Bahagi 109
Panalanging inihandog sa paglalaan ng templo sa Kirtland, Ohio, Marso 27, 1836. Ayon sa isinulat na paglalahad ng Propeta, ibinigay sa kanya ang panalanging ito sa pamamagitan ng paghahayag.
1–5, Itinayo ang Templo ng Kirtland bilang isang lugar na dadalawin ng Anak ng Tao; 6–21, Ito ay nararapat na maging isang bahay ng panalangin, pag-aayuno, pananampalataya, pagkatuto, kaluwalhatian, at kaayusan, at isang bahay ng Diyos; 22–33, Nawa ay matulig ang mga hindi nagsisisi na sumasalungat sa mga tao ng Panginoon; 34–42, Nawa ay humayo sa kapangyarihan ang mga Banal upang tipunin ang mga matwid sa Sion; 43–53, Nawa ay mailigtas ang mga Banal mula sa mga kakila-kilabot na bagay na ibubuhos sa masasama sa mga huling araw; 54–58, Nawa ay maging handa ang mga bansa at tao at simbahan para sa ebanghelyo; 59–67, Nawa ay matubos ang mga Judio, ang mga Lamanita, at buong Israel; 68–80, Nawa ay maputungan ang mga Banal ng kaluwalhatian at karangalan at matamo ang walang hanggang kaligtasan.
1 Salamat po sa inyong pangalan, O Panginoong Diyos ni Israel, na siyang tumutupad sa tipan at nagpapakita ng awa sa inyo pong mga tagapaglingkod na lumalakad nang matwid sa harapan ninyo, nang buo nilang puso—
2 Kayo po na siyang nag-uutos sa inyong mga tagapaglingkod na magtayo ng isang bahay sa inyong pangalan sa pook na ito [Kirtland].
3 At ngayon, inyo pong namamasdan, O Panginoon, na ang inyong mga tagapaglingkod ay gumawa alinsunod sa inyong kautusan.
4 At ngayon, hinihiling po namin sa inyo, Banal na Ama, sa pangalan ni Jesucristo, ang Anak ng inyong kandungan, sa kung kaninong pangalan lamang maigagawad ang kaligtasan sa mga anak ng tao, aming hinihiling po sa inyo, O Panginoon, na tanggapin ang bahay na ito, ang likha ng mga kamay namin, na inyong mga tagapaglingkod, na inyong ipinag-utos na aming itayo.
5 Sapagkat inyo pong nalalaman na aming ginawa ang gawaing ito nang may labis na paghihirap; at sa aming pagkamaralita ay nagbigay kami ng aming ari-arian upang magtayo ng isang bahay sa inyong pangalan, upang ang Anak ng Tao ay magkaroon ng lugar na maipakita ang kanyang sarili sa mga tao niya.
6 At tulad po ng sinasabi ninyo sa isang paghahayag, na ibinigay sa amin, tinatawag kaming inyong mga kaibigan, sinasabing—Tawagin ang inyong kapita-pitagang kapulungan, tulad ng aking ipinag-uutos sa inyo.
7 At sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya, masigasig na maghangad at magturo sa isa’t isa ng mga salita ng karunungan; oo, magsaliksik kayo sa pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan, maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya.
8 Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay, at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos;
9 Nang ang inyong mga pagpasok ay maging sa pangalan ng Panginoon, nang ang inyong mga paglabas ay maging sa pangalan ng Panginoon, upang ang lahat ng inyong mga pagbati ay maging sa pangalan ng Panginoon, nang nakataas ang mga kamay sa Kataas-taasan—
10 At ngayon, Banal na Ama, hinihiling po namin sa inyo na tulungan kami, na inyong mga tao, sa pamamagitan ng inyong biyaya, sa pagtawag ng aming kapita-pitagang kapulungan, nang ito po ay maisagawa para sa inyong karangalan at sa inyong banal na pagtanggap;
11 At sa isang pamamaraang kami ay matagpuang karapat-dapat, sa inyo pong paningin, na matamo ang katuparan ng mga pangako na ginagawa po ninyo sa amin, na inyong mga tao, sa mga paghahayag na ibinigay sa amin;
12 Nang ang inyo pong kaluwalhatian ay makapanatili sa mga tao ninyo, at dito sa inyong bahay, na amin ngayong inilalaan sa inyo, nang ito ay maging banal at maitalagang banal, at upang ang inyong banal na kaluwalhatian ay mapasa bahay na ito sa tuwina;
13 At upang ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan, at mapilitang kilalanin na ginawa ninyo itong banal, at na bahay ninyo ito, isang pook na taglay ang inyong kabanalan.
