Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 123


Bahagi 123

Ang tungkulin ng mga Banal na nauugnay sa kanilang mga taga-usig, alinsunod sa isinulat ni Joseph Smith, ang Propeta, habang isang bilanggo sa piitan sa Liberty, Missouri. Ang bahaging ito ay sipi mula sa isang liham sa Simbahan na may petsang Marso 20, 1839 (tingnan sa ulo ng bahagi 121).

1–6, Nararapat na tipunin at ilathala ng mga Banal ang isang ulat ng kanilang mga pagdurusa at pag-uusig; 7–10, Ang yaon ding espiritu na nagtaguyod ng mga maling doktrina ang nagdudulot din ng pag-uusig sa mga Banal; 11–17, Marami sa lahat ng sekta ang tatanggap pa ng katotohanan.

1 At muli, nais naming imungkahi para sa inyong pagsasaalang-alang ang kaangkupan ng pagtitipon ng mga banal ng kaalaman tungkol sa mga katotohanan, at pagdurusa at pagmamalabis na ginawa sa kanila ng mga mamamayan ng Estadong ito;

2 At gayundin ang lahat ng ari-arian at halaga ng mga pinsalang kanilang dinanas, kapwa sa pagkatao nila at pinsala sa kanilang sarili, gayundin sa kanilang ari-arian;

3 At gayundin ang mga pangalan ng lahat ng taong may kinalaman sa mga pang-aapi sa kanila, yamang makikilala nila sila at mahahanap sila.

4 At marahil, isang lupon ang maaaring italaga na alamin ang mga bagay na ito, at magtala ng mga salaysay at sinumpaang pahayag; at tipunin din ang mga mapanirang-puring lathalaing kumakalat;

5 At lahat ng yaong nasa mga magasin, at sa mga ensiklopedya, at lahat ng mapanirang-puring kasaysayang inilalathala, at mga isinusulat, at silang mga nagsulat nito, at ipaalam ang kabuuan ng napakasamang katampalasan at nakaririmarim at nakamamatay na panggigipit na ginawa sa mga taong ito—

6 Upang hindi lamang natin mailathala sa buong daigdig, kundi ipaalam ang mga ito sa mga pinuno ng pamahalaan nang makita ang kabuuan ng kanilang maitim at mala-impiyernong kulay, bilang huling gawaing ipinag-uutos sa atin ng ating Ama sa Langit, bago natin ganap at lubusang maangkin ang yaong pangako na tatawag sa kanya mula sa kanyang pinagkukublihang lugar; at gayundin, nang ang buong bansa ay mawalan ng maidadahilan bago niya maipakita ang lakas ng kanyang makapangyarihang bisig.

7 Ito ay isang mahalagang tungkulin na utang natin sa Diyos, sa mga anghel, na kung kanino tayo dadalhin upang tumayo, at gayundin sa ating mga sarili, sa ating mga asawa at anak, na pinilit na yumuko nang may pighati, lungkot, at pag-aalala, sa ilalim ng pinakakasumpa-sumpang kamay ng pagpaslang, paniniil, at pang-aapi, itinaguyod at hinimok at pinagtibay ng impluwensiya ng yaong espiritu na matibay na nagpako sa mga doktrina ng mga ama, na nagmana ng mga kasinungalingan, sa mga puso ng mga anak, at pinuspos ang mundo ng kalituhan, at tumitibay nang tumitibay, at ito ngayon ang pinakaugat ng lahat ng katiwalian, at ang buong mundo ay dumaraing sa ilalim ng bigat ng pagkakasalang ito.

8 Ito ay isang bakal na pamatok, ito ay isang matibay na panggapos; ang mga ito ang mga yaong posas, at tanikala, at tali, at pataw ng impiyerno.

9 Anupa’t ito ay isang mahalagang tungkulin na utang natin, hindi lamang sa sarili nating mga asawa at anak, kundi gayundin sa mga balo at ulila sa ama, na ang mga asawa at ama ay pinaslang sa ilalim ng kamay na bakal nito;

10 Na ang madidilim at nangingitim na mga gawa ay sapat upang ang impiyerno na rin ay mangatog, at mangilabot at mamutla, at mayanig at manginig ang mga kamay ng yaong diyablo.

11 At gayundin, ito ay isang mahalagang tungkulin na utang natin sa lahat ng sumisibol na salinlahi, at sa lahat ng may dalisay na puso—

12 Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng sekta, pangkat, at grupo na binubulag ng tusong panlilinlang ng mga tao, na mga naghihintay upang manloko, at napagkakaitan lamang sila ng katotohanan sapagkat hindi nila nalalaman kung saan ito matatagpuan—

13 Samakatwid, nararapat nating igugol at ilaan ang ating buhay sa pagdadala sa liwanag ng lahat ng nakukubling bagay ng kadiliman, yamang nalalaman natin ang mga ito; at ang mga yaon ay tunay na ipinapaalam ng langit—

14 Kaya nga ang mga ito ay nararapat na asikasuhin nang may ganap na pagsusumikap.

15 Huwag ituring na maliit na bagay ang mga ito ng sinumang tao; sapagkat marami pang iiral sa hinaharap, na may kinalaman sa mga banal, na nakasalalay sa mga bagay na ito.

16 Nalalaman ninyo, mga kapatid, na ang isang napakalaking sasakyang-dagat ay labis na natutulungan ng isang napakaliit na timon sa oras ng bagyo, sa pamamagitan ng pagsasaayos dito nang naaayon sa hangin at mga alon.

17 Samakatwid, mga pinakamamahal na kapatid, ating malugod na gawin ang lahat ng bagay na abot ng ating makakaya; at pagkatapos, nawa ay magpakatatag tayo, nang may lubos na katiyakan, na makita ang kaligtasan ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipakita.