Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 10


Bahagi 10

Paghahayag na ibinigay kay Joseph Smith, ang Propeta, sa Harmony, Pennsylvania, marahil noong mga Abril 1829, bagama’t maaaring natanggap ang mga bahagi simula pa noong tag-araw ng 1828. Ipinaalam dito ng Panginoon kay Joseph ang mga pagbabagong ginawa ng masasamang tao sa 116 na pahina ng manuskrito mula sa pagsasalin ng aklat ni Lehi sa Aklat ni Mormon. Nawala ang mga pahina ng manuskritong ito sa pag-iingat ni Martin Harris, na kung kanino pansamantalang ipinagkatiwala ang mga pahina. (Tingnan sa ulo ng bahagi 3.) Ang masamang balak ay hintayin ang inaasahang pagsasaling muli ng mga bagay na nilalaman ng mga ninakaw na pahina at pagkatapos, siraan ang nagsalin sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga pagkakaiba na nalikha ng ginawang mga pagbabago. Na ang masamang layuning ito ay naisip ng yaong masama at nalalaman ng Panginoon maging habang ginagawa ni Mormon, ang sinaunang mananalaysay na Nephita, ang kanyang pagpapaikli sa mga natipong lamina, ay ipinakita sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:3–7).

1–26, Inuudyukan ni Satanas ang masasamang tao na salungatin ang gawain ng Panginoon; 27–33, Hinahangad niyang wasakin ang mga kaluluwa ng mga tao; 34–52, Makararating ang ebanghelyo sa mga Lamanita at sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon; 53–63, Itatatag ng Panginoon ang Kanyang Simbahan at Kanyang ebanghelyo sa mga tao; 64–70, Kanyang titipunin ang mga nagsisisi sa Kanyang Simbahan at ililigtas ang mga masunurin.

1 Ngayon, dinggin, sinasabi ko sa iyo, sapagkat ibinigay mo ang mga yaong kasulatan na pinagkalooban ka ng kapangyarihang maisalin sa pamamagitan ng Urim at Tummim sa mga kamay ng isang masamang tao, naiwala mo ang mga yaon.

2 At iyo ring naiwala ang kaloob mo sa panahon ding yaon, at ang iyong isipan ay naging madilim.

3 Gayunman, ito ngayon ay ipinanunumbalik na muli sa iyo; kaya nga tiyaking ikaw ay matapat at magpapatuloy sa pagtapos sa mga nalalabing gawain ng pagsasalin tulad ng iyong sinimulan.

4 Huwag kang tumakbo nang mas mabilis o gumawa nang labis kaysa sa iyong lakas at kakayahan na inilaan na makapagsalin ka; sa halip, maging masigasig hanggang sa katapusan.

5 Manalangin sa tuwina, nang magtagumpay ka; oo, nang malupig mo si Satanas, at nang iyong matakasan ang mga kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na nagtataguyod sa kanyang gawain.

6 Dinggin, kanilang hinangad na ikaw ay sirain; oo, maging ang taong iyong pinagkatiwalaan ay naghangad na sirain ka.

7 At sa kadahilanang ito ko sinasabi na siya ay isang masamang tao, sapagkat kanyang hinangad na kunin ang mga bagay na aking ipinagkatiwala sa iyo; at kanya ring hinangad na wasakin ang iyong kaloob.

8 At sapagkat ibinigay mo ang mga kasulatan sa kanyang mga kamay, dinggin, kinuha ito ng masasamang tao mula sa iyo.

9 Samakatwid, ibinigay mo ang mga yaon, oo, ang yaong banal, sa kasamaan.

10 At, dinggin, inilagay ni Satanas sa kanilang mga puso na baguhin ang mga salita na iyong ipinasulat, o ang yaong iyong naisalin, na nawala sa iyong mga kamay.

11 At dinggin, sinasabi ko sa iyo, na dahil binago nila ang mga salita, mababasang salungat ang mga ito mula sa iyong isinalin at ipinasulat;

12 At, sa paraang ito, ang diyablo ay naghangad na maghanda ng isang tusong balak, upang kanyang mawasak ang gawaing ito;

13 Sapagkat kanyang inilagay sa kanilang mga puso na gawin ito, na sa pamamagitan ng pagsisinungaling, kanilang masabing ikaw ay kanilang nahuli sa mga salita na iyong ipinagkunwaring isinalin.

