Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 112


Bahagi 112

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, kay Thomas B. Marsh, sa Kirtland, Ohio, Hulyo 23, 1837, hinggil sa Labindalawang Apostol ng Kordero. Natanggap ang paghahayag na ito noong araw na unang nangaral sina Elder Heber C. Kimball at Orson Hyde ng ebanghelyo sa Inglatera. Sa panahong ito, si Thomas B. Marsh ang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

1–10, Ipalalaganap ng Labindalawa ang ebanghelyo at magtataas ng tinig ng babala sa lahat ng bansa at tao; 11–15, Papasanin nila ang kanilang krus, susunod kay Jesus, at pakakainin ang Kanyang mga tupa; 16–20, Ang mga yaong tumatanggap sa Unang Panguluhan ay tumatanggap sa Panginoon; 21–29, Bumabalot ang kadiliman sa lupa, at ang yaong naniniwala at nabinyagan lamang ang maliligtas; 30–34, Taglay ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ang mga susi ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Thomas: Narinig ko ang iyong mga panalangin; at ang mga abuloy mo ay pumapailanglang bilang isang bantayog sa harapan ko, sa kapakanan ng mga yaong iyong kapatid na napiling magpatotoo sa aking pangalan at ipalaganap ito sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, at inorden sa pamamagitan ng tulong ng aking mga tagapaglingkod.

2 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, may ilang bagay sa iyong puso at sa iyo kung saan ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nasisiyahan.

3 Gayunpaman, sapagkat ibinaba mo ang iyong sarili, ikaw ay itataas; kaya nga, ang lahat ng iyong mga kasalanan ay pinatatawad na.

4 Magalak ang iyong puso sa harapan ng aking mukha; at magpapatotoo ka sa aking pangalan, hindi lamang sa mga Gentil, kundi gayundin sa mga Judio; at iyong ipapalaganap ang aking salita hanggang sa mga dulo ng mundo.

5 Makipaglaban ka, samakatwid, tuwing umaga; at sa bawat araw ay iparinig ang iyong tinig ng babala; at pagsapit ng gabi, huwag patulugin ang mga naninirahan sa mundo, dahil sa iyong pagsasalita.

6 Ipaalam sa Sion ang iyong tirahan, at huwag ililipat ang iyong bahay; sapagkat ako, ang Panginoon, ay may mahalagang gawaing ipagagawa sa iyo, hinggil sa pagpapahayag ng aking pangalan sa mga anak ng tao.

7 Samakatwid, bigkisan ang iyong balakang para sa gawain. Balutan din ang iyong mga paa, sapagkat pinili ka, at ang iyong landas ay nasa kabundukan, at sa maraming bansa.

8 At sa pamamagitan ng iyong salita, maraming mapagmataas ang ibababa, at sa pamamagitan ng iyong salita, maraming mabababa ang itataas.

9 Ang iyong tinig ay magiging pagsaway sa lumalabag; at sa iyong pagsaway, ipatigil ang dila ng mapanirang-puri sa kanyang kabaluktutan.

10 Maging mapagpakumbaba ka; at aakayin ng Panginoon mong Diyos ang iyong kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.

11 Batid ko ang iyong puso, at narinig ko ang mga panalangin mo hinggil sa iyong mga kapatid. Huwag kumiling sa kanila sa pagmamahal nang higit sa marami pang iba, bagkus mahalin sila tulad ng sa iyong sarili; at ang iyong pag-ibig ay pasaganahin sa lahat ng tao, at sa lahat ng nagmamahal sa aking pangalan.

12 At manalangin para sa iyong mga kapatid na nasa Labindalawa. Balaan sila nang lubos sa aking pangalan, at sila ay balaan para sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at maging matapat ka sa harapan ko sa aking pangalan.

13 At matapos ng kanilang mga tukso, at maraming paghihirap, dinggin, ako, ang Panginoon, ay hahagilapin sila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin.

14 Ngayon, sinasabi ko sa iyo, at ang anumang sinasabi ko sa iyo ay sinasabi ko sa lahat ng Labindalawa: Tumindig at bigkisan ang inyong balakang, pasanin ninyo ang inyong krus, sumunod sa akin, at pakainin ang aking mga tupa.

15 Huwag dakilain ang inyong sarili; huwag maghimagsik laban sa aking tagapaglingkod na si Joseph; sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ako ay sumasakanya, at ang aking kamay ay pasasakanya; at ang mga susing ibinigay ko sa kanya, at gayundin sa inyo, ay hindi makukuha mula sa kanya hanggang sa aking pagparito.

