Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 104


Bahagi 104

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa o malapit sa Kirtland, Ohio, Abril 23, 1834, hinggil sa Nagkakaisang Samahan (tingnan sa mga ulo ng mga bahagi 78 at 82). Marahil, ang pangyayari ay isang pagpupulong ng kapulungan ng mga kasapi ng Nagkakaisang Samahan, kung saan tinalakay ang mga temporal na pangangailangan ng Simbahan na kinakailangang mabigyang-pansin kaagad. Napagpasiyahan ng isang naunang pagpupulong ng samahan noong Abril 10 na buwagin ang samahan. Itinatagubilin ng paghahayag na ito na sa halip ay isasaayos muli ang samahan; paghahatian ang mga ari-arian nito ng mga kasapi ng samahan bilang kanilang mga pangangasiwaan. Sa ilalim ng patnubay ni Joseph Smith, pinalitan kalaunan ang pariralang “Nagkakaisang Samahan” ng “Nagkakaisang Orden” sa paghahayag.

1–10, Isusumpa ang mga Banal na lumalabag sa nagkakaisang orden; 11–16, Naglalaan ang Panginoon para sa Kanyang mga Banal sa sarili Niyang pamamaraan; 17–18, Pinamamahalaan ng batas ng ebanghelyo ang pagkalinga sa mga maralita; 19–46, Tinutukoy ang mga pangangasiwa at pagpapala ng iba’t ibang mga kapatid; 47–53, Nararapat kumilos nang magkahiwalay ang nagkakaisang orden sa Kirtland at ang orden sa Sion; 54–66, Itinatatag ang sagradong kabang-yaman ng Panginoon para sa paglilimbag ng mga banal na kasulatan; 67–77, Nararapat kumilos ang pangkalahatang kabang-yaman ng nagkakaisang orden batay sa pagsang-ayon ng lahat; 78–86, Nararapat bayaran ng mga yaong nasa nagkakaisang orden ang lahat ng kanilang mga utang, at palalayain sila ng Panginoon mula sa pagkaalipin dahil sa pananalapi.

1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, nagbibigay ako sa inyo ng payo, at ng isang kautusan, hinggil sa lahat ng ari-arian na pag-aari ng orden na aking iniutos na itayo at itatag, na maging isang nagkakaisang orden, at isang walang hanggang orden para sa kapakinabangan ng aking simbahan, at para sa kaligtasan ng tao hanggang sa ako ay pumarito—

2 Na may pangakong hindi maiiba at hindi mababago, na yamang ang mga yaong aking inutusan ay matatapat, pagpapalain sila ng katakut-takot na pagpapala;

3 Subalit yamang sila ay hindi matatapat, nalalapit na silang sumpain.

4 Samakatwid, yamang ang ilan sa aking mga tagapaglingkod ay hindi sumusunod sa kautusan, kundi nilalabag ang tipan dahil sa kasakiman, at dahil sa mga mapagkunwaring salita, isinusumpa ko sila nang may labis na matindi at mabigat na sumpa.

5 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay ipinasiya sa aking puso, na yamang ang sinumang tao na nabibilang sa orden na matatagpuang lumalabag, o sa ibang salita, sumisira sa tipan kung saan kayo napapasailalim, siya ay susumpain sa kanyang buhay, at tatapakan ng sinumang aking loloobin;

6 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay hindi makukutya sa mga bagay na ito—

7 At lahat ng ito ay upang hindi mahatulang kasama ng mga hindi matwid ang walang kasalanan sa inyo; at upang ang may kasalanan sa inyo ay hindi makatakas; sapagkat ako, ang Panginoon, ay ipinapangako sa inyo ang putong ng kaluwalhatian sa aking kanang kamay.

8 Samakatwid, yamang kayo ay natatagpuang lumalabag, hindi ninyo matatakasan ang aking poot sa inyong mga buhay.

9 Yamang kayo ay inihihiwalay dahil sa paglabag, hindi ninyo matatakasan ang mga pananakit ni Satanas hanggang sa araw ng pagtubos.

10 At akin ngayong ibinibigay sa inyo ang kakayahan mula sa oras na ito, na kung sinuman sa inyo na kabilang sa orden ang natatagpuang lumalabag at hindi nagsisisi sa kasamaan, na inyo siyang ipauubaya sa mga pananakit ni Satanas; at hindi siya magkakaroon ng kapangyarihan na magdala ng kasamaan sa inyo.

