Bahagi 108
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Disyembre 26, 1835. Natanggap ang bahaging ito dahil sa kahilingan ni Lyman Sherman, na siyang naunang inordeng pitumpu at na siyang lumapit sa Propeta na may kahilingang tumanggap ng isang paghahayag na ipinapaalam ang kanyang tungkulin.
1–3, Pinatawad si Lyman Sherman sa kanyang mga kasalanan; 4–5, Ibibilang siya sa mga namumunong elder ng Simbahan; 6–8, Tinatawag siya na ipangaral ang ebanghelyo at palakasin ang kanyang mga kapatid.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Lyman: Ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, sapagkat iyong sinunod ang aking tinig na pumarito ngayong umaga upang tumanggap ng payo sa kanya na aking itinalaga.
2 Samakatwid, payapain ang iyong kaluluwa hinggil sa iyong espirituwal na katayuan, at huwag nang labanan pa ang aking tinig.
3 At bumangon at maging higit na maingat mula ngayon sa pagtupad sa iyong mga panata, na iyong ginawa at ginagawa, at pagpapalain ka ng mga napakadakilang pagpapala.
4 Matiyagang maghintay hanggang sa ipatawag ng aking mga tagapaglingkod ang kapita-pitagang kapulungan, pagkatapos, ikaw ay aalalahanin na kabilang sa aking mga unang elder, at tatanggap ng karapatan sa pamamagitan ng ordinasyon kasama ng aking iba pang mga elder na pinili ko.
5 Dinggin, ito ang pangako ng Ama sa iyo kung patuloy kang magiging matapat.
6 At matutupad ito sa iyo sa araw na yaon na ikaw ay magkakaroon ng karapatang ipangaral ang aking ebanghelyo kung saanman kita isusugo, mula sa mga oras na yaon.
7 Samakatwid, palakasin ang iyong mga kapatid sa lahat ng iyong pakikipag-usap, sa lahat ng iyong panalangin, sa lahat ng iyong panghihimok, at sa lahat ng iyong ginagawa.
8 At dinggin, at makinig, ako ay kasama mo upang pagpalain ka at iligtas ka magpakailanman. Amen.