Bahagi 115
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Far West, Missouri, Abril 26, 1838, ipinaaalam ang kalooban ng Diyos hinggil sa pagtatayo ng lugar na yaon at ng bahay ng Panginoon. Ipinararating ang paghahayag na ito sa mga namumunong pinuno at sa mga kasapi ng Simbahan.
1–4, Pinangalanan ng Panginoon ang Kanyang simbahan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw; 5–6, Ang Sion at ang kanyang mga istaka ay mga lugar na pananggalang at kanlungan para sa mga Banal; 7–16, Inuutusan ang mga Banal na magtayo ng isang bahay ng Panginoon sa Far West; 17–19, Taglay ni Joseph Smith ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa mundo.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph Smith, Jun., at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Sidney Rigdon, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Hyrum Smith, at sa inyong mga tagapayo na itinatalaga at itatalaga pagkaraan nito;
2 At gayundin sa iyo, aking tagapaglingkod na Edward Partridge, at sa kanyang mga tagapayo;
3 At gayundin sa aking matatapat na tagapaglingkod na kabilang sa mataas na kapulungan ng aking simbahan sa Sion, sapagkat ganito ang itatawag dito, at sa lahat ng elder at tao ng aking Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na nakakalat sa buong daigdig;
4 Sapagkat ganito ang itatawag sa aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
5 Katotohanan, sinasabi ko sa inyong lahat: Tumindig at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang pamantayan sa mga bansa;
6 At na ang sama-samang pagtitipun-tipon sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging pananggalang at kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot kapag ibubuhos na ito nang walang halo sa buong mundo.
7 Ang lungsod na Far West ay gawing banal at nakalaang lupain sa akin; at tatawagin itong pinakabanal, sapagkat ang lupa na iyong kinatatayuan ay banal.
8 Anupa’t inuutusan ko kayo na magtayo ng isang bahay para sa akin, para sa sama-samang pagtitipun-tipon ng aking mga banal, upang masamba nila ako.
9 At magkaroon ng pagsisimula ang gawaing ito, at ng isang saligan, at ng isang panimulang gawain, sa susunod na tag-init;
10 At ang pagsisimula ay sa ikaapat na araw ng Hulyong darating; at mula sa panahong yaon, masigasig na gagawa ang aking mga tao upang magtayo ng isang bahay sa aking pangalan;
11 At isang taon mula sa araw na ito, sila ay muling magsisimula sa pagtatayo ng saligan ng aking bahay.
12 Sa gayon, sila ay masigasig na gagawa mula sa panahong yaon hanggang sa matapos ito, mula sa batong panulok nito hanggang sa tuktok nito, hanggang sa walang matitirang anumang bagay na hindi pa natatapos.
13 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, huwag na muling mangutang ang aking tagapaglingkod na si Joseph, ni ang aking tagapaglingkod na si Sidney, ni ang aking tagapaglingkod na si Hyrum, para sa pagtatayo ng bahay sa aking pangalan;
14 Subalit isang bahay ang itatayo sa aking pangalan alinsunod sa huwarang aking ipakikita sa kanila.
15 At kung itatayo ito ng aking mga tao nang hindi alinsunod sa huwarang ipakikita ko sa kanilang panguluhan, hindi ko ito tatanggapin mula sa kanilang mga kamay.
16 Subalit kung itatayo ito ng aking mga tao alinsunod sa huwarang ipakikita ko sa kanilang panguluhan, maging ang aking tagapaglingkod na si Joseph at ang kanyang mga tagapayo, sa gayon, tatanggapin ko ito mula sa mga kamay ng aking mga tao.
17 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kalooban ko na ang lungsod ng Far West ay kaagad na itayo dahil sa pagtitipon ng aking mga banal;
18 At gayundin, na ang iba pang mga lugar ay ilaan bilang mga istaka sa mga lugar sa paligid, habang ang mga ito ay ipinakikita sa aking tagapaglingkod na si Joseph, sa pana-panahon.
19 Sapagkat dinggin, makakasama niya ako, at gagawin ko siyang banal sa harapan ng mga tao; sapagkat ibinigay ko sa kanya ang mga susi ng kaharian at paglilingkod na ito. Maging gayon nga. Amen.