14 At inyo pong ipahintulot, Banal na Ama, na ang lahat ng yaong sasamba sa bahay na ito ay maturuan ng mga salita ng karunungan mula sa pinakamabubuting aklat, at na sila ay maghangad na matuto maging sa pamamagitan ng pag-aaral, at gayundin sa pamamagitan ng pananampalataya, tulad po ng sinasabi ninyo;
15 At na sila po ay lumago sa inyo, at matanggap ang kaganapan ng Espiritu Santo, at maisaayos alinsunod sa inyong mga batas, at maging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay;
16 At na ang bahay pong ito ay maging isang bahay ng panalangin, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng kaluwalhatian at ng Diyos, maging inyong bahay;
17 Nang ang lahat ng pagpasok ng inyong mga tao, sa bahay po na ito, ay maging sa pangalan ng Panginoon;
18 Nang ang lahat ng kanilang mga paglabas mula sa bahay po na ito ay maging sa pangalan ng Panginoon;
19 At nang ang lahat ng kanilang pagbati ay maging sa pangalan po ng Panginoon, nang may mga banal na kamay, na nakataas sa Kataas-taasan;
20 At nang wala pong maruming bagay ang papayagang pumasok sa inyong bahay upang dumihan ito;
21 At kapag ang inyo pong mga tao ay lumalabag, sinuman sa kanila, mabilis silang makapagsisisi at makababalik sa inyo, at kakasihan sa inyong paningin, at maipapanumbalik sa mga pagpapalang inyo pong inoordeng ibubuhos sa mga yaong nagbibigay-galang sa inyo sa bahay ninyo.
22 At hinihiling po namin sa inyo, Banal na Ama, na ang mga tagapaglingkod ninyo ay makahayo mula sa bahay na ito nang nasasandatahan ng inyong kapangyarihan, at na mapasakanila ang inyong pangalan, at mapalibutan sila ng inyong kaluwalhatian, at ang mga anghel ninyo ang mangangalaga sa kanila;
23 At mula sa lugar na ito ay kanilang madala ang labis na dakila at maluwalhating balita, sa katotohanan, hanggang sa mga dulo ng mundo, na malaman po nila na ito ay inyong gawain, at na ikinikilos ninyo ang inyong kamay, upang tuparin ang inyong sinasabi sa pamamagitan ng mga bibig ng mga propeta, hinggil sa mga huling araw.
24 Hinihiling po namin sa inyo, Banal na Ama, na patibayin ang mga taong sasamba, at marangal na magtataglay ng pangalan at katayuan dito sa inyong bahay, sa lahat ng salinlahi at sa kawalang hanggan;
25 Nang walang sandatang ginawa laban sa kanila ang magtatagumpay; na siyang naghuhukay ng hukay para sa kanila ang siya ring mahuhulog dito;
26 Nang walang pagsasabuwatan ng kasamaan ang magkaroon ng kakayahang bumangon at magwagi sa inyo pong mga tao na kung kanino mapapasakanila ang inyong pangalan sa bahay na ito;
27 At kung may mga tao mang pong babangon laban sa mga taong ito, na ang inyong galit ay magniningas laban sa kanila;
28 At kung kanila pong sasaktan ang mga taong ito ay inyo silang saktan; makikipaglaban kayo para sa inyong mga tao tulad ng ginawa ninyo sa araw ng digmaan, nang sila ay po maligtas mula sa mga kamay ng lahat ng kanilang mga kaaway.
29 Amin pong hinihiling, Banal na Ama, na tuligin, at pagtakahin, at ipahiya at lituhin, ang lahat ng yaong nagkakalat ng mga hindi totoong ulat sa ibayo, sa daigdig, laban sa inyong tagapaglingkod o mga tagapaglingkod, kung sila ay hindi magsisisi, kapag ipahahayag ang walang katapusang ebanghelyo sa kanilang mga tainga;
30 At na mapawalang-saysay po ang lahat ng kanilang mga gawain, at mawasak ng nagyelong ulan, at ng mga paghahatol na inyong ipadadala sa kanila sa inyong galit, upang magkaroon ng wakas ang mga kasinungalingan at paninirang-puri laban sa inyong mga tao.
31 Sapagkat inyo pong nalalaman, O Panginoon, na ang inyong mga tagapaglingkod ay walang kasalanan sa harapan ninyo sa pagpapatotoo sa inyong pangalan, dahil dito ay tiniis nila ang mga bagay na ito.