14 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na hindi ko pahihintulutang maisakatuparan ni Satanas ang kanyang masamang layunin sa bagay na ito.

15 Sapagkat dinggin, kanyang inilagay ito sa kanilang mga puso upang maudyukan kang tuksuhin ang Panginoon mong Diyos, sa paghiling na isalin itong muli.

16 At pagkatapos, dinggin, kanilang sasabihin at iisipin sa kanilang mga puso—Ating titingnan kung binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihang makapagsalin; kung gayon nga, kanya siyang bibigyang muli ng kapangyarihan;

17 At kung bibigyan siyang muli ng Diyos ng kapangyarihan, o kung siya ay magsaling muli, o, sa ibang mga salita, kung ilalabas niya ang gayunding mga salita, dinggin, nasa atin ang katulad nito, at atin nang nabago ang mga yaon;

18 Samakatwid, hindi magtutugma ang mga yaon, at ating sasabihin na siya ay nagsinungaling sa kanyang mga salita, at na wala siyang kaloob, at na wala siyang kapangyarihan;

19 Samakatwid, atin siyang masisira, at gayundin ang gawain; at ating gagawin ito nang hindi tayo mapahiya sa huli, at nang makuha natin ang papuri ng sanlibutan.

20 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, si Satanas ay may matibay na pagkakahawak sa kanilang mga puso; inuudyok niya silang gumawa ng kasamaan laban sa yaong mabuti;

21 At ang kanilang mga puso ay tiwali, at puno ng kasamaan at karumal-dumal na gawain; at kanilang iniibig ang kadiliman kaysa sa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama; kaya nga hindi sila hihingi sa akin.

22 Inuudyok sila ni Satanas, upang kanyang madala ang kanilang mga kaluluwa tungo sa pagkawasak.

23 At sa gayon siya naghanda ng isang tusong balak, iniisip na wasakin ang gawain ng Diyos; subalit aking ipasasagot ito sa kanilang mga kamay, at ito ay magdudulot sa kanila ng kahihiyan at kahatulan sa araw ng paghuhukom.

24 Oo, kanyang inudyukan ang kanilang mga puso na magalit laban sa gawaing ito.

25 Oo, sinabi niya sa kanila: Manlinlang at mag-abang upang makahuli, upang kayo ay makasira; dinggin, hindi ito masama. At sa gayon niya sila pinaiikot, at sinasabi sa kanila na hindi kasalanan ang magsinungaling upang masabi nilang nagsisinungaling ang isang tao, upang kanilang masira siya.

26 At sa gayon niya sila pinaiikot, at inaakay sila hanggang kanyang mahila ang kanilang mga kaluluwa pababa sa impiyerno; at sa gayon niya pinapangyaring mahuli sila sa kanilang sariling patibong.

27 At sa gayon siya pumapanhik-panaog, paroon at parito sa mundo, naghahangad na mawasak ang mga kaluluwa ng tao.

28 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, sa aba niya na nagsisinungaling upang manlinlang sapagkat inaakala niya na may iba pang nagsisinungaling upang manlinlang, sapagkat ang mga gayon ay hindi ligtas mula sa katarungan ng Diyos.

29 Ngayon, dinggin, kanilang binago ang mga salitang ito, sapagkat sinabi ni Satanas sa kanila: Kanya kayong nilinlang—at sa gayon niya sila naloko upang gumawa ng kasamaan, upang maudyukan kang tuksuhin ang Panginoon mong Diyos.

30 Dinggin, sinasabi ko sa iyo, huwag mo nang isaling muli ang mga yaong salitang nawala sa iyong mga kamay;

31 Sapagkat dinggin, hindi nila maisasakatuparan ang kanilang masasamang layunin sa pagsisinungaling laban sa mga salitang yaon. Sapagkat dinggin, kung iyong ilalabas ang mga gayunding salita, kanilang sasabihing ikaw ay nagsinungaling at na ikaw ay nagpanggap na nakapagsalin, subalit sinalungat mo ang iyong sarili.

