Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 119


Bahagi 119

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Far West, Missouri, Hulyo 8, 1838, bilang kasagutan sa kanyang pagsusumamong: “O Panginoon! Ipakita po sa inyong mga tagapaglingkod kung gaano ang hinihingi ninyo sa mga ari-arian ng inyong mga tao bilang ikapu.” Ang batas ng ikapu, sa pagkakaunawa rito ngayon, ay hindi pa ibinigay sa Simbahan bago ang paghahayag na ito. Ang katagang ikapu sa panalanging kababanggit lamang at sa mga naunang paghahayag (64:23; 85:3; 97:11) ay hindi nangangahulugang ikasampung bahagi lamang, kundi ang lahat ng kusang-loob na handog, o ambag, sa pondo ng Simbahan. Nauna nang ibinigay ng Panginoon sa Simbahan ang batas ng paglalaan at pangangasiwa ng ari-arian, kung saan pumasok ang mga kasapi (karamihan ay mga namumunong elder) sa pamamagitan ng isang tipan na magiging walang katapusan. Dahil sa kabiguan ng marami na matupad ang tipang ito, pansamantala itong kinuha ng Panginoon at sa halip, ibinigay ang batas ng ikapu sa buong Simbahan. Tinanong ng Propeta ang Panginoon kung gaano karami sa kanilang ari-arian ang hihingin Niya para sa mga banal na layunin. Ang paghahayag na ito ang kasagutan.

1–5, Ibabayad ng mga Banal ang labis sa kanilang ari-arian at pagkatapos ay magbibigay, bilang ikapu, ng ikasampung bahagi ng kanilang tubo taun-taon; 6–7, Mapababanal ng ganitong pamamaraan ang lupain ng Sion.

1 Katotohanan, ganito ang wika ng Panginoon, hinihingi ko na ang lahat ng labis sa kanilang ari-arian ay ilagay sa mga kamay ng obispo ng aking simbahan sa Sion,

2 Para sa pagtatayo ng aking bahay, at para sa pagtatatag ng saligan ng Sion at para sa pagkasaserdote, at para sa mga pagkakautang ng Panguluhan ng aking Simbahan.

3 At ito ang magiging simula ng ikapu ng aking mga tao.

4 At pagkatapos nito, ang mga yaong hiningan ng ikapu ay magbabayad ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang tinutubo taun-taon; at ito ay mananatiling batas sa kanila magpakailanman, para sa aking banal na pagkasaserdote, wika ng Panginoon.

5 Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, ito ay mangyayari na ang lahat ng yaong nagtitipon sa lupain ng Sion ay hihingan ng ikapu mula sa labis sa kanilang ari-arian, at susundin ang batas na ito, o hindi sila matatagpuang karapat-dapat na mamalagi sa inyo.

6 At sinasabi ko sa inyo, kung ang mga tao ko ay hindi susunod sa batas na ito, na panatilihin itong banal, at sa pamamagitan ng batas na ito ay gawin banal ang lupain ng Sion para sa akin alinsunod sa batas na ito, upang ang aking mga batas at ang aking mga paghahatol ay mapanatili roon, nang ito ay maging lubos na banal, dinggin, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi ito magiging lupain ng Sion sa inyo.

7 At ito ay magiging isang halimbawa sa lahat ng istaka ng Sion. Maging gayon nga. Amen.