Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 111


Bahagi 111

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Salem, Massachusetts, Agosto 6, 1836. Sa panahong ito, baon sa pagkakautang ang mga pinuno ng Simbahan dahil sa kanilang mga gawain sa paglilingkod. Matapos marinig na malaking halaga ng salapi ang kanilang makukuha sa Salem, naglakbay ang Propeta, at sina Sidney Rigdon, Hyrum Smith, at Oliver Cowdery patungo roon mula sa Kirtland, Ohio, upang siyasatin ang pahayag na ito, na sinabayan ang pangangaral ng ebanghelyo. Pinangasiwaan ng mga kapatid ang ilang bagay na nauukol sa gawain ng Simbahan at bahagyang nangaral. Nang maging malinaw na walang salaping makukuha, bumalik sila sa Kirtland. Ipinahihiwatig ang ilan sa mga kadahilanang kapansin-pansin sa tagpo sa paraan ng pagsasalita sa paghahayag na ito.

1–5, Ang Panginoon ang bahala sa mga temporal na pangangailangan ng Kanyang mga tagapaglingkod; 6–11, Siya ay magiging maawain sa Sion at isasaayos ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng mga tagapaglingkod Niya.

1 Ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay hindi nagagalit sa inyong paglalakbay na ito, sa kabila ng inyong mga kahangalan.

2 Marami akong kayamanan para sa inyo sa lungsod na ito, para sa kabutihan ng Sion, at maraming tao sa lungsod na ito, na aking titipunin sa tamang panahon para sa kabutihan ng Sion, sa pamamagitan ninyo.

3 Samakatwid, kinakailangan na kayo ay makipagkilala sa mga tao sa lungsod na ito, alinsunod sa itatagubilin sa inyo, at alinsunod sa ibibigay sa inyo.

4 At ito ay mangyayari na sa tamang panahon, aking ipagkakaloob ang lungsod na ito sa inyong mga kamay, kung kaya’t magkakaroon kayo ng kapangyarihan dito, kaya nga hindi nila makikita ang inyong mga nakatagong bahagi; at ang kayamanan nito na ginto at pilak ay mapapasainyo.

5 Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa inyong mga pagkakautang, sapagkat kayo ay aking bibigyan ng kakayahang mabayaran ang mga ito.

6 Huwag balisahin ang inyong sarili tungkol sa Sion, sapagkat ako ay magiging maawain sa kanya.

7 Manatili sa pook na ito, at sa mga lugar sa paligid;

8 At ang pook na kung saan niloloob ko kayong manatili, nang mas mahabang panahon, ay ihuhudyat sa inyo sa pamamagitan ng kasiyahan at kapangyarihan ng aking Espiritu, na dadaloy sa inyo.

9 Ang pook na ito ay matatamo ninyo sa pamamagitan ng pag-upa. At masigasig na magtanong hinggil sa mga higit na naunang naninirahan at tagapagtatag ng lungsod na ito;

10 Sapagkat maraming kayamanang higit pa sa isa para sa inyo sa lungsod na ito.

11 Anupa’t kayo ay maging kasintalino ng mga ahas subalit walang kasalanan; at aking isasaayos ang lahat ng bagay para sa inyong kapakanan, kung gaano ninyo kabilis makakayang matanggap ang mga yaon. Amen.