Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 105


Bahagi 105

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Ilog Fishing, Missouri, Hunyo 22, 1834. Sa ilalim ng pamumuno ng Propeta, humayo ang mga Banal mula sa Ohio at sa iba pang lugar patungo sa Missouri sa isang ekspedisyon na nakilala kalaunan bilang Kampo ng Sion. Ang layunin nila ay samahan ang mga pinalayas na Banal sa Missouri pabalik sa kanilang mga lupain sa Jackson County. Ang mga taga-Missouri na umusig sa mga Banal noong una ay natakot sa paghihiganti mula sa Kampo ng Sion at pauna nang nilusob ang ilang Banal na naninirahan sa Clay County, Missouri. Matapos bawiin ng gobernador ng Missouri ang suporta niya sa mga Banal, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na ito.

1–5, Itatayo ang Sion ayon sa selestiyal na batas; 6–13, Ipinagpapaliban nang sandaling panahon ang pagtubos sa Sion; 14–19, Ang Panginoon ang lalaban ng mga digmaan ng Sion; 20–26, Ang mga Banal ay kinakailangang maging matalino at hindi ipagyabang ang mga dakilang gawain habang nagtitipon sila; 27–30, Kinakailangang bilhin ang mga lupa sa Jackson at sa mga kalapit na county; 31–34, Kinakailangang tumanggap ang mga elder ng kaloob sa bahay ng Panginoon sa Kirtland; 35–37, Gagawing banal ang mga Banal na kapwa tinawag at napili; 38–41, Kinakailangan ang mga Banal na magtaas ng sagisag ng kapayapaan sa daigdig.

1 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo na sama-samang nagtipun-tipon ng inyong sarili upang malaman ang aking kalooban hinggil sa pagtubos sa aking mga tao na nagdurusa—

2 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, kung hindi dahil sa mga paglabag ng aking mga tao, nangungusap hinggil sa simbahan at hindi sa bawat isa, maaaring sila ay natubos na maging ngayon.

3 Subalit dinggin, hindi sila natutong maging masunurin sa mga bagay na aking hiningi sa kanilang mga kamay, sa halip ay puspos sila ng lahat ng uri ng kasamaan, at hindi nagbabahagi ng kanilang ari-arian, na nararapat sa mga banal, sa mga maralita at nagdurusa sa kanila;

4 At hindi nagkakaisa ayon sa pagkakaisang hinihingi ng batas ng kahariang selestiyal;

5 At hindi maitatayo ang Sion maliban kung ito ay naaayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal; kung hindi, hindi ko siya matatanggap sa aking sarili.

6 At ang aking mga tao ay talagang kinakailangang parusahan hanggang sa kanilang matutuhan ang pagsunod, kung talagang kinakailangan, sa pamamagitan ng mga bagay na nagpapahirap sa kanila.

7 Hindi ako nangungusap hinggil sa mga yaong itinalagang mamuno sa aking mga tao, na silang mga unang elder ng aking simbahan, sapagkat hindi lahat sila ay napaiilalim sa sumpang ito;

8 Kundi ako ay nangungusap hinggil sa aking mga simbahan sa malalayo—maraming magsasabi: Nasaan ang kanilang Diyos? Dinggin, kanya silang ililigtas sa panahon ng kagipitan, kung hindi, tayo ay hindi tutungo sa Sion, at hindi ibibigay ang ating mga salapi.

9 Samakatwid, bunga ng mga paglabag ng aking mga tao, marapat sa akin na ang aking mga elder ay nararapat maghintay nang sandaling panahon para sa pagtubos sa Sion—

10 Nang sila sa kanilang sarili ay maging handa, at upang higit na ganap na maturuan ang aking mga tao, at magkaroon ng karanasan, at mas ganap na malaman ang hinggil sa kanilang tungkulin, at ang mga bagay na aking hinihingi sa kanilang mga kamay.

11 At hindi ito maisasakatuparan hanggang sa ang aking mga elder ay mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.

12 Sapagkat dinggin, ako ay naghahanda ng isang dakilang kaloob at pagpapala na ibubuhos sa kanila, yamang sila ay matatapat at nagpapatuloy sa pagpapakumbaba sa aking harapan.

13 Samakatwid, marapat sa akin na ang mga elder ko ay nararapat maghintay ng sandaling panahon, para sa pagtubos sa Sion.

14 Sapagkat dinggin, hindi ko hinihingi sa kanilang mga kamay na ipaglaban ang mga digmaan ng Sion; sapagkat tulad ng sinabi ko sa isang naunang kautusan, maging sa gayon ako tutupad—ako ang lalaban sa inyong mga digmaan.

15 Dinggin, ang mangwawasak ay aking isinusugo na wasakin at pinsalain ang mga kaaway ko; at hindi maraming taon mula ngayon, sila ay hindi mananatili upang dumihan ang aking pamana, at lapastanganin ang aking pangalan sa mga lupain na inilalaan ko para sa sama-samang pagtitipun-tipon ng aking mga banal.

16 Dinggin, aking inuutusan ang tagapaglingkod ko na si Joseph Smith, Jun., na sabihin sa lakas ng aking sambahayan, maging sa aking mga mandirigma, sa aking mga kabataang lalaki, at mga nasa katanghaliang-gulang, na sama-samang magtipun-tipon para sa pagtubos sa aking mga tao, at ibagsak ang mga tore ng aking mga kaaway, at ikalat ang kanilang mga tagabantay;

17 Ngunit ang lakas ng aking sambahayan ay hindi nakikinig sa aking mga salita.

18 Ngunit yamang may mga yaong nakikinig sa aking mga salita, ako ay naghanda ng isang pagpapala at isang kaloob para sa kanila, kung patuloy silang magiging matapat.