32 Samakatwid, kami po ay nagsusumamo sa harapan ninyo para sa isang ganap at lubos na kaligtasan mula sa ilalim ng pamatok na ito;
33 Baliin po ito, O Panginoon; baliin ito mula sa leeg ng inyong mga tagapaglingkod, sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, nang kami ay makabangon sa gitna ng salinlahing ito at magawa ang inyong gawain.
34 O Jehova, maawa po sa mga taong ito, at sapagkat ang lahat ng tao ay nagkakasala, patawarin ang mga paglabag ng inyong mga tao, at burahin ang mga yaon magpakailanman.
35 Tatakan po ang pagkakahirang ng inyong mga mangangaral nang may kapangyarihan mula sa kaitaasan.
36 Tuparin po ito sa kanila, tulad sa mga yaon noong araw ng Pentecostes; ibuhos po ang kaloob na mga wika sa inyong mga tao, maging mga tila dilang apoy na nahahati, at ang pagbibigay-kahulugan sa mga ito.
37 At puspusin po ang inyong bahay, tulad ng humahagibis na hanging malakas, ng inyong kaluwalhatian.
38 Ipagkaloob po sa inyong mga tagapaglingkod ang patotoo ng tipan, upang kapag sila ay hahayo at magpapahayag ng inyong salita, maaari nilang tatakan ang batas, at ihanda po ang mga puso ng inyong mga banal para sa lahat ng yaong mga paghahatol na ipadadala na ninyo, sa inyong poot, sa mga naninirahan sa mundo, dahil sa kanilang mga paglabag, nang hindi manghina ang inyong mga tao sa araw ng suliranin.
39 At saanmang lungsod papasok ang inyong mga tagapaglingkod, at tatanggapin ng mga tao sa lungsod na yaon ang kanilang patotoo, mapasalungsod na yaon po ang inyong kapayapaan at ang inyong kaligtasan; upang kanilang matipon mula sa lungsod na yaon ang mga matwid, nang sila ay makahayo patungo sa Sion, o sa kanyang mga istaka, ang mga lugar na inyong itinatakda, nang may mga awit ng walang hanggang kagalakan;
40 At hanggang sa matupad ito, huwag po sanang mapasalungsod na yaon ang inyong mga paghahatol.
41 At saanmang lungsod papasok ang inyong mga tagapaglingkod, at hindi tatanggapin ng mga tao ng lungsod na yaon ang patotoo ng inyong mga tagapaglingkod, at sila ay binabalaan ng inyong mga tagapaglingkod na iligtas ang kanilang sarili mula sa suwail na salinlahing ito, mapasalungsod po na yaon ang naalinsunod sa yaong sinasabi ninyo sa pamamagitan ng mga bibig ng inyong mga propeta.
42 Subalit iligtas po ninyo, O Jehova, kami ay nagsusumamo sa inyo, ang mga tagapaglingkod ninyo mula sa kanilang mga kamay, at linisin po sila mula sa kanilang dugo.
43 O Panginoon, kami po ay hindi nalulugod sa kapahamakan ng aming kapwa-tao; mahalaga ang kanilang mga kaluluwa sa harapan ninyo;
44 Subalit ang inyo pong salita ay kinakailangang matupad. Tulungan po ang inyong mga tagapaglingkod na sabihin, lakip ang biyaya ninyong tumutulong sa kanila: Ang inyo pong kalooban ang masusunod, O Panginoon, at hindi ang sa amin.
45 Alam po namin na kayo ay nangungusap sa pamamagitan ng bibig ng inyong mga propeta ng mga kakila-kilabot na bagay hinggil sa masasama, sa mga huling araw—na inyo pong ibubuhos ang mga paghahatol ninyo, nang walang sukat;
46 Samakatwid, O Panginoon, iligtas po ang inyong mga tao mula sa kapahamakan ng masasama; bigyan po ng kakayahan ang inyong mga tagapaglingkod na tatakan ang batas, at ingatan ang patotoo, nang sila ay maging handa para sa araw ng pagsusunog.
47 Hinihiling po namin sa inyo, Banal na Ama, na alalahanin ang mga yaong itinaboy ng mga naninirahan sa Jackson county, Missouri, mula sa mga lupain na kanilang mana, at baliin po, O Panginoon, ang pamatok ng pagdurusa na ipinatong sa kanila.
