Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 117


Bahagi 117

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Far West, Missouri, Hulyo 8, 1838, hinggil sa mga pangunahing tungkulin nina William Marks, Newel K. Whitney, at Oliver Granger.

1–9, Hindi dapat nagnanasa ang mga tagapaglingkod ng Panginoon sa mga bagay na temporal, sapagkat “ano ba ang ari-arian para sa Panginoon?”; 10–16, Nararapat nilang talikuran ang kahinaan ng kaluluwa, at magiging sagrado para sa Panginoon ang kanilang mga hain.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon sa aking tagapaglingkod na si William Marks, at gayundin sa aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney, ayusin nila nang mabilis ang kanilang negosyo at maglakbay mula sa lupain ng Kirtland, bago ako, ang Panginoon, ay magpaulang muli ng niyebe sa lupa.

2 Gumising sila, at bumangon, at humayo, at huwag mamalagi, sapagkat ako, ang Panginoon, ang nag-uutos nito.

3 Samakatwid, kung sila ay mamamalagi, hindi ito makabubuti sa kanila.

4 Magsisi sila sa lahat ng kanilang mga kasalanan, at sa lahat ng kanilang mga mapag-imbot na pagnanasa, sa harapan ko, wika ng Panginoon; sapagkat ano ba ang ari-arian para sa akin? wika ng Panginoon.

5 Ipambayad ang mga ari-arian sa Kirtland sa mga pagkakautang, wika ng Panginoon. Bitawan ang mga ito, wika ng Panginoon, at anuman ang matira, panatilihin ito sa inyong mga kamay, wika ng Panginoon.

6 Wala ba akong mga ibon sa langit, at gayundin ng mga isda sa dagat, at ng mga hayop sa kabundukan? Hindi ko ba nilikha ang mundo? Hindi ko ba hawak ang mga kapalaran ng lahat ng hukbo ng mga bansa sa mundo?

7 Samakatwid, hindi ko ba pasisibulin at pamumulaklakin ang mapapanglaw na lugar, at pamumungahin nang sagana? wika ng Panginoon.

8 Wala bang sapat na lugar sa kabundukan ng Adan-ondi-Ahman, at sa kapatagan ng Olaha Shinehah, o sa lupain kung saan nanirahan si Adan, kaya magnanasa kayo ng yaong patak lamang, at pababayaan ang higit na mahahalagang bagay?

9 Anupa’t magtungo rito sa lupain ng aking mga tao, maging sa Sion.

10 Maging matapat sa kaunting bagay ang aking tagapaglingkod na si William Marks, at siya ay magiging tagapamahala sa marami. Mamuno siya sa gitna ng aking mga tao sa lungsod ng Far West, at pagpapalain siya ng mga pagpapala ng aking mga tao.

11 Ikahiya ng aking tagapaglingkod na si Newel K. Whitney ang pangkat ng mga Nicolaitane at ang lahat ng kanilang mga lihim na karumal-dumal na gawain, at ang lahat ng kanyang kahinaan ng kaluluwa sa harapan ko, wika ng Panginoon, at magtungo sa lupain ng Adan-ondi-Ahman, at maging isang obispo sa aking mga tao, wika ng Panginoon, hindi sa pangalan kundi sa gawa, wika ng Panginoon.

12 At muli, sinasabi ko sa inyo, naaalala ko ang aking tagapaglingkod na si Oliver Granger; dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa kanya na ang pangalan niya ay maaalalang banal sa bawat sali’t salinlahi, magpakailanman at walang katapusan, wika ng Panginoon.

13 Anupa’t masugid siyang magsumikap sa pagtubos sa Unang Panguluhan ng aking Simbahan, wika ng Panginoon; at kapag siya ay bumagsak, babangon siyang muli, sapagkat ang kanyang hain ay higit na banal sa akin kaysa sa kanyang tagumpay, wika ng Panginoon.

14 Anupa’t magtungo siya kaagad dito, sa lupain ng Sion; at sa takdang panahon, siya ay itatalagang mangangalakal sa aking pangalan, wika ng Panginoon, para sa kapakanan ng aking mga tao.

15 Samakatwid, walang sinumang hahamak sa aking tagapaglingkod na si Oliver Granger, sa halip, mapasakanya ang mga pagpapala ng aking mga tao magpakailanman at walang katapusan.

16 At muli, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, alalahanin ng lahat ng aking mga tagapaglingkod sa lupain ng Kirtland ang Panginoon nilang Diyos, at gayundin ang aking bahay, na pangalagaan at panatilihin itong banal, at palayasin ang mga mamamalit ng salapi sa aking sariling takdang panahon, wika ng Panginoon. Maging gayon nga. Amen.