Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 11


Bahagi 11

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa kanyang kapatid na si Hyrum Smith, sa Harmony, Pennsylvania, Mayo 1829. Natanggap ang paghahayag na ito sa pamamagitan ng Urim at Tummim bilang kasagutan sa panalangin at katanungan ni Joseph. Ipinahihiwatig ng kasaysayan ni Joseph Smith na natanggap ang paghahayag na ito pagkaraan ng pagpapanumbalik ng Pagkasaserdoteng Aaron.

1–6, Magtatamo ng kaligtasan ang mga manggagawa sa ubasan; 7–14, Maghangad ng karunungan, mangaral ng pagsisisi, magtiwala sa Espiritu; 15–22, Sundin ang mga kautusan, at pag-aralan ang salita ng Panginoon; 23–27, Huwag itatwa ang diwa ng paghahayag at ng propesiya; 28–30, Ang mga yaong tumatanggap kay Cristo ay nagiging mga anak ng Diyos.

1 Isang dakila at kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Dinggin, ako ang Diyos; tumalima sa aking salita, na buhay at mabisa, higit na matalas kaysa sa espadang may dalawang talim, sa paghahati ng mga kasu-kasuan at ng utak sa buto; kaya nga, tumalima sa aking mga salita.

3 Dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; kaya nga, sinuman ang nagnanais na umani, ikampay niya ang kanyang karit nang buo niyang lakas, at mag-ani habang may araw pa, upang siya ay makapag-ipon ng walang katapusang kaligtasan para sa kanyang kaluluwa sa kaharian ng Diyos.

4 Oo, sinumang magkakampay sa kanyang karit at mag-aani, siya rin ay tinawag ng Diyos.

5 Samakatwid, kung hihingi kayo sa akin ay makatatanggap kayo; kung kakatok kayo ay pagbubuksan kayo.

6 Ngayon, sapagkat kayo ay humingi, dinggin, sinasabi ko sa inyo, sundin ang aking mga kautusan, at hangaring itatag at patibayin ang layunin ng Sion.

7 Huwag maghangad ng mga yaman kundi ng karunungan; at dinggin, ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa inyo, at dahil doon ay yayaman kayo. Dinggin, siya na may buhay na walang hanggan ay mayaman.

8 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, maging anuman ang naisin mo sa akin ay mapapasaiyo ito; at, kung iyong nanaisin, ikaw ay magiging daan upang makagawa ng maraming kabutihan sa salinlahing ito.

9 Huwag mangaral ng anuman sa salinlahing ito maliban sa pagsisisi. Sundin ang aking mga kautusan, at tumulong na itatag ang aking gawain, alinsunod sa aking mga kautusan, at ikaw ay pagpapalain.

10 Dinggin, ikaw ay may kaloob, o magkakaroon ka ng kaloob kung hihingi ka sa akin nang may pananampalataya, nang may tapat na puso, naniniwala sa kapangyarihan ni Jesucristo, o sa aking kapangyarihan na siyang nangungusap sa iyo;

11 Sapagkat, dinggin, ako ang siyang nangungusap; dinggin, ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, ibinibigay ko ang mga salitang ito sa iyo.

12 At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay na gumawa ng mabuti—oo, ang kumilos nang makatarungan, lumakad nang mapagkumbaba, humatol nang matwid; at ito ang aking Espiritu.

13 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, ipagkakaloob ko sa iyo ang aking Espiritu, na magbibigay-liwanag sa iyong isipan, na magpupuspos sa iyong kaluluwa ng kagalakan;

14 At sa gayon mo malalaman, o sa pamamagitan nito ay iyong malalaman, ang lahat ng anumang bagay na naisin mo sa akin na nauukol sa mga bagay ng katwiran, nang may pananampalataya na naniniwala sa akin na ikaw ay makatatanggap.

15 Dinggin, iniuutos ko sa iyo na hindi mo dapat ipalagay na ikaw ay tinawag na mangaral hanggang sa tawagin ka.

16 Maghintay ka nang kaunti pang panahon, hanggang sa matanggap mo ang aking salita, ang aking bato, ang aking simbahan, at ang aking ebanghelyo, upang iyong malaman nang may katiyakan ang aking doktrina.

17 At pagkatapos, dinggin, alinsunod sa iyong mga pagnanais, oo, maging alinsunod sa iyong pananampalataya, ito ay mangyayari sa iyo.

18 Sundin ang aking mga kautusan; manahimik ka muna; magsumamo sa aking Espiritu;

19 Oo, kumapit sa akin nang iyong buong puso, upang ikaw ay makatulong sa paglalabas sa liwanag ng mga yaong bagay na nabanggit—oo, ang pagsasalin ng aking gawain; maging mapagtiis hanggang sa matapos mo ito.

20 Dinggin, ito ang iyong gawain, ang sumunod sa aking mga kautusan, oo, nang iyong buong kakayahan, pag-iisip at lakas.

21 Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, sa halip, hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao.

22 Subalit sa ngayon ay manahimik ka muna; pag-aralan ang aking salita na lumaganap na sa mga anak ng tao, at pag-aralan din ang aking salita na lalaganap pa lamang sa mga anak ng tao, o ang yaong isinasalin ngayon, oo, hanggang sa iyong matamo ang lahat ng aking igagawad sa mga anak ng tao sa salinlahing ito, at pagkatapos, ang lahat ng bagay ay idaragdag dito.

23 Dinggin, ikaw ay si Hyrum, na aking anak; hangarin ang kaharian ng Diyos, at ang lahat ng bagay ay idaragdag alinsunod sa yaong makatarungan.

24 Magtayo sa aking bato, na aking ebanghelyo;

25 Huwag itatwa ang diwa ng paghahayag, ni ang diwa ng propesiya, sapagkat sa aba niya na magtatatwa sa mga bagay na ito;

26 Samakatwid, pahalagahan ito sa iyong puso hanggang sa panahon na sa aking karunungan ay hahayo ka.

27 Dinggin, ako ay nangungusap sa lahat ng may mabubuting hangarin, at nagkakampay sa kanilang karit upang umani.

28 Dinggin, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan.

29 Ako ang siya ring naparito sa sariling akin at ang sariling akin ay hindi ako tinanggap;

30 Subalit katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na kasindami ng tatanggap sa akin, sa kanila ay ipagkakaloob ko ang kakayahang maging mga anak ng Diyos, maging sa kanila na naniniwala sa aking pangalan. Amen.