Bahagi 113
Mga sagot sa ilang katanungan tungkol sa mga isinulat ni Isaias, na ibinigay ni Joseph Smith, ang Propeta, sa o malapit sa Far West, Missouri, Marso 1838.
1–6, Tinutukoy ang Puno ni Jesse, ang usbong na manggagaling mula roon, at ang ugat ni Jesse; 7–10, Ang mga nakakalat na labi ng Sion ay may karapatan sa pagkasaserdote at tinatawag na bumalik sa Panginoon.
1 Sino ang Puno ni Jesse na binabanggit sa una, ikalawa, ikatlo, ikaapat, at ikalimang talata ng ikalabing-isang kabanata ng Isaias?
2 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay si Cristo.
3 Ano ang usbong na binabanggit sa unang talata ng ikalabing-isang kabanata ng Isaias, na magmumula sa Puno ni Jesse?
4 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon: Ito ay isang tagapaglingkod na nasa mga kamay ni Cristo, na bahagyang inapo ni Jesse gayundin ni Ephraim, o mula sa sambahayan ni Jose, na kung kanino iginagawad ang labis na kapangyarihan.
5 Ano ang ugat ni Jesse na binabanggit sa ikasampung talata ng ikalabing-isang kabanata?
6 Dinggin, ganito ang wika ng Panginoon, ito ay isang inapo ni Jesse, gayundin ni Jose, na siyang may karapatang magtaglay ng pagkasaserdote, at ng mga susi ng kaharian, para maging isang sagisag, at para sa pagtitipon ng aking mga tao sa mga huling araw.
7 Mga katanungan ni Elias Higbee: Ano ang ibig sabihin ng utos sa Isaias, ikalimampu’t dalawang kabanata, unang talata, na nagsasabing: Isuot mo ang iyong lakas, O Sion—at sino ang mga taong tinutukoy ni Isaias dito?
8 Tinutukoy niya ang mga yaong tatawagin ng Diyos sa mga huling araw, na siyang magtataglay ng kapangyarihan ng pagkasaserdote na muling ibalik ang Sion, at ang pagtubos sa Israel; at ang pagsuot ng kanyang lakas ay pagsuot ng karapatan ng pagkasaserdote, na siya, ang Sion, ang may karapatan alinsunod sa angkan; gayundin ang bumalik sa kapangyarihang yaon na kanyang naiwala.
9 Ano ang dapat nating maunawaan sa pagkakalag ng Sion sa kanyang sarili sa mga gapos sa leeg niya; sa ikalawang talata?
10 Dapat nating maunawaan na ang mga nagkalat na labi ay hinihimok na bumalik sa Panginoon mula sa kung saan sila bumagsak; na kung gagawin nila, ang pangako ng Panginoon ay magsasalita siya sa kanila, o bibigyan sila ng paghahayag. Tingnan ang ikaanim, ikapito, at ikawalong talata. Ang mga gapos ng kanyang leeg ay mga sumpa ng Diyos sa kanya, o ang mga labi ni Israel sa kanilang kalat na kalagayan sa mga Gentil.