48 Alam po ninyo, O Panginoon, na sila ay labis na inapi at pinahirapan ng masasamang tao; at nag-uumapaw sa kapighatian ang aming mga puso dahil sa kanilang mabibigat na pasanin.
49 O Panginoon, gaano po ninyo katagal pahihintulutan ang mga taong ito na pasanin ang paghihirap na ito, at ang mga pagsusumamo ng kanilang mga musmos na walang malay na pumailanglang sa inyong mga tainga, at ang kanilang dugo na pumailanglang bilang patotoo sa harapan ninyo, at hindi magpakita ng inyong patotoo para sa kanilang kapakanan?
50 Maawa po, O Panginoon, sa masasamang manggugulo, na nagtaboy sa inyong mga tao, upang sila ay matigil sa pagnanakaw, nang magsisi sila sa kanilang mga kasalanan kung matatagpuan nila ang pagsisisi;
51 Subalit kung hindi, ipakita po ang inyong bisig, O Panginoon, at tubusin ang yaong inyong itinakdang Sion sa mga tao ninyo.
52 At kung hindi maaari ang ganoon, nang hindi mabigo ang layunin ng inyong mga tao sa harapan ninyo, magsiklab nawa ang inyong galit, at mapasakanila po ang pagkapoot ninyo, nang sila ay mawasak, kapwa ang ugat at sanga, sa ilalim ng langit;
53 Subalit yamang magsisisi sila, kayo po ay mapagbiyaya at maawain, at inyong aalisin ang poot ninyo kapag kayo ay tumitingin sa mukha ng inyong Hinirang.
54 Maawa po, O Panginoon, sa lahat ng bansa sa mundo; maawa po sa mga namumuno sa aming lupain; ang mga alituntunin na yaon, na marangal at dakilang ipinagtanggol ng aming mga ama, ang Saligang-batas ng aming lupain, ay maitatag nawa magpakailanman.
55 Alalahanin po ang mga hari, ang mga prinsipe, ang mga maharlika, at ang mga dakilang tao sa mundo, at ang lahat ng tao, at ang mga simbahan, lahat ng maralita, ang mga nangangailangan, at mga naghihirap sa mundo;
56 Nang ang kanilang puso ay mapalambot kapag humayo ang inyong mga tagapaglingkod mula sa bahay ninyo, O Jehova, magpatotoo sa ang inyong pangalan; nang ang kanilang masasamang palagay ay magbigay-raan sa katotohanan, at makasihan ang inyong mga tao sa paningin ng lahat;
57 Nang malaman po ng lahat ng dulo ng mundo na kami, ang inyong mga tagapaglingkod, ay naririnig ang inyong tinig, at na isinugo ninyo kami;
58 Nang mula sa lahat ng ito, ang inyong mga tagapaglingkod, ang mga anak na lalaki ni Jacob, ay matipon po ang mga matwid upang magtayo ng isang banal na lungsod sa inyong pangalan, tulad ng ipinag-uutos ninyo sa kanila.
59 Hinihiling po namin sa inyo na magtakda sa Sion ng iba pang mga istaka bukod sa isang ito na inyong itinatakda, upang magpatuloy ang pagtitipon ng inyong mga tao nang may dakilang kalakasan at kamahalan, nang ang inyong gawain ay mapaikli sa katwiran.
60 Ngayon, ang mga salitang ito, O Panginoon, ay amin pong sinasabi sa harapan ninyo, hinggil sa mga paghahayag at kautusan na inyong ibinibigay sa amin, na ibinibilang sa mga Gentil.
61 Subalit inyo pong nalalaman na kayo ay may malaking pagmamahal para sa mga anak ni Jacob, na nakalat sa mga bundok sa loob ng mahabang panahon, sa isang maulap at madilim na araw.
62 Kami, samakatwid, ay humihiling po sa inyo na maawa sa mga anak ni Jacob, na ang Jerusalem, mula sa oras na ito, ay magsimulang matubos;
63 At ang pamatok ng pagkaalipin ay magsimulang mabali mula sa sambahayan ni David;
64 At ang mga anak ni Juda ay magsimulang bumalik sa mga lupain na inyong ibinigay kay Abraham, na kanilang ama.
65 At papangyarihin na ang mga labi ni Jacob, na mga isinumpa at pinahirapan dahil sa kanilang mga paglabag, ay magbalik-loob mula sa kanilang mabangis at mabagsik na kalagayan tungo sa kabuuan ng walang katapusang ebanghelyo;
66 Nang kanila pong maibaba ang mga sandata nila ng pagpapadanak ng dugo, at tumigil sa kanilang mga paghihimagsik.
67 At ang lahat nawa ng nakalat na mga labi ni Israel, na itinaboy sa mga dulo ng mundo, ay dumating po sa kaalaman ng katotohanan, maniwala sa Mesiyas, at matubos mula sa pang-aapi, at magsaya sa harapan ninyo.