11 Ito ay karunungan sa akin; anupa’t isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na inyong isaayos ang sarili ninyo at italaga sa bawat tao ang kanyang pangangasiwaan;

12 Upang ang bawat tao ay makapagbigay-ulat sa akin sa pangangasiwa na itinatalaga sa kanya.

13 Sapagkat kinakailangan na ako, ang Panginoon, ay nararapat na panagutin ang bawat tao, bilang katiwala sa mga pagpapala sa lupa, na aking ginawa at inihanda para sa aking mga nilalang.

14 Ako, ang Panginoon, ang nagladlad sa kalangitan, at gumawa sa mundo, na tunay na gawa ng aking kamay; at lahat ng bagay rito ay akin.

15 At layunin ko na maglaan para sa aking mga banal, sapagkat lahat ng bagay ay akin.

16 Subalit talagang kinakailangang magawa ito sa aking sariling pamamaraan; at dinggin, ito ang pamamaraan na ako, ang Panginoon, ay ipinapanuto na maglaan para sa aking mga banal, upang ang mga maralita ay dakilain, dahil ang mayayaman ay ibababa.

17 Sapagkat ang mundo ay sagana, at may sapat at lumalabis pa; oo, aking inihanda ang lahat ng bagay, at ipinapahintulot sa mga anak ng tao na maging mga kinatawan ng kanilang sarili.

18 Samakatwid, kung sinuman ang kukuha sa kasaganaan na aking ginawa, at hindi nagbabahagi ng kanyang hati, alinsunod sa batas ng aking ebanghelyo, sa mga maralita at nangangailangan, itataas niya, kasama ng masasama, ang kanyang mga mata mula sa impiyerno dahil sa pagdurusa.

19 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hinggil sa mga ari-arian ng orden—

20 Italaga sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon ang lugar kung saan siya ngayon nakatira, at ang lote ng kultihan bilang kanyang pangangasiwaan, bilang kanyang pagkakakitaan habang siya ay gumagawa sa aking ubasan, maging tulad ng aking kalooban, kapag inutusan ko siya.

21 At isagawa ang lahat ng bagay alinsunod sa payo ng orden, at nagkakaisang pagsang-ayon o tinig ng orden, na nananahan sa lupain ng Kirtland.

22 At ang pangangasiwaan at pagpapalang ito, ako, ang Panginoon, ang naggagawad sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon bilang isang pagpapala sa kanya, at sa binhi niya na susunod sa kanya;

23 At aking pararamihin ang mga pagpapala sa kanya, yamang siya ay magpapakumbaba sa aking harapan.

24 At muli, italaga sa aking tagapaglingkod na si Martin Harris, bilang kanyang pangangasiwaan, ang lote ng lupaing natamo ng aking tagapaglingkod na si John Johnson bilang kapalit ng kanyang naunang mana, para sa kanya at sa binhi niya na susunod sa kanya;

25 At yamang siya ay matapat, aking pararamihin ang mga pagpapala sa kanya at sa binhi niya na susunod sa kanya.

26 At iukol ng aking tagapaglingkod na si Martin Harris ang kanyang mga salapi para sa pagpapahayag ng aking mga salita, alinsunod sa itatagubilin ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.

27 At muli, ipasakamay ng aking tagapaglingkod na si Frederick G. Williams ang lugar kung saan siya ngayon naninirahan.

28 At ipasakamay ng aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery ang lote na katabi ng bahay, na magiging palimbagan, na siyang lote bilang isa, at ang lote rin kung saan naninirahan ang kanyang ama.

29 At ipasa mga kamay ng aking mga tagapaglingkod na sina Frederick G. Williams at Oliver Cowdery ang palimbagan at lahat ng bagay na nauukol dito.

30 At ito ang kanilang pangangasiwaan na itatalaga sa kanila.

31 At yamang sila ay matatapat, dinggin, aking pagpapalain, at pararamihin ang mga pagpapala sa kanila.

32 At ito ang simula ng pangangasiwa na aking itinatalaga sa kanila, para sa kanila at sa mga binhi nila na susunod sa kanila.