32 At, dinggin, kanilang ilalathala ito, at patitigasin ni Satanas ang mga puso ng mga tao upang udyukan silang magalit laban sa iyo, upang hindi nila paniwalaan ang aking mga salita.

33 Sa gayon iniisip ni Satanas na daigin ang iyong patotoo sa salinlahing ito, upang ang gawain ay hindi maisagawa sa salinlahing ito.

34 Subalit dinggin, narito ang karunungan, at dahil ipinaaalam ko sa iyo ang karunungan, at ibinibigay sa iyo ang mga kautusan hinggil sa mga bagay na ito, kung ano ang iyong gagawin, huwag mo itong ipaaalam sa sanlibutan hanggang sa maisakatuparan mo ang gawain ng pagsasalin.

35 Huwag manggilalas na sinabi ko sa iyo: Narito ang karunungan, huwag mo itong ipaaalam sa sanlibutan—sapagkat sinabi ko, huwag itong ipaaalam sa sanlibutan, nang ikaw ay mapangalagaan.

36 Dinggin, hindi ko sinasabi na huwag itong ipaalam sa mga matwid;

37 Subalit, sapagkat hindi mo laging matutukoy kung sino ang matwid; o sapagkat hindi mo laging makikilala ang masama sa matwid, kaya nga sinasabi ko sa iyo, manahimik ka muna hanggang sa makita kong nararapat nang ipaalam ang lahat ng bagay sa sanlibutan hinggil dito.

38 At ngayon, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na isang ulat ng mga yaong bagay na iyong naisulat na, na nawala sa mga kamay mo, ay nakaukit sa mga lamina ni Nephi;

39 Oo, at natatandaan mo na nasabi sa mga kasulatang yaon na isang mas tiyak na ulat ang ibinigay ukol sa mga bagay na ito sa mga lamina ni Nephi.

40 At ngayon, sapagkat mas tiyak ang ulat na nakaukit sa mga lamina ni Nephi hinggil sa mga bagay na sa aking karunungan ay aking ipararating sa kaalaman ng mga tao sa ulat na ito—

41 Samakatwid, iyong isasalin ang mga nakaukit na nasa mga lamina ni Nephi, maging hanggang sa umabot ka sa paghahari ni haring Benjamin, o hanggang sa umabot ka sa yaong iyong naisalin na, na iyong naingatan;

42 At dinggin, iyong ilalathala ito bilang tala ni Nephi; at sa gayon ko tutuligin ang mga yaong nagbago ng aking mga salita.

43 Hindi ko pahihintulutang kanilang wasakin ang aking gawain; oo, ipakikita ko sa kanila na ang aking karunungan ay higit na dakila kaysa sa katusuhan ng diyablo.

44 Dinggin, isang bahagi lamang ang nasa kanila, o isang pagpapaikli ng ulat ni Nephi.

45 Dinggin, maraming bagay ang nakaukit sa mga lamina ni Nephi na magbibigay ng mas malawak na kaalaman hinggil sa aking ebanghelyo; kaya nga, karunungan sa akin na nararapat mong isalin ang unang bahaging ito ng mga ukit ni Nephi, at ilathala sa gawaing ito.

46 At, dinggin, ang lahat ng nalalabi sa gawaing ito ay naglalaman ng lahat ng yaong bahagi ng aking ebanghelyo na hiniling ng aking mga banal na propeta, oo, gayundin ng aking mga disipulo, sa kanilang mga panalangin na nararapat maiparating sa mga taong ito.

47 At sinabi ko sa kanila na ito ay ipagkakaloob sa kanila alinsunod sa kanilang pananampalataya sa kanilang mga panalangin;

48 Oo, at ito ang kanilang pananampalataya—na ang aking ebanghelyo, na aking ipinagkaloob sa kanila upang maipangaral nila sa kanilang mga araw, ay makarating sa kanilang mga kapatid na mga Lamanita, at gayundin sa lahat ng naging mga Lamanita dahil sa kanilang mga pag-aalsa.

