aking ibinigay sa kanila hinggil sa pagpapanumbalik at pagtubos ng Sion.

30 Aking kalooban na ang tagapaglingkod ko na si Parley P. Pratt at ang tagapaglingkod ko na si Lyman Wight ay hindi nararapat bumalik sa lupain ng kanilang mga kapatid, hanggang sa sila ay makakuha ng mga kasama sa pagtungo sa lupain ng Sion, nang pasampu-sampu, o nang padala-dalawampu, o nang palima-limampu, o paisa-isandaan, hanggang sa sila ay magkaroon ng bilang na limang daang lakas mula sa aking sambahayan.

31 Dinggin, ito ang aking kalooban; humingi at kayo ay makatatanggap; subalit hindi ginagawa ng mga tao sa tuwina ang aking kalooban.

32 Samakatwid, kung hindi kayo makakukuha ng limang daan, masigasig na maghanap upang marahil ay makakuha kayo ng tatlong daan.

33 At kung hindi kayo makakukuha ng tatlong daan, masigasig na maghanap upang marahil ay makakuha kayo ng isandaan.

34 Subalit katotohanan, sinasabi ko sa inyo, isang kautusan ang aking ibinibigay sa inyo, na huwag kayong magtutungo sa lupain ng Sion hanggang sa kayo ay makakuha ng isandaang lakas mula sa aking sambahayan, na makakasama ninyong magtutungo sa lupain ng Sion.

35 Samakatwid, tulad ng aking sinabi sa inyo, humingi at kayo ay makatatanggap; taimtim na manalangin upang marahil ay makasama ninyo ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at mamuno sa gitna ng aking mga tao, at itayo ang aking kaharian sa inilaang lupain, at itatag ang mga anak ng Sion sa mga batas at kautusan na ibinigay at ibibigay pa sa inyo.

36 Lahat ng tagumpay at kaluwalhatian ay isinasakatuparan sa inyo sa pamamagitan ng inyong pagsusumigasig, katapatan, at mga panalangin na may pananampalataya.

37 Maglakbay ang aking tagapaglingkod na si Parley P. Pratt kasama ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.

38 Maglakbay ang aking tagapaglingkod na si Lyman Wight kasama ang aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon.

39 Maglakbay ang aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith kasama ang aking tagapaglingkod na si Frederick G. Williams.

40 Maglakbay ang aking tagapaglingkod na si Orson Hyde kasama ang aking tagapaglingkod na si Orson Pratt, saanman ang ipapayo sa kanila ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., sa pagtupad sa mga kautusang ito na aking ibinigay sa inyo, at iwanan ang natira sa aking mga kamay. Maging gayon nga. Amen.