16 Katotohanan, sinasabi ko sa iyo, aking tagapaglingkod na Thomas, ikaw ang lalaking pinili ko na humawak ng mga susi ng aking kaharian, na nauukol sa Labindalawa, sa hahayo sa lahat ng bansa—

17 Upang ikaw ay aking maging tagapaglingkod na magbubukas ng pintuan ng kaharian sa lahat ng lugar na kung saan ang aking tagapaglingkod na si Joseph, at ang aking tagapaglingkod na si Sidney, at ang aking tagapaglingkod na si Hyrum, ay hindi makatutungo;

18 Sapagkat sa kanila ay aking ipinatong ang pasanin ng buong simbahan sa sandaling panahon.

19 Samakatwid, saan ka man nila isusugo, humayo ka, at ako ay makakasama mo; at saanmang lugar ka mangangaral ng aking pangalan, isang maluwang na pintuan ang bubuksan sa iyo, nang kanilang matanggap ang aking salita.

20 Sinumang tumatanggap ng aking salita ay tumatanggap sa akin, at ang sinumang tumatanggap sa akin, tumatanggap sa yaong Unang Panguluhan na aking isinusugo, na aking itinatakdang mga tagapayo sa inyo para sa aking pangalan.

21 At muli, sinasabi ko sa inyo, na sinuman ang inyong isusugo sa aking pangalan, alinsunod sa tinig ng inyong mga kapatid, ang Labindalawa, na angkop ninyong pinayagan at binigyang-karapatan, ay magkakaroon ng kakayahang buksan ang pintuan ng aking kaharian sa alinmang bansa kung saanman ninyo sila isusugo—

22 Yamang sila ay magpapakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ko, at mananatiling tapat sa aking salita, at makikinig sa tinig ng aking Espiritu.

23 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, nababalot ng kadiliman ang mundo, at ng makapal na kadiliman ang isipan ng mga tao, at ang lahat ng laman ay naging tiwali sa harapan ko.

24 Dinggin, ang paghihiganti ay mabilis na sasapit sa mga naninirahan sa mundo, isang araw ng kapootan, isang araw ng pagsusunog, isang araw ng kapanglawan, ng pagtangis, ng pagdadalamhati, at ng pananaghoy; at tulad ng isang buhawi, ito ay sasapit sa balat ng lupa, wika ng Panginoon.

25 At sa aking bahay ito magsisimula, at mula sa aking bahay ito hahayo, wika ng Panginoon;

26 Una sa mga yaong nasa inyo, wika ng Panginoon, na nagkukunwaring alam ang aking pangalan at hindi nakakikilala sa akin, at naglalapastangan sa akin sa gitna ng aking sambahayan, wika ng Panginoon.

27 Samakatwid, tiyakin na hindi ninyo babagabagin ang inyong sarili tungkol sa mga gawain ng aking simbahan sa lugar na ito, wika ng Panginoon.

28 Bagkus, gawing dalisay ang inyong mga puso sa harapan ko; at pagkatapos ay humayo kayo sa buong daigdig, at ipangaral ang aking ebanghelyo sa lahat ng nilikha na hindi pa nakatatanggap nito;

29 At siya na naniniwala at nabinyagan ay maliligtas, at siya na hindi naniniwala at hindi nabinyagan ay mapapahamak.

30 Sapagkat sa inyo, sa Labindalawa, at sa yaong Unang Panguluhan, na itinatalagang makasama ninyo upang maging inyong mga tagapayo at inyong mga pinuno, iginagawad ang kapangyarihan ng pagkasaserdoteng ito, para sa mga huling araw at para sa huling pagkakataon, na siyang dispensasyon ng kaganapan ng panahon,

31 Na kapangyarihang taglay ninyo, kaugnay ng lahat ng yaong nakatanggap ng dispensasyon sa alinmang panahon mula pa noong simula ng paglikha;

32 Sapagkat katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ang mga susi ng dispensasyon, na inyong natanggap, ay nagmula sa mga ninuno, at huli sa lahat, ipinadala mula sa langit para sa inyo.

33 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, dinggin, napakahalaga ng inyong tungkulin. Linisin ang inyong mga puso at ang inyong mga kasuotan, sapagkat baka ipasagot sa inyong mga kamay ang dugo ng salinlahing ito.

34 Maging matapat hanggang sa pumarito ako, sapagkat ako ay madaling paparito; at dala ko ang gantimpalang ibabayad sa bawat tao alinsunod sa gawaing kanyang gagawin. Ako ang Alpha at Omega. Amen.