Bahagi 118
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Far West, Missouri, Hulyo 8, 1838, bilang tugon sa pagsusumamong: “Ipakita po sa amin ang inyong kalooban, O Panginoon, hinggil sa Labindalawa.”
1–3, Ang Panginoon ang tutustos sa mga mag-anak ng Labindalawa; 4–6, Pinunan ang mga puwang sa Labindalawa.
1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon: Magdaos ng isang pagpupulong sa lalong madaling panahon; isaayos ang Labindalawa; at magtalaga ng kalalakihang pupuno sa lugar ng mga yaong nahulog.
2 Manatili ang aking tagapaglingkod na si Thomas nang ilang panahon sa lupain ng Sion, upang ipahayag ang aking salita.
3 Ang nalalabi ay patuloy na mangangaral mula sa oras na yaon, at kung gagawin nila ito nang may buong kababaan ng puso, may kaamuan at pagpapakumbaba, at mahabang pagtitiis, ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng isang pangako na ako ang tutustos sa kanilang mga mag-anak; at isang maluwang na pintuan ang bubuksan para sa kanila, mula ngayon.
4 At sa susunod na tagsibol, humayo sila patawid ng malawak na katubigan, at ipahayag doon ang aking ebanghelyo, ang kabuuan nito, at magpatotoo sa aking pangalan.
5 Lisanin nila ang aking mga banal sa lungsod ng Far West, sa ikadalawampu’t anim na araw ng Abril na susunod, sa pagtatayuan ng bahay ko, wika ng Panginoon.
6 Italaga ang aking tagapaglingkod na si John Taylor, at gayundin ang aking tagapaglingkod na si John E. Page, at gayundin ang aking tagapaglingkod na si Wilford Woodruff, at gayundin ang aking tagapaglingkod na si Willard Richards, na punan ang mga lugar ng mga yaong nahulog, at opisyal na ipagbigay-alam ang kanilang pagkakatalaga.