Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 106


Bahagi 106

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Nobyembre 25, 1834. Patungkol ang paghahayag na ito kay Warren A. Cowdery, isang nakatatandang kapatid ni Oliver Cowdery.

1–3, Tinatawag si Warren A. Cowdery bilang isang namumunong pinunong panlokal; 4–5, Hindi gugulatin ng Ikalawang Pagparito ang mga anak ng liwanag na tulad ng isang magnanakaw; 6–8, Mga dakilang pagpapala ang susunod sa matapat na paglilingkod sa Simbahan.

1 Kalooban ko na ang aking tagapaglingkod na si Warren A. Cowdery ay nararapat italaga at iorden na namumunong mataas na saserdote sa aking simbahan sa lupain ng Freedom at sa mga lugar sa paligid;

2 At nararapat ipangaral ang aking walang hanggang ebanghelyo, at itaas ang kanyang tinig at balaan ang mga tao, hindi lamang sa kanyang sariling lugar, subalit gayundin sa mga katabing county;

3 At iukol ang kanyang buong panahon sa mataas at banal na tungkuling ito, na itinatalaga ko ngayon sa kanya, hinahanap nang masigasig ang kaharian ng langit at ang katwiran nito, at idaragdag dito ang lahat ng bagay na kinakailangan; sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.

4 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang pagparito ng Panginoon ay malapit na, at gugulatin nito ang sangkatauhan tulad ng isang magnanakaw sa gabi—

5 Samakatwid, bigkisan ang inyong mga balakang, nang kayo ay maging mga anak ng liwanag, at nang hindi kayo gulatin ng araw na yaon na tulad ng isang magnanakaw.

6 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa langit nang yumukod sa aking setro ang aking tagapaglingkod na si Warren, at inihiwalay ang kanyang sarili sa mga katusuhan ng mga tao;

7 Samakatwid, pinagpala ang aking tagapaglingkod na si Warren, sapagkat ako ay magkakaroon ng awa sa kanya; at, sa kabila ng kapalaluan ng kanyang puso, dadakilain ko siya yamang siya ay magpapakumbaba ng kanyang sarili sa aking harapan.

8 At akin siyang bibigyan ng biyaya at katiyakan upang makatindig siya; at kung siya ay magpapatuloy na maging matapat na saksi at isang ilaw sa simbahan, naghahanda ako ng isang putong para sa kanya sa mga mansiyon ng aking Ama. Maging gayon nga. Amen.