Bahagi 121
Panalangin at mga propesiyang isinulat ni Joseph Smith, ang Propeta, sa isang liham para sa Simbahan habang siya ay isang bilanggo sa piitan sa Liberty, Missouri, na may petsang Marso 20, 1839. Nanatili nang ilang buwan sa bilangguan ang Propeta at ang ilang kasamahan. Ang kanilang mga petisyon at apela sa mga tagapangasiwang pinuno at sa hudikatura ay nabigong magbigay ng tulong sa kanila.
1–6, Nagsusumamo sa Panginoon ang Propeta para sa mga nagdurusang Banal; 7–10, Ang Panginoon ay nangusap ng kapayapaan sa kanya; 11–17, Isinusumpa ang lahat ng yaong nagpapahayag ng maling paratang ng pagkakasala laban sa mga tao ng Panginoon; 18–25, Sila ay hindi magkakaroon ng karapatan sa pagkasaserdote at iwawaksi; 26–32, Mga maluwalhating paghahayag ang ipinangako sa mga yaong magigiting na nagtitiis; 33–40, Bakit maraming tinatawag at kaunti ang mga napipili; 41–46, Ang pagkasaserdote ay nararapat na gamitin lamang sa katwiran.
1 O Diyos, nasaan po kayo? At nasaan po ang tolda na tumatakip sa inyong pinagkukublihang lugar?
2 Hanggang kailan po pipigilan ang inyong kamay, at ang inyong mata, opo, ang inyong dalisay na mata, na pagmasdan mula sa walang hanggang kalangitan ang mga pang-aapi sa inyong mga tao at sa inyong mga tagapaglingkod, at marinig ng inyo pong mga tainga ang kanilang mga iyak?
3 Opo, O Panginoon, hanggang kailan po nila pagdurusahan ang mga pang-aapi at hindi makatarungang kalupitang ito, bago ang inyo pong puso ay lumambot para sa kanila, at ang inyo pong mga sisidlan ay maantig sa habag para sa kanila?
4 O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan, lumikha ng langit, lupa, at mga dagat, at ng lahat ng bagay na naroroon, at siyang pumipigil at pumapasailalim sa diyablo, at sa madilim at makasalanang nasasakupan ng Sheol—iunat po ang inyong kamay; patagusin po ang inyong mata; tanggalin po ang inyong tolda; huwag na po muling takpan ang inyong pinagkukublihang lugar; ikiling po ang inyong tainga; palambutin ang inyong puso, at paantigin ang inyong kalooban sa habag para sa amin.
5 Ang inyo pong galit ay pasiklabin laban sa aming mga kaaway; at, sa pagngangalit ng inyong puso, sa pamamagitan po ng inyong espada ay ipaghiganti kami sa mga pang-aapi sa amin.
6 Alalahanin po ang inyong mga nagdurusang banal, O aming Diyos; at ang inyo pong mga tagapaglingkod ay magsasaya sa inyong pangalan magpakailanman.
7 Aking anak, mapasaiyong kaluluwa ang kapayapaan; ang iyong paghihirap at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali lamang;
8 At pagkatapos, kung pagtitiisan mo itong mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa kaitaasan; magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga kaaway
9 Ang iyong mga kaibigan ay nakaagapay sa tabi mo, at babatiin ka nilang muli nang may maiinit na puso at magigiliw na kamay.
10 Ikaw ay hindi pa katulad ni Job; hindi pa nakikipagtalo sa iyo ang mga kaibigan mo, ni hindi ka pinagbibintangan na lumalabag, tulad ng kanilang ginawa kay Job.
11 At sila na nagbibintang sa iyo ng paglabag, ang kanilang pag-asa ay maguguho, at ang kanilang mga inaasam ay matutunaw tulad ng pagkakatunaw ng nagyeyelong hamog sa harapan ng mga nagliliyab na sinag ng sumisikat na araw;
12 At gayundin, inilalagay ng Diyos ang kanyang kamay at tatak upang baguhin ang mga panahon at kapanahunan, at upang bulagin ang kanilang mga pag-iisip, nang sa gayon ay hindi nila maunawaan ang kanyang mga kagila-gilalas na ginagawa; nang kanya rin silang masubukan at mahuli sila sa kanilang sariling katusuhan;
13 Dahil din ang kanilang mga puso ay tiwali, at ang mga bagay na handa nilang idulot sa iba, at iniibig na magdusa ang iba, ay maaaring sumapit sa kanilang sarili hanggang sa pinakasukdulan;
14 Nang sila rin ay mabigo, at mawalan ng saysay ang kanilang mga pag-asa;
15 At hindi maraming taon mula ngayon, na sila at ang kanilang angkan ay wawalisin sa ilalim ng langit, wika ng Diyos, kung kaya’t wala ni isa sa kanila ang maiiwang nakatayo sa may dingding.
16 Sumpain ang lahat ng yaong magtataas ng sakong laban sa aking hinirang, wika ng Panginoon, at sumisigaw na sila ay nagkakasala kahit na hindi sila nagkakasala sa aking harapan, wika ng Panginoon, kundi ginagawa ang yaong wasto sa aking mga paningin, at ang yaong aking iniutos sa kanila.
17 Subalit ang mga yaong nagpaparatang ng mga paglabag ang gumagawa nito sapagkat sila ay mga tagapaglingkod ng kasalanan, at sila rin ay mga anak ng pagsuway.