19 Aking narinig ang kanilang mga panalangin, at tatanggapin ang mga handog nila; at marapat sa akin na nararapat silang akayin dito bilang pagsubok sa kanilang pananampalataya.

20 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, isang kautusan ang ibinibigay ko sa inyo, na kasindami ng paparito, na maaaring manatili sa pook sa paligid, sila ay manatili;

21 At ang mga yaong hindi maaaring manatili, na may mga mag-anak sa silangan, sila ay manatili nang sandaling panahon, yamang itatalaga sila ng aking tagapaglingkod na si Joseph;

22 Sapagkat akin siyang papayuhan hinggil sa bagay na ito, at lahat ng anumang bagay na kanyang itatalaga sa kanila ay matutupad.

23 At ang lahat ng aking tao na naninirahan sa mga pook sa paligid ay maging labis na matapat, at mapanalangin, at mapagpakumbaba sa aking harapan, at huwag ihayag ang mga bagay na aking inihahayag sa kanila, hanggang sa karunungan sa akin na ang mga ito ay ihayag.

24 Huwag mag-usap tungkol sa mga kahatulan, ni magyabang tungkol sa pananampalataya o sa mga dakilang gawain, sa halip, maingat na sama-samang magtipun-tipon, yamang maaari sa isang pook, naaayon sa damdamin ng mga tao;

25 At dinggin, ibibigay ko sa inyo ang pagsang-ayon at biyaya sa kanilang mga mata, nang kayo ay makapanahan sa kapayapaan at kaligtasan, habang inyong sinasabi sa mga tao: Maggawad ng kahatulan at katarungan para sa amin alinsunod sa batas, at bayaran kami sa mga napinsala sa amin.

26 Ngayon, dinggin, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, sa ganitong pamamaraan kayo makahahanap ng pagsang-ayon sa mga mata ng mga tao, hanggang sa maging napakalaki ng hukbo ni Israel.

27 At aking palalambutin ang mga puso ng mga tao, tulad ng aking ginawa sa puso ni Faraon, sa pana-panahon, hanggang sa ang aking tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at ang mga elder ko, na aking itinatalaga, ay magkaroon ng panahong tipunin ang lakas ng aking sambahayan,

28 At makapagpadala ng matatalinong tao, na magsasakatuparan sa yaong aking ipinag-uutos hinggil sa pagbili ng lahat ng lupain sa Jackson county na maaaring bilhin, at sa mga katabing county sa paligid.

29 Sapagkat kalooban ko na ang mga lupaing ito ay nararapat bilhin; at matapos silang bilhin, nararapat angkinin ang mga ito ng aking mga banal alinsunod sa mga batas ng paglalaan na aking ibinibigay.

30 At matapos bilhin ang mga lupaing ito, aking ipapawalang-sala ang mga hukbo ni Israel sa pag-angkin ng kanilang sariling mga lupain, na kanilang binili noong una gamit ang kanilang mga salapi, at sa pagpapabagsak ng mga tore ng aking mga kaaway na maaaring naroroon sa kanila, at pagkakalat ng kanilang mga bantay, at paghihiganti para sa akin sa mga kaaway ko hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi sa kanila na napopoot sa akin.

31 Subalit una, labis na palakihin muna ang aking hukbo, at gawin itong banal sa harapan ko, nang ito ay maging kasingningning ng araw, at kasinliwanag ng buwan, at nang maging kakila-kilabot ang kanyang mga bandila sa lahat ng bansa;

32 Nang ang mga kaharian ng daigdig na ito ay mapilitang kilalanin na ang kaharian ng Sion ang tunay ngang kaharian ng ating Diyos at ng kanyang Cristo; kaya nga, magpasailalim tayo sa kanyang mga batas.

33 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, marapat sa akin na ang mga unang elder ng aking simbahan ay nararapat tumanggap ng kanilang kaloob mula sa kaitaasan sa aking bahay, na aking iniuutos na itayo sa aking pangalan sa lupain ng Kirtland.

34 At ang mga yaong kautusan na aking ibinibigay hinggil sa Sion at sa kanyang batas ay isagawa at tupdin, matapos ang kanyang pagtubos.

35 Nagkaroon ng araw ng pagtawag, subalit dumating na ang araw ng pagpili; at piliin ang mga yaong karapat-dapat.

36 At ihahayag ito sa aking tagapaglingkod, ng tinig ng Espiritu, sa mga yaong napili; at sila ay gagawing banal;

37 At yamang kanilang sinusunod ang payo na kanilang tinatanggap, sila ay magkakaroon ng kapangyarihan matapos ang maraming araw na gawin ang lahat ng bagay na nauukol sa Sion.

38 At muli, sinasabi ko sa inyo, maghangad ng kapayapaan, hindi lamang sa mga tao na bumabagabag sa inyo, kundi gayundin sa lahat ng tao;

39 At magtaas ng isang sagisag ng kapayapaan, at gumawa ng pagpapahayag ng kapayapaan hanggang sa mga dulo ng mundo;

40 At humiling ng kapayapaan sa mga yaong bumabagabag sa inyo, alinsunod sa tinig ng Espiritu na nasa inyo, at lahat ng bagay ay maaayos para sa ikabubuti ninyo.

41 Anupa’t maging matapat; at dinggin, at makinig, ako ay kasama ninyo maging hanggang sa wakas. Maging gayon nga. Amen.