33 At, yamang sila ay matatapat, aking pararamihin ang mga pagpapala sa kanila at sa binhi nila na susunod sa kanila, maging katakut-takot na pagpapala.

34 At muli, ipasakamay ng aking tagapaglingkod na si John Johnson ang bahay kung saan siya nakatira, at ang mana, lahat maliban sa lupa na inilaan para sa pagtatayo ng aking mga bahay, na nauukol sa manang yaon, at ang mga yaong lote na ipinangalan sa aking tagapaglingkod na si Oliver Cowdery.

35 At yamang siya ay matapat, aking pararamihin ang mga pagpapala sa kanya.

36 At kalooban ko na nararapat niyang ipagbili ang mga lote na inihihiwalay para sa pagpapatayo ng lungsod ng aking mga banal, yamang ito ay ipaaalam sa kanya sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu, at alinsunod sa payo ng orden, at sa pamamagitan ng tinig ng orden.

37 At ito ang simula ng pangangasiwa na aking itinatalaga sa kanya, bilang isang pagpapala sa kanya at sa binhi niya na susunod sa kanya.

38 At yamang siya ay matapat, aking pararamihin nang katakut-takot ang mga pagpapala sa kanya.

39 At muli, italaga sa aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang mga bahay at lote kung saan siya ngayon naninirahan, at ang lote at gusali kung saan nakatayo ang bahay pangkalakalan, at gayundin ang lote na nasa kanto sa timog ng bahay pangkalakalan, at gayundin ang lote kung saan nakatayo ang abuhan.

40 At lahat ng ito ay itinatalaga ko sa aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney bilang kanyang pangangasiwaan, bilang isang pagpapala sa kanya at sa binhi niya na susunod sa kanya, para sa kabutihan ng bahay pangkalakalan ng aking orden na itinatatag ko para sa aking istaka sa lupain ng Kirtland.

41 Oo, katotohanan, ito ang pangangasiwa na aking itinatalaga sa tagapaglingkod ko na si N. K. Whitney, maging ang buong bahay pangkalakalan na ito, sa kanya at sa kinatawan niya, at sa binhi niya na susunod sa kanya.

42 At yamang siya ay matapat sa pagsunod sa aking mga kautusan, na ibinibigay ko sa kanya, aking pararamihin ang mga pagpapala niya at ng binhi niya na susunod sa kanya, maging isang katakut-takot na pagpapala.

43 At muli, italaga sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., ang lote na inihihiwalay para sa pagpapatayo ng aking bahay, na apatnapung baras ang haba at labindalawa ang lapad, at gayundin ang mana kung saan ang kanyang ama ngayon ay naninirahan;

44 At ito ang simula ng pangangasiwa na aking itinatalaga sa kanya, bilang isang pagpapala sa kanya, at sa ama niya.

45 Sapagkat dinggin, ako ay naglalaan ng mana para sa kanyang ama, para sa ikabubuhay niya; kaya nga, siya ay ibibilang sa sambahayan ng aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun.

46 At aking pararamihin ang mga pagpapala sa sambahayan ng tagapaglingkod ko na si Joseph Smith, Jun., yamang siya ay matapat, maging isang katakut-takot na pagpapala.

47 At ngayon, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo hinggil sa Sion, na hindi na kayo nakabigkis bilang isang nagkakaisang orden sa inyong mga kapatid sa Sion, maliban sa ganitong paraan lamang—

48 Pagkaraang kayo ay maisaayos, tatawagin kayong Nagkakaisang Orden ng Istaka ng Sion, ng Lungsod ng Kirtland. At ang inyong mga kapatid, pagkaraang maisaayos sila, ay tatawaging Nagkakaisang Orden ng Lungsod ng Sion.

49 At sila ay isasaayos sa kanilang sariling mga pangalan, at sa kanilang sariling pangalan; at gagawin nila ang kanilang tungkulin sa kanilang sariling pangalan, at sa kanilang sariling mga pangalan;

50 At inyong gagawin ang tungkulin ninyo sa inyong sariling pangalan, at sa inyong sariling mga pangalan.

51 At ito ay aking iniuutos na isagawa para sa inyong kaligtasan, at gayundin para sa kanilang kaligtasan, bilang bunga ng pagpapalayas sa kanila at sa yaong sasapit.