18 At ang mga yaong nanunumpa nang mali laban sa aking mga tagapaglingkod, upang kanila silang madala sa pagkaalipin at kamatayan—
19 Sa aba nila; sapagkat kanilang sinasaktan ang aking maliliit na anak, sila ay iwawaksi mula sa mga ordenansa ng aking bahay.
20 Hindi mapupuno ang kanilang mga buslo, mawawasak ang kanilang mga bahay at ang kanilang mga kamalig, at sila rin ay kasusuklaman ng mga yaong humibok sa kanila.
21 Sila ay hindi magkakaroon ng karapatan sa pagkasaserdote, ni ang kanilang angkan na susunod sa kanila sa bawat sali’t salinlahi.
22 Higit na mabuti pa sa kanila kung isang malaking batong gilingan ang ibinitin sa kanilang mga leeg, at sila ay nalunod sa kailaliman ng dagat.
23 Sa aba sa lahat ng yaong nagpapahirap sa aking mga tao, at nagtataboy, at pumapaslang, at nagpapatotoo laban sa kanila, wika ng Panginoon ng mga Hukbo; ang isang salinlahi ng mga ulupong ay hindi makatatakas sa sumpa ng impiyerno.
24 Dinggin, ang aking mga mata ay nakikita at nalalaman ang lahat ng kanilang mga gawain, at may nakalaan akong isang mabilis na paghahatol sa panahong yaon, para sa kanilang lahat;
25 Sapagkat may panahong nakatakda sa bawat tao, alinsunod sa kanyang mga magiging gawain.
26 Ang Diyos ay magbibigay sa inyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi naipaliliwanag na kaloob na Espiritu Santo, na hindi pa naipahahayag mula pa sa simula ng pagkakatatag ng daigdig hanggang sa ngayon;
27 Na hinintay ng ating mga ninuno nang may pananabik na pag-aasam na ipahahayag sa mga huling panahon, kung saan itinuro ng mga anghel ang kanilang mga isipan, na nakalaan para sa kaganapan ng kanilang kaluwalhatian;
28 Isang panahong sasapit kung saan walang anumang bagay ang ipagkakait, kung mayroon mang isang Diyos o maraming diyos, ang mga ito ay ipaaalam.
29 Ang lahat ng luklukan at nasasakupan, pamunuan at kapangyarihan, ay ipahahayag at igagawad sa lahat ng magigiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo.
30 At gayundin, kung may mga hangganang itinakda sa kalangitan o sa mga dagat, o sa tuyong lupa, o sa araw, buwan, o mga bituin—
31 Lahat ng tagal ng pag-ikot ng mga ito, lahat ng nakatakdang araw, buwan, at taon, at lahat ng araw ng mga araw, buwan, at taon ng mga ito, at lahat ng kaluwalhatian, batas, at itinakdang panahon ng mga ito, ay ipahahayag sa mga araw ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon—
32 Alinsunod sa yaong inorden sa gitna ng Kapulungan ng Diyos na Walang Hanggan ng lahat ng iba pang diyos bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, na ilalaan sa pagtatapos at wakas nito, kapag ang bawat tao ay papasok sa kanyang walang hanggang kinaroroonan at sa kanyang walang kamatayang kapahingahan.
33 Hanggang kailan mananatiling marumi ang mga umaagos na tubig? Anong kapangyarihan ang pipigil sa kalangitan? Tulad ng pag-uunat ng tao sa kanyang mahihinang bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa nakatalagang daan nito, o baligtarin ang daloy nito, tulad ng paghadlang sa Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
34 Dinggin, marami ang tinawag, subalit kakaunti ang napili. At bakit sila hindi napili?
35 Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad ng mga parangal ng tao, kaya hindi nila natututuhan ang isang aral na ito—
36 Na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may hindi maihihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang mga kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan maliban lamang kung naaalinsunod ito sa mga alituntunin ng katwiran.
37 Na maaaring igawad sa atin ang mga ito, ito ay totoo; subalit kapag tinatangka nating pagtakpan ang ating mga kasalanan, o binibigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang hangad, o gumagamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, dinggin, ang kalangitan ay inilalayo ang sarili nito; nagdadalamhati ang Espiritu ng Panginoon; at kapag lumayo ito, Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon.
38 Dinggin, bago niya mamalayan, siya ay naiwang mag-isa, na sumikad sa mga tinik, na umusig sa mga banal, at lumaban sa Diyos.
39 Ating natutuhan dahil sa nakalulungkot na karanasan na likas at ugali ng halos lahat ng tao, matapos silang makatamo ng kaunting kapangyarihan, na inaakala nila, kaagad silang magsisimulang gumamit ng hindi makatwirang pamamahala.
40 Kaya nga marami ang tinawag, subalit kakaunti ang napili.
41 Walang kapangyarihan o impluwensiya ang maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng pagkasaserdote, maliban lamang sa pamamagitan ng panghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng pag-ibig na hindi nagkukunwari;
42 Sa pamamagitan ng kabaitan, at ganap na kaalaman, na lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagpapaimbabaw, at walang panlilinlang—
43 Nagwawasto sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinukaw ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay nagpapakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong iwinasto, sapagkat baka ituring ka niyang kaaway;
44 Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.
45 Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at pagandahin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon, ang iyong pagtitiwala ay titibay sa harapan ng Diyos; at papatak ang doktrina ng pagkasaserdote sa iyong kaluluwa tulad ng mga hamog mula sa langit.
46 Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay isang hindi nagbabagong setro ng katwiran at katotohanan; at ang iyong kapamahalaan ay magiging isang walang katapusang kapamahalaan, at dadaloy ito sa iyo nang walang pamimilit magpakailanman at walang katapusan.