49 Ngayon, hindi lamang ito—ang pananampalataya nila sa kanilang mga panalangin na ang ebanghelyong ito ay ipaalam din, kung mangyayari na ibang mga bansa ang magmamay-ari ng lupaing ito;

50 At sa gayon sila nag-iwan ng pagbabasbas sa lupaing ito sa kanilang mga panalangin, na sinumang maniniwala sa ebanghelyong ito sa lupaing ito ay magkaroon ng buhay na walang hanggan;

51 Oo, na ito ay maging malaya sa lahat ng alinmang bansa, lahi, wika, o tao.

52 At ngayon, dinggin, alinsunod sa pananampalataya nila sa kanilang mga panalangin, ipararating ko ang bahaging ito ng aking ebanghelyo sa kaalaman ng aking mga tao. Dinggin, hindi ko ito ipararating upang sirain ang kanilang natanggap na, kundi upang patibayin ito.

53 Sa kadahilanang ito ko sinabi: Kung hindi patitigasin ng salinlahing ito ang kanilang mga puso, itatatag ko ang aking simbahan sa kanila.

54 Ngayon, hindi ko ito sinasabi upang sirain ang aking simbahan, kundi sinasabi ko ito upang patibayin ang aking simbahan;

55 Samakatwid, sinumang nabibilang sa aking simbahan ay hindi kinakailangang matakot, sapagkat sila ang magmamana ng kaharian ng langit.

56 Subalit sila na mga walang takot sa akin, ni hindi sumusunod sa aking mga kautusan kundi nagtatayo ng mga simbahan sa kanilang sarili upang makakuha ng yaman, oo, at lahat ng yaong gumagawa ng kasamaan at nagtatayo sa kaharian ng diyablo—oo, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, na sila ang yaong aking gagambalain, at papapangyarihing manginig at mayanig sa kanilang kaibuturan.

57 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ay naparito sa sariling akin, at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap.

58 Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito naunawaan.

59 Ako ang siyang nagsabi—Mayroon akong ibang tupa na hindi sa kawang ito—sa aking mga disipulo, at marami sa kanila ang hindi nakaunawa sa akin.

60 At aking ipakikita sa mga taong ito na ako ay may iba pang tupa, at na sila ay isang sanga ng sambahayan ni Jacob;

61 At aking ilalabas sa liwanag ang kanilang mga kagila-gilalas na gawain, na kanilang ginawa sa aking pangalan;

62 Oo, at akin ding ilalabas sa liwanag ang aking ebanghelyo na ipinangaral sa kanila, at, dinggin, hindi nila maikakaila ang yaong iyong natanggap, kundi kanilang pagtitibayin ito, at ilalabas sa liwanag ang tunay na mga aral ng aking doktrina, oo, ang tanging doktrina na nasa akin.

63 At ito ay aking ginagawa upang maitatag ko ang aking ebanghelyo, upang huwag nang magkaroon ng labis na pagtatalo; oo, inuudyok ni Satanas ang mga puso ng mga tao sa pagtatalo hinggil sa mga aral ng aking doktrina; at sa mga bagay na ito ay nagkakamali sila, sapagkat kanilang binabaluktot ang mga banal na kasulatan at hindi nauunawaan ang mga ito.

64 Samakatwid, aking ilalahad sa kanila ang dakilang hiwagang ito;

65 Sapagkat, dinggin, akin silang titipunin tulad ng pagtitipon ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso;

66 Oo, kung lalapit sila, sila ay makalalapit, at malayang makababahagi sa tubig ng buhay.

67 Dinggin, ito ang aking doktrina—sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin, siya rin ay aking simbahan.

68 Sinuman ang magpapahayag nang humigit-kumulang dito, siya rin ay hindi sa akin, kundi laban sa akin; kaya nga siya ay hindi kabilang sa aking simbahan.

69 At ngayon, dinggin, sinuman ang kabilang sa aking simbahan, at mananatili sa aking simbahan hanggang wakas, siya ay aking itatatag sa ibabaw ng aking bato, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.

70 At ngayon, tandaan ang mga salita niya na siyang buhay at ilaw ng sanlibutan, iyong Manunubos, iyong Panginoon at iyong Diyos. Amen.