52 Ang mga tipan ay sinira dahil sa paglabag, dahil sa kasakiman at mga mapagkunwaring salita—

53 Samakatwid, kayo ay binubuwag bilang isang nagkakaisang orden kasama ng inyong mga kapatid, kung kaya’t kayo ay hindi napapasailalim sa kanila maliban lamang sa oras na ito, maliban lamang sa paraang ito, tulad ng aking sinabi, sa pamamagitan ng pag-utang tulad ng mapagkakasunduan ng orden na ito sa kapulungan, alinsunod sa ipahihintulot ng inyong mga kalagayan at itatagubilin ng tinig ng kapulungan.

54 At muli, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo hinggil sa inyong pangangasiwaan na aking itinatalaga sa inyo.

55 Dinggin, lahat ng ari-ariang ito ay akin, o kung hindi, walang saysay ang inyong pananampalataya, at kayo ay tuturingang mga mapagpaimbabaw, at nasira ang mga tipang inyong ginagawa sa akin;

56 At kung ang mga ari-arian ay akin, mga katiwala nga kayo; kung hindi, kayo ay hindi mga katiwala.

57 Subalit, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, aking itinatalaga sa inyo na maging mga katiwala sa aking sambahayan, maging mga tunay na katiwala.

58 At sa layuning ito ko iniuutos sa inyo na isaayos ang sarili ninyo, maging ilimbag ang aking mga salita, ang kabuuan ng aking mga banal na kasulatan, ang mga paghahayag na ibinibigay ko sa inyo, at ang yaong aking ibibigay pa sa inyo pagkaraan nito sa pana-panahon—

59 Para sa layuning maitayo ang aking simbahan at kaharian sa lupa, at nang maihanda ang aking mga tao sa panahon kung kailan ako ay mananahanang kasama nila, na nalalapit na.

60 At kayo ay maghahanda para sa inyong sarili ng isang lugar para maging kabang-yaman, at ilaan ito sa aking pangalan.

61 At kayo ay magtatalaga ng isa sa inyo na mangangalaga sa kabang-yaman, at ioorden siya sa pagpapalang ito.

62 At magkakaroon ng pantatak sa kabang-yaman, at lahat ng sagradong bagay ay ilalagay sa kabang-yaman; at walang sinuman sa inyo ang aariin itong kanya, o anumang bahagi nito, sapagkat ito ay pag-aari ninyong lahat.

63 At itinatakda ko ito sa inyo mula sa oras na ito; at ngayon, tiyakin na kayo ay hahayo at gagamitin ang pinangangasiwaan na aking itinatalaga sa inyo, maliban sa mga sagradong bagay, para sa layuning mailimbag ang mga sagradong bagay na ito tulad ng aking sinasabi.

64 At ang mga kikitain sa mga sagradong bagay ay ilalagay sa kabang-yaman, at tatatakan ito; at ito ay hindi gagamitin o ilalabas ng kabang-yaman ninuman, ni hindi aalisin ang tatak na ilalagay rito, maliban kung naaalinsunod sa tinig ng orden, o sa kautusan.

65 At sa ganito ninyo mapangangalagaan ang mga kikitain sa mga sagradong bagay sa kabang-yaman, para sa mga sagrado at banal na layunin.

66 At ito ay tatawaging sagradong kabang-yaman ng Panginoon; at isang tatak ang mananatili rito upang ito ay maging banal at nakalaan sa Panginoon.

67 At muli, mayroon pang isang kabang-yamang ihahanda, at isang ingat-yamang itatalaga na pangasiwaan ang kabang-yaman, at isang tatak ang ilalagay rito;

68 At lahat ng salapi na inyong natatanggap sa mga pinangangasiwaan ninyo, habang pinagpapabuti ang mga ari-arian na aking itinatalaga sa inyo, sa mga bahay, o sa mga lupain, o sa kawan ng baka, o sa lahat ng bagay maliban sa mga banal at sagradong kasulatan, na inilalaan ko sa aking sarili para sa mga banal at sagradong layunin, ay ilalagay sa kabang-yaman kasimbilis ng pagtanggap ninyo ng mga salapi, na daan-daan, o lima-limampu, o dala-dalawampu, o sampu-sampu, o lima-lima.