68 O Panginoon, alalahanin po ang inyong tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at ang lahat ng kanyang mga paghihirap at pag-uusig—kung paano siya nakikipagtipan kay Jehova, at nangangako sa inyo, O Makapangyarihang Diyos ni Jacob—at ang mga kautusan na inyo pong ibinibigay sa kanya, at na kanyang matapat na pinagsisikapang gawin ang inyong kalooban.
69 Maawa po, O Panginoon, sa kanyang asawa at mga anak, nang sila ay madakila sa inyong kinaroroonan, at mapangalagaan ng inyong mapag-alagang kamay.
70 Maawa po sa lahat ng kanilang pinakamalalapit na kamag-anak, upang ang kanilang masasamang palagay ay mawala at matangay na tulad sa isang baha; upang sila ay magbalik-loob at matubos kasama ng Israel, at malaman na kayo ang Diyos.
71 Alalahanin po, O Panginoon, ang mga pangulo, maging ang lahat ng pangulo ng inyong simbahan, na dakilain po sila ng inyong kanang kamay, kasama ang lahat ng kanilang mag-anak, at lahat ng kanilang pinakamalalapit na kamag-anak, upang ang kanilang mga pangalan ay mapanatili at walang katapusang maalala sa bawat sali’t salinlahi.
72 Alalahanin po ang inyong buong simbahan, O Panginoon, kasama ang lahat ng kanilang mga mag-anak, at lahat ng kanilang pinakamalalapit na kamag-anak, kasama ang lahat ng kanilang maysakit at nagdurusa, kasama ang lahat ng maralita at maaamo ng mundo; upang ang kaharian, na inyong itinatag, hindi ng mga kamay, ay maging isang malaking bundok at mapuno ang buong mundo;
73 Nang ang inyo pong simbahan ay maipakilala mula sa ilang ng kadiliman, at magliwanag na kasingningning ng buwan, kasinliwanag ng araw, at kakila-kilabot tulad ng isang hukbong may mga bandila;
74 At maganyakan po na tulad ng isang ikakasal na babae para sa yaong araw na inyong ilalantad ang kalangitan, at papangyarihing gumuho ang kabundukan sa inyong harapan, at mapataas ang mga lambak, at mapatag ang mga baku-bakong lugar; nang mapuspos po ng inyong kaluwalhatian ang mundo;
75 Nang sa gayon, kapag tumunog ang trumpeta para sa mga patay, kami po ay papaitaas sa ulap upang salubungin kayo, upang mapasa Panginoon kami magpakailanman;
76 Nang maging dalisay po ang mga kasuotan namin, upang kami ay mabihisan ng mga báta ng katwiran, na may mga palaspas sa aming mga kamay, at mga putong ng kaluwalhatian sa aming mga ulo, at umani ng walang hanggang kagalakan para sa lahat ng aming mga pagdurusa.
77 O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, pakinggan po kami sa aming mga kahilingang ito, at sagutin kami mula sa langit, na inyong banal na tirahan, kung saan kayo nakaluklok sa trono, nang may kaluwalhatian, karangalan, kapangyarihan, kamahalan, lakas, pamamahala, katotohanan, katarungan, paghuhukom, awa, at sukdulang kaganapan, mula sa walang katapusan hanggang sa walang katapusan.
78 O pakinggan, O pakinggan, O pakinggan kami, O Panginoon! At sagutin po ang mga kahilingang ito, at tanggapin ang paglalaan ng bahay na ito para sa inyo, ang gawa ng aming mga kamay, na itinayo namin sa inyong pangalan;
79 At gayundin po ang simbahang ito, na ilagay rito ang inyong pangalan. At tulungan po kami sa pamamagitan ng kapangyarihan ng inyong Espiritu, upang aming maisama ang mga tinig namin sa mga yaong maliliwanag at nagniningning na mga serapin sa paligid ng inyong luklukan, nang may pagpupuri, umaawit ng Hosanna sa Diyos at sa Kordero!
80 At papangyarihin na ang mga ito, ang inyong mga hinirang, ay mabihisan ng kaligtasan, at sumigaw nang malakas ang inyong mga banal sa kagalakan. Amen, at Amen.