69 O sa ibang salita, kung may sinuman sa inyong makatatamo ng limang dolyar, ilagay niya ito sa kabang-yaman; o kung siya ay makatatamo ng sampu, o dalawampu, o limampu, o isandaan, gayundin ang gagawin niya;

70 At huwag sasabihin ng sinuman sa inyo na ito ay kanya; sapagkat hindi ito tatawaging kanya, ni anumang bahagi nito.

71 At walang anumang bahagi nito ang gagamitin, o ilalabas ng kabang-yaman, tanging sa pamamagitan lamang ng tinig at pagsang-ayon ng buong orden.

72 At ito ang magiging tinig at pagsang-ayon ng buong orden—na sasabihin ng sinuman sa inyo sa ingat-yaman: Kinakailangan ko ito upang matulungan ako sa aking pangangasiwa—

73 Kung ito ay limang dolyar, o kung ito ay sampung dolyar, o dalawampu, o limampu, o isandaan, ibibigay ng ingat-yaman sa kanya ang halagang kinakailangan niya upang matulungan siya sa kanyang pangangasiwa—

74 Hanggang siya ay matatagpuang lumalabag, at maipakikita sa harapan ng kapulungan ng orden nang malinaw na siya ay hindi matapat at isang hindi matalinong katiwala.

75 Subalit habang siya ay isang karapat-dapat na kasapi, at matapat at matalino sa kanyang pangangasiwa, ito ang kanyang magiging tanda sa ingat-yaman na hindi maipagkakait ng ingat-yaman.

76 Subalit sa pangyayari ng paglabag, ang ingat-yaman ay magiging saklaw ng kapulungan at tinig ng orden.

77 At sa pangyayaring ang ingat-yaman ay matatagpuang hindi matapat at isang hindi matalinong katiwala, siya ay magiging saklaw ng kapulungan at tinig ng orden, at aalisin sa kanyang kinalalagyan, at magtatalaga ng iba na hahalili sa kanya.

78 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo hinggil sa mga utang ninyo—dinggin, kalooban ko na bayaran ninyo ang lahat ng inyong mga utang.

79 At kalooban ko na magpapakumbaba kayo ng inyong sarili sa aking harapan, at matamo ang pagpapalang ito sa pamamagitan ng inyong pagsusumigasig at pagpapakumbaba at ng panalangin na may pananampalataya.

80 At yamang kayo ay masigasig at mapagpakumbaba, at nananalangin nang may pananampalataya, dinggin, aking palalambutin ang mga puso ng mga yaong inyong pinagkakautangan, hanggang sa magpadala ako sa inyo ng mga kaparaanan para sa inyong kaligtasan.

81 Samakatwid, dali-daling sumulat sa New York at magsulat alinsunod sa yaong ididikta ng aking Espiritu; at palalambutin ko ang mga puso ng mga yaong inyong pinagkakautangan, nang maalis sa kanilang mga isipan na pahirapan kayo.

82 At yamang kayo ay mapagpakumbaba at matatapat at nananawagan sa aking pangalan, dinggin, ibibigay ko sa inyo ang tagumpay.

83 Nagbibigay ako sa inyo ng isang pangako, na kayo ay mapalalaya sa pagkakataong ito mula sa inyong pagkaalipin.

84 Yamang kayo ay nakatatamo ng pagkakataong makautang ng salapi na daan-daan, o libu-libo, maging hanggang sa makautang kayo nang sapat upang mapalaya ang inyong sarili sa pagkaalipin, ito ay inyong pribilehiyo.

85 At ipangako ang mga ari-arian na aking inilalagay sa inyong mga kamay, sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng pagbibigay ng inyong mga pangalan alinsunod sa pagsang-ayon ng lahat o sa iba pang paraan, ayon sa palagay ninyong makabubuti.

86 Aking ibinibigay sa inyo ang pribilehiyong ito, sa pagkakataong ito; at dinggin, kung kayo ay magpapatuloy na gawin ang mga bagay na aking inilalatag sa harapan ninyo, alinsunod sa aking mga kautusan, lahat ng bagay na ito ay akin, at kayo ang aking mga katiwala, at hindi hahayaan ng panginoon na ang kanyang bahay ay manakawan. Maging gayon nga. Amen.